Chapter 16: Leaving Comfort Zone

Nakaupo si Josef sa sofa habang hinihintay ang asawa niyang matapos sa pag-aayos nito. Hawak-hawak niya ang phone at tinitingnan ang mensaheng natanggap may ilang oras na rin ang nakalilipas.

"RYJO." Napabuntonghininga siya nang mabasa ang pangalang iyon.

Matagal na panahon na rin ang nakalipas noong huli niyang marinig ang pangalang iyon bilang babala. Reputasyon pa lamang ng pagiging Slayer ni RYJO ay dapat nang kilabutan ang lahat. At ngayon, matatanggap niya ang isang mensahe—na mukhang para pa sa mga pupunta—na nagsasabing dadalo si RYJO sa naturang auction.

Lalo lang tuloy siyang nahiwagaan sa pagkakaimbita sa kanya sa event na iyon. Nakapagtataka dahil imbitado ang dalawa sa retirado ngunit ipinagmamalaki pa ring produkto ng dalawa sa apat na pinakamalalaking samahan ng mga propesyonal.

Pupunta ang Slayer kaya inimbitahan ang magnanakaw na si Shadow. Mukhang balak ng mga nasa itaas na pagsabungin ang Meurtrier Assemblage at Assassin's Asylum.

Napangiti siya at napailing. "Makikita ko rin ang taong 'yon, sa wakas." Itinago niya ang phone sa bulsa at tiningnan ang relo. May alas-singko na.

"Tara na."

Napatingin si Josef sa hagdanan ng bahay nila dahil sa nag-aya.

"Mukhang okay ka na." Tumayo na si Josef at tiningnan ang asawa niya mula ulo hanggang paa. Napakasimple ng suot nitong plain white bodycon dress na tinernuhan ng white pearls bilang hikaw at kuwintas. Light lang ang makeup nito na ibinagay sa kasimplehan ng suot nito. "You look good."

"Hmp! Good lang?" maarteng sagot ni Jocas sabay paikot ng mata. "Maganda kaya ako." Hinawi nito ang buhok na nakalugay at hindi man lang nilagyan ng kahit anong accessory.

Sinukat ni Josef ng tingin ang asawa. Nakikita niya si Jocas. Napapaisip tuloy siya kung hanggang kailan ito magiging si Jocas.

"Gaano nga ba katagal ang aabutin ng auction?" bagay na nasa isip niya.

"Tapos ka na bang matahin ako, hmm?" Namaywang si Jocas at masungit na tiningnan si Josef. "Alam ko naman ang sasabihin mo . . . kasi hindi ako maganda . . . kasi naiinis ka sa akin . . . 'tapos iiwan mo 'ko doon . . . tapos—"

"Tumigil ka nga. Wala naman akong sinasabi." Napailing si Josef sa kaartehan ng asawa niya. "Praning."

Lumapad bigla ang ngiti ni Jocas. "Josef, maganda ba 'ko?"

"Oo na. Tara na."


♦♦♦


Criasa Marine—ang lugar kung saan gaganapin ang party at auction na pagmamay-ari ni Seraly Nami Orahana, ang auctioneer at organizer ng naturang event. Ang lugar ay binubuo ng luxury hotel na may tatlumpung palapag, malawak na resort, iba't ibang fine-dining restaurants at bars, at isang malaking pavilion.

Alas-sais pasado na nang makarating ang mag-asawa sa hotel kaya madilim na rin sa paligid.

Nakasabit ang kaliwang kamay ni Jocas sa kanang braso ni Josef. Maganda ang ngiti niya habang nilalakad ang entrance sa hotel. Hinahawi ng hangin ang kanyang buhok habang naglalakad. Makikita sa mukha niya ang kompiyansang may magandang mangyayari sa auction.

Samantala, kanina pa nakikiramdam si Josef. Tinitingnan niya ang mga kasabay nilang bisita. Napahugot siya ng hininga nang makita ang mga bigating mukha na ilang taon na rin niyang hindi nakikita. Hindi siya kinakabahan, ang kaso nga lang, nararamdaman na niyang mukhang matatagalan pa ang pagkuha sa tunay niyang ipinunta roon.

Pumunta agad silang mag-asawa sa reception desk.

"Good evening, sir, ma'am. Invitations please," pambungad sa kanila ng dalawang lalaking naka-tuxedo at may nakalagay na Marshal sa mga chest pocket.

Kinuha ni Josef ang isang puting invitation sa bulsa ng kanyang suit at ipinakita sa lalaki. Nangibabaw ang bulungan nang makita ang invitation niya. Minata rin ng lalaki ang hawak niyang card.

