3: Provocateur
"Narito ka pa rin pala sa Assemblage," ani Mephist habang nakahalukipkip at nakatingin sa kapatid niyang nagulantang pagkakita sa kanya sa ward.
"Ano'ng ginagawa mo rito?" tugon ni Ring dahil hindi rin niya inaasahang makikita uli ang kapatid, at sa lugar na iyon pa.
"Malamang, alam mo na kung ano'ng meron."
"Magkakilala kayo?" tanong ni RYJO habang pinipilit bumangon sa higaan.
"He's my brother. Blood-related, father side," sagot ni Mephist.
"Really?" Naningkit si RYJO kay Ring na nasa pintuan ng ward. "Bakit nandito 'yan? Bakit hindi kinuha ni Thompson?"
Pinutol ni Ring ang usapan ng dalawa. "Paano ka nakapasok dito sa HQ?" tanong nito kay Mephist.
"Masyadong busy ang lahat at hindi na ako napansin. Sino nga naman ang papansin sa gaya ko rito? Malawakang giyera ang idineklara nitong magandang katabi ko," sabi ni Mephist sabay kindat kay RYJO.
"You can't flirt with me with that tone, brother," sagot ni RYJO at umalis na sa sa higaan. "I'm not Jinrey."
"Paano mo nalamang makikita mo siya rito sa treatment center?" tanong ni Ring sa kapatid. Nakailang lingon din siya sa magkabilang gilid para malaman kung may tao ba sa area bago pumasok sa loob ng ward at isinara ang pinto.
"Tinanong ko ang isang Ranker kung nasaan si RYJO. Sinagot naman ako agad," kaswal na tugon ni Mephist.
"Tell us a better lie, Arkin," sarkastikong ani RYJO at sinubukang alisin ang mga nakakabit sa kanyang mga karayom. "Alam nating hindi basta-basta magsasalita ang isang Ranker tungkol sa location ko. Malamang na ginamitan mo na naman ng kalokohan mo kaya nakapagsalita."
"I need to know. You're my target. Hey!" Sinubukan niyang abutin si RYJO at pigilan ito sa ginagawang pagtanggal ng mga IV needle ngunit wala rin siyang nagawa. Hindi nagpapigil ang babae.
Lalong kinabahan si Ring para sa kapatid. "Kuya, kapag nalaman nilang may nakapasok na Leveler dito sa HQ—"
"Hindi lang ako ang makakapasok dito sa HQ na hindi Ranker sa panahong 'to," paliwanag ni Mephist. "Isa-isa nang pumapasok ang lahat ng agent sa buong perimeter. May nakita akong member ng special security. Nakita ko sa labas ang ilang member ng herd at nakikipag-usap sa mga commander n'yo. May mga First Expert ng Congregation sa main building. Isa na ako sa mga First Echelon na nandito at nasa meeting pa ang Elites."
"Ano'ng ginagawa nila rito?" nalilitong tanong ni Ring. "Bakit hindi sinasabi nina Tank na may gano'ng nangyayari?"
"Breached na ang security ng main building. Open ground na ang HQ. Nagpadala ng reinforcement ang bawat assoc para tulungan ang HQ sa major attacks," dagdag ni Mephist.
"It's a war, kid," paningit ni RYJO sa usapan nila. "Kailangan nilang malaman kung saan at kanino papanig."
Tiningnan naman ni Ring ang pagkaing nabitiwan niya sa sahig dahil kinailangan niyang umatake.
"Pasensiya na, natapon ang pagkain mo," dismayadong sabi ni Ring kay RYJO. "Mukhang ang huling kain mo ay noong nasa Criasa Marine pa tayo. Dalawang linggo ka nang walang kinakain."
Hinayaan na lang ni RYJO na tumulo ang kaunting dugo sa likod ng kamay at braso niya. "Pupunta na lang ako sa mess hall."
"Ha?"
Tumungo na si RYJO sa pinto.
"Jin," pigil ni Mephist sa kanya. "Ikaw, di ko talaga alam kung anong klaseng pag-iisip meron ka."
"Kailangan kong kumain kaya aakyat ako sa mess hall."
"Kung kakain ka, kumain ka rito. Dadalhan ka namin ng pagkain."
