Part 27
Ipinagpatuloy ni Shadow ang panonood sa part two ng unang video na napanood.
Click!
Isang buwan kaming puno ng training. Gun handling, knife throwing, combat training, different martial arts, at endurance training. Marami nang namatay. Nagsama-sama ang malalakas. Nagkanya-kanya ang mahihina.
May binuong alliance sina Brielle. Sinubukan nilang kunin si Daniel pero sa bandang huli, sila ang nakuha ni Daniel. Halos lahat, may mga grupo na maliban doon sa tatlong wirdong bata.
Laging mag-isa si Erah dahil ayaw niya sa lahat.
Si Jinrey naman, bigla na lang nawawala. Susulpot na lang kung kailan niya gusto.
'Yong isa naman, iniiwasan ng lahat dahil sobrang weird niya. Marami siyang ginagawang hindi namin alam pero parang masayang-masaya siya.
Kakaiba lang dahil kapag nagkakanya-kanya ang tatlong iyon, parati kaming nababawasan nang hindi namin namamalayan.
Isang buwan pagkatapos ng training, naganap na ang First Abolition. Pinapasok kaming lahat noon sa loob ng gubat. Kailangan naming lumabas na may dalang katawan ng mapapatay namin. Kung wala kaming dala paglabas, pauulanan kami ng bala ng mga guard.
Sa dami ng batang pumasok ng gubat, kalahati lang doon ang nakalabas ng buhay.
Iyon ang unang beses na nakapatay ako. Madali kong napatay si Jinrey dahil mahina siya. Binali ko lang ang leeg niya nang walang kahirap-hirap. Kasunod ay aksidente kong napatay si Erah. Hinihila ko ang katawan ni Jinrey nang bigla siyang bumangga sa akin habang tumatakbo. Natumba siya sa isang nakausling kahoy at tumagos ang kahoy na iyon sa dibdib niya.
Hindi ko iyon sinasadya pero nakita ni Daniel ang nangyari. Sabi lang niya, Erah is my kill kaya iyon na lang ang inisip ko. Nakikita ko ang lahat na nagpapatayan sa paligid ko pero wala akong ibang inintindi kundi ang makalabas doon nang buhay at madala ang katawan ng mga napatay ko.
Hinatak ko ang bangkay ng magkapatid palabas ng gubat. Paglabas ko sa lugar na iyon, bumungad agad sa akin ang grupo nina Brielle na nakatayo sa gilid ng mga napatay nila.
Hinatak ko ang katawan ng magkapatid sa tabi ni Gabrielle. Pinuri niya ako dahil dalawa ang napatay ko.
Click!
Napanganga na si Shadow na agad din namang nakabawi. Napahimas siya ng baba at tinitigang maigi ang mukha ni Erajin—o ni Jocas—na nasa video.
"Napatay ang magkapatid?" Lalo siyang nalito. "Paano napunta sa katawan niya ang dalawa kung napatay niya 'yon?"
Napailing siya at ipinagpatuloy ang video.
Click!
Sunod na lumabas ng gubat si Daniel na may hatak na isang katawan. Ang alam ko, marami siyang napatay sa loob ng gubat kaya nagulat ako dahil isa lang ang dala niya.
Ilang minuto rin ang lumipas noon at lumabas na sa gubat ang mga nagawa pang mabuhay. Tatapusin na sana ni Sir A ang First Abolition nang biglang lumabas sa gubat ang isang batang umiiyak. Wala siyang dalang katawan kaya babarilin na dapat siya ng mga guard. Pero may ginawa siyang hindi inaasahan ng lahat.
May hawak siyang maliliit at matutulis na batong nakuha niya yata sa may talon at pinatama iyon sa mga nahuling lumabas ng gubat. Sumigaw siya nang sobrang lakas at biglang tumahimik. Tiningnan niya kaming lahat at saka siya ngumiti nang malaki. Tumakbo agad siya sa tabi ko at tumawa nang malakas.
Doon pa lang, inisip naming may problema talaga sa kanya. At simula noon, wala na talagang nagtangkang lumapit pa sa kanya, kahit ako.
Isang taon kaming nag-aral para sa academic and general education. One year namin ang katumbas ng fourteen years ng normal student sa normal school. Lahat ay itinuro sa amin pero naka-focus kami sa language, human anatomy, chemistry, saka computer literacy.
Sa mga panahong iyon, kanya-kanya na silang handa dahil alam nilang hindi rin magtatagal ay magkakaroon na naman ng abolition.
Wala na nga halos natutulog sa amin at kanya-kanya nang isip ng mga paraan para mabuhay.
Doon natawag ng pansin ko si Brielle. May hawak siyang daga kaya lumapit ako at tinanong kung ano'ng ginagawa niya. May sinusubukan daw siyang technique.
Pinitik niya ang dibdib ng daga at agad 'yong namatay. Ngumiti siya sa akin at tinanong ako kung maganda raw ba ang nagawa niya. Tumango naman ako dahil magaling naman talaga.
Ibinalik uli niya ang atensiyon sa daga at pinitik uli iyon sa dibdib. Biglang kumilos ang daga at nagkikiwag-kiwag para makatakas.
