CHAPTER 8: The Mission
Maganda ang araw. Unang beses na makakapaglakad-lakad siya sa labas ng bahay matapos ang matagal na panahong pagtatago. Tahimik ang kalsada, payapa, wala pang dumaraang ibang tao maliban sa kanya.
Gaya ng napag-usapan, doon muna siya pansamantalang mananatili sa lugar kasama ng napangasawa.
Umalis na siya sa trabaho kaya wala siyang pinagkakaabalahan sa kasalukuyan. Alam niyang biglaan ang pag-alis niya ngunit may malaking dahilan kung bakit niya iyon ginawa. Alam niya kung gaano karami ang humahabol sa kanya ngunit may mas mahalaga rin siyang hinahabol na ilang taon na niyang hinahanap.
Marami-rami ring trabaho ang patuloy pa rin niyang natatanggap sa email ngunit kahit isa roon ay hindi niya tinatanggap. Hindi rin niya alam kung dapat pa ba niyang tanggapin ang mga iyon.
Wala siyang napapansing ibang taong lumalabas sa subdivision nila kaya wala siyang nakakausap. Hindi na rin naman siya nagtaka dahil pinasadya niyang sa dulo sila tumira para hindi sila madaling mahanap. Patuloy lang siya sa paglalakad para lang ubusin ang oras at hindi iyong puro sa bahay lang kasama ang asawa niyang bihira lang niyang makita kahit nasa iisang lugar lang sila.
Napahinto siya sa paglalakad nang maramdamang nagba-vibrate ang phone sa bulsa ng suot na shorts.
Kunot na kunot ang noo niya nang makita ang unknown number sa screen ng magarang phone.
"Really?" Sinagot niya ang tawag. "Hello?"
"Ito ba si RYJO?" tanong sa kabilang linya. "Ako si Mr. Frido. May magaganap na auction sa Sabado. Handa akong magbigay ng kahit magkano o kahit ano basta guwardiyahan mo lang ako sa araw na iyon."
Ang lalim ng paghugot niya ng hininga saka napakamot sa sentido. Napatango siya sa sinabi ng kabilang linya. "Wrong number ka."
Ibinaba niya agad ang tawag. Tinanggal niya ang case at buong lakas na hinati sa dalawa ang phone saka niya ibinato ang bawat parte sa magkaibang direksiyon.
"Guwardiyahan? Bullshit," naiinis na aniya habang nakatingin sa direksiyon kung saan niya ibinato ang huling parte ng phone. "At saang impiyerno kaya nila nakuha ang number ko?" Namulsa siya at nagpatuloy na sa paglalakad pauwi. "Kapag minamalas ka nga naman. Kailangan ko na tuloy bumili ng bagong phone." Napansin niya ang isang bato sa daan at sinipa iyon dahil sa inis. "Mukhang kilala ko na kung sino ang susunod niyang tatawagan."
♦♦♦
Nasa bahay siya at nanonood ng TV habang sitting pretty na kumakain ng potato chips sa couch. Naghihintay lang siya ng trabaho habang hinihintay ring umuwi ang asawa galing sa pinuntahan nito.
Ilang linggo na rin noong huli siyang tumanggap ng trabaho galing sa Main Sector ng HQ, at hanggang sa mga oras na iyon ay wala pa rin siyang natatanggap na tawag mula sa mga nakatataas sa kanya. Naninibago siya dahil kadalasan ay sunod-sunod ang tawag na natatanggap niya. Madalas ay umaabot pa sa puntong kailangan na niyang mag-decline ng ibang job order para lang magampanan ang lahat.
"Ang boring naman." Ilang beses na niyang inilipat ang mga channel ngunit wala pa rin siyang makitang interesante. Natigilan lang siya nang biglang mag-ring ang wireless telephone na nakalapag lang sa mababang mesang nasa harapan niya.
Sinipa niya nang may magandang puwersa ang ibabaw ng mesa kaya lumipad ang telepono papunta sa kanya at sinalo iyon gamit ang kaliwang kamay. Pinatay niya ang TV at sumandal sa inuupuan. Nakatingala lang siya habang nakasandal ang batok sa uluhan ng couch. "Good evening."
"Ito ba si Ranger?" tanong sa kabilang linya.
"Speaking."
