CHAPTER 10: Curiosity
Kalahating oras din ang inilagi ni Daniel sa bahay nina Josef, at mukhang seryoso ang naging pag-uusap ng bisita nila at ng asawa niya.
Magkapatid, ayon sa lalaki, pero kung ngumisi ito sa asawa niya, para bang hindi papasang magkapatid ang dalawa. Bago matapos sina Daniel at Jocas sa pag-uusap ay may inabot ang lalaki sa asawa niya. Mula sa third floor, tanaw pa rin niya ang dalawa at ang ginagawa ng mga ito.
Pag-alis ni Daniel, hinintay pa niya ang asawa pabalik sa kuwarto nito. Naniningkit siya nang mapansing kakaiba ang kilos nito sa nakasanayan niya.
May ugali si Jocas na kumakandirit kapag naglalakad—tipong tuwang-tuwa sa buhay. Pero habang naglalakad ang asawa niya ngayon ay naninibago siya rito. Sinuklay nito ng mga daliri ang gitnang bahagi ng buhok hanggang sa bumagsak ang mga hibla niyon sa magkabilang gilid. Napakaseryoso ng mukha nito at mukhang malalim ang iniisip. Pinanood niya itong umakyat ng hagdan.
May kakaiba talaga sa asawa niya na hindi niya masabi kung ano.
Pagdating nito sa hallway ng third floor, nagsalubong agad ang tingin nilang dalawa.
"Wala kang sinabing may mga kapatid kang gaya n'on," sabi ni Josef.
Maangas na ngumisi ang babae sa kanya at saglit na umirap. Napailing pa ito at saglit na tiningnan ang hawak na tatlong invitation card na magkakaiba ang kulay.
"Ano 'yan?" usisa ni Josef.
"Pagkakaabalahan," simpleng sagot ng asawa niya, at lalong naningkit si Josef dahil ang bigat ng boses nito sa mga oras na iyon samantalang napakasakit sa tainga ng boses nito sa araw-araw.
"May sore throat ka?" tanong agad niya.
Ngumisi na naman ang babae, nang-aasar. "Hindi ka ba sanay sa boses ko?"
"Hindi ganiyan ang boses mo."
"Ah . . ." Ngumisi ito nang malapad habang kinakapa ang kaliwang pangil gamit ang dila. "Simulan mo nang masanay kung gano'n."
Pabalik na ito sa kuwarto nang harangin niya ng kamay ang doorknob.
"Ano 'yan?" tanong uli ni Josef sa hawak ng asawa.
Tumaas agad ang kilay nito at hinamon na siya ng tingin habang nakatingala sa kanya. "Hindi ka makontento sa iisang sagot?"
"Walang malinaw sa sagot mo."
"Dapat bang malaman mo?"
"Asawa mo 'ko."
"Tanggap mo?"
Mabilis na kumunot ang noo niya. "Anong tanggap ko?"
Nagkrus ito ng mga braso at nakangising tinaasan siya ng kilay. "Come on, Josef Malavega, huwag na tayong mag-aksaya ng oras dito."
Nagkrus din ng braso si Josef at tinaasan din ng kilay ang asawa. "Hindi sana sayang ang oras nating dalawa kung sinagot mo agad ako sa tanong ko."
Nagkasukatan ng tingin ang dalawa.
Unti-unti, nabuo ang mahinang tawa sa babae at patango-tangong umirap. "Invitation." Itinaas nito ang isang pulang envelope. Nakasulat doon ang pangalang Jocas Española.
Mata lang ang iginalaw ni Josef nang tingnan ang envelope. "Invitation saan?"
"Auction sa Criasa Marine. Don't tell me, hindi ka pa nakakakuha?"
Pagtaas lang ng kilay ang isinagot ni Josef sa sinabi ng asawa. Ayaw niyang umamin na wala pa siyang nakukuhang ganoon. Pero nakatanggap na siya ng tawag na maiimbitahan siya roon bilang isang espesyal na bisita.
"Pupunta ka?" tanong ni Josef.
"Of course. Pupunta ang mga kapatid ko, so I have to be there."
"Wala kang guards?"
Nang-iinis pa itong tumawa sa kanya kahit mahina lang. "Kung maririnig ka ng mga katrabaho ko, pagtatawanan ka lang nila." Itinuro nito ang ulo sa kanan. "Alis."
Hindi kumilos si Josef, sinukat lang ng tingin ang asawa niyang ginagawang biro ang dahilan ng kaba niya sa mga susunod na araw.
"Paano kung sabihin kong hindi ka puwedeng pumunta sa auction na 'yon?" hamon ni Josef.
"You can't stop me from going, man. You have no right to do that."
"Asawa mo 'ko kaya may karapatan ako."
"Unfortunately, you're talking to the wrong person. Hintayin mo na lang na bumalik ang asawa mo saka kayo mag-usap." Malakas nitong itinulak si Josef paalis sa pinto kaya hindi agad nakaimik ang lalaki.
Pabukas pa lang ng pinto ang babae nang hawakan nang mahigpit ni Josef ang doorknob habang naroon ang kamay ng asawa.
Tumalim agad ang tingin ng babae sa kanya.
"Mag-usap nga tayo. Ilang araw ka nang ganito," mariing sinabi ni Josef habang nilalabanan ang lakas ng pagtulak ng asawa niya sa pinto para bumukas iyon.
"Bitiwan mo ang knob," babala na ng babae habang pinagbabantaan na siya ng tingin. "Huwag mong sukatin ang haba ng pasensiya ko."
"Ikaw ang huwag sumukat ng haba ng pasensiya ko," naiinis na sagot ni Josef, pinandidilatan ang asawa. "Ano ba'ng problema mo, Jocas? Noong isang araw ka pa."
"Jocas . . ." Lalong lumakas ang puwersa ng pagtulak sa pinto habang tumatawa nang mahina ang babae. "Alam mo sa sarili mong hindi ako ang asawa mo." Dinakma niya ang kuwelyo ni Josef at buong lakas itong ibinalibag sa dingding na katabi ng pinto.
Ang lakas ng kalabog doon na dahilan ng paglaki ng mga mata ni Josef sa sobrang gulat. Idiniin siya ng asawa sa pinto. Ang kanang braso nito ang nakadagan sa dibdib niya habang kuyom ng kamao nito ang kuwelyo ng suot niyang T-shirt.
"Kung gusto mong magkasundo tayo . . . kumilos ka nang normal," utos nito habang nakangisi lang sa kanya, pinapasada ang tingin mula sa mata niya pababa sa labi. "Hindi ganoon kahaba ang pasensiya ko. Huwag mong sagarin."
Ang lalim ng paghugot ng hininga ni Josef nang bitiwan na rin siya ng asawa at ayusin ang suot niyang T-shirt. Nakuha pa nitong pagpagin iyon para umayos.
Titig na titig siya rito habang nakikitang hindi iyon ang Jocas na kilala niya.
Ibang-iba.
At hindi niya nagugustuhan ang nakikita niya.
♦♦♦
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top