Part 5
Nakaupo sina Jin at Shadow sa sahig. Nakasandal sa pader at sinusubukang huwag magpakain sa nakababaliw na puting pintura. Malamig sa loob. Hindi masabi kung ilusyon lang ba ng pintura o dahil sa ventilation na nasa kisame. Hindi sila malapit sa isa't isa, hindi rin naman sobrang layo. Tama na ang apat na dangkal na pagitan para makapag-usap nang mahina ngunit maririnig pa rin.
"Ano pala ang huli mong natatandaan bago ka mapunta rito?" tanong ni Shadow, nakatingin sa kisame ng kuwartong iyon.
"Ginagamot ang leeg ko"—napabuga muna ng hininga si Jin bago ituloy ang sinasabi—"doon sa bahay."
Nakagat ni Shadow ang labi at napatango na lamang. Alam kasi niya kung gaano karami ang nangyari pagkatapos ng isinagot ni Jin.
Sobrang daming nangyari.
"Ikaw pala talaga si Shadow," sabi ni Jin, kinukutkot ang mga kukong kinatatakutan ng karamihan.
Tiningnan ni Shadow ang katabi. Nakayuko lang ito at abala sa paglalaro ng kuko. Hindi niya maiwasang mapangiti. Iniisip niyang kung si Jocas siguro iyon, malamang na maingay sila sa mga sandaling iyon. Mapupuno ng tanong ang buong kuwarto, mag-eeskandalo, sisigaw ng tulong, o kung ano pa mang makakatawag ng pansin.
Pero hindi si Jocas ang kasama niya sa mga oras na iyon kundi si Jin.
Malayong-malayo ang maingay na ugali ni Jocas dito. Napakalayo.
"Yes . . . I was," sagot na lang ni Shadow habang tumatango. "Patay na si Shadow. Matagal na siyang wala."
Tiningnan ni Jin ang katabi.
"Alam mong ikaw si RYJO?" tanong ni Shadow, bakas ang pagkadismaya sa tono ng pananalita nito.
Tumango si Jin bilang sagot.
Humugot ng malalim na hininga si Shadow bago ituloy ang sinasabi. "Alam ba ni Jocas na ako si Shadow?"
Tumango si Jin dahil alam niyang mas maraming alam si Jocas kaysa alam niya. "Siguro."
"Nagulat ako noong malaman kong ikaw si RYJO. Hindi ko inaasahang magpapakilala siya sa 'kin."
"Sino?" nagtatakang tanong ni Jin.
"Apat kayo, di ba? Si Jocas, si Erah, ikaw, at 'yong isang ayaw magpakilala. 'Yong huli, kilala niya ako."
"Kilala ka niya? Nagpakita siya sa 'yo?" Humarap si Jin kay Shadow na puno ng pagtataka ang ekspresyon sa mukha. "Siya ba ang pumatay sa 'yo six years ago? Siya ba ang dahilan kaya ka nawala? Hindi ba si Jocas?"
Inilayo naman ni Shadow ang tingin niya at itinuon na lamang sa camera na napapansin niya ang paggalaw ng lente. "Hindi ko matandaan nang malinaw. Iba naman kasi ang kahulugan ng 'pinatay' sa kanya base sa kung paano ko siya nakilala." Naibaling niya ang atensiyon sa wedding band na suot pa rin niya hanggang sa mga oras na iyon. "Si RYJO ang pinag-uusapan dito. Hindi na kailangan ng pruweba para sabihing patay na ang target niya. The moment na idineklara nilang target niya ako for termination, doon pa lang tagged na akong patay sa mata ng lahat."
"At pinaniwalaan ng lahat na patay ka na."
Napatingala si Shadow at napaisip sa isasagot sa sinabi ni Jin. "Six years din akong wala sa association at nabuhay nang normal. Iisipin talaga nilang patay na ako sa tagal ng panahon na 'yon. May trabahong natatanggap pero wala akong sagot. Bihira ko na lang din namang buksan ang linya ko para sa dating trabaho."
"Kung gano'n, bakit hindi ka niya pinatay? I mean, literal."
"Hindi ko matandaan. Pinatay man niya ako o hindi, wala na akong balak pang alalahanin." Natawang saglit si Shadow ngunit nawala rin at nagbalik sa pagiging seryoso. "Ni hindi ko nga siya natandaan. Kung alam ko lang na ikaw siya . . ."
Hindi natapos ni Shadow ang gustong sabihin. Hindi na lang din umimik si Jin dahil siya mismo ay alam ang dahilan kung bakit kailangan nilang maglihim.
