CHAPTER 4: Best Men
Meurtrier Assemblage: HQ branch
Nilalakad ni Hunter ang hallway papuntang office kung saan siya dating nagtatrabaho. Matagal-tagal na rin noong huli siyang mapadpad doon. Hindi man siya permanenteng miyembro ng kahit anong division sa lugar, may isang grupo naman siyang laging sinasamahan kung sakaling mabibigyan siya ng trabahong kailangan ng mga ka-grupo.
Marami-rami rin ang taong nakakasalubong ngunit walang pumapansin sa kanya. Seryoso at deretso ang kanyang tingin sa dinaraanan. Kitang-kita sa aura niyang hindi rin siya madaling kantihin, dala na rin ng katawan niyang matipuno at halatang na-maintain sa loob ng maraming taon. Ilang beses nang napagkamalang sundalo sa suot na camouflage V-neck shirt, fatigue pants, at black boots habang dala-dala ang malaking camping bag.
"O!"
Napahinto siya sa paglalakad at napatingin sa kanang gilid. "O, Tank!"
"Uy, Hunter! Kailan ka pa nakabalik?"
Sinalubong agad siya ng isang lalaking nakasuot ng itim na uniporme ng association na kinabibilangan. Hindi naman sila nagkakalayo ng taas na anim na talampakan. Magkasingkatawan din dala ng klase ng trabaho.
"Kanina lang ako nakabalik." Sinilip ni Hunter ang likod ni Tank. "Ayos, a. Ganito ko iniwan itong HQ, wala pa ring ipinagbago. Marami pa rin bang nag-a-apply?"
Tumango naman si Tank. "At marami ring nare-recruit."
"Ikaw lang ba ang nandito?" usisa ni Hunter.
"Hindi. Tara sa office."
♦ ♦ ♦
Huminto ang dalawa sa tapat ng isang pinto na may nakalagay na U-Office.
Pumasok sila sa loob at doon bumungad kay Hunter ang isang grupong bago sa kanyang paningin.
Napahinto ang lahat at pinanood siyang libutin ng tingin ang buong kuwarto. May malaking office table sa dulong kaliwa, may pulang sofa sa tabi nito, at mababang coffee table naman sa harapan. Puro mga drawer at file cabinet sa dulong kanan, at sa natitirang parte ay hinahati naman ng tatlong bilog na metal table. Nakakapanibago para sa kanya dahil nadagdagan ng gamit sa loob. Mas dumami ang file cabinet at nadagdagan ng lugar para sa mga bisita.
Pansin niya ang dalawang taong nakaupo sa may sofa na hindi pamilyar sa kanya. Ang dalawa naman ay nasa bakal na mesa at napahinto lang sa ginagawa dahil sa pagdating nila. Ang nasa office table naman ay nakangiti sa kanya nang matipid.
"Oo nga pala, ito si Hunter." Tinapik ni Tank ang balikat niya habang ipinakikilala sa grupo. "Para sa mga rookie na hindi siya kilala, Rank 1 mercenary bounty hunter itong taong ito, 3-Class Expert, at isa sa mga ipinagmamalaking produkto nitong HQ."
Sumaludo si Hunter at ngumiti.
"Hey, Hunt! 'Musta?"
"Silver!" masayang bati ni Hunter sa lalaking bumati sa kanya. Pansin agad ang tikas nito kahit nakaupo, pansin din pati ang polo shirt nitong uniporme na tulad ng kay Tank. "Ayos, a. May buhok ka na!"
"Sira." Natawa nang mahina si Silver dahil sa sinabi niya.
"Kayong mga rookie, magpakilala kayo," utos ni Tank sa iba.
Tumayo ang isa sa mga nasa sofa.
"Hitomi: Class C, Rank 8," pagpapakilala ng babaeng mukhang sasali sa cheering squad dahil sa palda nitong suot at sa ayos ng buhok na naka-pigtail.
"Ring: Class B, Rank 4," sunod na sabi ng lalaking nakasuot ng headseat. Halata ang hilig nito sa kutsilyo base sa tatak ng headset na suot at sa nakalapag na army knife sa mesa.
