Chapter 17: Supremacy

Maraming nakakakilala sa pangalang Erajin Hill-Miller sa party na iyon ngunit iilan lang ang makapagsasabi kung sino siya sa mga dumalo. Bihira lang din naman siyang um-attend sa mga event at parating proxy lang ang pumupunta para irepresenta ang pangalan niya. At ngayon, kailangan ng tulong ng mga kasamahan niya. May binabalak si Daniel, at kung ano man iyon, kailangang may gawin siya upang hindi iyon matuloy.

Sandali siyang pumikit at huminga nang malalim. Unti-unting nagbago ang pakiramdam niya at agad ding dumilat. Biglang nagbago ang aura niya maging ang dating ng kanyang tingin.

Ngayon na magsisimula ang tunay na laban, at nagpakita na ang inimbitahan ngunit di-inaasahang bisita ng gabi.

"Hunter, Tank, Silver," pagtawag niya sa tatlong kasama. Kapuna-puna ang baba at bigat sa tono ng kanyang pananalita.

"Erajin?" Mukhang napansin na ni Tank ang pagbabago sa punto niya.

"Six months ago, may inilapag na plano ang higher-ups tungkol sa Annual Elimination ngayong taon. Hinati nila sa dalawang lugar ang elimination para sa dalawang association."

Nagkatinginan ang tatlong lalaki.

"Ngayon na ba 'yon?" tanong ni Tank.

Tuloy-tuloy lang sila sa paglalakad habang nag-uusap nang may sumalubong sa kanilang babaeng may hawak na wine. Hindi ito nakatingin sa dinaraanan dahil abala sa paglingon sa paligid kaya natapon ang inumin nito sa suot na puting dress ni Erajin.

"What the hell?" sigaw ng babae habang nakatingin sa yellow gown nitong napatakan ng natapong alak.

Tumaas lang ang kilay ni Erajin habang nakatingin sa puting damit niyang halos pinaliguan na ng pulang wine.

"Are you blind?" Napakalakas ng sigaw ng babae. Kita sa mukha nitong hindi ito makapaniwalang napatakan ng wine ang mamahaling gown na suot. "Hey, stupid bitch! Aren't you going to apologize?"

Deretso lang ang tingin ni Erajin sa babaeng nanggagalaiti na sa galit. Natawag nila ang atensiyon ng mga nasa paligid dahil sa pag-eeskandalo ng isa. Si Tank na sana ang kakausap subalit sumenyas siya na huwag na itong mangialam.

"I'm sorry," simple sagot ni Erajin ngunit dinig ang tapang sa bawat salita.

"Huh!" Namaywang ang babae at tinaasan siya ng kilay. "And you really think na madadaan lang sa sorry ang lahat, hmm?"

Nanatiling kalmado ang mukha ni Erajin. "Ang sabi mo, mag-apologize ako. Nag-apologize ako. 'Tapos ngayon, sasabihin mong hindi pala madadaan sa sorry ang lahat? Ginagamit mo ba nang maayos ang utak mo?"

"A-Ano'ng sinabi mo?" Dumoble ang panggagalaiti ng babae dahil sa sinabi ni Erajin. "Ang kapal ng mukha mo! Kilala mo ba kung sino ako, ha? Kilala mo ba kung sino'ng binabangga mo? Ito!" Itinuro niya ang suot na damit na napatakan ng natapong alak. "Alam mo ba kung magkano ito?"

"Sige, magso-sorry uli ako. Mukhang kasalanan ko rin pala pati ang katangahan mo." Yumuko nang bahagya si Erajin. "Pasensiya na kung likhang tanga ka." Tumayo na siya nang deretso. Makikita ang tapang sa mukha niya kahit na kalmado ang ekspresyon. "Nakakadismayang makakilala ng gaya mo. Hindi magandang experience."

"Huh!" Hindi makapaniwala ang babae sa naririnig niya. Mapait siyang natawa nang makaramdam ng pagkapahiya. Hindi rin niya alam kung paano ba magre-react sa sobrang inis. "How dare you?"

Tumuloy na lang sa paglalakad si Erajin at nilampasan ang babaeng nakabangga niya.

"Don't turn your back on me, bitch!" Bigla nitong hinatak ang buhok ni Erajin para pigilan.

Napahakbang na ang ilan upang gumawa ng aksyon.

"Sino'ng may sabing puwede mong hawakan ang buhok ko?" Tinabig ni Erajin ang kamay ng babae at umamba na ng isang malakas na suntok para patulugin ito nang permanente.

"Erajin, stop!" Pinigilan agad nina Tank at Hunter si Erajin sa balak nitong gawin. Hinawakan nila ang braso nitong nakaamba at ang isang brasong baka lang sakaling bumitiw pa ng suntok.

Sa isang iglap lang ay napalibutan agad si Erajin ng labintatlong lalaki bilang bakod sa kanya at sa babaeng nakaalitan nito.

"W-What's happening?" Nagulat din ang babae sa nagaganap habang nakatingin sa mga lalaking masama ang tingin sa kanya.

