CHAPTER 3: Husband and Wife

Click!

"Okay, time. 12:03 p.m. Wednesday ngayon, September 5 na. Hi! I'm Jocas Española, 25 years old—sana tama ako tungkol diyan. I'm not busy today kasi I'm on my leave—ay, wait! I'm busy na rin pala kanina kasi katatapos ko lang maglipat ng gamit dito, and oo nga pala, nandito na ako sa bahay. I mean, bagong bahay ko at ng aking husband. Ito ang kuwarto ko. At oo, sa ibaba ang kuwarto ng asawa ko. Ang weird, 'no? Parang mga border lang kami sa bahay na 'to. Hmp!

Last Sunday ang wedding ko na napaka-ultra mega super duper epic fail! Hindi lang kasi talaga sila marurunong tumawa! Wait, correction nga pala sa name ko! Ako na si Mrs. Jocas Española-Malavega! Yes, sir! Imagine, isang Rynel Joseph Malavega ang napangasawa ko. Pero Josef with an F daw siya. Ang taray, di ba? Oh my god! As in oh my god talaga siya!

Nagkita na kami half a year ago before the wedding, kaso may sa ulyanin yata siya kasi hindi niya ako maalala. Anyway, matagal nang planado ang wedding, pero last week lang kami nagkasama nang matagal kasi mayroon pang seminar and interview thingy tapos may meeting pa sa simbahan. Nagtataka nga ako kung bakit siya pumayag sa wedding kasi obvious namang ayaw niya. Ano sa tingin mo ang reason? Hmm.

Saka alam mo, nakakainis 'yon! Parang laging moody, talo pa 'ko! Sa rehearsal nga ng wedding, ni hindi man lang ako makuhang tingnan! Ayaw mamansin! Tse! Guwapo siya? Guwapo siya, ha?

Well, guwapo naman talaga siya. Mukhang na-maintain niya ang katawan niya kahit wala na siya sa trabaho. Masipag pa rin naman siguro siya. Duda na ako sa diskarte niya. Naging mahina ang pag-analyze niya sa sitwasyon ngayon.

"Maam, kakain na po."

"O, sige! Susunod na 'ko!"

O . . . kay. That's all muna! Babalikan kita mamaya, Vivi!"

Click!


Pinatay niya agad ang videocam na nakapatong sa study table at tumayo na. Limang taon na niya iyong ginagawa at unang beses siyang nag-record sa ibang bahay kasama ang ibang tao.

Kakain na raw kaya lumabas na siya ng kuwarto. Nilibot na niya ang bahay nitong umaga lang kaya pamilyar na siya kahit paano sa floor plan.

Malaki roon—malaki para sa dalawang tao. Three-story modern glass house at may pool. Hindi na masama para sa panlasa niya. Nagtagal din siya sa roof deck nang mapatambay roon pagkarating kanina. Katabi lang kasi ng kuwarto niya. Puti lang ang kulay ng interior at may ilang cream na parte. Naisip niyang papinturahan na lang ng purple para hindi boring tingnan. High ceiling din sa parte ng sala at naisip niyang puwedeng maglambitin anumang oras. Nasa plano na rin niyang makapagkabit ng lubid sa kisame para hindi na mapagod sa pagbaba.

May lima silang kasambahay na bumati sa kanya at kasalukuyang nag-aasikaso sa bagong bahay nila.

Sanay siya sa maraming tao pero hindi siya sanay na may ibang tao sa tinitirhan.

Pagbaba sa sala, pagliko sa kaliwa para makarating sa dining room, nasa arko pa lang ng pinto, naabutan na niya si Josef at kumakain na.

"Aba!" Namaywang agad siya habang nakatingin mula sa labas ng silid-kainan. "At talagang nagpauna na siya, ha? Hindi man lang ako hinintay?"

Kung may isang bagay siyang kinaiinisan sa lalaki, iyon na malamang ang pagbabalewala sa kanya nito. Pero kahit na ganoon, lumapit pa rin siya rito nang nakangiti at niyakap ito mula sa likod.

"Hello, husband!" galak na galak niyang pagbati at hinalikan din ito sa pisngi. Pagkatapos ay tumayo na siya nang deretso saka niya ito nginitian nang malapad.

Tiningnan lang siya nito nang masama habang pinupunasan ang pisngi nitong hinalikan niya.

"Ang arte mo, 'no? Walang character development?" masaya ngunit sarkastiko niyang sagot. Nilakad niya ang kabilang dulo ng mesang pang-anim na tao. "Makapunas ka naman ng mukha, may virus ba 'ko?"

Umupo agad siya sa kabilang kabisera ng mesa at tiningnan ang lahat ng nakahanda sa mesa. May tatlong klaseng ulam, may mashed potato sa isang bandeha, at isang hilera ng loaf bread.

