CHAPTER 2: The Reception

Katatapos lang ng kasal at halo-halo ang usapang maririnig sa isang magarang hardin kung saan ginaganap ang wedding reception. Ang daming banderitas na gawa sa bulaklak ang nasa itaas. Maninipis na Bermuda grass naman ang nilalakaran ng lahat. Kanya-kanyang grupo at karamihan ng topic ay ang ginawa ng bride sa kasal nito.

Nasa hiwalay na mesa ang mga magulang ng bride at kitang-kita sa mga mukha nila ang napakalaking disappointment sa nangyaring kasal ng anak.

"Oh my god!" inis na inis na sinabi ng ama ng bride habang himas-himas ang noo. "Mommy, prinaktis na niya 'yon nang maraming beses, di ba? Paulit-ulit na lang siyang nagkakalat! Paulit-ulit na lang! Kasal na niya 'to, ha! Mismong kasal na niya 'to! Hindi ba niya kayang magtino kahit ngayon lang? Kahapon, okay na lahat, maayos na lahat, tapos ngayon . . . ?"

"Daddy, maha-highblood ka lang. Huwag mo nang isipin 'yan okay? Tapos na. Hindi na 'yan puwedeng ulitin," mahinahong sinabi ng mama ng bride sa asawa niya habang himas-himas ang likod nito.

"Huwag nang isipin? Ang daming tao sa simbahan tapos huwag kong isipin? Mga hindi pa natin ganoon kakilala ang mga naroon! Nakita mo'ng ginawa ng anak mo? Narinig mo ang pinagsasasabi niya roon? Ano na lang ang iisipin nila? Sige nga! Ipaliwanag mo sa 'kin 'yan."

"Daddy, tapos na. Kalma na, okay? Wala ka nang magagawa," sagot na lang ng ginang dahil ayaw niyang sabayan ang init ng ulo ng mister.

"Pagsabihan mo 'yang anak mo pag-uwi sa bahay, ha? Lahat na lang, ginagawang laro! Nakita mo, pati si Josef, ayaw siyang makasama ngayon!"

"Oo na, sige na, ako na'ng bahala sa batang 'yon."

Napatingin ang ina ng bride sa mga bisitang nag-uusap-usap na walang ibang sinasabi kundi ang ginawa ng anak nila sa simbahan.

"Seryoso ba si Josef doon sa pinakasalan niya?" naiiritang tanong ng isang babaeng nakatitig lang sa baso ng champagne na iniinuman.

"Ang stupid ng girl!" dagdag pa ng isa. "Nakakaawa si Josef."

"What's wrong?" tanong ng isang lalaking bisita. "That girl is so funny! Hindi nga naging sobrang boring ang wedding dahil sa kanya. Ayaw n'yo n'on?"

Napatango naman ang ibang natuwa dahil sa eksenang nangyari. "Wedding ni Josef ang pinaka-weird wedding na napuntahan ko, hahaha!"

"Nagising ako sa isinagot niya kay Father. Magbo-volunteer sana ako, e."

Nagtatawanan ang iba, samantalang ang iba naman ay mga hindi matanggap ang nangyari sa kasal.

Hindi maiwasang mapataas ang kilay ng ina ng bride dahil sa naririnig sa ibang bisita. "Oh my goodness." Napatakip siya ng mukha gamit ang magkabilang palad gawa ng kahihiyang nararamdaman dahil sa kagagawan ng anak. "I want to go home. Now," sabi agad nito.


• • •


Sa mesa kung nasaan ang groom at bride . . .

"Saan n'yo balak mag-honeymoon?" tanong ng isa sa mga bisitang nakatutok sa bagong kasal. "Napagplanuhan na ba?"

Umismid lang ang groom at inilayo ang tingin sa lahat. Nagkrus ito ng braso at nilingon ang malayong kanan para makaiwas sa pagsagot.

"Ako! Ako! Ako'ng sasagot!" Itinaas ng bride ang kanang kamay para magsalita.

"Saan?" masayang tanong ng bisita.

"Sa Iraq!"

"Saan?!" nagulat na tanong ng lahat ng bisitang nakarinig at pinanonood sila.

