CHAPTER 11: Ring
"Hi, Eirren! Sa park, ha? Don't forget, 10 a.m."
Napakalalim ng iniisip niya habang nagbibihis. May date sila ng girlfriend niyang si Ligee at hindi puwedeng ipagsawalang-bahala ang lakad nila. Magagalit kasi ito dahil ilang araw na rin siyang palaging nasa trabaho. Alam niyang nakaka-stress ang napasukang kompanya ngunit kailangang ihiwalay ang personal sa professional issues.
"September 15." Napabuntonghininga siya at napailing. Sinilip niya ang maliit na kalendaryong nasa nightstand. May limang araw na lang ang natitira bago ang auction, at ngayon pa lang ay kinakabahan na siya. Hindi siya makapaniwalang sasama siya sa commander at kay Hunter para labanan si Ranger dahil lang sa mga nalalaman niya.
Kilala lang niya ang members ng Escadron Elites ngunit hindi pa niya nakikita ang iba. Isang tao lang ang personal niyang kilala sa pitong nasa orihinal na grupo at wala na ito sa naturang samahan. Alam niyang malalakas ang kahit sino sa mga parte ng Elites kaya lalo lang lumalakas ang kabang nararamdaman. Ito pa naman ang unang beses na sasalang siya sa malakihang trabaho.
Nabaling na naman ang atensiyon niya sa teleponong naka-auto answer.
"Hi, Eirren! Ready ka na? Ten, ha?"
Tiningnan niya ang alarm clock na katabi ng kalendaryo. Pasado alas-otso na. Binilisan na niya ang pag-aayos ng sarili para maagang makarating sa park kung saan sila magkikita ng kasintahan.
Casual lang ang isinuot niya tutal date lang iyon. Kinuha niya ang relo at isang army tag na may nakatatak na Ring: Rank 4 Class B sa may drawer ng stand. Tinitigan muna niya ang tag bago isuot. Iniisip niya kung kailangan bang isuot iyon dahil date naman ang pupuntahan niya at hindi trabaho.
Wala naman siyang balak pumasok sa MA, ngunit dapat niyang gawin ang ipinangako niya sa sarili at sa kapatid. Gusto niyang malaman ang sagot sa lahat ng tanong niya.
Napalatak siya at napabuntonghininga. Wala siyang magagawa kundi isuot ang tag. May agreement siyang pinirmahan sa Meurtrier Assemblage kaya kailangang sumunod—may makakita man sa kanya o wala. Disiplina lang din sa sarili ang dapat pairalin.
9:30 a.m.
Nakarating na si Eirren sa park. Nakatambay lang siya sa isang wooden bench habang hinihintay ang girlfriend. Hawak-hawak niya ang phone at tinitingnan ang plano ng grupo nila sa darating na auction na gaganapin sa Sabado. Maikling oras lang ang kailangan nila para magplano at hindi siya sanay nang naghahabol ng oras.
Sa pagkakaalam niya, si Tank pa lang ang nakatatanggap ng invitation sa kanila sa auction na nabanggit dahil kakilala ito ng auctioneer. Ang iba naman ay gagawa pa ng paraan para makapasok sa auction house. Nag-iisip na ng role ang bawat isa. Ang alam niya, isa siya sa mga magpapanggap na bodyguard ni Tadeo Hisashi, si Tank.
Wala siyang ibang iniisip kundi ang malinis na trabaho. Kailangang maganda ang resulta dahil isa sa mga babala sa kanila noong nakaraang meeting ay kung hindi nila aayusin ang trabahong ibinaba ng MA sa kanila, isa sa kanila o lahat sila ay itutumba ng mga nasa itaas. Malas lang dahil Elites din ang gagawa ng bagay na iyon.