"Hindi mo ba alam 'yang mga itinatanong mo sa 'kin?" usisa ni Shadow.
Alanganin ang pag-iling ni Jin. "Iba kasi ang alam ko. Buong akala ko, si Jocas ang dahilan ng lahat. Si Jocas ang pinakamabait sa 'min at alam kong siya lang ang pipigilan ang sariling patayin ka."
"Ah, sa bagay." Tumango si Shadow. Tumango na lang din si Jin.
Pansamantala silang natahimik. Pinipilit na hindi mag-isip tungkol sa mga mangyayari. Pakiramdam ni Shadow, tinutuyo ng kulay ng kuwarto ang mga mata niya. Hindi na siya sanay sa ganoong pagpapahirap.
"Sabi ni Laby, aasahan niya tayo sa opisina niya. Gusto mong lumabas dito? Ang sakit sa mata ng kulay ng kuwarto," alok ni Jin. Mukhang nararamdaman din ang nararamdaman ni Shadow sa mga oras na iyon.
"Ang sabi niya, mas safe ka rito," kontra ni Shadow sa plano ng kasama. "Kung ako lang mag-isa, kanina pa ako tumakas."
Gusto ni Shadow ang plano ni Jin pero alam niyang delikado. Sobrang delikado dahil unang-una, hindi niya iyon teritoryo. Pangalawa, hindi niya kayang dalhin si Jin dahil sanay siyang kumikilos nang mag-isa. Pangatlo, alam niyang guwardiyado ang bawat sulok ng HQ. Isang maling kilos lang at mabilis pa sa isang kisapmata ang pag-ring ng alarm para sa code red ng isang maximum security facility gaya ng kung nasaan sila sa mga oras na iyon.
"Kaya mo naman akong protektahan, di ba?" tanong ni Jin.
Napabuga si Shadow ng hininga sa tanong na iyon. Bigla siyang na-pressure dahil hindi siya sigurado sa sagot.
"Hindi ko masisiguro sa 'yong mapoprotektahan kita kasi puwede akong atakihin ng mga Ranker oras na lumabas tayo sa pintong 'yon," sagot ni Shadow habang itinuturo ang pintuan. "Hindi ako lumalaban gaya mo—I mean, ni RYJO."
Nag-isip pa nang kaunti si Jin. Desidido na talaga. "Baka puwede nating subukan?"
Tinitigan ni Shadow ang mukha ng katabi. Siniguro pa kung seryoso si Jin sa plano nito. Mukha namang seryoso si Jin, pero hindi pa rin niya sigurado kung magtatagumpay sila sa gusto nito.
"Ayos lang sa 'yo, Jin? Delikadong lumabas," muling tanong ni Shadow.
Tumango si Jin kaya tumango na lang din si Shadow at sabay na silang tumayo saka dumeretso sa pintuan.
Humugot na naman si Shadow ng hangin at mabilis iyong ibinuga. Unti-unting nawawala ang focus ng tingin niya at pinag-iisipan kung tama bang desisyon ang gagawin nila.
Matagal na siyang wala sa trabaho. Hindi niya alam kung kaya pa ba niyang gawin ang dati niyang ginagawa, mas lalo na kung may kasama pa.
Nakagat ni Shadow ang labi, itinukod ang kaliwang braso sa bakal na pinto, at tinantiya ng tingin si Jin. "Seryoso ka rito?" paninigurado pa niya.
Tumango si Jin at bakas na bakas sa mukhang hindi ito nagdadalawang-isip sa plano nila.
Napangiwi tuloy si Shadow dahil siya ang kinakabahan sa pagiging seryoso ni Jin. Wala man lang itong katakot-takot sa iniisip.
"Matagal na akong wala sa trabaho, Jin. Sanay din akong mag-isa—"
"Okay lang," putol ni Jin sa sasabihin ng kaharap.
"Pero alam mo namang maraming guard sa labas—"
"I know. Okay lang."
Napangiwi na naman si Shadow dahil ayaw patalo ni Jin. Lalo lang tuloy siyang kinakabahan. Nasa MA sila at tao siya ng Assassin's Asylum—tao ng kalaban. Alam na alam niyang hindi siya patatakasin nang ganoon lang kadali ng mga Ranker na makakasalubong nila.
Nakagat na naman ni Shadow ang labi at alanganing umiling. "Sige. Kapag sinugod ako, yumuko ka agad. Cover your head and go to a safe area. Ako na'ng bahalang lumaban sa kanila."