"Tresspasser ka lang, Arkin, kaya wala kang karapatang pigilan ako." Hindi siya nagpapigil kay Mephist. Dumeretso pa rin siya sa pintuan.
"Hindi pa kaya ng katawan mo!" dagdag ni Ring. "Huwag ka munang—"
"Isa ka pa." Dinuro niya ang lalaki at nagbanta. "Huwag n'yo 'kong pakialamang magkapatid kung ayaw n'yong samain sa 'kin." Tuloy-tuloy na siyang lumabas ng ward.
Tiningnan na lang nina Mephist at Ring ang isa't isa saka sinundan si RYJO.
Muli, tinahak na naman nila ang pasilyong kulay puti lang ang pintura. Nagre-reflect ang puting LED light sa bawat kanto ng dinaraanan nila. Walang ibang tao sa lugar na iyon maliban sa kanilang tatlo kaya dinig na dinig ang yabag ng mga sapatos ng dalawang lalaki at hindi man lang pinuna ang nakayapak na si RYJO.
"Delikado kapag nakita ka nila rito sa HQ, Kuya!" pabulong na sermon ni Ring sa kapatid.
"I am welcome here," walang reaksiyong sagot ni Mephist at kaswal lang na lumakad.
"Kuya!" Hinatak ni Ring ang braso ng kapatid at tiningnan ito nang masama.
"Ren, alam ko ang ginagawa ko." Binawi ng lalaki ang braso niya mula sa pagkakahawak ni Ring. "At isa pa, wala silang magagawa dahil nakapasok na ako rito. Baka lang nakakalimutan mo, galing ako rito."
Mabilis na naglakad si Ring at hinarang si RYJO. "Kilala mo siya, di ba?" Napahinto tuloy ang babae at tiningnan siya nang masama. "Kilala mo ang kapatid ko."
Itinulak lang ni RYJO si Ring at dumeretso sa paglakad patungo sa pinakamalapit na elevator. "First Echelon: Level 1, Agent Code: Mephistopheles. May problema ka ba?" sarkastikong pakilala ni RYJO.
"Pero hindi siya—"
Pumasok silang tatlo sa elevator at si RYJO na ang nag-scan ng palad paakyat sa ground floor.
"Member ng Elites ang kapatid ko," pamimilit ni Ring. "Hindi siya Leveler. At hindi siya magiging Leveler kung hindi dahil sa 'yo—"
"Eirren!" Tumaas na ang boses ni Mephist at puno ng pagbabanta ang tingin nang ibato iyon sa kapatid. "Desisyon namin ni President ang mapunta ako sa Asylum. Stop pushing your thoughts about the Elites and Assemblage."
"Pero, Kuya—"
Matalim na tingin ang ibinigay ni Mephist sa kapatid dahilan para matahimik ito.
Sinilip ni RYJO mula sa dulo ng mata niya si Ring at nagsalita. "Kapatid mo ang nagligtas sa Asylum dahil sa nangyaring pagkawala ni Shadow sa association na 'yon six years ago. Kung iniisip mong ako ang may kasalanan kaya siya napatalsik bilang miyembro ng Escadron Elites—"
"Jin," pigil ni Mephist sa kanya. "Wala kang utang na paliwanag sa kahit na sino."
"Gusto ko lang linawin sa kapatid mo ang punto niya. Kung gusto niya 'kong gantihan dahil ako ang may gawa ng pagkakatanggal mo sa Elites, mabuti nang ngayon pa lang, alam na niya kung ano ang katotohanan."
"It wasn't your fault, Jin," katwiran ni Mephist. "Ako ang namili ng papanigan ko. Alam nating pareho na si Thompson ang nagpasok sa 'kin sa Isle kaya ako naging miyembro ng Elites. Hindi ko siya puwedeng tanggihan. At hindi mo kasalanan kung nawala si Shadow sa Asylum six years ago. Alam din nating pareho na desisyon niyang mawala. Binigyan mo lang siya ng pagkakataon kaya nangyari 'yon."
"Ibig sabihin—"
"Stop it, Eirren. Don't meddle with this issue. It's none of your business."