Alam niyang baguhan pa lang siya sa pinasok na kompanya ngunit kailangan niyang may mapatunayan agad upang makuha ang isa sa matataas na ranggo ng HQ. Oras na tumaas ang ranggo niya, puwede na siyang makaabot sa lebel kung saan mahahanap niya ang sagot sa tanong na matagal na niyang hinahanap—kung paano trinaydor ang kapatid niya para lang matanggal sa pinakamagaling na grupo ng Meurtrier Assemblage—ang Escadron Elites—at kung bakit ito napunta sa kalabang Association: ang Assassin's Asylum.
"Eirren!"
Nilingon niya ang tumawag sa kanya. Tumayo na siya habang malawak ang ngiti. Kakaway na sana siya nang matigilan dahil sa nakitang kasama ng kasintahan.
"Ligee," mahinang tawag ni Eirren habang palipat-lipat ang tingin sa girlfriend niya at sa dalawang taong nasa likuran nito.
"Bakit ganiyan 'yang mukha mo?" tanong ni Ligelene, beynte-sais anyos na babaeng nakasuot ng magandang dress na kulay pula at napakainosenteng tingnan ng maamo nitong mukha.
"Sino . . . ?" Hindi na natapos ni Eirren ang sinasabi dahil inalok agad ng babaeng kasama ni Ligee ang kamay nito para makipagkilala.
"Hi, I'm Brielle," pagpapakilala nito habang nakangiti. "I'm Ligee's friend. Nice to meet you."
Tiningnan ni Eirren ang kamay ni Brielle, ang mukha nito, at ang kabuoang ayos. Nakangiti nga si Brielle ngunit hindi niya nakikita sa mga mata nito ang saya. Mas nangingibabaw rito ang talim ng tingin at hindi niya gusto ang kabang bigla niyang naramdaman. Pansin niyang napakapayat nito—dahil na rin sa lalim ng collarbone at ang buto nito sa balikat—para magkaroon ng magandang muscular structure ang mga braso nito. Balingkinitan at lalo pa itong nagmukhang matangkad dahil sa suot na blue and black bodycon dress at stiletto.
"Eirren. Eirren Saville." Nakipagkamay na rin siya sa babae. Naramdaman niya ang mga buto ng mahahabang daliri nito. Hindi niya maipaliwanag kung bakit biglang nagtayuan ang mga balahibo niya sa katawan. "Boyfriend ni Ligee."
"Oh! Huwag kang tense." Kakaibang ngiti ang ibinigay ni Brielle kay Eirren-ngiting iba-iba ang kahulugan depende na rin sa titingin. At hindi maganda ang kahulugan niyon para kay Eirren.
Napalunok ang lalaki at biglang lumalim ang paghinga habang nakikita ang nakakatakot na ngiti ni Brielle. "Sino'ng tense?"
"Sweats forming on the forehead, sudden goose bumps, fast heartbeat rate, matang nagmamatapang kahit natatakot na, pasmadong kamay—tensed ka, honey. Don't worry. I don't kill if it's not necessary, unless you give me reasons to do so."
Nanlaki ang mga mata ni Eirren at mabilisang binawi ang kamay niya. Siguro, kung normal lang siyang tao, iisipin niyang isang magandang biro lang ang binitiwang linya ni Brielle. Kaso iyon nga ang problema, hindi siya ordinaryong tao.
Agad na pumasok sa isipan niya ang auction sa Sabado, ang pagiging contract killer niya ng Upsilon, ang mga haharapin nilang bantay ng target na si Mr. Frido, at ang posibilidad ng kamatayan sa mga susunod na araw pagkatapos ng auction. Sabay-sabay niyang naisip ang mga bagay na iyan habang nakatingin sa mga mata ni Brielle na binibigyan siya ng perpektong kahulugan ng salitang kamatayan.
"Hahaha! Oh, my dear," nakakainis na tawa mula kay Brielle dahil sa reaksiyon ni Eirren. "Joke lang! Ito naman, masyadong seryoso!" Tinapik nito nang mahina ang balikat ni Ligee. "May pagka-praning pala 'tong boyfriend mo, girl! Tensionado!"