"Okay," simpleng sagot ni Jin.
Nginitian lang ni Shadow nang alanganin si Jin bago pinihit ang doorknob. Tiningnan pa uli niya ang babae para malaman kung magbabago ang isip nito.
"Go," utos ni Jin.
Pinaikutan lang ng mata ni Shadow ang narinig. Sayang at hindi nagbago ang isip.
Pagbukas ng pinto.
"Whoah," bukod-tanging reaksiyon ni Shadow at bahagyang napaatras sa kinatatayuan. Napalunok na lang din si Jin dahil para bang dumoble ang bilang ng Rankers na nakaabang sa hallway ng ward bago pa sila pumunta roon ni Laby.
Pareho silang kinabahan.
Walang ligtas na lugar doon maliban sa loob ng kuwarto. Tama nga si Laby.
"This is it," bulong ni Jin.
Tumapak na sila palabas ng Ward 03B. Kapansin-pansin ang pagtitig sa kanila ng lahat ng Rankers na naroon. Mga walang kahit anong ikinilos na masama habang dahan-dahan ang paghakbang ng dalawa. Tinatantiya pa nila kung tatakbo na ba o hindi.
"They're watching us, Jin," bulong ni Shadow.
"I know, hindi ako bulag." Hinawi ni Jin ang buhok niya sa balikat. Napaatras na lang sila ni Shadow nang sabay-sabay na itinaas ng mga Ranker ang mga baril nito at itinutok sa kanilang dalawa. Agad niyang itinaas ang mga kamay tanda ng pagsuko at hindi pagpalag.
"Whoah! Wait!" malakas na nasabi ni Shadow nang matutukan siya ng baril derekta sa likod. Naitaas na rin niya tuloy ang magkabilang kamay para ipakitang hindi siya lalaban.
"Oh God. Puwede bang bumalik sa loob?" tanong ni Jin habang dinidiinan ang pagpikit.
"Magkamatayan na tayo rito pero sinasabi ko sa 'yo, hinding-hindi mo na ako mapapapasok sa loob ng kuwartong 'yon," bulong ni Shadow sa kanya.
Walang alam si Jin sa espesyal na martial arts, sa disarming, o sa kung ano pang techniques na alam ng ibang alter niya. Kaya naman kung aasa siya kay Shadow, sa dami ng Rankers na nakapaligid sa kanila, mamamatay siya nang wala sa oras.
Napalunok siya at huminga nang malalim. Inalala ang palaging sinasabi sa kanya ni Razele kapag siya ang nasa katawan at nagkakaroon ng problema ang primary identity niya.
"Ikaw si RYJO. Kahit na ano'ng mangyari, ikaw si RYJO. Matatakot ka sa kanila, pero tandaan mo, mas takot sila sa 'yo."
Ibinaba ni Jin ang mga kamay, bagay na ikinagulat ni Shadow at ikinaatras naman ng mga Ranker na tinututukan sila ng baril.
Muling paglunok mula kay Jin at dahan-dahang hinugot ang hininga habang idinederetso ang tindig.
Tiningnan ng mga Ranker ang isa't isa. Inaalam kung dapat na ba nilang ibaba ang mga baril nila.
"Jin, ano bang—" Hindi na natapos pa ni Shadow ang sinasabi nang biglang nagsalita si Jin.
"Subukan n'yong iputok ang mga baril n'yo. Kapag hindi n'yo kami napatay, kayo ang uubusin ko," puno ng kumpiyansang hamon ni Jin, iniisa-isa ng tingin ang mga Ranker na nasa harapan niya. "Bibilang ako ng tatlo. Isa—"
Tiningnan nilang maigi si Jin.
"Dalawa."
Sabay-sabay na ibinaba ng mga Ranker ang mga baril nila.
Deretso ang matalim na tingin ni Jin at taas-noong naglakad sa pasilyong iyon. Walang nagawa si Shadow kundi ang sumunod sa kasama niya. May order sa mga Ranker na huwag gagalawin ang mga bisita nila nang walang go signal. Isa-isa itong tumabi para lamang paraanin silang dalawa.
Inoobserbahan lang ni Shadow ang mga Ranker na masama ang tingin sa kanya. Para bang gusto na siyang patayin ng mga ito ngunit hindi nila magawa dahil kay Jin.
Dumeretso ang dalawa sa elevator na agad namang bumukas pagkatapos i-scan ni Jin ang palad sa scanner.
"Ikaw pa rin ba si Jin?" takang tanong ni Shadow pagkapasok na pagkapasok nilang dalawa sa elevator. Pagkasara ng pinto . . .
