Part 12
Dinig na dinig ang tunog ng mga sapatos nila sa hallway ng floor 12B. Sa dulo niyon ay ang malaking metal door na may malaking symbol ng Meurtrier Assemblage: HQ Branch. Tuloy-tuloy na lumakad sina RYJO at Shadow samantalang nagdadalawang-isip si Laby sa pagtuloy.
"You're crazy! Alam mo bang delikado ang lugar na 'to?" singhal ni Laby, hinahabol ang paglakad ng dalawang kasama. "Hanggang floor 7B lang ako puwede! Papatayin nila ako kapag nalaman nilang may nakapasok na Class O dito sa 12B! At isa pa 'tong Shadow na 'to! He's a prisoner! Papatayin nila kami! Pati ka na!"
"I am so scared," walang emosyong sagot ni RYJO sa lahat ng sinabi ni Laby. Tumuloy lang siya sa paglalakad habang sinusundan siya ni Shadow.
"Seryosohin mo naman ako! High Rankers at top class lang ang nakakababa hanggang dito!" Hinarangan ni Laby ang dinaraanan ni RYJO at idinipa ang mga braso.
"High Ranker ka, top class ka rin, di ba?" tugon ni RYJO. "You're more than qualified." Itinulak niya si Laby at nagpatuloy sa paglalakad
"Pero wanted na ako! Hindi nila tayo palalabasin dito nang buhay! Malamang na alam na nila ngayong pinatay mo si Azi!"
"He's not totally dead. He's in a coma. Ranger can revive him."
Nakaabot na sila sa may malaking pinto ng 12B. Tumakbo agad si Laby para pigilan si RYJO sa pagbukas ng pinto.
"Hindi mo puwedeng kausapin ang OIC! Delikado!"
"Kung natatakot ka, bumalik ka na lang sa itaas at magtago ka roon sa opisina mo."
"Hindi nila kayo bubuhayin! Threat si Shadow sa Assemblage, hindi ka na Ranker! May dahilan na sila para patayin kayo!"
"Siya si Shadow at ako si RYJO. May dahilan na sila para hindi kami patayin." Hinawakan na ni RYJO ang pinto para buksan pero kinabig ni Laby ang kamay niya.
"Mamamatay kayong dalawa!"
Tumahimik si RYJO at tinaasan ng kilay si Laby.
"Pipilitin nila si Shadow na ilabas ang data! Hindi na niya matandaan ang tungkol doon!" dugtong ni Laby.
"Data ba ang kailangan nila?" Natawa nang mahina si RYJO. "Puwes ibibigay ko ang data na hinahanap nila."
Itinulak ni RYJO si Laby paalis sa daan at binuksan na niya ang pinto.
Nakapasok na ang tatlo sa loob ng HQ Main Sector, ang office ng Officer-in-charge. May dalawang palapag ang lugar, kombinasyon ng blue at gray motif ang kulay ng paligid sa kabila ng napakaraming glass wall, kaiba sa labas na puro puti lang ang kulay ng interior. Nakahilera ang mga table at desk ng mga Class M Ranker na eksklusibong nagtatrabaho para sa OIC. Puro mga top class at High Rankers ang naroon sa lugar—sila ang mga kumukuha ng mga special mission direkta mula sa MA: Central Office at Citadel na ibinibigay ng mismong OIC at mga Class M appointee niya. Doon sila nakakakuha ng impormasyon tungkol sa mga special target at client, at iba pang detalyeng may kaugnayan sa mga nagbabayad sa kanilang mga trabaho.
Walang naliligaw na low Rankers sa lugar na iyon dahil limitado lang ang mga puwedeng makapasok. Hindi na rin ginuguwardiyahan ang lugar dahil mas delikado ang loob niyon kaysa labas.
Bumungad sa tatlo ang mga Ranker na kumukuha ng misyon. Abala ang lahat ngunit napahinto dahil sa pagsulpot nilang tatlo.
Lumingon-lingon si RYJO sa paligid para hanapin ang OIC. "Nandito ba ang Elites?" tanong niya sa mga Ranker.
"Galing dito si Crimson kahapon. Sina Ranger at Neptune, nasa 4B. Si Elfe hindi pa naliligaw," sagot ng isang Ranker na hindi gaya sa itaas ay para bang normal lang ang pagdating nito sa lugar na iyon.