Natawa na lang din si Ligee sa biro ng kasama. "Brielle, pati ba naman boyfriend ko, binibiktima mo?"
"I'm just kidding, okay? Don't take it very seriously." Ibinalik ni Brielle ang tingin kay Eirren na masama na ang tingin sa kanya. "Advice lang: bawasan mo ang coffee. Not good for you."
Walang sinabi si Eirren ngunit alam niya sa sariling hindi niya gusto ang aura ni Brielle. May mali. Napakaraming mali.
Normal bang sabihin ang mga ganoong salita? Kung biro lang, walang problema sa kanya. Ngunit hindi sana nito sinabi sa kanya ang kalokohang iyon dahil kinakabahan na nga siya sa trabaho, mukhang nagatungan pa dahil sa biglang pagpapakita ni Brielle.
"Pasensiya na, observant lang talaga 'yang asawa ko," paningit ng lalaking kasama rin ni Ligee. Inalok din nito ang kamay para makapagpakilala. "Markus Findel. Husband ako ni Brielle."
Sinukat ni Eirren ng tingin si Markus. Mukhang normal naman. Mas normal kaysa asawa nito.
"Nice to meet you." Nakipagkamay na rin si Eirren. Nakahinga naman siya nang maluwag dahil walang kakaibang aura ang lalaki. Kahit ang kaba niya ay biglang nawala sa di-malamang dahilan. Tiningnan niya ang kamay nito at pinakiramdaman. Makapal ang kalyo at magaspang—mukhang masipag sa trabaho.
Bumitiw na rin siya at tiningnan ito nang deretso. Kalmado ang mukha nito at kakikitaan ng ngiti sa mga mata. Tantiya niya, nasa mahigit anim na talampakan ang taas nito, mababa lang siya nang ilang pulgada. Maganda ang kaha at may kalakihang tao rin base sa suot nitong casual-formal shirt and slacks. At sa tingin niya'y nasa treynta anyos na ang mag-asawa.
"Oo nga pala," pagputol sa kanila ni Ligee, "Ren, itong si Brielle, nagpapasama sa 'kin ngayon para bumili ng gown na susuotin niya sa party this coming Saturday." Lumapit pa siya nang kaunti para bumulong. "Ayoko namang humindi kasi alam mo namang hindi ako tumatanggi sa kaibigan." Niyakap nito ang braso niya at binigyan siya ng tingin na sana ay pumayag siya sa pakiusap nito.
"Kaibigan mo 'yan?" puno ng pagtataka niyang tanong habang masama ang tingin kay Brielle. "Kailan pa?"
"Ano ka ba naman! Palampasin mo na lang ang mga sinabi niya sa 'yo kanina. Nagbibiro lang naman 'yan. Sineryoso mo 'yon?"
"Nagbibiro? Hindi nakakatawa ang biro niya," naiiritang tugon niya sa kasintahan.
Pinalo nito nang mahina ang balikat ni Eirren. "Joke lang 'yon, huwag mong seryosohin. Saka magpapasama lang siya para bumili ng gown, 'yon lang. Tutal dadaan din ako sa boutique, isabay na natin."
"Bakit hindi siya magpasama sa iba? Bakit kailangang sa 'yo pa?"
"Bakit ba? Saka sa Saturday na 'yon! Kailangan ko ring bumili ng isusuot kasi a-attend din ako sa same party kung saan siya pupunta. And, oh! Kasama pala kita sa party na 'yon!"
Kumunot agad ang noo ni Eirren sa ibinalita ng girlfriend niya. "Saturday? This coming Saturday?"
"Yes. May invitation na ako at kailangang nandoon ka. Ayokong pumunta mag-isa. And besides, si Daddy ang nag-invite sa 'yo."
"Pero—" Inisip agad ni Eirren ang trabaho niya sa Sabado. Trabaho iyon at buhay na ang pinag-uusapan. Kahapon pa lang ay naipa-cancel na niya ang lahat ng appointments sa Saturday pero mukhang may problema na naman siya ngayon sa schedule.