Parang nawalan ng buto si Jin nang bigla siyang manlambot.
"Buwisit! Buwisit! Buwisit! Buwisit!" Napaupo si Jin at paulit-ulit iyong sinasalita habang tinatakpan ang magkabilang tainga.
"Jin!" Nag-panic na rin si Shadow dahil naroon na naman siya sa sitwasyong iyon. Huling beses niyang nakita ang asawang nasa ganoong kalagayan ay noong nagwawala ito matapos nilang magtalo ukol sa kotse. "J-Jin? Ano'ng nangyayari? Ayos ka lang?"
Hinihingal si Jin. Mabilis din ang tibok ng puso niya. Nanginginig ang mga kamay at binti niya. Para na siyang sasabog sa sobrang kaba.
"Jin, ano ba'ng nangyayari? Magsalita ka nga? Okay ka lang ba?"
Halos pandilatan ni Jin si Shadow habang nakasimangot. "Okay? Tinutukan tayo ng baril ng napakaraming Rankers na iyon, sa tingin mo, okay lang ako?!" sigaw niya sa kausap.
Hindi maiwasang matawa ni Shadow kay Jin. Pinigilan lang niya dahil baka lalo lang itong magalit.
"Ibig bang sabihin nito, mas malakas pa si Jocas sa 'yo?" natatawang sabi ni Shadow, pinipigil ang sarili sa paghalakhak. "Idea mo ang lumabas tayo, di ba?"
Tiningnan siya nang masama ni Jin. "Shut up. Hindi mo ako maiintindihan dahil hindi ako napupunta ng HQ para lang tutukan ng baril!"
"Pero teritoryo mo ito, di ba?" natatawang tanong ni Shadow.
"Hindi 'yon ang punto ko!"
Lalong natawa si Shadow dahil sa sinabi at reaksiyon ni Jin.
"Huwag ka ngang tumawa diyan!"
"Sana nakikita mo ang sarili mo ngayon." Napailing si Shadow habang nakangiti. "Ikaw si RYJO—ang Slayer—tapos makikita kong nagkakaganyan ka? I saw you in your worst nature, surrounded by the worst of the worst in our field of expertise. But now?"
Galit na tumayo si Jin at dinuro ang mukha ng lalaki. "I . . . just saved . . . your fucking life sa mga Ranker na 'yon."
Pilit na pinigil ni Shadow ang tawa niya dahil namumula pa rin ang mukha ni Jin gawa ng sobrang kaba. "Thank you. 'Yon ba ang gusto mong marinig?"
"I don't need any 'thank you,' okay?! Muntik na akong maputulan ng hininga doon tapos tatawanan mo lang ako?"
"I'm not laughing," pagsuko ni Shadow, pinipigilan pa rin ang sarili sa pagtawa.
"Those people are trained to kill! And they pointed their guns at us! Sa tingin mo, nakakatawa 'yon? If you're used to it, if my other alters are used to it! Puwes, hindi ako!"
Saka lang nagseryoso si Shadow. "Okay, fine. I'm sorry."
"Kapag si Jocas ang lumabas, tingnan natin kung makatawa ka pa," naiinis na banta ni Jin at inirapan ang lalaki.
Napaisip tuloy si Shadow nang may maalala. Minsan na nga pala siyang binato ni Jocas ng tinidor noong nananghalian sila. Bigla siyang kinabahan nang sumagi sa isip na bumaon ang tinidor na iyon sa dingding ng silid-kainan nila. Paano na lang kung hindi niya iyon nailagan? Ano na lang ang mangyayari sa kanya kung sakali?
"Pupunta na ako kay Laby," paalam ni Jin. Inirapan niya si Shadow at lumabas na ng elevator pagbukas niyon.
"Matapang ka na, ha? Aalis kang mag-isa?" tanong sa kanya ni Shadow na hindi pa umaalis ng elevator.
"Don't talk to me!" sigaw ni Jin sa kanya. "May pa-safe area, safe area pang nalalaman! Sana hindi na lang ako umasa—"
Pagliko ni Jin bago pa sa pinanggalingang opisina ay hinarang na agad siya ng limang Rankers at saka pinosasan. "Josef!" sigaw niya.
Napatakbo naman agad si Shadow palabas ng elevator dahil sa sigaw ni Jin. Pagliko niya ay sinalubong siya ng tatlong Class C Rankers at tinurukan ng paralyzing agent.
♦ ♦ ♦
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top