2: Mephistopheles
Abalang-abala sa mga oras na iyon ang HQ Main Sector. Mas lalong naging abala ang lahat ng agent na naroon at tumatanggap ng order. Walang teleponong hindi napahinga. Walang bibig ang hindi nakatanggap ng tawag. Kada minuto, kada oras, may nagbabalita sa kanila mula sa labas at sa iba't ibang branch ng MA. Hindi lang iyon, damay na pati ang ibang association.
"Nagsisimula nang magpadala ang guild ng mga tao para patayin si RYJO," paalala ni Razele sa mga tauhan niya. "Gano'n din ang lahat ng association para sa reinforcement. Alerto kayong lahat dahil magiging open ground ang HQ sa lahat ng klase ng agent ngayon."
"Copy, Chief!"
Naglapag na ng direktiba mula sa Main Sector. Lahat ng Rankers ng HQ, mula sa mga rookie hanggang sa mga high rank, ay kailangang manatili muna sa HQ sa mga susunod na araw o linggo. Kung makalabas man sila, kailangan pa rin ng backup dahil wanted ang mga Ranker sa panahong iyon.
Samantala, sa opisina ng Upsilon, napag-usapan na nila ang mga kailangang gawin.
Mabigat sa panig nila ang mga nangyari dahil Upsilon ang huling team na hinawakan ni RYJO bilang commander. Bawat karugtong ng pangalan ng Slayer ay maiuugnay rito—personal mang may kinalaman dito o wala—damay sa lahat ng kaso.
"Ring, dalhan mo ng makakain si RYJO sa treatment center. Nasa Ward 5 siya," utos ni Tank sa agent niya.
"Sige, ako na'ng bahala," tugon ni Ring at tumungo na sa mess hall ng main building para kumuha ng makakain doon para ibaba.
Napakabilis ng oras sa Main Sector. Napakabilis din ng pagtakbo ng segundo sa HQ Main Building. Pero sa ward kung nasaan si RYJO, pakiramdam niya ay lalo lang hindi gumagalaw ang oras. Hindi niya alam kung anong araw na o oras man lang. Puwede naman siyang umalis doon anumang oras, pero minabuti na lang niyang maghintay ng tamang pagkakataon.
Sa mga oras na iyon, isang di-kilalang lalaki ang palihim na pumasok sa loob ng ward. Pinatay nito ang ilaw mula sa switch na nasa tabi ng pintuan bago tuluyang pumasok. Para itong hangin kung maglakad dahil wala itong nagagawang ingay habang lumalapit kay RYJO.
Malas lang nito dahil mas malakas ang pakiramdam ni RYJO kaya agad na nagising ang babae dahil sa presensya ng tao sa lugar.
Babangon pa lang si RYJO ngunit hindi na nito naituloy pa. "Ikaw—"
Hindi na niya natapos ang sasabihin dahil tinakpan agad ng lalaki ang bibig niya at maliksi itong pumatong sa kama. Nakaluhod ang magkabila nitong tuhod sa magkabilang gilid ng baywang niya at isang matamis na ngiti ang ibinigay nito sa kanya.
"Ang laki ng ipinagbago mo mula no'ng huli tayong magkita," anito habang nasisilayan siya ni RYJO mula sa kaunting ilaw na nagmumula sa labas ng ward.
Napahugot ng hininga si RYJO at nanuot agad ang amoy ng lalaki sa pang-amoy niya. Napakabango nito at napakadaling sundan ng amoy kung sakali.
Tinanggal na nito ang kamay sa bibig niya at ipinatong na lang ang magkabilang palad sa pagitan ng kanyang ulo.
"Nababaliw ka na ba?" naiinis na tanong ni RYJO ngunit imbes na sagutin ay bigla siya nitong hinalikan sa labi at agad ding lumayo bago ngumiti uli.
"What the fuck?" buong pagtatakang mura ni RYJO habang kunot-noong nakatitig sa mga mata ng lalaking pumasok sa ward.
"That's my greeting for Jin," katwiran nito.
Hindi maipaliwanag ni RYJO ang nararamdaman. Nakarinig siya ng tatlong malalakas na tibok—hindi mawari kung sa dibdib ba o sa sentido ang pinagmumulan—hindi niya alam. Parang gustong lumabas ng lahat ng alter niya ngunit hindi iyon nangyari. Animo'y kinukuha ng lalaki ang lahat ng kaluluwang mayroon siya sa katawan niya.
"Nagdadalawang-isip tuloy ako kung papatayin ba kita o hindi."
"Mephist! Baliw ka na talaga!" gigil ngunit impit na tili ni RYJO.
Inilapit ng lalaki ang labi sa pisngi ni RYJO at bumulong sa kanang tenga nito. "Personal akong binigyan ng order ng guild para patayin ka."
Napalunok si RYJO at seryosong sumagot. "Bakit hindi mo pa gawin?"
"Ang kaso, binigyan din ako ng mission ng Asylum. Ipinadala ako ng president para protektahan ka."
Inilayo ng lalaki ang mukha kay RYJO at tumawa nang mahina. Iyon ang ayaw ni RYJO sa lalaking iyon. Hindi niya alam kung bakit kahit malalim ang boses nito at malamig ay kaya pa rin siyang pakalmahin at pakabahin nang sabay.
"Ibang klase ka talaga, Erajin. Magnet ka ng lahat ng kasalanan."
"Ano'ng ginagawa mo sa kanya?"
Isang lalaki na naman ang lumitaw sa may pintuan ng ward at nagpakawala ng isang dagger para patamaan si Mephist.
Nakuha naman agad ni Mephist ang patalim at agad na ibinaon sa headboard ng kama. Umalis na agad siya sa ibabaw ni RYJO at tiningnan kung sino ang nasa pinto.
Pagbukas ng ilaw ng buong ward . . .
"Surprise, surprise."
Dahan-dahang lumaki ang ngiti ni Mephist habang gulat na gulat naman ang lalaki sa pintuan.
"It's been a long time, huh?" pagbati ni Mephist sa taong nasa pintuan. "Eirren."
"K-Kuya?"
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top