Nakaabot na sila sa ground floor. Bumukas na ang elevator. Bumungad sa kanila ang mga Ranker na paroo't parito sa dami ng kailangang asikasuhin.
Napahinto ang lahat nang tumapak sa lobby ng main building sina RYJO, Ring, at Mephist.
Nagkanya-kanyang hawak sa mga armas ang mga naroon at masamang tiningnan ang tatlo.
"Naimbitahan ba ng HQ ang agent provocateur ng Asylum dito?" tanong ng isang Ranker na malapit sa kanila.
Napaatras si Ring at tiningnan si Mephist. Ibinalik niya ang tingin sa mga kasamahang Ranker at nahagip ng tingin si Tank na may dalang mga folder at agad na umiling pagtagpo ng mga mata nila. Nababasa niya sa mukha nito ang pagkadismaya na hindi niya dapat hinayaan si RYJO na umalis ng medical ward.
Wala namang reaksiyon si RYJO at tuloy-tuloy na naglakad. Sumunod naman sa kanya si Mephist na parang walang nangyayari.
"At saan n'yo balak pumunta?" tanong pa ng isang Ranker at walang pagdadalawang-isip na tinututukan si RYJO ng baril habang naglalakad ito.
"Sa dinami-rami ng tututukan ng baril, ako pa talaga?" Tiningnan niya nang masama ang lahat habang naglalakad. Itinuro niya ang Ranker na may hawak ng baril. "Pakisabi nga sa baguhang 'yan na maikli ang pasensiya ko."
Nakarinig siya ng mahinang kalabit mula sa direksiyon ng Ranker na pinagsasabihan niya.
Huminto siya at walang ano-ano'y hinaltak ang army tag na suot ni Mephist. Mabilis niya iyong ibinato sa Ranker na tumutok sa kanya ng baril.
"What the f—" Nabitiwan nito ang hawak nang bumaon sa nguso ng baril ang tag.
"Come on!" panghihinayang ni Mephist. "Tag ko 'yon, Erajin!"
"Blame the guy," naiiritang tugon ni RYJO habang patuloy na naglalakad. "Gawin n'yo ang inutos sa inyo ni Razele at huwag n'yo kaming pakikialaman. Isang harang pa sa 'kin at papatayin ko na kayong lahat na nandito."
Natahimik ang mga naroon at agad na tumabi sa dinaraanan nila. Bakas sa mga mukha ng ilan ang gulat dahil sa nangyari. Ang iba naman na nakakakilala kay RYJO ay napailing na lang. Alam na kasi ng mga ito na mali sila ng babanggain. Pero wala silang karapatang mangialam, lalo na kung hindi naman nila ka-team ang may atraso.
Nagpatuloy sina RYJO at Mephist sa paglalakad.
"Mas gusto kong si Jinrey ang nasa katawan mo. Hindi kasi siya marunong gumawa ng eksena," ani Mephist na nakahalukipkip at nilalakad ang malawak na lobby papunta sa mess hall ng main building.
"Ang sabihin mo, may binabalak ka kaya gusto mo siyang kasama," sagot ni RYJO.
"Ang akala, si Jocas muna ang gagamit ng katawan mo. Bakit ka nandito ngayon?"
"Buhay si Psyche. Nakita ko siya sa auction bago ako mawalan ng malay."
Napahinto si Mephist sa paglalakad at nagtatakang tiningnan si RYJO na dere-deretso lang patungong mess hall na ilang metro na lang ang layo sa kanila.
"Erajin, patay na si Psyche. Hanggang ngayon ba, hindi mo pa rin 'yon matanggap?"
"Buhay siya at nakita ko siya." Umalingawngaw lang ang salita niya sa salaming haligi ng daan.
Umiling si Mephist at tumakbo palapit kay RYJO. "Siguro, dapat mo nang tigilan ang pag-intake ng mga gamot na 'yon. Lumalala na ang hallucinations mo."
Tumalikod si RYJO at masama ang tingin sa lalaki. "Alam ko kung ano at sino ang nakita ko noong gabing 'yon kaya huwag kang magsalita na guniguni ko lang ang nakita ko."
