Part 6
Nakapiring at nakaposas ang magkabilang kamay ni Jin. Nakatayo siya sa isang malawak na lugar. Hindi niya alam kung saan siya kinaladkad ng mga Ranker na kumuha sa kanya dahil ibinalot ang ulo niya sa isang makapal na panaklob. Napakatahimik sa paligid pero nakararamdam siya ng presensya ng tao sa iba't ibang direksiyon.
"Saan n'yo ako dinala?" seryoso niyang tanong sa kung sino man ang makasasagot niyon. "Ano'ng gagawin n'yo sa 'kin?"
Walang sumagot sa kanya. Tinanggalan lang siya ng saklob sa ulo.
Bahagya siyang napapikit dahil sa malamlam na liwanag. Unti-unti niyang inobserbahan ang lugar. Tiningnan niya ang sahig, ang mga gilid, ang kabuoan. Bigla siyang kinabahan.
"A-Ano'ng—bakit ako . . . bakit ako nasa arena?"
Lumingon siya sa paligid para hanapin kung sino ang puwedeng makasagot sa tanong niya. Wala siyang ibang makita maliban sa mga taong nakapaligid sa kanya na pawang mga nakapiring at nakaposas ding katulad niya.
Sa mga oras na iyon, nasa gitna siya ng arena at pinalilibutan ng mga Ranker na naimbitahan sa Havoc of the Summoned. Mga Ranker na may mission sa auction, mga kasali, at nakaligtas sa hindi natapos na Annual Elimination.
"Good morning, RYJO."
Napalingon si Jin sa nagsalita. Napatingin siya sa itaas, sa may balcony ng stadium. Nakatayo roon ang isang lalaking tantiya ay nasa singkuwenta anyos mahigit ang edad. Caucasian at naka-black suit and tie.
"Welcome to Arena 4B."
Ang Arena 4B ay isa sa mga training ground ng HQ Branch para sa mga rookie nila. Ginagamit lang din ang Arena 4B kapag may malakihang battle na nilalahukan ng mga player na may mga titulo na, at kadalasan, death match ang ginagawa roon. Sa kasalukuyan, walang ibang tao sa lugar maliban sa kanila.
"By the way, let me introduce myself. I'm Mister J, the acting president of Meurtrier Assemblage: HQ Branch. Labyrinth will tell you what we're doing here." Tumalikod na si Mister J at umupo na sa balcony.
Noon lang napansin ni Jin na may mga kasama ito. Labintatlo silang nakaupo sa balcony seats at mukhang nag-aabang ng susunod na mangyayari.
"RYJO." Biglang lumitaw si Laby sa balcony. "You've killed all the bidders representing the pawns of this year's Annual Elimination. The game failed to finish because of your dull acts. And according to the Elimination Rule of the Havoc of the Summoned, only the invited Rankers were allowed to kill the targets. Unfortunately, you were not eligible to join. Now you have to undergo the process of live termination according to the terms given by the rule maker of the game," sabi ni Laby.
"Papatayin n'yo ba ako?" nag-aalalang tanong ni Jin. Walang sumagot sa kanya.
"Nasa paligid mo ngayon ang mga Ranker na naimbitahan sa Annual Elimination. At dahil hindi nila nagawa ang mission nila, they also have to undergo the process of live termination," dagdag ni Laby.
Tiningnan ni Jin ang mga Ranker na nakapiring at nakaposas.
Live termination.
Iyon siguro ang tinutukoy ni Laby na makikita rin niya sila mamaya.
"Dahil pinatay mo ang mga target nila, ikaw ang magiging target nila ngayon. 'Yan ang desisyon ng mga nasa itaas para sa nangyaring pagsira sa elimination process."
Napanganga na si Jin. Hindi niya kayang lumaban.
"Once we released them, the termination for RYJO begins."
"Pero hindi ako ang—magpapaliwanag ako!" Sinusubukan pa rin ni Jin na ipaglaban ang panig niya bilang si Jin. Hindi niya kailangang pagbayaran ang kagagawan ng ibang may kontrol sa katawan niya. "Hindi ako ang may gawa ng lahat ng 'yon!"
Naghintay siya ng kahit anong reaksiyon sa mga nasa balcony, ngunit wala siyang napala dahil walang sumagot sa kanya.
Limang Rankers ang pumasok sa arena. Lumapit ang mga ito at tinanggalan ng posas ang sampu sa mga nakapaligid na Rankers kay Jin.
Napalunok na si Jin. Lumabas agad sa arena ang limang Rankers na kapapasok lamang. Sabay-sabay na tinanggal ng sampu ang mga piring nila.
"Jocas? Erah? Milady?" bulong niya sa sarili. "Wala bang lalabas sa inyo para tulungan ako?"
Gusto niyang magpakita ang ibang alter sa mga oras na iyon dahil ayaw pa niyang mamatay. Hangga't maaari, si Erah sana ang magpakita para tapos na ang lahat. Wala siyang idea kung bakit wala pa ring pumapalit sa katawan niya sa mga oras na dapat ay hindi na siya ang may kontrol.
Nagpakiramdaman ang sampung tinanggalan ng posas. Hinihintay nilang may sumugod sa isa sa kanila.
Kung natatakot sa kanila si Jin, mas natatakot sila kay Jin.
Paikot-ikutin man ang sitwasyon, siya pa rin si RYJO. Alam nilang kahit si Otwell na founder ng MA ay takot kay RYJO. Kung ang leader nila ay walang laban sa Slayer, paano pa kaya silang mga nasa mababang ranggo lang?
"Ayoko pang mamatay! Nakaposas naman siya kaya hindi siya makakalaban!" sigaw ng isa sa mga tinanggalan ng posas.
Halos lumuwa ang mga mata ni Jin dahil nangyari na ang kinatatakutan niya. Napaatras siya nang may isang matapang na sumubok na sumugod sa kanya. Isang lalaking kasintaas niya at naka-suit pa. Lahat ng Rankers na nasa arena ay mga naka-formal attire pa—mga galing sa auction at hindi na nakapagpalit dahil hinuli agad.
"Jocas!" malakas na pagtawag ni Jin.
Papalapit na sa kanya ang Ranker. Naglabas ito ng dagger na nakatago sa suit nito at pumosisyon para umatake.
Lalong napaatras si Jin nang bilisan ng Ranker ang paglakad nito.
"Tulong!" Napapikit na lang siya paglapit ng kalaban.
Umalingawngaw sa buong lugar ang tunog ng pagbagsak ng isang metal na bagay kasabay ng pagbagsak ng katawan sa sahig.
♦ ♦ ♦
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top