"Crose here: Class A, Rank 4," sabi ng lalaking mukhang tahimik lang at pansin ang makailang beses nitong pag-ikot sa hawak na technical pen.
"Ako si Leevee: Class D, Rank 6," huling pakilala ng babaeng matamis ang ngiti at halatang mahilig sa animé dahil sa cosplay attire nito. May asul na wig at naka-black overall costume pa.
Pare-pareho silang may red letterman jacket na may tatak ng HQ at mga nasa early at mid-20s nila. Mga baguhang contract killer ng Meurtrier Assemblage branch: HQ.
"Okay, kompleto na pala rito, a." Nginitian ni Hunter ang lahat ng naroon. "May dalawang Rank 4 agad. Mataas na para sa mga rookie."
"Maupo ka muna. Baka sabihin mo, wala kaming upuan dito," biro sa kanya ni Tank.
Dumeretso sila sa may sofa at doon siya umupo. Tumabi siya kay Hitomi at inilapag ang mga gamit sa paanan. Kumuha naman ng isang metal chair si Tank at pumuwesto sa tapat niya.
"Saan nga pala ang last mission mo?" tanong ni Silver. "Parang hindi ko nabalitaan sa ibaba na kumuha ka ng trabaho."
"Ah, kagagaling ko lang sa France. Kanina lang ako nakabalik," sagot ni Hunter habang may kinukuha sa dala niyang bagahe. "Mataas ang ibinigay na patong sa apat na hinuli ko kaya natagalan. Puro wanted pa sa pitong bansa. Mahirap ding hulihin, makailang beses nagpalipat-lipat ng location. Mukhang alam na hina-hunting sila."
"Isa't kalahating taon din 'yon. Matagal-tagal din," sagot ni Tank habang pinanonood si Hunter sa ginagawa nito.
Sandaling inilapag ni Hunter sa mesa ang isang wedding invitation na nakapangalan para sa ibang tao habang may kinakalkal sa bag nito. "Balita ko, ikinasal na si RYJO."
"Oo nga," sagot naman ni Tank, titig sa invitation. "Nakakasama nga 'yon ng loob. Hindi man lang nang-imbita."
"Hindi na ako nagtaka," sagot ni Silver.
"Saan mo nakuha ang invitation?" tanong ni Tank nang damputin ang envelope galing kay Hunter. May naka-imprentang pangalan ng imbitado sa labas at hindi iyon ang alam niyang pangalan ng kasama. Binuksan niya ang loob at nabasa roon ang pangalan ng ikinasal na hindi man lang niya alam kung sino ba talaga. Inamoy pa niya ang mabangong papel saka inobserbahan ang bawat detalye ng card na kulay puti at ginto lang. "Hindi talaga ako makapaniwalang ikinasal na nga si RYJO."
Inayos ni Tank ang envelope at inilapag uli sa mesa.
Napatingin naman ang dalawang babaeng nasa tabi nila sa wedding invitation.
"Sino si RYJO?" tanong ni Hitomi habang sinisilip ang imbitasyon na hindi man lang nila mahawakan.
Nagkatinginan naman sina Tank at Hunter dahil sa tanong. Bakas sa mga tingin nila na inaasahan na iyon at alam na ang isasagot.
Nagsalita si Hunter. "Kasama namin sa trabaho. Dati."
"Dating Upsilon Commander," dugtong ni Tank. "'Yong pinalitan ko."
"O? Talaga?" Kitang-kita sa mukha ng dalawang katabi nila ang pagkabilib.
"Gaya rin ni Tank?" tanong ni Crose.
"Well . . ." Nanantiya na ang tingin ni Hunter habang nakatingin sa kasamahan. "Malayo para ikompara kay Tank. Isa sa mga S Class ng HQ si RYJO," paliwanag niya sa tonong kalmado pa para sa usapan. "Pinakamataas na ranggo para sa member ng MA. At mahirap magkompara kung ganoon kataas ang lebel ng pagkokomparahan."