"Bakit sa Iraq?" tanong ng nag-usisang bisita.

Binigyan ni Jocas ng mala-demonyong ngiti si Josef habang tumatawa nang mahina na parang nasaniban ng masamang espiritu. Hinimas-himas pa niya ang magkabilang palad na halatang may masamang binabalak.

"May problema ka, husband?" tanong ni Jocas nang magtagpo ang tingin nila ng lalaki.

Umiling si Josef bago umirap dahil wala na yatang pag-asa ang napangasawa niya. Tumayo na siya at umalis sa lugar na iyon para mabawas-bawasan ang init ng ulo na ibinibigay sa kanya ni Jocas.

"Hala siya!" Tiningnan ni Jocas ang mga bisita nilang sinundan din ng tingin si Josef. "Ano'ng problema n'on?"

Kanya-kanyang iwas ng tingin ang mga bisita sa kanya at umalis na rin habang nakangiwi. Bakas sa mga mukha nito ang pagkailang sa kanya.

Wala nang natutuwa sa mga ikinikilos niya dahil kanina pa siyang gumagawa ng kalokohan simula pa lang ng kasal. Wala namang makapigil sa kanya dahil magulang lang niya ang nakakakilala sa kanya sa lugar na iyon at wala nang iba.

"Oh well. Tapos na yata ang laro. Ang KJ ng mga tao rito." Tumayo na si Jocas at pinagpag ang mga kamay. Tiningnan niya ang mahabang mesa na balot ng puting tela. Maliban sa mga disenyong bulaklak at paubos nang tubig sa wine glass, napasimangot siya nang mapansing wala pa ring pagkaing dumarating. "Nagugutom na 'ko. Ang tagal naman ng food."

Nakanguso siya habang himas-himas ang tiyan. Nawalan na ng tao sa mesa nila. Hindi niya makita ang napangasawang wala rin siyang balak pansinin.

Inilipat niya ang tingin sa kaliwa. Kanya-kanyang grupo at usapan ang lahat. Walang interesante. Wala siyang ibang kakilala. Mukhang normal ang lahat—at hindi siya ganoon. Dumeretso siya sa mesa kung nasaan ang mga pagkain para manggulo na naman.

"Wow, ang daming pagkain dito." Kinagat niya ang kanang hinlalaki habang tinitingnan isa-isa ang mga nakahaing pagkain sa mahabang mesa. Nakalatag ang bande-bandehadong masarsang pagkain at mga tinapay. "Lahat mukhang masarap. Kaso baka mukha lang." Tumawa siya nang mahina habang tinatakpan ang bibig.

"Ang ganda ng bride, 'no?" mahinang sabi ng isa sa mga waiter na nakaabot pa sa pandinig niya.

"E-he." Kagat niya ang dila nang ipitin ang buhok sa likod ng kanang tainga.

"Kaso mukhang . . ." Pasimpleng itinutok ng isa pang waiter ang hintuturo sa gilid ng tainga at ipinaikot-ikot iyon para sabihing may sayad ang tinutukoy ng kausap.

Mabilis na ngumiwi si Jocas at nagtaas ng kilay. Nanlaki agad ang mga mata ng mga waiter saka lumayo nang kaunti sa puwesto niya.

"Excuse me, waiter," mapagmataas niyang sinabi at nagtulakan na ang mga lalaking waiter para daluhan siya. Sa huli ay naitulak ng mga ito ang isang kumontra sa papuri ng iba sa kanya.

"Yes . . . ma'am?" naiilang na tanong nito habang nakatungo.

"Ano'ng masarap kainin dito?" tanong niya saka nagkrus ng mga braso.

"Lahat ho . . . ma'am."

"Lahat? Talaga?" natutuwang tanong niya saka tiningnan ang lahat ng nakahain sa mesa. "I see . . ." Kinuha niya ang isang steak knife sa platera kung nasaan ang mga kubyertos. "Meenee-meenee-maynee-mo . . ." Itinuturo niya isa-isa ang mga pagkaing naroon upang piliin kung alin ang kukunin gamit ang hawak na kutsilyo. "Alin kaya ang kakainin ko?"