"Ako si Mr. Frido ng Stenawin Corporation. Kailangan ko ng guard sa darating na auction sa susunod na Sabado. Handa akong magbigay ng kahit magkano."
Isa lang naisip niya: bagong trabaho.
Unti-unting nabuo ang ngisi sa labi niya.
May magagawa na siya sa mga susunod na araw kaya nakaramdam agad siya ng excitement. Tiningnan niya ang kalendaryo. September 8 ang kasalukuyang araw—araw ng Sabado.
"Next Saturday, September 15?"
"Yes."
Inilipat niya ang tingin sa orasan, 6: 39 p.m. ang nakalagay sa digital clock.
"Okay. Nasaan ang location n'yo? Mag-meet tayo ngayon."
♦♦♦
May meeting sa kasalukuyan ang Upsilon sa HQ. Kompleto ang mga rookie kasama na ang mga commander nila. Nakapalibot sila sa isang round table at kasalukuyang bini-brief sa mission na ibinigay ng MA.
"Ano'ng mayroon?" tanong ni Ring na nakaupo sa tabi ni Leevee.
"May order galing sa management," sabi ni Tank na nakatayo lang at pinagmamasdan ang buong team. Inilapag niya ang tatlong folder sa mesa para ipakita sa iba.
"May auction na gaganapin sa Saturday at may ibinigay nang targets ang MA." Ibinaba ni Silver ang isang invitation sa mesa na pagmamay-ari ni Tank.
Inusisa ng mga rookie ang naka-print sa invitation saka tiningnan ang commanders nila.
"Isang linggo lang ang prep time?" nagtatakang tanong ni Crose. "Hindi ba masyadong urgent 'yon?"
"Sa Criasa Marine ang auction house," sabi ni Tank. "Si Seraly Nami Orahana ang auctioneer. Nandiyan ang mga target." Inginuso ng commander nila ang mga folder.
May kanya-kanyang folder ang bawat isa at nakalagay roon ang mga target at information tungkol sa kanila.
"Unang target: Jeffry Landers, COO ng Crumane Inc., isa sa mga high bidder sa darating na auction." Binuksan ni Silver ang isang folder kung nasaan ang impormasyon ng nasabing target.
"Napaliligiran 'yan ng mga guard pero madaling target. Wala 'yang kinuhang professional kaya sisiw lang 'yan sa atin. Base sa position ng reserved seat niya sa auction house, mas maganda kung sina Crose at Hitomi ang bahala sa kanya," suggestion ni Tank.
"Sunod si Masayuki Azuma, CEO ng SG&M Inc., high bidder din," dugtong ni Silver.
"Sa pagkakaalam ko, Gamma ang ha-handle sa taong 'to," paliwanag ni Tank. "Mahirap kalabanin ang commander ng Gamma pero wala tayong magagawa. Nauna na silang lapagan ng job order bago ko nakuha ang atin. Leevee at Ring, kayo ang bahala sa taong 'to."
Tumango naman sina Leevee at Ring kay Tank.
"Pero kung kailangan n'yo ng tulong, contact lang sa isa't isa para sa backup," dagdag-paalala ni Tank. "Huwag kayong kikilos kung alam n'yong tagilid ang sitwasyon."
"Last is Bernard Frido, Chairman ng Stenawin," sabi ni Silver. "High bidder at mukhang ugali nitong ubusin ang lahat ng items sa bawat auction house na pinupuntahan niya. Mainit ang mata sa kanya ng ibang high bidder. Limang bidder ang naglapag ng job order para target-in siya. Ganoon kabigat ang taong 'yan."
Napahinto ang meeting nang may kumatok sa pinto ng opisina. Naglingunan ang lahat nang bumukas iyon at pumasok si Hunter.
"Bad news," bating pambungad ni Hunter sa grupo. Tuloy-tuloy siya sa may table at tumayo sa tabi ni Tank. "Nakita ko ang target list sa Main Sector. Target n'yo si Frido, tama?"
"May problema ba?" tanong ni Tank.
"Nakakuha ako ng mission sa Main Sector. Target ko si Frido."
"See?" nagmamalaking sinabi ni Tank saka itinuro ng tingin si Hunter. "Tayo at si Hunter na ang dalawa. May tatlo pang hahabol kay Frido."
