CHAPTER 9: The Visitor
Click!
Hi! Jocas here, and today is Tuesday, September 11 at 10:16 a.m. na.
Medyo mabait na sa 'kin si Josef. Ano, slight lang. Hindi na niya ako sinisigawan. 'Tapos hindi na rin siya super masungit. Yehey!
Nakakatuwa talaga si Josef. Ibinigay niya sa 'kin si Tiger niya. Sabi na, crush talaga ako n'on, e.
'Jocas?'
Hala, si Josef!
'Jocas, may bisita ka.'
Bye, Vivi! Babalikan kit—Again, Jocas? You should have done this a little earlier.
Kahit kailan ka talaga.
Click!
♦♦♦
Alas-diyes ng umaga, nasa sala si Josef at nagbabasa na naman ng mga mensahe sa email niya sa laptop. Napakamot siya ng ulo habang binabasa ang mga offer na may koneksiyon sa dati niyang trabaho. Hindi niya alam kung paano pa siya napadadalhan ng mga ganoong mensahe samantalang umalis na siya sa association na iyon matagal na panahon na.
Alam niyang hindi siya basta-bastang miyembro ngunit may mga taong hindi pa rin kayang irespeto ang kagustuhan niyang malagay na sa tahimik. Matagal na panahon na rin at ang alam niya ay wala nang maghahanap pa sa kanya.
"Sir, may tao po sa labas," sabi ng isang maid. "Hinahanap po si ma'am."
"Hinahanap sino?" Nagtaka naman siya dahil may bumisita sa kanila at hinahanap ang asawa niya. Ilang araw na silang walang bisita roon, at alam naman niya kung bakit. Hindi rin naman madaling hanapin ang bahay nila dahil iilan lang silang nakakaalam ng lokasyon. Iniwan niya muna ang ginagawa at pinuntahan ang gate para tingnan kung sino ang taong tinutukoy ng maid.
"Sir, ayun po." Itinuro ng kasambahay ang lalaking halos kasintaas niya, kasing-edad, kasingkatawan din, at mukhang pamilyar. Kagalang-galang itong tingnan sa suot na black and navy blue formal suit. Lumapit siya sa gate at hinarap ang bisita nila.
"Ano'ng kailangan nila?" tanong ni Josef habang sinusukat ng tingin ang bisita.
"Good morning. I'm Daniel Findel." Inalok nito ang kamay para magpakilala.
"Daniel Findel?" Nakipagkamay naman si Josef. Hindi mahigpit ang pagkakahawak nito sa kamay niya. Mas mahigpit pa rin ang kanya.
"Ric—um, Josef Malavega, tama?" tanong nito.
"Oo, ako nga." Tumango naman si Josef at binitiwan na rin ang kamay ng bisita. "Bakit? Ano nga'ng kailangan mo?"
"Nandiyan ba si Jin?"
"Jin?"
"I mean Jocas."
"Oh, okay." Hinagod uli ni Josef ng tingin si Daniel. Mukha namang matino at hindi gagawa ng masama. Kaso kahit siya, kayang patunayan na hindi lahat ng mukhang matino ay matino talaga. Nakakapeke rin kasi ang itsura. "Ano'ng atraso niya sa 'yo?"
Mahina itong natawa at bahagyang napayuko para itago iyon. Ibalik din nito ang kalmadong mukha kalaunan. "Kapatid niya ako."
"Kapatid?" Biglang napaisip si Josef sa sinabing iyon ng bisita ng asawa niya. "Only child si Jocas, paano ka naging kapatid?"
"Ah! Wait." May kinuha ito sa bulsa ng suit at ipinakita ang isang picture. "Kami 'yan. Not blood related pero kapatid pa rin siya para sa 'min. Magkakasama kasi kaming lumaki."
Tiningnan ni Josef ang picture na hawak ni Daniel. Nakita niya roon ang lalaki, katabi nito ang asawa niyang hindi man lang nakuhang ngumiti, dalawa pang babaeng bahagyang tinakpan ng mga palad ang mukha habang tumatawa at isang lalaking nakalingon sa gilid. Isang group picture na kinunan sa isang magandang hardin. Pamilyar ang ilang nasa retrato ngunit hindi na niya nagawa pang tingnan nang maigi dahil itinago agad iyon ni Daniel.