"May problema ba sa invitation card ko?" tanong ni Josef.

Inilahad ng marshal ang palad nito sa kaliwang gilid. "This way, sir." Matalim na tingin ang natanggap ni Josef mula sa lalaki.

Nakararamdam na tuloy si Josef na may kakaiba nga sa imbitasyong natanggap, at mukhang alam ng mga marshal kung ano nga ang ibig sabihin ng invitation card niya.

Tiningnan ni Josef ang asawa niyang inilabas na ang invitation nito na kulay itim mula sa dala nitong puting clutch bag.

"Good evening, gentlemen," puno ng pagmamataas na pagbati ni Jocas habang minamata ang mga marshal.

Nanlaki ang mga mata ng dalawang lalaki nang makita ang itim na invitation. Inilabas agad ng isang marshal ang isang maliit na card na may nakalagay na VVIP at buong galang na iniabot kay Jocas. Sinenyasan nito ang limang guards ng hotel security force na samahan si Jocas papuntang function hall.

Inilahad ng marshal ang palad sa kaliwa at buong paggalang na itinuro kay Jocas ang daan. "This way, madame. Enjoy your night."

"I will, thanks." Matamis na ngiti ang ibinigay ni Jocas sa marshal. Nilapitan na niya ang asawa at tumuloy na silang dalawa sa loob.

Buong akala pa naman ni Josef, ang white invitation card ang ibibigay ng misis dahil iyon ang para sa kanilang mag-asawa.

"VVIP, huh?" mahinang bulong ni Josef nang makita ang card na ibinigay sa asawa niya. Hindi na dapat itanong kung mayaman ba talaga ito. Iyon nga ang dahilan kung bakit sila ikinasal, magtataka pa ba siya?

Naririnig na nila ang classical music na tumutugtog mula sa loob kasama ng mahihinang usapan na nagsasabay-sabay lang kaya lumalakas.

Kapansin-pansin ang isang babaeng nakasuot ng mahabang laced gown na may pink fur. Nagkikintaban ang suot nitong mga alahas, maging ang mga disenyo nito sa nakapusod na buhok. Mababakas sa kanyang mukha ang taas ng kompiyansa sa sarili at ganoon din sa kasama nitong lalaking nakasuot ng white tuxedo.

Humiwalay na ang mga guwardiya sa kanila pagkakita sa may-ari ng buong lugar.

Inilahad ng babae ang mga kamay upang salubungin sina Jocas. "Welcome, Erajin Hill-Miller, welcome!"

"Oh, Seraly. It's so nice to see you again!" masayang pagbati ni Jocas at niyakap ang babaeng may-ari ng buong lugar na iyon.

Pareho silang malalawak ang ngiti sa labi ngunit kapansin-pansin ang pekeng saya sa kanilang mga mata.

"Hindi ko ine-expect na pupunta ka," bulong ni Seraly.

"I know, kaya nga pumunta ako," mahina niyang tugon.

"Okay, then. Pumunta ka sa kuwartong ipina-reserve para sa 'yo mamayang seven. Susunduin ka roon ng auction representative. Don't be late. We don't compromise. And most of all, payamanin mo ako ngayong gabi."

"Oh . . . let's see. But beware." Bumitiw na si Jocas sa pagkakayakap at nakakatakot na ngiti ang ibinigay kay Seraly. "Alam ko kung anong lugar ang pinupuntahan ko. Kaya kong gumastos ng kahit magkano kung 'yan ang gusto mo. Pero kung totoo ngang nakipagsabwatan ka sa mga nasa itaas . . ."

Hinawakan niya ang magkabilang kamay ni Seraly at hinimas-himas iyon ng magkabilang hinlalaki. Naging maamo ang ngiting ibinigay niya sa may-ari ng lugar na iyon

"Ako mismo ang magpapabagsak sa 'yo. At sisiguraduhin kong hinding-hindi ka na makakabangon pa. Isaksak mo 'yan sa utak mo." Binitiwan na ni Jocas ang kamay ng kausap at tinapik ang balikat nito. "Thanks for the warm welcome, Miss Orahana. I highly appreciate it." Sunod niyang tiningnan ang kasamang lalaki ng auctioneer. "We will see how good you are in this game, Dizel. Make sure you'll handle everything properly, or else isusunod kita."

Sinulyapan niya si Josef na nililibot ng tingin ang buong lugar. Napansin niya ang kamay nitong may binibilang. Mukhang hindi nito napansin ang lahat ng pagbabanta niya sa mga sumalubong sa kanila.

