5: The Psycho
Inoobserbahan ni Mephist ang reaksiyon ni Jin. Nakatulala na naman ito sa kung saan. Alam niyang magbabago na naman ang pagkatao nito kapag natutulala ito.
Pumaling sa kanan ang ulo ng babae at bigla itong sumandal sa upuan. Nagbagong bigla ang tingin nito at biglang tumalim habang nakataas ang kaliwang kilay. Nakataas din ang kanang dulo ng labi at bahagyang nakangisi nang magsalubong ang tingin nila ni Mephist.
"Me . . . phis . . . to . . . phe . . . les," pagbaybay ng babae sa pangalan ng kaharap. "Long time, no see."
Inangat ni Mephist ang mukha niya at pababang tiningnan ang kausap upang sukatin ito ng tingin. "Erah."
"Oohh. I really love it when you call me by my real name."
Yumuko si Mephist at lalo pang naging seryoso ang mukha. Sinilip niya ang relo at wala na sa mood na nagsalita. "Malaki na ang problema ng lugar na 'to. Huwag mo nang dagdagan pa."
"Dagdagan?" Natawa nang mahina si Erah. "Wala pa nga akong ginagawa. Bakit ba parang takot na takot kayo sa 'kin? Nagpapakabait naman ako, a?" Tumayo siya at hinawakan ang baba ni Mephist upang iangat ang mukha nito. "Don't worry, makikipag-cooperate ako nang maayos." Muli na naman siyang ngumisi at halatang may masamang balak bago tiningnan ang paligid.
Tinabig ni Mephist ang kamay ni Erah at hinigit ang pulsuhan nito. Mabigat ang tinig niya nang magsalita. "Wala akong tiwala sa 'yo. Malamang, hindi ka pa man nakakalayo diyan sa inuupuan mo, may mapapatay ka na agad."
Natawa nang may kalakasan si Erah. "You knew me well. Good for you."
Tinitigan ni Erah nang deretso sa mata si Mephist dahilan para magkaroon ito ng pagkakataon para patulugin siya.
"Erah, sleep."
Snap!
Ang kaso . . .
"I'm sorry, my dear. Hindi kasingkitid ng utak nila ang utak ko." Binawi ni Erah ang kamay at siya naman ang kumuha ng pulsuhan ng lalaki at ibinagsak sa mesa ang halos buong braso nito. "Saka mo na gamitin 'yang kalokohan mo kapag si Jocas o kaya si Jin na ang nasa katawang 'to, hmm?" Kinuha niya ang tinidor na nasa mesa at ibinaon sa manggas ng damit ng lalaki bilang pagbabanta at pagpigil dito. Umalis na agad siya sa inuupuan palabas ng mess hall.
"Erah!" sigaw ni Mephist at pinilit na alisin ang tinidor na nakabaon sa manggas niya at sa mesa. "Erah, you're not helping!"
"Who said I will help?" sagot pa ni Erah habang lumalayo na sa pinanggalingang mesa.
Pinunit ni Mephist ang damit dahil hindi na talaga niya matanggal mula sa pagkakabaon ang tinidor. Mabilis niyang hinabol ang babae para pigilan ito.
"Erah!" Kinabig niya ang kanang braso nito para paharapin sa kanya. "Hindi na maganda ang lagay ngayon ng HQ!"
Tinaasan lang iyon ng kilay ni Erah. "Ano ngayon?"
Bumakas ang pagkadismaya at pagkalito sa mukha ni Mephist kahit pa inaasahan na niya ang ganoon sa babae. "Wala ka ba talagang pakialam?"
"Wala," simpleng tugon ni Erah at ipinorma nang deretso ang kanang hintuturo at hinlalato. Itusok niya iyon sa kanang balikat ni Mephist kasunod ay binira niya ng palad ang dibdib nito.
Nabitiwan siya ni Mephist at agad itong bumagsak nang maparalisa ang itaas na katawan dahil sa ginawa niya.
"Magpasalamat ka dahil wala pa 'kong balak na patayin ka." Tiningnan ni Erah ang paligid. Lahat ay nakatingin sa kanya. Taas-noo siyang tumalikod upang tunguhin ang daan palabas ng mess hall. Hindi niya pinansin ang mga Ranker at tuluyan na siyang tumungo papuntang lobby ng main building.
