Chapter 21: Faith

Patuloy ang gulo sa loob ng Criasa Marine. Nagsimula na ring kumilos ang iba dahil dumarami na ang casualties sa buong hotel. Nahirapan sina Josef at Ring na makapunta sa 17th floor dahil bawat floor na hintuan nila ay may naaabutang kalaban. May mga elevator na naka-lock ang ilang floor at may ilang floor na hindi naman. Halatang ginamit ang buong lugar para paglaruan silang lahat.

"May magpapakita pa ba?" hinihingal na tanong ni Ring.

"Hindi na 'ko natutuwa. Hotel ba 'tong pinuntahan ko o arena?" nagtatakang tanong ni Josef.

"Ang sabi ni Tank, ngayon ang Annual—"

Hindi na natapos ni Ring ang sinasabi nang bumukas ang sinasakyan nilang elevator. Sa wakas ay nakaabot na sila sa 17th floor. Sinilip pa nilang dalawa ang labas at ang hallway para tingnan kung may Rankers at Levelers pang susugod sa kanila.

"Clear," sabi ni Ring.

Lumabas na sila ng elevator at naglakad sa hallway ngunit natigilan.

"What the—"

Napayuko sila sa tunog na iyon. Baril na may silencer pa ang ginamit para paputukan silang dalawa. Muntik nang matamaan si Ring sa ulo. Mabuti na lang at nakaramdam agad siya na may paparating.

Pinaputukan uli sila mula sa kung saang direksiyon at muntik nang tamaan si Josef sa balikat. Lumabas mula sa pinagtataguan nito ang bumabaril sa kanila hawak ang dalawang handgun. Kinuha ni Ring ang dagger niya sa baywang at pinatama sa lalamunan ng bumabaril sa kanila.

Bago pa man nito kalabitin ang gatilyo ng hawak ay bumagsak na ito ilang metro ang layo mula sa kinatatayuan nina Ring.

"Ito ang dahilan kaya umalis ako sa trabaho," dismayadong ani Josef.

Lumapit ang dalawa sa bagong casualty ng larong iyon. Kinuha ni Ring ang patalim sa dumudugong leeg ng gunman.

"Class B ka?" tanong ni Josef nang mapansin ang kakaibang porma ng dagger ni Ring.

"Bakit ang dami mong alam?" tanong ni Ring. Kinuha uli niya ang panyo at pinunasan ang duguan na naman niyang patalim.

"Class B's specialty are sharps," sagot na lang ni Josef. "Alam ba ni Ligee ang ginagawa mo?"

Kumunot ang noo ni Ring nang maalala ang girlfriend niyang alam niyang hindi tanggap ang kung ano man ang nalaman nito sa gabing iyon.

"Dito rin ba ang kuwarto ninyo?" tanong ni Ring.

"Oo. Sa 1718," sagot ni Josef sa kanya.

"Susubukan kong mauna sa itaas. Hanapin mo na ang asawa mo."

Tumango si Josef sa sinabing iyon ni Ring at dali-dali niyang tinungo ang kuwarto nila ng asawa.

Napansin niyang dapat carpet ang sahig ng hallway ng bawat floor pero sa naka-tiles iyon na kakulay ng sariwang dugo. Kapansin-pansin din ang ilang mga crack at butas sa sahig na malamang ay gawa ng mga bala o malalakas na puwersa.

Nakarating na siya sa pintuan ng kuwarto nila. Hindi na siya kumatok dahil wala namang dahilan para gawin pa iyon. Bukas ang pinto kahit walang pass na gamitin.

"Jocas? Jin?" tawag ni Josef habang tinitingnan ang buong kuwarto. "Jocas, nandito ka ba?"

Walang sagot na kahit ano. Napansin din niyang walang laman ang kuwartong iyon. Naiwan ng asawa niya ang gamit nito sa mesa nila kaya malamang na wala itong madadala sa auction house.

"Nasaan ka na ba?" naiinis na tanong ni Josef dahil hindi niya talaga mahanap ang asawa niyang nawawala.