"Josef." Napatingin ang lalaki sa kanya. "Tara na."

Tumango naman ito at tumungo na sila sa function hall.

Nanatili lang sina Seraly at Dizel sa kinatatayuan nila habang pinanonood ang mag-asawang pumunta sa pinagdarausan ng party. Kitang-kita sa mukha ni Seraly ang pagkainis sa lahat ng pagbabanta ni Jocas sa kanya.

"I really hate that girl."Tiningnan niya si Dizel. "Siguraduhin mong wala siyang gagawing ikasisira ng mga plano ko."


♦♦♦


"Erajin Hill-Miller," nakangising bulong ni Josef na may halong pang-uuyam.

Hill-Miller.

Sino nga ba ang hindi nakakakilala sa pangalang iyon kapag pumapasok na ang usapang negosyo?

"Mukhang nakahanda sila para sa lahat." Napakalapad ng ngiti ni Jocas habang nilalakad ang daan patungo sa mga mesa.

"Mukha nga," sagot na lang ni Josef habang nililibot ng tingin ang buong function hall.

Makikita sa paligid ang mga taong sa isang tingin pa lang ay masasabi nang mayayaman. Sa suot na damit at alahas ng mga ito, hindi maitatangging mga miyembro ng alta sosyedad ang mga bisitang dumalo.

"Hi, Josef!"

Sinalubong agad sila nina Ligee at Eirren na dumalo rin sa party at auction na iyon.

"Ligee! Wow!" Niyakap ni Josef ang babae para batiin. "You're invited here!"

"Of course! Nabigyan kami ng invitation kasi bidder si Daddy sa auction." Inilipat niya ang tingin kay Jocas na nakangiti sa kanya. "Oh, hi, Jocas! You look so pretty tonight!"

"Hi, Ligelene!" masayang bati ni Jocas at nakipagbeso sa babae. "You look pretty, too!"

"And we know, right?" Sabay pa silang tumawang dalawa. Magkasundo na agad sila ni Ligee kahit na isang linggo bago ang kasal lang sila nagkakilala.

"Uy, may kasama ka pala," sabi ni Jocas kay Ligee nang mapansin ang kasama nitong si Eirren.

"Hi, nice to see you again," bati ng binata sa kanila na may matipid na ngiti. "Hindi mo sinabi, ikaw pala ang bride."

"Jino-joke lang naman kita noon. Anyway, nice to see you, too, um . . ." Pinaliit ni Jocas ang mga mata, senyales na pinipilit alalahanin ang pangalan ng kasama ni Ligee. "Wait—Ring?"

Kakaibang kaba ang biglang gumapang sa buong katawan ni Eirren nang sabihin iyon ni Jocas. Nanlaki ang mga mata niya dahil sa gulat, maging ang paghinga niya ay bigla ring huminto sa isang iglap.

"Your name sounds like ring, correct?" tanong ni Jocas.

"H-Hindi . . ." Nautal si Eirren. Kanina pa siya kinakabahan, at ngayon ay tumaas pa lalo ang kanyang kaba dahil ayaw niyang may makarinig ng ID niya sa MA na binabanggit ng mga taong hindi pa niya nakikita sa trabaho. May misyon siya ngayon, at hindi niya alam na may makakabanggit ng code niya kahit na nakilala lang niya si Jocas sa isang kasal.

"He's Eirren. My boyfriend," masayang pagpapakilala ni Ligee.

"Oh! Yes, yes! Eirren, yes." Tumango si Jocas at pinilit pa ring inalala si Eirren. Ilang sandali pa ay namemorya na niya kung sino nga ang lalaki. "Oh! Saville! Yes, I remember you now."

Napansin niya ang biglang pagpapawis sa noo ni Eirren at ang pagtayo ng balahibo nito sa mga balat na nakalabas sa suit nito. Maging ang mabigat na paghinga ay makikita sa galaw ng dibdib. Lalo na ang tingin nitong hindi mapakali sa isang lugar at paulit-ulit na pagpikit, kapansin-pansin din.

Natawa na lang nang mahina si Jocas. "Sa dami ng pating dito, madali ka nilang maaamoy. Maaga kang bibigay niyan. Huwag kang tensed, Eirren."

Napalunok si Eirren. "Sinong tensed?"

"Hahaha! Chill, man. Enjoy the moment." Ngumiti na lang din si Jocas at nag-peace sign.

Kinuha ni Eirren ang panyo sa bulsa. Malamig sa loob ng hotel ngunit pinagpawisan siya nang wala sa oras. Niluwagan niya nang kaunti ang parteng kuwelyo ng suot na itim na dress shirt upang makahinga nang maayos.