"Ang pangit ng suot ko," puna niya sa sarili habang naglalakad. "Wala man lang ka-class-class ang mga damit nila rito sa lugar na 'to."
Naabutan niya ang lobby na puno ng mga Ranker na nagkakagulo. Paroo't parito ang mga tao at mukhang may di-magandang nagaganap sa mga oras na iyon.
Nakakailang hakbang pa lang siya pagtapak sa lobby ay may nakita na siyang babaeng sinasamantala ang kaguluhan sa mga sandaling iyon. Pasimple itong nagtago sa isang haligi ng receiving area ng gusali at kapansin-pansin ang maliit na kahong hawak nito.
Napangisi si Erah at hinarang ng kanang braso ang nagmamadaling Ranker na palampas na sana sa kanya.
"Nagmamadali ako!" singhal ng Ranker ngunit hindi niya iyon pinansin. Mabilis niyang kinuha sa holster nito ang isang assault knife at ibinato sa babaeng nakatago sa haligi.
Mukhang nakita rin siya nito mula sa nagkakagulong mga tao at mabilis nitong nailagan ang paparating na patalim.
"Magaling," naibulong ni Erah at mabilis na tinakbo ang direksiyon ng babae.
"Pababa na ang Elites!"
Naghahalo-halo ang ingay at mga salita sa lobby. Sinubukang tumakbo ng babaeng may hawak na kahon at ituloy ang ginagawa sa ibang lugar ngunit napigilan agad siya ni Erah.
"Ano ba?! Bitiwan mo nga ako!" tili ng babae nang hablutin ni Erah ang braso niya at ibaon doon ang mga kuko.
"Bibitiwan? Huh!" Kinuha ni Erah ang kahon at nakitang maliit na explosive device iyon. "Malamang na ipinadala ka ng matatandang 'yon."
"Bitiwan mo 'ko!" sigaw nito at sinubukang sikuhin si Erah sa mukha.
"Nice try, bitch!" Sinalubong ni Erah ang siko nito gamit ang hawak na metal na kahon at sa lakas ng pagkakatama ay nabali ang siko ng babae.
"Fuck!" sigaw nito nang lumaylay ang brasong nabalian ng buto.
Agad na nayupi ang kahon. Ipinasok agad iyon ni Erah sa masikip na damit ng babae at kinuha ang patalim na nakabaon sa haligi. Kasunod ay puwersahan niyang pinadapa ang babae at ibinaon niya ang kutsilyo sa kamay nito hanggang umabot nang may kalaliman sa sementadong sahig. Pagkatapos niyon ay maliksi niyang tinalon at tinakbo ang patungong elevator.
Ilang saglit pa'y nakarinig sila ng mahinang pagsabog sa lobby.
"What the hell?!"
"Casualty sa lobby!"
Nakatuon ang titig ni Erah sa bahagi ng haliging iyon ng lobby. Hindi gaanon kalakas ang bomba dahil wala man lang siyang nakitang usok mula roon. Ngunit nakita niya ang pagsambulat ng pira-pirasong laman ng tao sa palibot ng haligi at ilang pagkalat ng dugo sa salaming dingding.
Saka lang kumunot ang noo ni Erah nang pagtuunan ng pansin ang kabuoan ng mga pangyayari. Napakarami niyang nakikitang mga taong hindi dapat naroon. At literal na nakaaamoy siya ng mga kalaban sa paligid.
Tumunog ang elevator bell.
Bahagyang lumingon sa likuran si Erah at tumindig nang deretso nang maamoy ang pamilyar na bango.
"Daniel," naisatinig niya at agad na tumalikod.
Bumungad sa kanya ang apat na taong laman ng elevator. Pagtapak na pagtapak ng mga ito sa sahig ng lobby, siya na agad ang sumalubong. Nakasuot ang mga ito ng uniporme ng HQ. Isang naka-uniporme ng Lambda. Dalawang naka-uniporme ng Nu.
"Erajin?" bungad sa kanya ni Ranger. Tinitigan siya nito mula ulo hanggang paa. "Pinagpapahinga ka sa ward, a! Bakit—"
Hindi na naituloy pa ni Ranger ang sinasabi nang itaas ni Crimson ang kaliwang kamay nito para patigilin siya.