"Ang daming karne! Wow!"

Lumapit sa kanya ang isang maid na nakabantay roon. "Ma'am, ano po ang gusto n'yong kainin?"

Akma na sana nitong hahawakan ang plato niya pero tinapik niya agad ang kamay nito.

"Don't . . . touch my plate," mahigpit niyang sita rito.

"O-Okay ho, ma'am." Nahihiyang tumango ang maid habang hawak ang nahampas na kamay.

Pasipol-sipol lang siya habang sumasandok ng mashed potato na binuhusan ng sarsa sa isang ulam na naroon.

"Masarap ba 'to?" tanong niya habang sumasandok nang kaunti sa pagkain. Tumingin pa siya sa itaas habang nilalasahan iyon. "Nanunuot ang anghang sa dila. Mapanakit. Winner! Maid!" Pinalapit niya na naman ang maid na nakabantay sa kanila. "Sino ang nagluto?" pagturo niya sa pagkain.

"Si Manang Lina po, ma'am."

"Ay, kaya pala masarap! Si Manang Lina pala ang nagluto!" Humagikhik siya habang pinapaypay ang kamay katapat ng mukha. "Si Manang Lina talaga, oo, hindi pa rin nagbabago."

Napangiti sa kanya ang maid na kausap. "Kilala n'yo po si Manang Lina, ma'am?"

Humagikhik na naman siya. "Siyempre! Hindi."

Paglipat niya ng tingin sa harapan ng mesa, nakita na lang niya si Josef na pinupunasan ang bibig nito habang umuubo.

"O, ano'ng nangyari sa 'yo?" tanong niya kay Josef. Tiningnan lang siya nito nang masama habang umiinom ito ng tubig.

Napasimangot na rin siya dahil tinatanong lang naman niya ito pero nagsusungit na naman.

"Maid, puwedeng doon kayo sa hindi ko kayo makikita?" pakiusap niya sa kasambahay na nakabantay roon. "Ayokong may nanonood sa mga nasa mesa kapag kumakain kami."

"S-Sige ho, ma'am."

"Good! Now go." Itinaboy niya ito papuntang kusina at pinagtuunan na ng pansin ang plato niya.

Ang tahimik sa paligid, hindi siya sanay. Kahit tunog ng kubyertos at kalansing ng plato, hindi maririnig kay Josef na kumakain din naman.

Sumubo agad siya ng dalawang sandok at ngumuya nang napakaingay habang tinutuktok ng kutsara't tinidor ang plato.

"Nyarn, nyarn, nyarn, nyarn."

Nagulat siya nang biglang may dumampa sa mesa. Napaatras agad siya sa upuan habang slow-mo pang ngumunguya at nakatitig na kay Josef na salubong ang mga kilay.

"Puwede ka bang kumain nang tahimik, ha?" galit na sabi nito habang masama ang titig sa kanya.

Lalong lumapad ang ngisi niya nang padabog nitong ibinato sa mesa ang table napkin na pinampunas nito sa bibig.

Alam na alam na niya kung paano kukunin ang atensiyon ng lalaki kapag gusto niyang pansinin siya nito.

"Bakit ang init ng ulo mo?" tanong niya kay Josef habang ngumunguya at nakangisi. "Hampasin ko kaya ng bloke ng yelo ang ulo mo nang lumamig-lamig naman."

Ibinagsak ni Josef ang likod sa mataas na sandalan ng dining chair. "What's your problem?" naiinis na tanong nito.

"Ako?" Itinuro pa ni Jocas ang sarili.

"Ikaw ang kausap ko, di ba? Malamang ikaw."

"Hahaha! Gigil siya!" tuwang-tuwa niyang sagot.

Ang bigat ng buntonghininga ni Josef habang nandidiri ang tingin sa kanya. "Alam mo, sa tingin ko, may mali talaga sa 'yo."

"Ay, talaga? Alam mo, gano'n din ang tingin ko sa 'yo," sabi niya sa lalaki at umurong pa siya sa mesa para mangalumbaba. "May mali sa 'yo, may mali sa 'kin. Feeling ko, bagay talaga tayo!" Inipit pa niya ang buhok sa likod kanang tainga. "Really, we're meant to be!" Humagikhik na naman siya na parang duwendeng tumatawa.

Lalo lang ngumiwi sa kanya si Josef at mababasa sa titig nito ang pandidiri.

"Kaya mo bang maging sensible kahit minsan? Noong nakaraan ka pa, e," naiiritang tugon ni Josef. "Nangangati ako sa ugali mo."

"Gusto mo ng sensible?" masayang tanong ni Jocas at dumeretso ng upo. "Did you watch the 8 p.m. show last night sa cable channel?" Kumikinang ang mata niya nang magkuwento.