Natuwa talaga ako sa ginawa niyang pagpatay at pagbuhay sa daga kaya tinanong ko kung ano'ng tawag niya sa ginawa niya.
Ang sabi niya, Heartstopper and Reviver ang ginawa niya. May itinuro sa kanila noon kung paano pahihintuin ang puso ng isang tao gamit lang ang isang suntok sa dibdib. At naisipan niyang gumawa rin ng technique kung paano bubuhayin uli ang pusong pinahinto niya sa pagtibok—"
Click!
Huminga nang malalim si Shadow matapos i-pause ang video. Hindi siya makapaniwala sa mga nalalaman. Naituro niya pakanan ang nguso at nag-isip nang malalim.
"Heartstopper . . ." Dahan-dahan siyang tumango. "That Brielle is Ranger. Hell. Tama nga ako, mga miyembro sila ng Escadron Elites. At galing sila sa Isle?"
Ipinagpatuloy uli niya ang panonood ng video.
Click!
"Ang kaso, napansin ko noong mga oras na iyon ang may amnesia na nakangiti habang pinanonood kami ni Brielle.
Kahit kailan, hindi talaga ako natuwa sa mga ngiti niya, lalo na sa tawa niya dahil natatakot talaga ako.
Tiningnan siya nang masama ni Brielle nang mapansin din siya nito at pinaalis siya roon dahil talagang hindi namin siya makasundo.
Kinaumagahan, sinubukang gawin ni Brielle ang technique niya sa isa naming kasama. Iyon ang unang beses na ginawa niya sa tao ang technique kaya hindi perpekto ang pagkakagawa niya. Hindi niya napatay ang kasama namin katulad sa nagawa niya sa daga. Napasuka lang niya ng dugo at namatay dahil sa internal bleeding noong ini-report ng nakakitang guard sa katawan.
Hindi successful ang first experiment niya sa technique kaya sinabi niyang kailangan pa niya ng pagpa-practice-an.
Ang hindi niya alam hanggang ngayon ay may nakagawa na ng technique niya bago pa iyon maperpekto.
Ilang oras pagkatapos magawa ni Brielle ang failed Heartstopper sa tao, nakita ko sa likod ng quarters namin ang may amnesia na ginawa ang mismong Heartstopper sa isa sa mga guard na nakabantay. Napabagsak niya sa isang suntok sa dibdib ang guard kaya tumakbo agad ako papalapit sa kanya para alamin kung ano ang ginawa niya.
Lumuhod siya at pinulsuhan ang guard. Tinanong ko kung buhay pa ba. Umiling lang siya sa akin. Lumuhod na rin ako para alamin kung patay na nga talaga ang guard. Wala na ngang pulso kaya sigurado akong patay na.
Nakaramdam ako ng takot sa ginawa niya dahil guard ang napatay niya. Akala ko, matatakot din siya dahil delikado kapag nakita kaming may napatay na guard. Pero ang tanging nagawa lang niya ay ngumiti sa akin at inulit ang Heartstopper—o mas tamang tawagin kong Reviver.
Napatayo ako nang biglang umubo ang guard at hinawakan ang dibdib nito.
Hinatak niya ako pabalik sa quarters at sinabihang huwag ipagsasabi ang nakita ko dahil naglalaro lang daw siya.
Nakokonsiyensiya ako noon sa lahat ng nalaman ko, lalo pa't ayoko sa kanya at kaibigan ko si Brielle.
Isang linggo ang ginugol ni Brielle para maperpekto ang Heartstopper sa tao. Inabot naman ng isang buwan para magawa ang perpektong Reviver.
Kating-kati na akong sabihin sa kanya na ang technique na matagal niyang pinagpapraktisan ay perpektong nagawa ng batang iyon sa isang subok lang dahil lang naglalaro lang ito.
Pero alam kong susuko si Brielle oras na malaman niyang may naka-perfect ng original technique niya bago siya kaya hindi ko na sinabi pa.
Ang totoo niyan, walang may alam na kaya niya ang technique maliban sa akin. Ayoko sa kanya, at the same time, bilib na bilib ako sa kanya. Magaling siyang manggaya. Lahat ng sariling technique na pilit na pinupulido ng mga kasama namin, nakokopya niya. She did better than the technique's owner.
Akala ko noong una, siya ang pinakamahina sa lahat dahil wala sa itsura niya ang kayang pumatay ng tao. Pero napatunayan kong mas malakas pa siya sa kahit sino sa aming nandoon dahil pinatunayan niya sa akin iyon."
Click!
Napasandal si Shadow sa inuupuan. Pinakatitigan muna niya ang blangkong monitor na huminto na sa pagpe-play ng video.
Habang tumatagal, bumabalik sa kanya ang lahat.
Ang training, ang proseso, ang acquisition sa Isle, ang offer, ang mismong project.
Isang masamang alaala para sa kanya ang Isle at mga bagay na may kaugnayan dito lalo noong bata pa siya. Hindi kahit kailan naging maganda sa kahit anong memorya niya ang islang iyon. Kahit ang ina niya ay alam ang reputasyon ng lugar na iyon.
Hindi lang siya makapaniwala. Sobrang hindi.
Napailing siya sa masasamang alaalang bumabalik. Nang mahagip ng tingin ang CD na may "Part 3" ay isinalang niya agad iyon.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top