"Erajin," tawag ni Crimson sa pangalan niya. Inangat nito ang tingin at nag-angat din siya ng tingin habang nakataas ang kaliwang kilay. Humalukipkip pa siya at lalong inayos ang tindig upang magmataas.
"Nagkita na kayo ni Arkin?" tanong pa ni Crimson nang mahalatang hindi ang primary identity ang nasa katawan ni RYJO sa mga oras na iyon.
"Nasa mess hall siya ngayon. Hindi ko alam kung sino na ang kumaladkad sa kanya matapos ang ginawa ko," tugon naman niya. "Hindi pa naman patay."
"Oh shit," mahinang mura ni Ranger at biglang napahilamos gamit ang kanang palad. Tumalikod ito at pasimpleng humarap kay Neptune na katabi nito. Simangot na simangot ang mukha nito nang sulyapan ang asawa. "Yung demonyita niyang alter ang nasa katawan."
Saglit na sinulyapan ni Crimson ang likuran ni Erah. Nagkakagulo sa lobby. May pinagkakaguluhaan sa kaliwang direksiyon nila. Alam na agad nito na ang kausap ang may kagagawan ng nangyari kahit walang magsabing kahit sino.
"Kumusta ang pakiramdam mo?" kaswal na tanong ni Crimson. Animo'y hindi napapansin ang kaguluhan sa lobby ng main building.
"Parang nangangalay ang katawan ko," sagot ni Erah. "Kailangan ko ng damit. Dalhan mo 'ko."
Nakailang irap na si Ranger habang nakatalikod dahil hindi talaga niya gusto ang asal ng alter na iyon ni RYJO. "Kung makapag-utos kay Daniel, akala mo, may alila."
"Pumunta ka sa U office. Dadalhan kita ng damit doon," kalmadong sagot ni Crimson.
"Stop spoiling him, Dan!" sermon ni Ranger.
"Brielle," pigil ni Crimson sa katabi bago ibalik ang tingin kay Erah. "We're going to talk later. Bumaba ka muna sa opisina. Hindi magandang nandito ka sa lobby. Mabilis kang makikita ng mga humahanap sa 'yo."
"Fine." Nanatiling taas-noo si Erah at lumapit sa elevator.
"Bitch," paismid na bulong sa kanya ni Ranger.
"Tell that to yourself, weakling," balik naman ni Erah at inirapan din ang babae.
"Aba, talagang—"
"Brielle," awat ni Neptune sa asawa.
Nag-scan na ng palad si Erah at pumasok na sa elevator.
"Hintayin mo 'ko sa opisina," huling salita ni Crimson bago pa magsara ang pintuan ng elevator.
Escadron Elites. Ang grupong bihira lang magsama-sama sa lugar na iyon, maliban na lang kung nasa masama nang status ang HQ. Habang tumatagal, unti-unti nang lumalabas ang lahat ng masasamang resulta ng ginawang paghahamon ng giyera ni RYJO laban sa mga Superior at sa Criminel Credo.
Dalawang malalakas na pintig ang bumalot sa buong katawan ni Erah. Namilog ang mga mata niya at agad na napahawak sa magkabilang tainga.
"Hindi," kinakabahang sabi niya.
Muling pagtibok at pinandilatan niya ang sahig ng elevator.
"Huwag! Tumigil kayo! Huwag!"
Dalawang huling malalakas na tibok at lumawak ang itim na balintataw niya. Nawalan ng lakas ang magkabilang braso niyang bumagsak na lang nang kusa. Wala siyang ibang nakikita sa mga oras na iyon. Blangko ang isipan, walang kahit ano o sinong kumokontrol sa sariling katawan.
Inilapat niya ang palad sa scanner habang nakatulala sa pinto ng elevator. Agad ding lumabas ang buton ng pagpipiliang floor. Hindi man lang niya napansing lumapat ang balat ng daliri niya sa isang palapag na naroon pagkabagsak na naman ng kamay niya.
Floor 8B.
Bumaba na ang elevator para tunguhin ang HQ Treatment Center.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top