Naglakihan agad ang ngiti ng mga miyembro ng Upsilon dahil isang magandang balita ang madagdagan sila ng katulong sa trabaho.
"Nasaan doon ang bad news?" tanong ni Ring.
"Frido is Ranger's client. Contractual offer. Magiging guard ng Frido na 'yon si Ranger sa darating na auction," sagot ni Hunter.
Natahimik ang buong grupo.
Tiningnan pa nang maigi ni Tank si Hunter para malaman kung seryoso ba ito sa sinabi. "Tinanggap ni Ranger?" di-makapaniwalang tanong niya.
Nagkibit lang si Hunter saka tumango. "Malaki ang bayad. Kahit ako, hindi tatanggi."
"No shit." Napakamot ng ulo si Tank habang tinutulalaan ang mga folder sa mesa.
"Okay, we're doomed," sabi ni Silver at ibinagsak ang hawak na sign pen sa mesa bago nagtaas ng magkabilang kamay para sumuko, senyales na talagang hindi maganda ang balita ni Hunter sa kanila.
"Sino si Ranger?" nagtatakang tanong ni Leevee.
"Ranger is an S-Class Ranker na hindi basta-bastang pinag-uusapan," paliwanag ni Hunter. "One of the deadliest members of this place. Mahal ang serbisyo niya dahil isa siya sa malilinis magtrabaho sa kahit anong association."
"Talaga?" bilib na bilib na tanong ni Hitomi. "Bakit hinayaan ng MA na kunin siya bilang guard ng Frido na 'yon kung Ranker pala siya?"
"Basically, hindi siya official Ranker," paliwanag ni Tank. "May sarili siyang grupo pero dito sila kumukuha ng job order sa MA. Iba ang order ng MA, iba ang trabaho sa mga contractual client. Susunod tayo sa MA kung wala tayong ibang contract. May client si Ranger at nagkataong wala siyang order sa MA kaya malamang na ang client ang boss niya ngayon at hindi ang MA."
Pilit naman nilang inintindi ang paliwanag ng commander nila tungkol sa trabaho ni Ranger kahit nakadidismaya na kabilang ito sa pinakamagagaling na Ranker ng Meurtrier Assemblage.
"Hindi rin sakop ng MA ang pagpili ni Ranger ng client kaya wala na tayong magagawa," dagdag ni Silver. "Trabaho niya 'yon. Pare-pareho lang tayong nagtatrabaho rito."
"Ano'ng gagawin natin sa Ranger na 'yon?" tanong ni Crose.
"Ang trabaho natin ay itumba itong tatlong target, at 'yon ang gagawin natin." Maririnig sa boses ni Tank na nakatagpo talaga sila ng malaking problema sa trabahong ibinigay sa kanilang grupo. "Kung kinakailangang labanan si Ranger, lalabanan natin, kahit na mahihirapan tayong matalo ang taong 'yon."
"Siguro magpapahanda na ako ngayon ng ataul." Iniisip na ni Silver kung ano ba ang magandang kulay ng kabaong niya.
Napapangiwi na lang ang mga rookie sa inaasal ng mga commander nila. Hindi nila maintindihan kung bakit wala pa man ay parang sumusuko na ang mga ito.
"Familiar naman kami sa mga S Class, pero bakit parang bago sa pandinig ko si Ranger?" tanong ni Leevee sa mga kasamahang wala pa man ang simula ng trabaho ay kitang-kita ang kawalan ng pag-asa. "Ganoon ba siya kadelikado? I mean, we're seven, including Hunter. We can take that person down."
"How I wish we can," sagot ni Silver at kitang-kita sa mukha niya ang pagsuko at kawalan ng gana sa darating na trabaho. Napapakamot na lang ito ng sentido habang tinititigan ang mga folder sa mesa. "Wala 'yon sa bilang kung ilan tayo. It's just that, when it comes to work, alam niya kung ano ang ginagawa niya. Siguro kaya namin nina Tank at Hunter na patumbahin siya, pero kailangan pa muna naming mag-agaw-buhay."
"Escadron Elites," sabi ni Tank sa kanila, "siguro naman, pamilyar kayo sa grupong 'yon. "
"Escadron Elites, as in the dominators?" tanong ni Hitomi.