"May gusto lang akong sabihin at ibigay. Aalis din ako pagkatapos kong ibigay ang pakay ko."
Sinukat muna ni Josef ng tingin ang bisita at napagdesisyunang papasukin na ito para nga makausap ang misis niya. "Sige, tuloy ka."
Nagpauna na si Josef sa loob ng bahay at ang mga maid na ang nagturo kay Daniel ng daan.
Nililibot ng tingin ni Daniel ang sala ng bahay. Napakaaliwalas sa pakiramdam ang high ceiling at ang magandang glass chandelier na nakasabit sa gitna. Malamig sa loob dahil sa hangin na nanggagaling sa labas mula sa nakabukas na bintana. Komportable siya sa inuupuang puting sofa kaya nabawasan kahit paano ang pagod niya galing sa biyahe.
"Sir, maiinom po."
"Thank you." Tiningnan ni Daniel ang juice na inilapag ng maid sa mababang mesa. "Maganda rito sa inyo, nakakabawas ng stress."
"Pamilya ko ang pumili nitong bahay para sa 'ming dalawa," sagot ni Josef.
"Gano'n ba? Maganda. Maganda ang pagkakapili nitong bahay. Ganitong klaseng bahay ang gustong tirhan ni Jin." Ininuman nang kaunti ni Daniel ang juice na bigay ng maid at inilapag uli sa mesita. Kinuha niya ang pinatungan nitong coaster upang ipatong sa bibig ng baso. "Pasensiya na kung hindi kami nakadalo sa kasal ninyo. Busy ako sa trabaho. Ang ibang mga kapatid namin ay gano'n din. Sino-sino lang ba ang pumunta sa side niya?"
"Parents lang niya ang alam kong pumunta. Kahit ang maid of honor, sa side ko pa galing."
"Talaga?" Tiningnang muli ni Daniel ang paligid bago ibalik ang tingin kay Josef. "Wala naman kasing nabanggit si Jin sa 'min. Out of town ako for work, at ang nabalitaan ko lang na ikinasal ay 'yong dalawa naming kapatid. Nitong nakaraang araw ko lang nalaman ang tungkol sa wedding niya kaya hinanap ko agad itong location ninyo para makibalita."
"Nahanap mo naman. Good for you," sagot ni Josef, itinatago ng tingin ang pagdududa sa bisita nila.
Pinili nila ang mahirap hanaping lokasyon at hindi sila basta-basta makikilala. Kahit ang pagpunta nila roon ay hindi rin ipinaaalam sa ibang hindi kamag-anak. Naisip na lang niya na kung kamag-anak ito ng asawa, malamang na nabanggit iyon ng magulang ni Jocas sa bisita nila.
"Okay lang naman kung hindi kayo nakadalo," sagot na lang niya kay Daniel. "Hindi rin kasi naging maganda ang kinalabasan ng wedding."
"Oh." Napakrus agad ito ng mga braso. "Why? May ginawa na naman ba siyang hindi maganda? Wala naman siguro siyang sinaktan sa inyo."
"Wala naman. Wala namang ganoong nangyari." Umiling si Josef para sabihing hindi naman umabot sa ganoong punto ang kasal nila. Pero nabigla siya sa sinabi nito at pinilit niyang itago ang pagtataka dahil kalmado lang itong kausap. "Bakit? Inaasahan mo bang magkakagulo?"
May ngiti sa labi ni Daniel ngunit hindi umabot sa mata. "Hindi naman. May pagkakataon lang talaga na gumagawa siya ng mga bagay na . . ." Humugot ito ng hininga bago tapusin ang sinasabi. ". . . na hindi pinagpaplanuhan, lalo kapag ayaw niya ng ginagawa niya."
"Planado naman ang kasal. Siguro napag-isipan niya 'yong mabuti. Walang pumilit sa kanya," depensa ni Josef.