"I don't take no for an answer." Hinatak ni Ligee ang braso ni Eirren at tiningnan na ang mag-asawang kasama nila. "Tara na, Brielle!"
"Teka, sandali."
Hindi na nakapalag si Eirren at nagpahatak na lang. Kailangan na niya ngayong mag-isip ng magandang paraan kung paano masasabi kay Ligee na hindi siya makakasama rito sa Sabado.
♦ ♦ ♦
Nakaupo lang sina Eirren at Markus sa waiting area ng isang boutique habang hinihintay na matapos ang mga babaeng kasama nila sa pagbibihis. Naka-de-kuwatro si Markus at nakahalukipkip, kalmadong-kalmado at halatang walang kahit anong gumugulo sa isipan. Samantala, si Eirren naman ay kanina pa iniisip kung ano bang magandang linya ang sasabihin para magpaliwanag na hindi siya makakasama sa party na pupuntahan nila sa Sabado.
"Kung ano man 'yang iniisip mo, kalimutan mo muna 'yan."
Napahinto sa pag-iisip si Eirren at napatingin sa katabing si Markus na biglang nagsalita.
"Pamilyar ang apelyido mo. May kakilala ka bang Arkin Saville?"
Napahugot ng malalim na hininga si Eirren habang nakatingin nang deretso kay Markus. Nakatingin naman ito nang deretso sa harapan nitong malayo sa kanya.
"Arkin . . . Saville?" tanong ni Eirren.
Kilala niya si Arkin Saville. Ang taong iyon ang kuya niya. Ang dating miyembro ng Escadron Elites na natanggal sa MA. Wala namang makapagsabi kung ano ang dahilan kung bakit ito natanggal, basta natanggal lang. Iniisip niya kung paano nakilala ng katabi ang kuya niya gayong kahit siya ay ilang taon na rin itong hindi nakikita.
"May kasamahan kasi ako sa trabaho na Arkin Saville ang pangalan, baka lang kilala mo," katwiran ni Markus.
Walang ibang trabaho ang kuya ni Eirren maliban sa pagiging hitman at agent nito. Iyon ang alam niya at ng ilang miyembro ng pamilya nila. At kung magkasama sa trabaho ang kuya niya at si Markus, ibig sabihin ay kilala talaga nito ang kapatid. Subalit hindi siya puwedeng magsalita ngayon hangga't hindi siya sigurado. Delikado lalo pa't may trabaho siya sa Sabado at hindi siya puwedeng magtiwala sa kahit sino.
"Wala akong kilalang Arkin Saville. Baka ka-apelyido ko lang," sagot ni Eirren.
"Okay." Tumango naman si Markus sa narinig. "By the way, kung iniisip mo ang party sa Sabado, sa tingin ko, huwag ka nang mag-abala pang tumanggi." Tiningnan nito si Eirren nang may matipid na ngiti sa dulo ng kanang labi. "Opportunity 'yon, huwag mong palampasin."
"A-Ano'ng sinasabi mo?" Napaisip tuloy si Eirren kung paano naman napasok sa usapan ang party sa Sabado, at saan napulot ni Markus ang sinasabi nitong pagtanggi at oportunidad na hindi dapat palampasin.
"Hindi ko alam kung kompleto kaming dadalo sa Sabado, pero sinasabi ko na sa 'yo habang maaga pa, ako pa lang ang alam kong makakapigil sa asawa ko oras na magsimula na siyang magtrabaho. Siguro naman nabanggit na sa inyo 'yan ni Tank."
Napatayo sa kinauupuan si Eirren at gulat na gulat na tiningnan si Markus na deretso pa rin ang tingin sa harapan nito. "Sino ka ba?"
"Member ka ng Upsilon, dapat kilala mo 'ko." Tiningnan na ni Markus si Eirren nang may matipid na ngiti at napakakalmadong mukha.