"Nandito 'yong dalawa?" bulong ni RYJO, nagtataka dahil hindi dumaraan ng opisina sina Neptune at Ranger kapag hindi sila ipinatatawag.
Tuloy-tuloy na naglakad si RYJO sa gitna ng Main Sector at buong lakas na sumigaw.
"RAZELE!"
Nag-echo ang sigaw niya sa buong Main Sector. Hindi rin nagtagal ay lumabas sa pinto ng isang opisina sa may second floor ang lalaking nakasuot ng white V-neck shirt na may tatak ng Meurtrier Assemblage sa kanang dibdib, naka-khaki pants, at leather shoes. Matangkad ito at may kayumangging kulay na balat. Dalawampu't walo ang edad at pansin ang mga mata nitong magkaiba ang kulay. Kita rin ang matipunong hulma ng katawan sa suot nitong damit. Sumampa ito sa may railing sa tapat lang ng pintuan ng opisina at umupo roon. May hawak itong stress ball at nakangiti nang matamis kay RYJO.
"Let me guess. It's either Erah or the owner." Tinantiya niya ng tingin si RYJO at tumingin sa itaas. "The owner's back, I presume." Hindi pa rin niya tinatanggal ang ngiti niya kay RYJO. "Ilang araw ka na naming pinanonood sa monitoring system. Natagalan ka yata sa pagbaba rito sa opisina ko."
"Nasa iyo ang detonator nito?" tanong ni RYJO, itinuturo si Shadow.
"Ang totoo, wala na. Nabalitaan kasi sa central office ang ginawa mo roon sa acting president kaya mukhang hindi na kita matutulungan ngayon tungkol sa problema mo. 'Nga pala, target ka na uli ng Superiors. At iisa lang ang dahilan ng Assemblage at ng Superiors kung bakit ka wanted ngayon."
"May requisition na ba ang Central para sa castigation?"
"Hangga't hindi pa nila nakukuha ang kailangan nila, hindi sila magbibigay ng mandato."
"Ano'ng puwede kong gawin para matanggal ang bomba sa katawan nitong kasama ko?"
Umiling na si Razele. "Kill him? That's all you can do." Bumaba mula sa second floor si Razele at animo'y isang pusang walang kahirap-hirap na tumalon dahil sa gaan ng pagkakatapak niya sa sahig. Ni hindi man lang siya nakagawa ng malakas na ingay pagtapak ng sapatos sa salaming tinatapakan.
"Unless kaya mong gumawa ng himala, baka ma-diffuse mo nang sabay ang mga bomba niya sa katawan." Naglakad si Razele palapit kina RYJO. "Sigurado kang ililigtas mo siya?" paniniguro niya. Sandali niyang tiningnan si Shadow bago ibalik ang tingin sa babaeng kausap.
"I have to, I need to, and I want to save him. Nangako ako kay Jocas."
"Nag-uusap talaga kayo ni Jocas? Ang weird mo talagang nilalang."
Pinaikutan lang ni RYJO ng mata ang sinabi ni Razele at tumingin kay Shadow.
"Okay, ganito. Mababa ang probability of success nito pero isa ito sa alam kong options para magawa natin ang gusto mo." Itinuro ni Razele si Shadow. "Mabubuhay siya pero kailangan n'yong mamatay na dalawa. I created that bomb, and I know how to diffuse it. Ano, kakayanin mo ba ang lahat ng puwedeng mangyari?"
"Wala naman nang ibang option, di ba? Game," walang pagdadalawang-isip na sagot ni RYJO.
"Good!" sabi ni Razele at saka inilipat ang tingin kay Shadow. "Sana handa ka na rin."
Sinundan naman ni Shadow ng tingin si Razele dahil hindi na niya nasusundan ang usapan ng dalawa. Pumunta ito sa isang desk at may kinuha roon.
"Hindi mo kailangang gawin 'to," sabi ni Shadow kay RYJO. "Mabuhay man ako ngayon, papatayin pa rin nila ako paglabas ko rito sa lugar na 'to."
"Kailangan mong mabuhay. Nangako ako sa asawa mong pananatilihin kitang buhay hanggang makabalik kayo sa labas."
