Chapter 15: Number One Rule

Paputul-putol ang tulog ni Eireen nitong nakaraang mga araw kaya nakakaramdam siya ngayon ng antok. Hindi mawala ang kaba sa dibdib niya habang tinititigan ang isang picture na kasama ang girlfriend na si Ligee. Wala pa man siyang ginagawa, napapagod na siya.

Pagkatapos ng nangyari sa dapat ay date nila ng kasintahan—pagkatapos makita ang ginawa ng Brielle na iyon doon sa snatcher—hindi niya alam kung paano pa ba makakatulog nang mahimbing.

S Class agent ang Brielle na iyon dahil ito na rin mismo ang nagsabi. At higit na mas nakakatakot ay ang pagiging member nito ng Escadron Elites.

Hindi sana siya maniniwala kung hindi niya nakita ang ginawa nito, at nakasisiguro na siya sa isang bagay.

Si Ranger ang Brielle na iyon.

Pamilyar siya sa mga Elites, ngunit maliban sa kuya niya, hindi pa niya nakikita ang iba. Pito sila sa orihinal na grupo, at ngayon ay lima na lang sila—o apat dahil wala na nga si RYJO sa MA. Kuya niya ang isang nawala, si Psyche naman ang isa na masasabi niyang isa sa pinakamaagang nawala sa pito at hindi na niya nakilala pa.

Lahat ng member ay may kakaibang kakayahan na hindi makikita sa ibang Class. At ang nakita niyang ginawa ni Brielle sa snatcher. . . malamang na iyon ang pamosong technique nito na sikat sa pangalang Heartstopper.

Napasuklay siya ng buhok gamit ang mga daliri habang iniisip na paano niya lalabanan ang Ranger na iyon kung habang tinitingnan pa lang niya ito ay kinikilabutan na siya. Presensya pa lang nito, kinakabahan na siya. Tingin pa lang nito ay para na siyang kinakain nang buhay.

Ngayon, ang misyon nila ay patayin ang kliyente nito, at kung kinakailangang labanan, lalabanan nila. Sa isipan pa lang niya ay natatalo na siya, paano pa kaya kung harap-harapan na ang laban?

Ang isa pang tumatakbo sa isip niya ay ang nabanggit ni Markus na: ". . . . ako pa lang ang alam kong makakapigil sa asawa ko oras na magsimula na siyang magtrabaho."

Kung tama ang hinala niya, maaaring isa rin ang Markus na iyon sa mga S Class agent. Hindi niya tuloy maiwasang isipin na baka ang taong iyon si RYJO. At kung si Markus nga si RYJO, isang magandang balita iyon dahil mukhang dadalo ito sa auction. Kung si RYJO ang makakapigil kay Ranger, mababawasan na sila ng aalalahanin. Ang kaso, base sa kilos nito, alanganin pa rin ang lahat kaya hindi puwedeng magpakampante.

Ibinagsak niya ang katawan sa kamang inuupuan at ipinatong ang kanang braso sa noo. Isang malalim na buntonghininga ang nagawa niya habang iniisip kung makakauwi pa ba siya nang buhay mamayang gabi o hindi na. Lalo pang nakakapagpabagabag sa isipan ay ang pagdalo ng kanyang kasintahan sa naturang event. Papatay siya ng tao, at nasa paligid lang ang girlfriend niya.

Tiningnan niya ang suot na tag. Nasa Rank 4 siya at hindi basta-basta natatanggap ng baguhan ang pagiging Rank 4. Pinaghirapan niya ang posisyon na iyon. Ilang taon rin ang hinintay niya para lang makakuha ng titulong Ranker sa association kung saan siya nagtatrabaho ngayon.

Isa lang naman ang gusto niya: ang malaman kung bakit nawala ang kapatid niya sa MA. Hindi kasi siya kumbinsido sa lahat ng sinabi sa kanya at gusto niya ng solidong sagot.