"Eirren!"
Sabay silang napatingin sa tumawag. Nakita nila sina Ligee at Brielle na nakabihis ng magagarang gown.
"Hindi ba 'ko mukhang mataba rito sa suot ko?" tanong ni Ligee habang tinitingnan ang sarili sa malaking salamin sa gilid ng fitting room. Bagay sa kanya ang suot na peach long gown na may silhouette cover sa bandang balikat pababa sa braso.
"Okay lang 'yan, ano ka ba!" Paiba-iba naman ng pose si Brielle habang tinitingnan ang sarili sa salamin. Lalo lang itong nagmukhang matangkad sa suot na black gown na halos makita na ang cleavage sa plunging neckline.
"You look good on that, Gabrielle," papuri ni Markus sa asawa.
"I know, right." Lumapit si Brielle kay Markus para kunin ang sariling phone. Napansin nito si Eirren na magkahalong gulat, takot, kaba, at pagkalito ang mababasa sa mukha habang tinititigan siya. "I'm not a monster. Don't look at me like I'm gonna eat you alive." Bumalik na siya sa tabi ni Ligee at inalok ito para magpa-picture.
"Why don't you try to ask her to kill you?" suggestion ni Markus kay Eirren.
"What?" Hindi makapaniwala si Eirren sa narinig.
Tumayo na rin si Markus at deretsong tiningnan si Eirren. "The fear of dying is one of the greatest fears you'll encounter in your job. She can fix that problem. Just ask." Tinapik nito nang dalawang beses ang balikat ni Eirren at nilapitan ang dalawang babaeng kasama.
Hindi maintindihan ni Eirren ang nangyayari. Sa isang iglap, napuno ng napakaraming tanong ang utak niya. Nakatingin siya kay Markus na nakangiti lang kina Ligee at Brielle. Hindi naman ito mukhang masamang tao. Mas natakot pa nga siya sa aura ni Brielle kaysa rito. Wala siyang maramdamang takot kahit sa pagsasalita nito.
Ngunit base sa mga narinig niya, hindi basta-basta ang mga pinagsasasabi nito. Kilala nito ang kuya niya. Kilala nito si Tank. Nabanggit nito ang tungkol sa Sabadong kanina pa niya pinoproblema. Alam nito ang Upsilon, maging ang pagiging member niya. At higit sa lahat, ang napakawirdo nitong suhestiyon na magpapatay raw siya.
Akala niya, walang problema kay Markus. Mas wirdo pala ito kaysa kay Brielle.
♦ ♦ ♦
Lalong lumala ang pagkapraning ni Eirren habang kasama pa rin ang mag-asawa. Inosente si Ligee. Wala itong alam sa totoong pagkatao niya, sa kung ano ang trabaho niya, at sa kung ano ang mga ginagawa niya. Gusto na niya itong pauwiin dahil hindi na niya gusto ang nararamdamang takot para dito. Hindi niya gusto ang aura ni Brielle, at sa tingin nya'y delikadong tao rin si Markus—hindi lang halata. Makailang-ulit na siyang nagpunas ng mukha dahil sa pagpapawis.
Kumakain sila ng lunch sa isang French restaurant at pakiramdam niya ay napakaliit lang ng maluwag na mesang kinakainan nila.
"Okay ka lang?" tanong ni Ligee sa kanya.
Tumango naman siya at matipid na ngumiti. Sinulyapan niya ang mag-asawang nakatingin lang din sa kanya. Pasimpleng umiling sa kilos niya si Brielle habang si Markus ay wala namang kahit anong reaksiyon.
"Since nandito na lang din tayo, ngayon ko na ibibigay ang invitation sa 'yo," sabi ni Ligee. Kinuha nito sa shoulder bag ang isang itim na invitation at inilapag sa mesa sa harapan lang ni Eirren. "Invited diyan si Daddy kaya nakakuha ako ng invitation para sa ating dalawa."