"I'm sorry for being disrespectful, miss, pero tumigil ka na," banta ng isa sa mga lalaking naroon.

"Wait a minute. Sino ba kayo?" mataray na tanong ng babae habang minamata ang lalaking kausap siya.

"Hindi mo kilala kung sino ang kinakalaban mo. Kung gusto mo pang mabuhay, layuan mo siya."

"Who are you people?"

Makahulugang tingin ang ibinigay ng lalaki sa isang kasama nito—tanda na kailangang tapusin ang maliit nilang problema. Pumuwesto sa likod ng babae ang lalaking sinenyasan at pinatulog ito gawa ng isang bira sa batok na hindi halata dahil sa maliit at mabilis na galaw. Nawalan ng malay ang babaeng nag-eeskandalo ngunit nasalo siya agad upang hindi tuluyang matumba sa sahig.

Nang magawan ng paraan ang maliit na problema, lahat sila ay napatingin na kay Erajin na tinatantiya sila ng tingin isa-isa. Binitiwan na rin siya nina Hunter at Tank at bumalik sa likuran niya.

"Ang lalakas na ng loob ninyong pigilan ako, ha?" Kanya-kanya na silang iwas ng tingin sa kanya.

Tiningnan niya ang mukha ng labintatlong lalaking pumigil sa balak niyang gawin sa nakaalitan. Nakataas ang kilay niya at unti-unting nagpapakita ang nakakatakot na ngiti sa mga labi. Karamihan sa mga naroon ay mga pamilyar na mukha sa kanya—mga taong alam niyang nakikilala kung sino nga ba siyang talaga maliban sa pagiging si Erajin Hill-Miller.

Alam niyang hindi magkakakampi ang pumigil sa kanya. Kung tutuusin pa nga ay galing ang lahat sa magkalabang samahan. Ngunit isa lang ang sigurado, walang pakialam ang mga ito kung sila-sila rin ang magkakalaban. Ang mahalaga ay mapigilan siya bago pa magsimula ang tunay na giyera.

"Tingnan natin kung may patunguhan ang lahat ng ginawa ninyo ngayon." Tumalikod na siya at tiningnan ang relo. Ilang minuto na lang at alas-siyete na. Kailangan nang pumunta sa kuwartong binanggit ni Seraly.

"Tank," pagtawag niya na agad naman nitong tinugunan. "Pangalan ng targets."

"Landers, Azuma, at Frido."

Dumeretso na sila sa pinakamalapit na elevator at mag-isa siyang sumakay. "Pumunta kayo ng Upsilon sa Main Theater. Hindi ito ang misyon ninyo. Ako na'ng bahala sa mga target." Pinindot na niya ang floor button 22.

"Sandali! Guard ni Frido si Ranger!" pahabol ni Tank.

"Already know that. Huwag ninyong isipin ang targets. Isipin ninyo kung sino-sino ang lalabanan ninyo."

At sumara na ang elevator.


♦♦♦


Tiningnan ni Erajin ang suot na damit. Hindi niya inaasahan ang nangyari sa hall at sa pagkakatapon ng wine sa damit niya. Mabuti na lang at nakahanda na ang mga gamit niya sa kuwartong naka-reserve para kay Erajin Hill-Miller kaya hindi na dapat mag-alala pa.

Kilala niya si Erah, at alam niyang alam nito ang gagawin.

Wala pang ilang minuto ay nakaabot na siya sa 22nd floor. Kataka-takang hindi man lang huminto ang elevator upang magsakay ng iba. Nakatayo lang siya sa tapat ng elevator at tiningnan ang hallway na nagsisilbing hati ng buong palapag.

Napakatahimik.

Naglakad na siya sa pasilyo. Dinig na Dinig ang tunog ng takong niya sa sahig.

Napahinto siya.

Sa pagkakaalam niya, carpet ang flooring ng hallway na iyon ngunit ngayon ay naging pulang tiles na. Nagpatuloy siya hanggang sa makaabot sa room 2205.

Inobserbahan muna niya ang paligid bago pumasok. Tiningnan niya kung may mga camera ba sa itaas. Marami.

"Gustong-gusto talaga nilang pinagmumukhang tanga ang mga tauhan nila."

Pumasok na siya sa kuwarto at bumungad agad ang isang magarang pulang gown na puno ng Swarovski crystals na nakalatag sa puting kama. Nilapitan niya ito at tiningnan.

"Magaling ka talagang pumili ng damit, Erah." Tiningnan niya ang dresser table. Nakapatong doon ang iba't ibang klase ng mamahalin at naglalakihang alahas pati pandisenyo sa buhok. "Naninigurado ka talaga."

Hinubad niya ang damit at pinunasan ang nabasang parte ng katawan gamit ang dress na hawak. Pagkatapos ay isinuot niya ang gown na nagpakita ng magandang kurba ng kanyang katawan. Mahaba ang slit nito na mula sa itaas ng kanang hita abot hanggang talampakan.