"Sila ang grupo ng mga notorious assassin na nagtatrabaho sa branch na 'to ng MA, tama ba?" tanong ni Crose kay Tank. "Ang sabi ng nakausap kong head, hindi sila basta-bastang pinag-uusapan dito. Wala silang detalye maliban sa pangalan ng grupo saka kung ano ang ginagawa nila."
"I thought, hindi talaga sila puwedeng pag-uusapan dito," dagdag ni Hitomi. "As if their names could cause a wildfire kapag binanggit sa loob ng premise ng HQ."
"They're legit killers, bro," sabi ni Ring. "One week is more than enough for them to finish the job without planning. Walang kaso ang schedule ng auction para sa kanila. Hearsay man, pero may external records kasi kaya hindi mo masasabing peke."
"So it's really them?" paninigurado ng mga rookie sa mga commander.
"Tama. Sila nga 'yon. " Tumango si Tank para kumpirmahin.
"At member si Ranger ng Elites?" tanong ni Hitomi.
"Yes. Member nga ng Elites si Ranger," tinatamad na tugon ni Hunter.
"No shit." Kanya-kanya silang layo sa mesa.
Napahawak sa likod ng ulo si Crose habang bumubuga ng hangin.
Si Hitomi, naiwan na lang na nakanganga sa mga folder sa mesa.
Si Leevee, naghahanap na ng sagot sa kanilang lahat kung paano nila matatakasan ang trabahong inilalatag sa harapan nila.
"In case no one here has told you about them yet, Escadron Elites: Crimson, Neptune, Elfe, Ranger, at RYJO. Kapag ang limang 'yon ang nagtrabaho, malinis na trabaho talaga ang makikita ninyo," sabi ni Tank sa lahat ng rookie. "Iutos lang ng mga nasa taas na magpabagsak sila ng isang buong bayan, magpapabagsak talaga sila ng isang buong bayan. Hindi mo gugustuhing banggain sila kahit sabihing pinakamatapang ka pa. At kung pang-isahang trabaho lang naman ang pag-uusapan, isa si Ranger sa mahirap kalabanin. Kapag sinabi niyang mamamatay ka, patay ka na bago mo pa malamang patay ka na."
"Please tell me that's overrated," sumusukong sabi ni Leeve.
"The Main Sector has Ranger's records. Numbers don't lie. And how I wish I was overrating," dismayadong tugon ni Tank.
Base sa pagkakapaliwanag ni Tank sa kanila, may dahilan na para matakot. Sikat ang pangalan ng Escadron Elites ngunit walang naglalabas ng kompletong impormasyon tungkol sa kanila. Madaling malaman ang mga impormasyon at resulta ng kanilang trabaho, ngunit ang mga mismong nagtatrabaho ay mahirap hanapan ng impormasyon.
"Any info kung paano siya iha-handle?" tanong ni Hitomi. "For sure, may weakness siya. Sa dami natin, hindi niya basta-basta mababantayan si Frido."
"Si Ranger ang tinatawag nilang The Heartstopper, di ba?" tanong ni Ring kina Tank. "Signature technique niya 'yon, tama? Isang suntok sa dibdib, siguradong patay ang kalaban."
Saglit na natahimik ang lahat ng nakapalibot sa mesang iyon at tinitigang maigi si Ring.
"Yes, siya nga," sabi ni Tank habang matiim ang titig kay Ring. "Isa rin sa may pinakamatataas na combat skill sa Elites. Kayang makapagpatumba ng 6-footer, 200-pounder muscleman sa isang iglap lang kung man-to-man ang labanan. Kayang makapatay ng maramihan in sniping mode within a hundred-meter range. Weapon specialist, at ayaw na pinatatagal ang trabaho. Bigyan mo ng target ngayon, wala pang isang linggo, tapos na lahat. Hindi nga lang niya kayang kontrolin ang pasensiya niya."
"Pero kaya siyang pigilan ng mga kasama niya," sabi ni Ring. "And at this point, hindi siya ang dapat katakutan, di ba? Mayroon pang iba. Mayroon pang isa."
"Sino?" tanong ni Hitomi. "Hindi natin kagrupo malamang. Auction 'yon. Magkakagulo talaga kapag nagkaroon ng commotion sa area."