Kinuha ni Eirren ang invitation at tiningnan. Nanlaki ang mga mata niya nang mabasa ang nakalagay rito. "Party organized by Seraly Nami Orahana. Criasa Marine." Gulat niyang tiningnan si Ligee at ipinakita ang invitation. "M-May auction bang nabanggit dito?"
"Yes, may auction. Pero iba ang invitation ng mga kasali roon. Yung sa party lang ang mayroon ako. Si Daddy yata, may nakuha for that, kaso siya lang. But, as far as I know, magkasama lang 'yang event."
"At inivited ka?"
"Yes. Kaya nga may invitation ako, di ba?"
Nabitiwan ni Eirren ang invitation dahil sa panghihina. Kasama ang girlfriend niya sa auction kung saan siya may trabaho. Mabuti sana kung simpleng trabaho lang iyon, kaso papatay siya ng tao. Ano na lang ang mangyayari oras na malaman ni Ligee ang tunay niyang pagkatao? Lalong magiging komplikado ang lahat.
Ang inisip niyang mga paliwanag kanina ay mukhang hindi na magagamit pa. Iisa lang sila ng pupuntahan, at isang magandang balita na may invitation na siya para makapasok sa lugar kung saan sila magtatrabaho. Hindi na niya poproblemahin pa ang pagpasok dahil imbitado pala siya. Ang kaso, imbitado rin ang babaeng pinakamamahal niya at ang kapamilya nito.
"That's going to be a very memorable night for us," parinig ni Brielle habang nakatingin sa hinihiwa nitong steak. "My husband and I are invited too. What a coincidence." Pagkatapos ay nginitian nito nang masama si Eirren.
Napakuyom ng kamao ang lalaki habang nakatingin kay Brielle. Hindi maganda ang kutob niya sa mag-asawang iyon. Dapat ngayon pa lang ay mailayo na niya si Ligee sa kanila bago pa mahuli ang lahat.
♦ ♦ ♦
Alas-kuwatro pasado na ng hapon at pauwi na ang apat. Nilalakad nila ang papunta sa parking lot kung saan nakaparada ang mga kotseng dala.
"I had so much fun today!" masayang sabi ni Ligee. "Next time ulit, ha?"
"Oh, sure!" sagot agad ni Brielle. "No problem with that."
Napahugot ng hininga si Eirren at gusto niyang sabihing sana ay last na meeting na nila iyon. Hindi na niya gusto pang makita ang dalawa dahil buong araw siyang napuno ng pag-aalala gawa ng biglaang pagpapakita ng mag-asawa sa buhay niya. Sapat na ang isang buong araw na kaba para sa kanya at ayaw na niyang umulit pa.
"See you this Sat—"
"Aahh!"
"Tabi! Tabi! Tumabi kayo!"
"'Yong bag ko! Tulong! Tumawag kayo ng pulis! Tulong!"
Pare-pareho silang napahinto habang hinahabol ng tingin ang lalaking tumatakbo dala-dala ang isang pambabaeng handbag.
"Oh my god!" sigaw ni Ligee.
Papunta sa direksiyon nila ang kawatan.
"Tulong! Magnanakaw! Magnanakaw!"
Nag-panic agad si Eirren at inisip na ang malas talaga ng araw na iyon dahil naka-encounter pa sila ng ganoong eksena. Bumukas na naman ang lahat ng pandama niya. Gusto niyang kumilos at gumawa ng hakbang ngunit wala siyang dalang kutsilyo o kahit na anong patalim. Kung mayroon man, hindi niya iyon puwedeng gamitin. Napakadelikado dahil papatay pa rin siya kahit na tumulong lang ang intensiyon niya. Hindi na siya nakakapag-isip pa nang maayos. Kung haharangin niya, mapipigilan niya. Kaso paano ang mag-asawang kasama nila? Paano kung may gawing masama?
Ang daming tumatakbo sa isip niya, hindi na niya alam kung ano ang magandang gawin.