Isa sa mga iniisip niyang dahilan kung bakit ito lumipat sa kabilang association—ang Assassin's Asylum—ay dahil nga sa karapatang inalis ng MA sa kuya niya. Gusto lang siguro ng kapatid niyang gumanti.

Ngunit hindi rin niya inaalis ang kaugnayan sa pamilya nila. Magkapatid sila sa ama, ngunit kahit na ganoon ay hindi siya nito itinuring na iba.

Sa pagkakaalam niya, ang ina ng kuya niya at ang kasalukuyang presidente ng Asylum ay magkakambal. Sa kasagsagan ng kasikatan ng Elites, nawala ang dalawa sa pinakamagagaling nitong miyembro, at agad na napunta ang kapatid niya sa kabilang asosasyon. Ang nagiging labas din sa kabilang banda ay nagkanakawan ng magaling na tauhan.

Bumangon na uli siya at mas minabuting mag-ayos na lamang ng sarili. Hindi siya maaaring bumigay dahil buhay at mga pangarap na niya ang nakasalalay sa trabahong gagawin.


♦♦♦

ARAW NG AUCTION . . .

"Pakisara nga nito, Markus," pakiusap ni Brielle sa asawa niya habang itinuturo ang zipper sa likod. Lumapit naman ang mister at isinara na ang zipper ng suot niyang gown.

"Sa tingin mo, pupunta sila mamaya?" Kinuha ni Markus ang eleganteng kuwintas na gawa sa maliliit na diyamante mula sa isang itim na kahon para isuot kay Brielle.

"Hindi ako sigurado kay Joni pero malamang na pupunta si Daniel at si Erajin." Isinuot na niya ang naglalakihang hikaw, pandagdag sa karangyaan.

"Ang balita ko kay Daniel, nasa bakasyon ngayon si Joni at walang maka-contact. Nananadya yata, mukhang alam na hahanapin siya."

"Hindi naman talaga maaasahan ang babaeng 'yon kapag dumarating ang Annual Elimination." Naglagay siya ng makapal na red lipstick na nagpatingkad sa kanyang ganda.

"Ang iniisip ko ay kung a-attend ba talaga si Jin."

Tumayo nang tuwid si Brielle at hinarap ang asawa niya nang may seryosong mukha. "Nasa auction ang Herring's Eyes. You think, palalampasin ni Erajin na hindi makuha ang mata?"

"There is a chance na hindi siya pumunta, Gabrielle. Marami siyang paraan para makuha ang pakay niya nang hindi na kailangang pumunta pa sa auction na 'yon."

"Pupunta siya, trust me. Hindi niya matatanggihan ang invitation—o mas magandang pakinggan ang 'Hindi niya puwedeng tanggihan ang nagpadala ng invitation.'" Pinagpag niya ang balikat ng suit ni Markus, inayos ang kurbata nito, at saka ngumiti. "I am expecting a good night tonight."

"Hindi ka ba kinakabahan? Malaki rin ang chance na kung sakaling pumunta nga si Jin, malamang na magkaroon ng mas malaking gulo. Ayokong lumaban kapag tayo-tayo na ang pinag-uusapan."

Natawa nang mahina si Brielle at hinawakan sa magkabilang pisngi ang asawa niyang kakikitaan ng pag-aalala sa mukha. "Kapag may nangyaring masama, alam na natin ang dapat gawin."

Tinapik niya nang dalawang beses ang pisngi ng asawa, pampalakas ng loob. "Alam nating pare-pareho kung ano lang ang paraan para mabuhay ang lahat ng makikita niya. At kasama na tayo roon." Kinuha na niya ang mamahaling shoulder bag at tumungo na palabas ng kuwarto nila.

"Paano kung isa sa ating dalawa ang mamatay mamaya?" pahabol na tanong ni Markus.

"Number one rule: Survive." Mapang-asar na ngiti ang makikita sa labi ni Brielle. "Obligado tayong sumunod dahil pag-aari nila ang buhay natin kaya hindi tayo puwedeng mamatay." Sinenyasan niya ang asawa. "Come on, my dear. We're gonna be late."


♦♦♦

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top