"Well, well, well . . ."

Ibinaling nila ang tingin sa dalawang taong papalapit sa kanila. Pare-pareho silang nagulat sa nakita.

"Oh, shit," mahinang nasabi ni Eirren na halos lumuwa ang mga mata sa nakikita.

"Here comes the problem," bulong ni Josef, nakatitig sa babaeng may nakakainis na ngiti.

"Hi, Brielle!" masayang pagbati ni Ligee.

"Hello, Ligelene," bati rin ni Brielle at nakipagbeso. Inilipat niya ang tingin kay Jocas.

"Long time, no see, Brielle!" masayang bati ni Jocas sa kanya.

"Erajin!" natutuwang ganti ni Brielle. Niyakap niya nang mahigpit si Jocas, sapat na para sa isang pagbabanta. "Jocas," dismayadong banggit niya sa pangalan ng kayakap.

"You can't kill me with your not-so-friendly hug," bulong ni Jocas.

"I won't kill you . . . you know I can't." Bumitiw na rin si Brielle at nginitian nang matamis si Jocas. "You're fat."

"No, I'm not!" kunot-noong reklamo ni Jocas.

"Yes, you are." Tumango pa si Brielle para papaniwalain ang kausap. "Anyway, say hi to my husband."

"Hi, Jocas!" bati sa kanya ni Markus. "You're beautiful tonight."

"Wait. Hus . . . band?" puno ng pagtatakang tanong ni Jocas kay Markus. "Asawa mo si Gabrielle?"

"Yes. Long story. By the way, balita namin, ikinasal ka na. Hindi ka man lang nagpasabi. Who's the unfortunate lucky man? Is he here?"

"I'm that unfortunate lucky man," paningit ni Josef sa usapan.

Napatingin sina Brielle at Markus kay Josef.

Sandaling tumahimik.

Nagkatinginan ang mag-asawang Markus at Brielle. "Hahaha! No way!" Sabay na natawa ang dalawa. Nagtaka naman ang apat sa kanila.

"What's funny?" nainis na tanong ni Josef.

Tumigil ang dalawa sa pagtawa. Tumayo nang tuwid si Brielle at namaywang, itinaas niya ang mukha, at buong pagmamataas na tiningnan si Josef.

"Kaya pala hindi kami binalitaan, ikaw pala ang pinakasalan," mayabang na sabi ni Brielle. Itinaas niya ang kilay at hinagod ng tingin si Josef mula ulo hanggang paa. "Now I know why it's you. Hindi ko na tuloy alam kung sino ang suwerte sa inyong dalawa."

"Ang balita ko kay Daniel, agreement lang ang kasal. Dahil yata sa utang ang alam ko," dagdag ni Markus na namulsa habang nakapuwesto sa likod ng asawa niya. "Nakapagtataka lang kasi na ikaw ang napangasawa ni Erajin. May utang ka? Ano'ng nangyari?"

"Why? May problema ba kay Josef?" inosenteng tanong ni Ligee.

"You know him?" tanong ni Brielle kay Ligee.

"Yes, he's a very good friend of mine! Ako ang maid of honor sa wedding nila ni Jocas," masayang tugon ni Ligee.

"Oh, really? A good friend of yours? Is he? Is that serious?" Lalong lumapad ang ngiti ni Brielle at inilipat na naman ang tingin kay Josef na animo'y nakarinig ng isang napakagandang balita.

"What a revelation! May kaibigan ka? Wow," sarkastikong tugon ni Brielle at minata si Josef. "It's a surprise na malaman na ang pinakamalalang taong nakilala ko sa trabaho when it comes to socializing ay may kaibigan! Mabuti't hindi pa nagugunaw ang mundo!" Lumakas pa lalo ang tawa niya habang umiiling. "Didn't see this coming. This event really surprised me."

Naningkit ang mga mata ni Josef habang nakatingin kay Brielle. Hindi niya gusto ang tabas ng dila nito, ang punto ng pagsasalita, pati na ang mga linya nitong puno ng pang-aasar. Itinago niya ang kamay sa bulsa at doon kinuyom ang kamao. Kung hindi lang masamang gumawa ng komosyon sa mga oras na iyon, sinapak na niya ang babaeng kanina pa siya inaasar.

"After so many years. Wow," pagpapatuloy ni Brielle. Tumango pa siya. Hindi pa rin nawawala ang ngiti niyang nang-uuyam. "Nagbagong-buhay ka nga talaga. Nakakatakot, ha? Kinikilabutan ako."