Seryoso ang tingin sa kanya ng mga nasa paligid. Ang iba'y nagtataka kung bakit siya naroon at wala sa mesa kung nasaan siya dapat. Nag-aabang na ang mga ito kung anong eksena na naman ang gagawin niya.

"Ang kakainin ko ay . . ." Bigla niyang itinuro ang waiter na kausap. "IKAW!" Umamba siya ng pagbato ng hawak na kutsilyo rito.

"AAH!" Nagtilian naman ang nasa paligid at napatakip agad ng mukha ang waiter para makailag.

Tumingala si Jocas at ginaya ang kilos ng mga kontrabida sa mga pelikula habang tumatawa nang nakakatakot. Itinaas niya ang mga kamay habang pinagagalaw ang mga daliri.

Napabuga ang mga kumakain at umiinom malapit sa mesang iyon dahil sa ingay nilang mga naroon. Maririnig ang kaliwa't kanang pag-ubo at paghingi ng tubig. May mangilan-ngilang natawa na lang habang nakikitang sabay-sabay na nabulunan ang ibang bisita.

"Huwag kabado, practice lang!" Natatawa siyang dumampot ng plato at ibinaon sa mesa ang steak knife na hawak.

"We're fine, people! We're doing good!" malakas niyang paliwanag sa mga nagtataka kung bakit nagkakagulo sa puwesto nila habang dumadampot siya ng cupcakes sa mataas na cupcake stand.

"Relax!" sabi pa niya sa mga nasa hilera nila. "I'm just joking! Easy!" Bigay na bigay siyang tumalikod at kumindat saka kumaway nang matipid sa waiter na pinandidilatan siya ng mata gawa ng takot. "Ciao!"

Naglakad na siya paalis sa lugar kung saan maraming bisita. Tinahak niya ang daan sa kaliwa na may maliit na kahoy na tulay. Tumawid siya roon at pumunta sa pinakatagong lugar ng hardin para naman mapag-isa. Ipinatong niya sa pinutol na malaking sanga ng puno ang hawak na plato at tinanggal ang petticoat ng gown habang naglalakad, pagkatapos ay ipinampunas iyon sa mukha bago ibinato sa kung saan.

Nakakita siya ng isang upuang kahoy sa dulo at doon muna huminto upang makapagpahinga. Muli niyang inusisa ang paligid bago sinimulang kainin ang mga cupcake na kinuha.

"Uy, masarap, ha! Award!" Dala-dalawa na ang hawak niya at sabay iyong kinain. "Magkano kaya 'to? Makabili nga uli bukas."

Habang kumakain, tinanggal na rin niya ang lahat ng clips at pins sa naka-french twist niyang buhok. Ginulo-gulo pa niya ito at sinuklay-suklay gamit ang daliri para maayos ang pagkakalugay. Tumayo siya at lumapit sa isang mababaw na fountain na hindi gumagana. Isinawsaw niya ang kamay sa nilulumot nitong tubig para lang may maipanghilamos.

"Akala ko ba, masaya 'tong planong 'to?" tanong niya sa sarili habang pinupunasan ang mukha gamit ang braso sa harap ng kulay berdeng tubig. "Niloloko n'yo na naman ako, e."

"Excuse me."

Napalingon si Jocas sa kaliwa dahil sa nagsalita. Nakita niya ang isang lalaking huminto malapit sa puwesto niya. Hinagod niya ito ng tingin mula ibaba pataas.

Nakapamulsa ang kanang kamay, sukat sa katawan ang suot na itim na tuxedo, maganda ang tindig, brush-up ang itim na buhok, maaliwalas ang mukha, at kakikitaan ng ngiti sa mga mata. Walang duda na isa ito sa mga bisita nila.

"Yes? May kailangan ka?" simpleng tanong ni Jocas habang kinakawkaw ang kamay sa maruming tubig ng fountain.

"What are you doing here?" tanong nito habang palingon-lingon sa paligid.

Tiningnan muna niya ang sarili bago sumagot. "May panyo ka?"

Sandaling napaisip ang lalaki sa tanong. "Yes, why?" Kinuha naman nito ang asul na panyo sa kaliwang bulsa para iabot kay Jocas.