♦♦♦


Sa kabilang banda, nagpadala na si Dizel ng mga taong lilinis sa mga kalat na ginawa ng mga importanteng guest nila.

Planado ang auction at wala man lang nakahalata sa orihinal na plano nila—isang malaking patibong lang ang lahat na pakana ng ilang matataas na taong pinaglilingkuran ng mga dumalo.

Maliban sa intensiyong pagsabungin ang dalawang sikat na association, nangyari nga ang inaasahan ng iilan—ang magpakita ang dalawang nagtatagong alamat sa iisang lugar lamang.

Kung ano man ang casualties na mayroon ang hotel, lahat ay collateral damage lang. At pumayag si Seraly Orahana na gawing battleground ang buong Criasa Marine kapalit ng pagbagsak ng ilang competition niya sa negosyo. Nagbayad din siya para mga taong magte-terminate sa mga high bidder ng auction.

"Sir, may nakapasok sa floor 39. Ranker," pagtawag sa kabilang linya mula sa handheld transceiver.

"Magpadala agad kayo ng guards. Hindi puwedeng magkagulo sa auction house," utos ni Dizel at umalis na sa monitoring office ng Criasa Marine.


♦♦♦


Hindi nakita ni Josef ang asawa sa nakalaang kuwarto nila sa hotel.

Nagpasabi na si Ring na susubukan nitong hanapin ang auction house kahit na sinabihan na ito ni Tank na tapos na ang misyon nila.

Naghiwalay na sila ng daan at susubukan na lang ni Josef na pumunta ng penthouse para maghanap.

Anim ang elevator ng buong hotel at hindi siya sigurado kung ano ang bubungad sa kanya sa mauunang bumukas. Nakailang pindot na siya sa up button ng elevator. Ilang sandali pa ay bumukas na rin ang isa at napahugot siya ng hininga nang makitang may laman sa loob.

Si Hunter—ang mercenary ng Meurtrier Assemblage.

Sandaling nagsukatan ng tingin ang dalawa.

"Si Erajin?" tanong nito.

"Hindi ko alam," walang emosyong sagot ni Josef.

Kalmadong pumasok ng elevator si Josef at pinindot ang P button sa kaliwang bahagi ng elevator para umakyat sa penthouse. Umilaw iyon hindi gaya sa ilang nasakyan niyang elevator na ayaw umakyat hanggang 35th floor.

Sandaling katahimikan sa pagitan nilang dalawa.

"Ikaw ba talaga ang asawa niya?" tanong ni Hunter na masyadong personal para itanong sa ganoong sitwasyon. Napataas tuloy ng kilay si Josef at sumimangot habang deretso ang titig sa pinto ng elevator.

"May problema ka ba ro'n?" sagot na lang ni Josef.

"Hindi ikaw ang trabaho ko at alam kong iba rin ang pakay mo. It's not safe out here," seryoso at may bigat na dagdag ni Hunter. "You should know that."

"Hindi mo 'ko kailangang sabihan kung ligtas ba ang lugar na 'to o hindi—" Hindi na natapos pa ni Josef ang salita nang putulin agad ni Hunter ang sinasabi niya.

"Kung kilala mo ang asawa mo, dapat alam mong hindi na ligtas ang lugar na 'to oras na hinayaan siya."

Muling bumukas ang elevator sa 34th floor at madaling lumabas si Hunter.

"Kung nawawala ang asawa mo, mabuting hanapin mo na siya sa lalong madaling panahon. Hindi mo gugustuhing makita siyang magbago," ang huling salita nito.

Naningkit ang mga mata ni Josef habang pinanonood na sumara ang elevator. Napaisip siya kung ano ang ibig sabihin ni Hunter sa sinabi nitong hindi niya gugustuhing makitang magbago ang asawa niya.

Ano nga ba ang alam ng mga tao sa paligid nila tungkol sa asawa niya na hindi niya alam?


♦♦♦

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top