"Can you just shut up and be normal?"

"Maganda ang show! It was an action movie! Alam mo, feeling ko, member din ako ng isang assassin group," pagpapatuloy ni Jocas sa kuwentong hindi naman gustong marinig ng lalaki. "Alam mo 'yon? Yung mga ganito—" Gumawa pa siya ng karate moves. "Huwa-cha! Huwa-cha! Oh my god, ang cute ko talaga, di ba?" Humagikhik na naman siya at sumubo uli ng pagkain saka nag-peace sign ng mga daliri katabi ng bibig.

Ilang segundong katahimikan din bago nagsalita si Josef.

"Tapos ka na?" nabuburyong nitong tanong.

Napahinto si Jocas sa pagnguya at tiningnan lang ang lalaki nang mas maigi pa.

"Ang KJ mo. Pinaglihi ka ba sa sama ng loob?" tanong ni Jocas. "I'm just saying na maganda ang palabas last night. And I love movies na tungkol sa patayan."

"Alam mo, gusto ko rin ng tungkol sa patayan," seryosong sinabi ni Josef kaya bumagal ang pagnguya ni Jocas sa patatas na kasusubo niya lang. "Kaunti na lang, mapapatay na kita sa ugali mo."

"Oh!" Napaupo nang deretso si Jocas habang malapad ang ngiti. "Really?" masaya niyang tanong. "That's amazing!" Ipinaikot niya sa daliri ang hawak na tinidor at mabilis na ibinato kay Josef.

Nanlaki ang mga mata ng lalaki at bahagya lang na ipinilig ang ulo pakanan para makaiwas.

"What the f—" mahinang banggit ni Josef habang pinandidilatan ang likuran bago ibinalik sa kanya ang tingin.

"Shocks! I love you, Josef!" tili niya habang pumapalakpak. "Ang guwapo mo talaga! Aaah!"

Nakanganga lang si Josef habang nagtatakang nakatingin sa kanya.

"Sabi na, you're so amazing talaga, e!" Nag-flying kiss pa siya sa lalaki.

"Why the fuck did you do that?" di-makapaniwalang tanong ng lalaki. "Are you out of your goddamn mind?!"

"Why?!" malakas na sagot ni Jocas habang nakangiti na parang ang saya-saya ng nangyayari sa pagitan nila ng asawa. "Isn't amazing?"

"Balak mo ba akong patayin, ha!" nanggagalaiting sigaw ni Josef at halos maglabasan ang litid nito sa leeg habang pinandidilatan siya ng mata.

"Hala! Wala, ha!" painosente niyang sagot. "I'm just saying na ang ganda ng movie last night! Ikaw, masyado ka."

Kumalabog na naman ang mesa dahil dinabugan na naman ni Josef.

"And what's the relevance of that movie and throwing a fork at me, huh? Baliw ka ba?" puno ng inis na tanong ng lalaki.

Tumango lang si Jocas habang malawak ang ngiti. "Nararamdaman ko kasing assassin din ako, e! I can feel it in my veins." Siningkitan niya ang mga mata habang tumatango. "It's in the blooood."

"That's bullshit."

"Alam mo, ang KJ mo talaga, Josef." Nagpatuloy lang sa pagsubo si Jocas, tuwang-tuwa sa pagkairita ng lalaki sa kanya. "Can we enjoy the meal? You know? Like . . . normal?"

"No sane being will enjoy a meal with you, crazy."

"Hindi mo sure," sagot agad ni Jocas sabay subo na naman sa pagkain niya. "And besides, hindi ka ba nabo-bore na wala man lang thrilling happenings dito sa bahay? Nakaka-survive ka sa ganito? Ang boring kaya."

"Don't talk to me anymore." Tumayo na si Josef at pinagdabugan pa ang upuan. Pagsulyap nito sa likurang dingding, nilapitan nito ang tinidor na nakabaon doon at hinawakan ang puluhan ng kubyertos.

"Leave the fork alone, Josef . . ." pakantang paalala ni Jocas.

Sinubukang alisin ng lalaki mula sa pagkakabaon ang tinidor pero hindi iyon naalis sa unang hatak. Paglingon nito sa kanan, naabutan nitong nakatingin sa kanya ang mga maid na nakaabang sa may kitchen area.

Nagtulakan agad ang mga ito para makaiwas bago ibinalik ni Josef ang tingin sa asawang panay lang ang nguya sa kabilang panig ng mesa.

"Not strong enough, huh?" pang-asar ni Jocas sa asawa. "Show me some stupidity right there, so I can enjoy my meal with you."

Biglang naningkit ang mga mata ng lalaki bago naglakad paalis ng dining area.

"Crazy bitch."


♦♦♦

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top