"Maigi," simpleng sagot ni Daniel. "Mukha ngang pinagplanuhan ninyong mabuti. Huli na namang malaman ko ang kasal ninyo. Madalas, ako ang unang nakakaalam kung may gagawin siyang mga ganitong bagay."
"Hindi ba sinabi sa 'yo ng parents niya na ikakasal siya?"
Umiling naman si Daniel sa tanong. "Hindi ko naman kilala nang personal ang parents niya ngayon. Simula kasi noong umalis siya sa poder namin, dumalang na ang lahat ng balitang natatanggap namin mula sa kanya. Hindi rin naman kami kino-contact ng pamilya niya kaya hindi rin namin mabalitaan. Ito ngang kasal ninyo, kahit ako, hindi nasabihan."
Hindi agad nakasagot si Josef.
Hindi kilala ni Daniel ang mga magulang ni Jocas. Kahit gusto niyang magtaka sa asawa, mas nangibabaw ang pagtataka niya kung paano sila natunton ni Daniel kung hindi nito nakausap ang magulang ng asawa niya.
"Ibig sabihin, wala kang koneksiyon sa mga Española?" kalmadong tanong ni Josef, itinatago ang pagtataka.
Nagtaas ng mukha si Daniel ngunit mababasa sa mukha nito ang pagiging kalmado gaya niya. At hindi gusto ni Josef ang kawalan nito ng ibang emosyon maliban sa pagiging panatag. Para lang silang nananalamin ng kilos sa isa't isa.
"Findel ako," sagot nito. "Findel kami ng mga kapatid ko bago siya maging Española."
"At nahanap mo ang bahay namin? Sino ang nagsabi ng address?" nahihiwagaang tanong ni Josef, itinatago ang pagdududa sa tono.
Natawa na naman nang mahina si Daniel at bahagyang yumuko bago nagtaas ng tingin at ibinalik sa pagiging panatag ang emosyon. "Marami akong paraan para mahanap siya."
"Paraan gaya ng . . . ?" Lumalabas na ang matipid na ngiti ni Josef, hindi magandang senyales para sa kausap dahil puno na iyon ng pagdududa.
Sumilip ito sa relo saka siya nginitian. "Pasensiya na, may meeting ako mamayang alas-dose. Puwede ko na ba siyang makausap para makabiyahe na ako paalis?"
Pinatagal ni Josef ang matipid na ngiti ngunit walang tuwang tingin kay Daniel.
Nagdududa na siya sa pagkatao ng lalaking iyon. Hindi maganda ang kutob niya lalo pa't kung kumilos ito ay gaya niyang itinatago sa matipid na ngiti at walang emosyong mata ang lahat.
"Maaari tayong magkuwentuhan sa susunod," dagdag na paliwanag ni Daniel. "Inuna ko lang siya dahil mahalaga ang sasabihin ko . . . bilang kapatid niya."
"Bilang kapatid niya, ha?" Patango-tango lang si Josef ngunit hindi talaga nawala ang pagdududa niya kay Daniel. Tumayo na rin siya at pababang tiningnan ang bisita nilang nakangiti nang matipid sa kanya. "Tatawagin ko lang. Baka busy rin siya at hindi ka makakausap. Sasabihin ko na lang kung hindi siya makakababa para sa 'yo."
Inakyat na ni Josef ang asawa sa kuwarto nito upang makausap muna. Wala talaga siyang tiwala kay Daniel at sa kawalan nito ng ibang emosyon maliban sa para bang mabuting bagay ang lahat sa mundo. Gusto sana niyang magtanong ng iba pang impormasyon ukol kay Jocas, pero mas gusto niyang magtanong ukol sa tunay na pakay ng bisita nila at kung paano nito nahanap ang pinagtataguan nila.
Huminto siya sa tapat ng pintuan ng kuwarto ng misis na nasa third floor at kumatok.
"Jocas." Walang sumagot kaya kumatok pa uli sya. "Jocas, may bisita ka." Umatras siya nang kaunti at sinilip ang ibaba. Tanaw niya sa puwesto si Daniel na prenteng nakaupo sa mahabang sofa. Kung may gawin man itong hindi maganda, nasa tamang posisyon siya para makapagplano pa ng gagawin bago ito sugurin.