Napapikit na lang siya at pinakalma ang sarili.
Hahayaan na lamang niya ang lahat. Magnanakaw lang iyon. Wala siyang kinalaman. Hindi niya kailangang magpakabayani.
Dumilat na siya at sinabi sa sariling wala siyang dapat gawin.
Tama. Mas mabuting huwag na akong mangialam.
"Oh, well." Nalipat ang tingin niya kay Brielle na mukhang balak pang salubungin ang tumatakbong magnanakaw.
"Tabi! Tumabi kayo diyan! Tabi!" sigaw ng magnanakaw.
"Brielle! What are you doing?" sigaw ni Ligee sa kaibigan.
"Hoy, babae! Tumabi ka kung ayaw mong masaktan!"
Pinatunog ni Brielle ang mga buto sa kamay at sinalubong ng mabilis na suntok ang dibdib ng magnanakaw na kahit si Eirren ay hindi nakita ang kamay nitong dumapo sa katawan ng kriminal. Napahinto tuloy ang kawatan at halos lumuwa ang mata habang nakatingin kay Brielle.
"Sorry, my dear, pero babawiin ko itong kinuha mo, ha? Pasensiya na." Hinablot ni Brielle ang dalang bag ng magnanakaw at pinanood ang lalaking bumagsak sa sementadong daan.
Dali-daling lumapit si Ligee sa kaibigan. "OMG! Okay ka lang, Brielle? Nasaktan ka ba?"
Nginitian ni Brielle si Ligee at hinagis ang bag na hawak sa babaeng ninakawan. Nasalo naman nito ang ibinato niya at hinawakan ang kamay ni Ligee. "Tara na, you need to go home."
"Pero yung—oh my god!" Nagulat si Ligee nang makita ang magnanakaw na nagsisimula nang agusan ng napakaraming dugo sa bibig. "Is he dead?"
Sinenyasan ni Brielle si Eirren na buksan na nito ang pinto ng kotse nila para makaalis na sa lugar. Si Eirren naman ay sumunod agad dahil iyon lang ang paraan upang hindi na makapag-usisa pa si Ligee sa nangyari.
"That snatcher is bleeding!" tili ni Ligee, nakatitig sa snatcher na naghihingalo sa kalsada.
"He's gonna be fine, Ligee. Don't worry about it."
"But he's bleeding. Ano'ng nangyari?"
"We should take our beauty rest, pagod na tayo, bawal magmukhang haggard sa party." Dinala na ni Brielle si Ligee sa kotse ni Eirren at pinaupo na ito sa may passenger seat. "Take care, Ligee! Bye-bye!" Binigyan niya ito ng halik sa magkabilang pisngi at saka ngumiti nang matamis para magpaalam. Isinara na rin niya ang pinto ng kotse at seryosong tiningnan si Eirren na iba na talaga ang tingin sa kanya.
"Sino ba talaga kayong dalawa?" May galit na sa tono ni Eirren nang tanungin niya ang mag-asawa. "At ano 'yong—ano ang ginawa mo sa magnanakaw na 'yon?"
"You, shut your mouth if you don't want that to happen to you," banta ni Brielle nang duruin si Eirren. "Don't fuck with us Elites, rookie. Try to do something stupid. I'll make sure you're dead before you know it."
Hindi na nakapagsalita pa si Eirren habang sinusundan ng tingin ang mag-asawang pasakay na sa isang pulang sedan. Puno ng pagbabanta ang tinging ibinigay sa kanya ni Brielle bago pa makaalis ang kotseng sinasakyan nito.
Napalunok si Eirren dahil tama nga ang hinala niya. Kilala nga ng dalawang iyon ang kuya niya. Mga member din ng Escadron Elites ang dalawang iyon.
Sa pitong member ng Escadron Elites, napaisip tuloy siya kung sino ang dalawa sa grupong dating sinalihan ng kapatid.
♦ ♦ ♦
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top