Lumapit siya sa lalaki upang kunin ang panyo nito. "Thank you," nakangiti niyang pagpapasalamat at pinunasan na rin ang basang mukha.

Kita ang pagtataka sa mukha ng lalaki dahil sa basang mukha ni Jocas. Hindi tuloy nito naiwasang silipin ang fountain sa tabi lang nila. Napakunot ang noo nito nang makita kung gaano na kakapal ang lumot sa ilalim ng fountain.

"Did you just. . . ." Itinuro ng lalaki ang fountain dahil hindi nito maituloy ang sinasabi.

"Gusto mong umupo?" alok ni Jocas.

"Ha? Um, sure?" hindi pa nito siguradong sagot.

Tumango na lang ang lalaki kahit na hindi nasagot ni Jocas ang tanong niya. Sinamahan nitong maupo si Jocas sa malapit na kahoy na upuan.

"Okay, so . . ." Pinagpag nito ang mga kamay pagkaupo at ilang beses na tinapik ang tuhod habang nagtataka sa nangyayari. "Galing ka ba sa reception?"

"Ako?" Itinuro ni Jocas ang sarili. "Galing sa reception?" Sandali siyang sumimangot at nag-isip. "Of course! Saan ba dapat manggaling?" Ngumisi siya at tumango sa sarili. "Bakit mo naitanong?"

Tumango lang ang lalaki at matipid na ngumiti. "Bisita lang din ako. Natangay lang ng girlfriend." Inalok nito ang kamay upang makipagkilala. "By the way, I'm Eirren. Eirren Saville."

Tiningnan muna ni Jocas ang kamay ni Eirren bago ilipat ang tingin sa mukha nito. "Saville?"

"Yes. Isa kami sa sponsors."

"Oooh." Namilog agad ang bibig ni Jocas, bilib na bilib. "May kakilala akong Saville ang apelyido, pero matagal ko na siyang hindi nakikita. Medyo magkahawig kayo. Anyway, I'm Jin." Nakipagkamay rin siya. "Jin Findel."

"Nice to meet you, Jin." Bumitiw na rin ito sa kamay ni Jocas at sandaling nagkamot ng ulo habang nakatingin sa ibang direksiyon. Bakas sa timpla ng mukha ng lalaki ang pagtataka kung bakit nga ba ito naroon kasama siya.

"Gusto mo?" Iniabot ni Jocas sa lalaki ang isang cupcake.

Tiningnan ni Eirren ang inaalok sa kanya bago kunin. "Thank you." Inilipat nito ang nagtatakang tingin sa mukha ng katabi. "Akala ko, walang tao rito. Bakit ka nga pala narito mag-isa? Akala ko, bawal ang tao rito sa part na 'to ng garden."

Nagkibit-balikat si Jocas. "Maingay kasi roon." Itinuro niya ng nguso ang lugar ng mga bisita habang tinatanggal ang balot na papel sa cupcake na hawak.

"Oh." Tumango na lang si Eirren bilang sagot.

"P, Q, R, S, T." Tumawa si Jocas nang mahina habang nakatingin sa kinakain.

Nagtaka naman si Eirren. "Para saan 'yon?"

"Sabi mo 'oh' e," sagot ni Jocas sabay ngiti nang matamis.

"A, e . . ."

"I, O, U, hahaha!" Napahagalpak ng tawa si Jocas dahil sa joke na wala namang sense. "Hindi nakakatawa pero nakakatawa pa rin." At biglang sumeryoso na naman ang mukha niya.

Lalong naging alanganin ang tingin ni Eirren sa katabi dahil bigla-bigla na lang tatawa at maya-maya'y magseseryoso na.

Mahinang tawa ang maririnig kay Jocas na unti-unti ay naging ngiti na lang. "Bisita ka ni Josef, tama?" tanong niya kay Eirren pagsulyap niya rito.

"'Yong groom ba?" tanong nito habang kumakagat na sa cupcake. "Um, yes. Ang totoo, girlfriend ko ang maid of honor."

"Ah! Si Ligelene! Wow!"