"Brielle, stop," banta ni Jocas. Mukhang naramdaman na rin niyang lumalampas na si Brielle sa limitasyon nito.

"Why, Jin?" Itinuro ni Brielle si Josef gamit ang palad. "Your husband is—was—the richest man I have ever known. Isang salita lang niya, kaya nang makakabili ng buhay ng tao. Mabanggit mo lang ang pangalan niya, may tax ka na agad na babayaran! And now, you're his wife? How lucky you are. Hindi basta-basta natitisod ang taong ganiyan. He's a hidden treasure, at kailangan muna siyang hanapin bago makita." Inilapit pa niya ang mukha kay Jocas habang pinandidilatan ang kausap. "Again, hahanapin bago makita." Umatras siya at biglang sumimangot. "I'm curious kung anong paghahanap ba ang ginawa mo para makuha siya." Inilipat niya ang tingin kay Josef na may seryoso nang mukha. "Tama ba, Mr. Treasure Warden?"

Wala namang reaksiyon si Josef. "Masyado kang exaggerated. Sana nga, totoo 'yang sinasabi mo."

"Huh!" Napasimangot si Brielle dahil sa pagmamaang-maangan ni Josef. "Kung nandito ka para sa trabaho, ngayon pa lang binabalaan na kita. Alam ko kung ano'ng pakay mo rito. At wala akong pakialam kung alamat ang turing nila sa 'yo noon, pero tapos na ang kuwento mo ngayon. Sana hindi ka na lang bumalik. Sinayang mo lang ang pagkakataong ibinigay sa 'yo."

"Brielle, tumigil ka na," pakiusap ni Jocas.

Dinuro ni Brielle si Josef habang nakatingin kay Jocas. "Hindi ko alam kung bakit ka nagpakasal nang walang pasabi sa amin, Erajin. Ngayon, alam ko na kung bakit. Gusto mo talagang ginugulat ang lahat, ha? Alam ba 'to ng Four—"

"Tumigil ka na! Hindi ka na nakakatuwa." Pigil na pigil si Jocas sa pagsigaw habang tinitingnan nang masama si Brielle.

"Ano ba ang magandang itawag sa inyo? The Retired Legends? Marry the worst of ours and be with the best of them?"

"Stop it!" sigaw ni Jocas at iniamba na ang kamay para sampalin si Brielle.

"Whoah! Whoah! whoah!" Umawat na si Markus at pumagitna na. "Masyado kayong mainit na dalawa. Chill lang tayo, ha? Brielle, tama na, okay? Huwag nating hintaying magkagulo. Walang may gustong magkagulo rito, tama?" Makahulugang-tingin ang ibinigay ni Markus sa asawa, tanda ng pagbabanta. Tiningnan niyang sunod si Jocas na nakasimangot na. Nginitian niya ito nang matipid. "Jocas, pagpasensiyahan mo na kami. Alam mo naman si Brielle." Inilipat niya ang tingin kay Josef. "Hindi ko alam kung ano ang itatawag ko sa 'yo, but then again, pasensiya na sa asawa ko."

"Okay lang," ani Josef kahit na kabaligtaran niyon ang nararamdaman. "Alam kong may attitude problem ang asawa mo, sanay na halos ang lahat diyan." Nangibabaw ang pride kay Josef nang tingnan si Brielle. "Lilinawin ko lang, Miss Second-Rate-Hot-Headed Warfreak, hindi ako bumalik. May dapat lang akong bawiin."

Nagpanting ang tainga ni Brielle sa itinawag sa kanya ni Josef. "Ano'ng sinabi mo?!"

Si Josef naman ang bumawi ng nakakauyam na halakhak. "Huwag mong isiping matatakot ako sa 'yo dahil lang sa titulo mo. Ikaw na rin ang may sabi . . ." Inilapit niya ang mukha kay Brielle. ". . . alamat ako." Umatras na siya at ipinakita na naman ang pang-asar na ngiti. "Sisiguraduhin ko pa sa 'yong kahit na palibutan ako ng mga katulad mo ngayong gabi, hinding-hindi ako mapapatumba." Inilipat niya ang tingin kay Markus na nakakunot ang noo habang nakatingin sa kanya. "I'm looking forward to seeing your ace here. Sana lang magkaroon na siya ng tapang para magpakita sa 'kin." Kinuha niya ang kamay ni Jocas at hinatak paalis doon.

"Pagsisisihan mo lahat ng sinabi mo ngayon!" sigaw sa kanya ni Brielle. "At sisiguraduhin ko rin sa 'yong hinding-hindi mo makukuha ang ipinunta mo rito!"


♦♦♦

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top