"Walang magiging problema kung si RYJO ang tatapat sa kanya," sagot agad ni Ring. "Siya lang naman ang naiisip kong kayang lumaban kay Ranger nang walang nagiging malaking gulo. Like what Tank said, dati siyang Upsilon Commander, at Upsilon tayo."
"Anong walang magiging malaking gulo?" kontra ni Silver na salubong na ang mga kilay. "Magpakita lang siya sa auction na 'yon, malaking gulo na! 'Tapos ngayon, sasabihin mo, walang magiging malaking gulo? Oh, come on!"
"Pero mapipigilan niya si Ranger," depensa ni Ring. "Kayang talunin ni RYJO ang buong Elites kung gugustuhin niya."
"Ring has a point, though," segunda ni Hunter.
"Hindi niya mapipigilan si Ranger, Hunt," sagot ni Silver, naiinis sa usapan. "Kusang pipigilan ni Ranger ang sarili niya dahil kahit siya, takot din sa kayang gawin ni RYJO. Para namang hindi mo kilala 'yon."
"That's the point!"
"RYJO?" nagtatakang tanong ni Crose. "Akala ko ba, retired na 'yon?"
"Oo nga, retired na nga," sagot ni Hunter. "Pero member pa rin siya ng Elites, may pag-asa pa."
"'Yon ay kung pupunta siya sa auction," sabi ni Silver.
"Bakit? Ano ba ang mayroon ang RYJO na 'yon at siya lang ang puwede? Ang dami natin, bakit iaasa natin sa kanya?" tanong ni Crose.
"Si RYJO ang Slayer. Kaya niyang tapatan ang kahit sino sa assoc, kahit ang Four Pillars," sagot ni Ring. "I think, reasonable naman kung aasa tayo sa kanya para mapadali ang trabaho natin. Kung maraming sasali sa auction galing sa ibang association, puwede nang tapatan ni RYJO ang lahat."
"Mukhang may alam ka sa Elites, a," puna ni Hunter sa rookie na bukod-tanging hindi natatakot sa babanggain nila.
"Hindi naman." Tiningnan ni Ring ang mga kasamahang napabilib din niya nang kaunti. "Nababalitaan ko lang sa iba 'yan."
"Hindi basta-basta nababalita ang ganiyang info, kid," sabi sa kanya ni Silver. "Lalo pa, S Class at Elites ang tinutukoy mo. Gaya nga ng sabi ni Crose, limitado ang impormasyon, hindi pinag-uusapan basta-basta. Unless, may koneksiyon ka rito sa loob."
Napatayo nang deretso sina Silver, Tank, at Hunter habang tinatantiya ng tingin si Ring.
Natahimik ang binata. Hinintay nilang makapag-react siya sa sinabi ni Silver. Bigla siyang kinabahan habang nababasa sa mukha ng mga kasamahan na masyado siyang maraming alam para sa isang baguhan.
Nanlamig ang mga pawis niya sa batok habang nakikipagsukatan ng tingin sa mga commander niya. Napalunok siya bago makapagsalita.
"May mga kakilala ako na dito nagtatrabaho noon. Nakukuwento lang nila sa iba na naririnig ko lang din nang hindi sinasadya," katwiran niya.
Sinukat siya ng tingin ng commander niya. Pinilit naman niyang itago ang nalalaman.
"Iyon lang naman ang alam ko," panapos niya.
"Hindi nila-lang ang nalalaman mo," sabi ni Silver na mukhang balak talagang mag-interrogate sa planning nila. "Pinapatay nila ang nakakakilala sa kanila na kaduda-duda ang intensiyon, at hindi ka exempted doon."
Nagkatinginan naman ang ibang mga rookie sa isa't isa dahil sa narinig kay Ring. Tinantiya naman ng tingin nina Tank ang baguhang mukhang maraming alam sa mga miyembro ng HQ na dapat ay tago ang pagkakakilanlan.
"Ring," tawag ni Tank.
"Bakit?"
"Sumama ka sa amin nina Hunter. Tayo ang tutumba kay Frido."
"Ha?"
"Sumunod ka na lang at huwag ka nang magtanong. Maghanda na kayo. Kailangang maging maayos ang trabaho natin ngayon. Kung hindi, pare-pareho tayong malilintikan nito."
♦♦♦
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top