Agad na umiling si Mephist. "Erajin, I was there. Naroon kaming lahat sa auction. Walang Psyche roon, okay? Patay na siya. At pinatay siya ng mismong alter mo. Sana tanggapin mo na ang bagay na 'yon," seryosong sabi ng lalaki.
Kahit hanggang tainga lang siya ni Mephist, nagawa pa rin niya itong sakalin at ibaon ang mga kuko niya sa leeg nito. Hindi naman na ito nanlaban at hinayaan na lang siya sa pananakal.
"Erajin, hindi mo pa rin mababago ang katotohanan kahit pa patayin mo 'ko ngayon," paliwanag ni Mephist kahit na hirap pa itong lumunok.
Nakipagsukatan ng tingin si RYJO. Seryoso si Mephist. Bumitiw siya sa leeg nito at dumulas na lang ang kamay niya sa kuwelyo ng suot na long sleeves nito bago siya nagbuntonghininga. Napayuko siya at kinagat ang labi.
"Alam nating hindi mo ginusto ang nangyari sa kanya pero nangyari na. We tried, Jin. You knew we did everything to avoid that."
Inakbayan siya ni Mephist at bahagyang tinakpan ang paningin niya para alisin ang lungkot sa mga mata niya. Iginiya na lang siya nito papasok ng mess hall.
"Pasensiya na kung pinaalala ko pa. As a matter of fact, hindi naman talaga ako pupunta agad dito kung hindi lang ako ipinatawag ni Daniel."
"Akala ko ba, ipinadala ka ng guild at ng Asylum?"
"Yes, we're on it. Pero wala akong balak sundin ang kahit sino sa kanila."
"Pero si Dan, sinunod mo."
"Alam nating pareho kung anong klaseng tao si Crimson. Kakailanganin ko muna ng matinding dahilan para labanan siya. Mahirap na." Tiningnan pa ni Mephist ang paligid pagtapak na pagtapak nila sa loob ng mess hall. "Nagpalit pala sila ng interior. Dati, nasa kanan ang kitchen counter, tapos pinalayo pa nila lalo ang salad counter, tsk. Apply kaya akong interior designer dito?"
Napakaraming Ranker ang naroon at abala sa pagkain. Kanya-kanya rin ang usapan ng mga ito sa bawat mesa. Napahinto nga lang ang lahat pagpasok nila.
"Okay. Ito na naman tayo. Jin . . ." Napahinto rin si Mephist at tiningnan si RYJO na biglang natulala na naman. "Erajin?" Dalawang beses niyang pinitik ang mga daliri. "Erah? Jin? Jocas?"
Dahan-dahang tumingin ang babae kay Mephist. Unti-unti, biglang namilog ang mga mata nito at sumigaw.
"Waaah!" Itinulak niya agad si Mephist at lumayo nang kaunti. Pinagkrus niya ang mga braso at naniningkit nang tingnan ang lalaking nakataas ang kilay sa kanya. "Ano na namang kalokohan ang ginawa mo sa 'kin, ha, Arkin? Tsk, tsk, tsk. You're bad."
Pinaikutan na lang ng mata ni Mephist ang narinig at nagkamot ng batok. "Jocas again. Will you . . . ? Okay, fine. Never mind."
Tiningnan ni Jocas ang paligid at nakita niya ang mga Ranker na iba ang tingin sa kanilang dalawa ni Mephist. Maraming Ranker ang nakaupo sa mga mesa at napahinto sa pagkain habang pinanonood sila.
"Ah!" Napasigaw siyang saglit dahil sa pagkabigla. "Aaah!" Mas matagal pa at itinuro si Mephist habang gulat na gulat ang mukha. "Aaaaah!" Mas lalo lang niyang nilakasan ang pagsigaw at mas mahaba pa.
Napataas ng magkabilang kamay si Mephist bilang pagsuko saka umiling sabay tingala. Halata sa mukhang wala nang pag-asa ang kasama niya.
"Hoy! Ano'ng ginagawa mo rito, Arkin? Bakit ka nandito!"
Napatakip na lang ng mukha si Mephist dahil sa overacting na reaksiyon ni Jocas. Siya na ang nahihiya para dito.
"Ang tagal namang magpakita ni Jinrey," naiinip na bulong ni Mephist habang umiiling. "Tara na nga, gutom lang 'yan."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top