Isinuot na rin niya ang pares ng dangling earrings.

"This is the Annual Elimination, Jin. Magpapatayan na naman ang mga tao ng Meurtrier Assemblage at Assassin's Asylum para lang sa enjoyment ng mga Superior na 'yon."

Ngumiti siya sa salamin at isinuot ang silver cuffs sa magkabilang galang-galangan at ang kuwintas niyang may disenyong hugis-karayom na gawa sa ginto.

"Alam mo naman kung ano ang role ko pagdating sa mga ganitong okasyon, hindi ba?" Dinampot niya ang isang dark red lipstick at kinulayan ang labi nang sobrang kapal. "Hindi nila alam kung gaano katagal ko itong pinagplanuhan. Ayaw nila akong pumunta dahil sisirain ko ang lahat?" Tumayo na siya nang deretso at tiningnan ang salamin. "Puwes patunayan nating tama nga sila."

Kinuha na niya ang card na bigay ng marshal. Tiningnan niya ang oras. Pitong minuto makalipas ang alas-siyete.

Isang tunog mula sa pintuan. Senyales na may tao.

Ipinaikot-ikot niya sa daliri ang card na sinlaki ng credit card habang papalapit sa pintuan. Sumilip siya sa peephole.

"Mukhang simula na ng tunay na laro." Binuksan na niya ang pinto at nginitian ang lalaking representative na magdadala sa kanya sa auction house.

"Good evening, Miss Hill-Miller."

"Simula na ba ang auction?"

"Magsisimula na rin kapag nakompleto na ang mga VVIP. Kayo na lang ang kulang."

Lumabas na si Erajin sa loob ng silid at tiningnan ang magkabilang direksiyon ng hallway. "Ang tahimik dito, pansin mo?"

Walang isinagot sa kanya ang representative.

"Nice talking," sarkastiko niyang bulong.

Dumeretso sila sa elevator. "Marami na ba ang bidders sa auction house?"

"Tama lang ang bilang para sa auction ngayong gabi, Miss Hill-Miller."

"Ano bang klaseng sagot 'yan?" bulong niya sa sarili. Sumakay na rin sila pagkabukas ng elevator. Ang representative na ang pumindot ng R button.

Natawa nang mahina si Erajin dahil ang pagkakaalam ng lahat ay sa Main Theater gaganapin ang auction. Iyon ang alam ng karamihan—bagay na hindi niya kinagat. Mabuti na lang at naunahan na niya ng isip ang mangyayari.

"May nakakatawa po ba, Miss Hill-Miller?" tanong ng lalaki.

"Wala nang naka-stay na bisita sa hotel na ito, tama ba? Kaya tahimik sa buong paligid."

Walang isinagot ang representative sa kanya.

"Pakisabi sa general manager nitong hotel, oras na matapos ang auction, humanda siya sa 'kin. Huwag mo sanang kalimutan."

Malalim na buntonghininga ang nagawa ng lalaki at hindi na lamang nagsalita. Nakaabot na sila sa isa sa mga locked floor ng hotel. Pagbukas ng elevator ay bumungad agad sa kanila ang dalawang naglalakihang guard na nakasuot ng black suit and tie.

"Good evening, madame. Card please," sabi ng isang may napakababang boses.

Iniabot sa kanya ni Erajin ang card na may nakalagay na VVIP.

"This way, madame." Inilahad naman ng isang guard ang kaliwang palad nito upang padaanin ang babae.

"Nice view," mahinang nasabi ni Erajin habang tinitingnan ang buong auction house—ang 40th floor ng hotel executive theater ng mga penthouse owner ng Criasa Marine.

Napansin niya ang asul na carpet na tuloy-tuloy ang daan hanggang sa pagitan ng dalawang hiwalay na grupo ng mga bidder. Tinutumbok ng aisle ang gitna ng isang platform na magsisilbing stage.

"Pinaghandaan talaga nila ang lahat."

Tiningnan niya ang dulong kanan. Nakahilera sa gilid ang mga taong pamilyar sa kanya. Ganoon din ang nasa kaliwa. Itinaas niya ang mukha upang ipakitang hindi siya natatakot sa mga taong iyon.

"Akalain mo 'yon? Mga big-time talaga ang guards ng mga bidder ngayon."

Lahat ng naroon ay nakasunod ang tingin sa kanya. Umalingawngaw ang bulungan ng mayayamang bidder habang nilalakad niya ang aisle papunta sa upuang naka-reserve para kay Erajin Hill-Miller.

"This way, Miss Hill-Miller," sabi ng attendant na nakapuwesto sa harapan ng platform. Nakalahad ang palad nito sa harapang upuan, pangatlo mula sa aisle.

"Thank you."

"You're welcome, Miss Hill-Miller." Matapos ay umalis na rin ang attendant.

Tiningnan pa muna ni Erajin ang paligid sa dulo ng mga mata.

"Mukhang alam ko na ang mangyayari ngayon."


♦♦♦

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top