"Pero ikaw ang asawa ko."
"Si Jocas ang asawa mo, hindi ako."
"Ready?" tanong ni Razele at nagtataka namang tiningnan siya nina RYJO at Shadow.
"Para saan 'yang hawak mo?" tanong ni RYJO, itinuturo ang hawak ni Razele na malaking live wire.
"We'll try to diffuse the bombs!" masayang tugon ni Razele na nakangiti kay Shadow.
"Diffuse? Delikado 'yan! Papatayin mo ba 'ko?" di-makapaniwalang tanong ni Shadow.
"Yes. Papatayin ko kayo ni RYJO," nakangiting sagot ni Razele.
Napanganga na si Shadow sa sinabi ni Razele. Hindi niya malaman kung seryoso ba sa sinabi nito sa kanila.
"Paano ba ang gagawin?" tanong ni RYJO na hindi man lang kababakasan ng kaba.
"Touch this wire, then do the HeartStopper to Shadow, that's all." Hindi pa rin nawawala ang ngiti ni Razele.
"Nababaliw ka na ba? Mamamatay siya!" sigaw ni Shdaow habang itinuturo si RYJO sa tabi niya.
Biglang naglayuan ang mga Ranker sa paligid nila. Kanya-kanya silang halukipkip at abang sa susunod na magaganap.
"Bakit hindi mo na lang gamitan ng defribillator, Raz?" tanong ng isang Ranker kay Razele.
Sandaling tumingin si Razele doon sa Ranker na nagtanong bago ibalik ang tingin kay RYJO. "Mababa ang voltage ng regular defribillator para magamit sa bomba. Sasabog iyon kapag kinulang sa electricity ang dumaloy sa katawan. Plus! I'm taking advantage of the force na kayang gawin ng Heartstopper gamit ang kamay ni RYJO. We're aiming for the heart, not for the whole torso."
"Mamamatay silang pareho sa plano mo, Raz," sagot naman ng isa.
Tiningnan naman ni Razele sina RYJO at Shadow—inaalam kung balak pa ba nilang ituloy ang gusto nila.
"Alam mong mamamatay kami sa plano mo, tama?" tanong ni RYJO habang kalmadong nakatingin kay Razele.
Sumagot sa pabulong na paraan si Razele at inalok na ang wire. "At alam ko ring hindi."
Lumapad ang ngiti ni RYJO. "Game!"
Gulat namang napatingin si Shadow kay RYJO at humarap dito para kuwestyunin ang desisyon nito.
"Papatayin mo ang sarili mo," matigas na sinabi ni Shadow.
"May tiwala ka ba sa akin?" tanong na lang ni RYJO.
Tinitigan lang ni Shadow ang babae—umaasang makikita si Jocas sa mga tingin na iyon. Umaasang makikita ang nakasanayang ugali ng asawa roon. 'Yung masayahin, makulit, isip-bata, at palangiting Jocas.
Ngunit sa kasamaang-palad, hindi iyon ang nakikita niya. Isang seryosong mamamatay-tao ang nasa harapan niya.
"I'm not a fan of Romeo and Juliet love story." Iyon na lang ang nasabi ni Shadow bilang sagot. "Sana, nakakain muna tayo bago natin gawin ito."
"I'll take that as a yes." Walang kahit anong emosyon ang mababasa sa mukha ni RYJO. Walang kaabog-abog niyang itinutok ang kamao sa dibdib ni Shadow at hinawakan ang live wire na hawak ni Razele.
"Razele!" sigaw ni Laby para pigilan ang lahat ngunit huli na.
Nagawa ni RYJO ang Heartstopper matapos hawakan ang live wire. Damang-dama niya ang paggapang ng nakapapasong init sa buong katawan. Halos tumalsik naman sa kinatatayuan si Shadow at bumagsak sa aisle na pinagigitnaan ng mga office desk. Wala pang ilang segundo ay mabilis na hinatak ni Razele ang wire kay RYJO bago pa ito tuluyang masunog.
"Rocky, tawagin mo si Ranger at pakihanda ng ER," utos agad ni Razele na sa wakas ay sumeryoso na rin ang ekspresyon ng mukha.
♦ ♦ ♦
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top