"No shit," bulong ni Leeve.
Samantala, ang isa sa kanila ay hindi man lang nagsalita mula nang matapos ang pagpapakilala. Nakatingin lang ito sa iba at nakikiramdam din. Isang interesanteng pangalan ang naririnig nito sa kasalukuyan, at mukhang tama ang nasalihan nitong grupo.
"Hindi ba nadaan dito si RYJO pagkatapos niyang ikasal?" tanong ni Hunter at kinuha uli ang wedding invitation para itago nang mailabas ang bagay na kinakalkal niya sa bag.
Umiling lang si Tank sa tanong niya. "Wala na 'yon. Nagretiro na."
"Nagretiro? Ang aga naman! Kailan pa?"
"Six months ago. After ng isang mission namin, nagpasa siya ng resignation sa main office, isinauli ang ID, at saka umalis. Gusto na raw niyang lumagay sa tahimik."
Nagulat naman si Hunter sa sinabi ni Tank. Tumaas ang kilay niya at bahagyang napaurong paatras. "At tinanggap ng MA ang resignation? Himala!" Sumandal siya sa inuupuan at nag-de-kuwatro. "Pero mukhang gusto na ngang lumagay sa tahimik, nagpakasal na, e. Kaso hindi pamilyar sa akin ang napangasawa niya. Walang interesante sa profile. Ordinary citizen lang. Kilala n'yo ba 'yon? Saan niya nakilala 'yon?"
"Iyon nga ang iniisip ko, at hindi pa nag-imbita," reklamo ni Tank. " Ayaw yatang ipakilala sa atin."
"Kahit pa hindi ipakilala sa atin, bakit walang ibang laman ang profile ng pinakasalan niya? Hindi ba kayo nagtataka? Saan ba niya nadampot 'yon?"
Nagpalipat-lipat ang tingin ng mga rookie dahil hindi nila naiintindihan ang pinag-uusapan ng mga lider nila.
Nakatuon lang ang tingin ni Ring sa tulis ng kutsilyong nakatutok sa mesa at pinaglalaruan niya. Pagsulyap niya kina Tank sa sofa, saka siya nagtanong.
"Malaking issue ba kung malaman n'yo ang profile ng pinakasalan ng RYJO na 'yon?"
"Malaki," sabay-sabay na tugon nina Hunter, Tank, at Silver. Bagay na lalong nagpataas ng kuryosidad ng mga rookie.
"Matagal na siyang isolated sa mga kasama niya. Mag-isa lang siyang nakatira sa kung saan man siya nakatira. Hindi siya puwedeng basta lapitan ng kung sino lang dahil hindi siya ligtas kasama," dismayadong sinabi ni Hunter. "Believe me, baliw lang ang magpapakasal kay RYJO."
"At hindi pa ipinanganganak ang baliw na magpapakasal sa Slayer," sabi ni Tank.
"Ipinanganak na," pambabara ni Silver sa kasama. "Kaso mukhang may mali sa pagkakapanganak sa kanya dahil walang ibang impormasyong lumalabas kapag hinahanap ang pangalan."
"Totoo ba ang kasal?" tanong ni Hunter. "O baka setup lang?"
"Totoo. At nalaman lang namin after three days dahil may nagbalitang nangyari nga," sagot ni Tank. "Kung walang nagsabi sa amin, walang makakaalam na ikinasal siya."
"Mukhang may hindi talaga siya sinasabi sa atin," mahinang sabi ni Hunter, naniningkit ang tingin sa mesa. "Ano na naman ba'ng binabalak niya?"
Napasandal si Ring sa inuupuan. Habang tumatagal, lalong nadaragdagan ang patunay na tama nga ang desisyon niyang sumali sa grupong iyon. Kaunti na lang at mahahanap na niya ang sagot sa tanong na matagal na niyang hinahanap. Malalaman na rin niya ang katotohanan sa likod ng nangyari sa kanyang kapatid.
♦♦♦
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top