"Ano'ng kailangan mo?"
Napatingin si Josef sa pintuan ng kuwarto.
"May tao sa ibaba." Tiningnan ni Josef mula ulo hanggang paa ang asawa. Nakasuot ng pulang long sleeves na halos magmukha nang dress sa sobrang laki ng sukat para sa katawan nito. Nakatirintas ang mahaba nitong buhok, hindi naman mukhang pagod, at puwede nang iharap sa bisita. "Hinahanap ka."
"At sino naman ang maghahanap sa 'kin?"
Napakunot ng noo si Josef dahil kakaiba ang punto at tono ng asawa niya ngayon. Mabigat, seryoso, istrikta, at alam niyang may kakaiba rito na hindi niya maipaliwanag. Hindi gaya ng normal niyang nakikita. Maging ang dating kung paano siya nito tingnan, iba rin. Ang talim ng tingin nito at nanunukat gaya ng tingin niya. Wala namang nagbago sa katawan nito, pero pakiramdam niya ay pumayat at tumangkad ito nang sabay. O marahil ay gawa ng postura nitong deretso at nagmamataas. Para bang hindi si Jocas ang asawa niya ngayon kundi ibang tao na kahawig lang nito.
"Ayos ka lang ba?" tanong ni Josef at nawala na sa utak ang lahat ng tanong sana niya rito tungkol kay Daniel.
"Sino ang naghahanap?" tanong lang nito.
"May sakit ka ba ngayon?"
"Ilang beses ko ba kailangang ulitin ang tanong ko?"
"Jocas, tinatanong ko—"
"Huwag mo 'kong tawaging Jocas."
"Oh, yeah, right." Namaywang si Josef dahil sa inis. "Sino ka? Si Jin?"
"Don't call me Jin."
"At ano'ng gusto mong itawag ko sa 'yo?"
"Tinatanong ko kung sino ang bisita, estupido." Lumabas na ito ng kuwarto at sinilip ang ibaba.
Napaawang ang bibig ni Josef habang pinandidilatan ang asawa. "What did you say?!" Hindi naman siya makapaniwala sa itinawag nito sa kanya. "Really, huh?"
"Si Daniel," sabi nito pagkakita sa bisita nila. Dali-dali itong bumaba nang makita ang lalaki sa sala.
Pinanood naman ni Josef na bumaba ng hagdanan ang asawa niya. Napakabilis ng kilos nito na wala man lang ginawang malaking ingay, deretso pa ang katawan, at huli niyang nakita ang ganoong paraan ng pagbaba ng hagdan ay noong huli siyang pumasok sa dating trabaho.
Hindi na niya alam kung saan ilulugar ang pagdududa. Nawiwirduhan na siya kay Jocas, dumagdag pa sa iisipin niya si Daniel.
Pagkababa ng asawa niya sa hagdanan, naglakad ito palapit kay Daniel na para bang manunugod ng bisita. Tumayo lang ang asawa niya sa tapat ng sofa at nagkrus ng mga braso. Mula sa third floor, naabutan pa ni Josef ang pagbabago ng timpla ng mukha ni Daniel. Nakangisi na ito at ipinatong ang buong kaliwang braso sa tuktok ng sandalan ng sofa.
Napatingin siya sa ibaba nang maramdamang nag-vibrate nang malakas ang phone niya sa bulsa ng suot na shorts. Kinuha niya iyon at ibinalik uli ang tingin sa misis niya at kay Daniel.
"Hello, sino 'to?" tanong niya habang nakatingin sa asawa niyang may sinasabing kung ano sa bisita nito.
"Nag-decline ka raw ng order. Nag-reflect sa system ang unsigned contract."
"Di ba, ang sabi ko, hindi na ako tatanggap ng—"
"Gusto mong makuha ang mata, tama? Alam ko kung saan mo makukuha ang matagal mo nang hinahanap."
Nabuhayan si Josef sa sinabi ng nasa kabilang linya. Tiningnan niya ang screen ng phone—isang unknown number. Ibinalik niya ito sa tainga upang makausap pa ang tumawag sa kanya. "I'm listening."
♦♦♦
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top