"Kilala mo?"

Malaki ang ngiti ni Jocas habang mabilis na tumango.

"Talaga? Saan mo nakilala?" tanong nito habang ngumunguya.

"Dito sa wedding! Siya ang maid of honor, di ba?"

"Oo nga, kasasabi ko lang na siya ang maid of honor."

"Kasasabi ko lang din na siya ang maid of honor. Ang gulo mong kausap, ha? In fairness sa 'yo." Umiling si Jocas at ibinalik ang tingin sa kinakain.

Napakamot sa ulo nang di-oras si Eirren dahil siya pa ang nasabihang magulo kausap. Kahit siya ay napaisip rin sa isinagot kung saan ang magulo sa sinabi niya.

Natahimik ang dalawa habang sabay na ngumunguya ng cupcake.

Mararamdaman ang lamig ng hangin dahil nasa ilalim sila ng malaking puno ng baleteng sinasabitan ng fairy lights na gumagana lang sa gabi. Naririnig nila ang mga taong nagsasaya sa reception area kahit na wala naman doon ang groom at bride.

"Kanina pa usap-usapan doon ang nangyari sa simbahan," pagbasag ni Eirren sa katahimikan. Tinatanaw niya ang mga tao sa likod ng mga halaman. "Ano pala'ng masasabi mo sa bride?"

Sinilip ni Jocas si Eirren sa dulo ng mata niya. "Dapat ba may sabihin sa kanya maliban sa nanggugulo siya mula pa sa simbahan? Gusto mo bang i-bash ko?"

"Uy, grabe ka naman." Isang buntonghininga mula kay Eirren. "Nasa likod kasi kami ng mga kasama ko kanina. Hindi ko pa nakikita nang malapitan ang bride, pero tingin ko, okay naman siya. Hindi lang siguro sanay ang mga tao sa ganoong ugali. Baka ayaw lang niyang maging boring ang wedding sa simbahan kaya sinabi niya ang mga sinabi niya roon."

"Tingin mo?"

"Kahit naman kasi ang groom, halatang wala rin sa mood sa simula pa lang ng ceremony." Tumango pa ito para papaniwalain si Jocas. "Malay natin. Hindi ko naman kasi alam na hindi pala okay ang ikakasal sa isa't isa."

"Nice." Tumango rin si Jocas habang tinatantiya ng tingin ang katabi. Mukhang mabait dahil hindi man lang nagsabi ng negatibo sa kanya bilang bride.

Napaayos ng upo si Jocas nang maramdaman ang vibration ng kahoy na inuupuan.

Naramdaman ni Eirren na nagri-ring ang phone niya sa bulsa. Kinuha niya iyon at sinagot. "Sandali, may tumatawag sa 'kin." Nginitian niya ang katabi at itinuro ang gilid. "Sige, doon na muna ako."

Tumango naman si Jocas sa lalaki at pinanood lang itong umalis sa lugar na iyon. Palingon-lingon pa ito sa paligid at naghanap na naman ng ibang lugar na hindi maingay.

"Saville, huh?" mahinang sabi ni Jocas. Kakaiba ngunit mahinang tawa ang maririnig mula sa kanya. "Kaano-ano kaya niya si Arkin?"

Sandali pa siyang nagtagal doon habang inuubos ang natitirang cupcake sa platong dala.

"Ihanda mo na ang lahat ng gamit mo, lilipat ka na sa bagong bahay na ibibigay nila," sabi niya sa sarili. Tumayo na siya at pinagpag ang kamay. "Pagkatapos ng kasal, dapat malinis na lahat. Iligpit ang dapat iligpit sa dati mong bahay para wala ka nang poproblemahin sa mga susunod na araw."

Muli niyang tinitigan ang sarili sa nilulumot na tubig ng fountain. Seryoso na ang mukha niya habang nakataas ang kaliwang kilay.

"Kung kinakailangang isama pati ang mga magulang niya, isama mo na sa ililigpit mo, maliwanag?"

Pagtalikod niya, tumamis na naman ang ngiti niya saka naghawi ng buhok.

"Sure!" masaya niyang sagot sa sarili.


♦♦♦

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top