CHAPTER 1 : The Wedding

"Joseph, do you take Jocas to be your wife? Do you promise to be true to her in good times and in bad, in sickness and in health, to love her and honor her all the days of your life?"

Walang ganang sagot mula sa groom. "I do."

Napakaganda sana ng araw ng Linggo na iyon dahil isang mahalagang seremonya ang kasalukuyang idinaraos.

Punong-puno ang loob ng simbahan ngunit kapansin-pansin ang lamya sa paligid. Karamihan ng mga bisita ay humihikab na dahil sa tagal ng seremonya. Kanya-kanyang paypay na rin dahil sa init. Hindi makikita sa mga taong naroon ang saya para sa dalawang taong nasa harap ng altar.

"Jocas, do you take Joseph to be your husband? Do you promise to be true to him in good times and in bad, in sickness and in health, to love him and honor him all the days of your life?"

Sandaling katahimikan. Tiningnan ng bride ang paligid—naghanap ng tutulong sa kanya.

"Uhm, puwedeng mag-phone a friend?"

"Oh Lord." Napailing ang pari sa narinig mula sa bride.

Bakas na bakas ang pagkairita sa mukha ng groom nang lingunin ang mapapangasawa. Nagulat ang mga nasa harap at ang iba naman ay tumatawa nang mahina. Walang umaasa ng ganoong sagot mula sa kahit sino sa ikakasal. Nakakahiya, lalo pa't naka-microphone sila at dinig na dinig sa buong lugar ang kahit anong kanilang sabihin.

"This is your wedding. Be serious," bulong ng pari sa bride.

"A, okay." Tumango-tango pa ang bride bago huminga nang malalim saka nag-isip. "What if I say no?" inosente niyang tanong.

"Jocas!" singhal ng isang ginoo sa unahang upuan.

Napatingin ang lahat sa harap. Kanya-kanya nang tayo ang mga nasa likuran para makita kung sino pa ang may balak gumawa ng eksena. Ama pala ng bride ang sumigaw.

Lumingon agad ang bride sa likuran. "What? I'm just asking. Masamang mag-survey?" sagot niya.

"Mamamatay ako sa batang ito! Diyos ko!" Rinig ang inis sa boses ng ama ng bride habang hinihimas ang noo nito.

"Daddy, maupo ka na. Nakakahiya, ano ba?" bulong ng ina ng bride sa asawa niya. Nakapanliliit para sa kanila dahil sila lang ng asawa niya ang nasa simbahang iyon na kamag-anak ng bride.

"Itutuloy pa ba natin?" tinatamad nang tanong ng pari.

"Fine, fine." Umikot lang ang mata ng bride saka nakangiting tumango. "99.9 percent yes, I do na!" masaya niyang sagot bago sumimangot. "Baka umiyak pa kayo."

Binigyan na ng blessing ang mga singsing na dala ng ring bearer. Kitang-kita sa mukha ng groom ang kawalan ng gana sa kasal na iyon. Nakailang hikab na rin siya. Ni hindi man lang niya nagawang tingnan nang may tuwa ang mapapangasawa. Nakaririnig siya ng mga iyakan sa likurang parte ng simbahan—iyak ng mga babaeng hindi ang masuwerteng napili.

Humarap na ang groom at bride sa isa't isa. Kinuha na ng lalaki ang singsing na nakalagay sa maliit na puting unan.

Isinuot na ng groom ang gintong wedding ring sa daliri ng bride. "Jocas, take this ring as a sign of my love and fidelity." Hindi maririnig sa tono niya ang sinseridad sa sinasabi.

Ganoon din ang ginawa ng bride. " Joseph, take this ring as a sign of my love and fidelity." Tiningnan niya ang mga nasa paligid, sunod ang lalaking pinakakasalan. Sumimangot lang siya dahil wala man lang kagana-gana ang lahat. Gusto niyang maging memorable ang kasal kaso nakikita niyang humahanay sa salitang imposible ang gusto niyang mangyari.

Nagpatuloy na ang kasal. Halos lahat ay papikit-pikit na dahil sa haba ng mga sinasabi ng pari.

"Jocas and Joseph, in so much as the two of you have agreed to live together in Matrimony, have promised your love for each other by these vows, the giving of these rings and the joining of your hands, I now declare you to be husband and wife. Congratulations, you may now kiss your bride."

Ang bride, nakapikit na habang nakanguso, samantalang ang groom naman ay hindi maipinta ang mukha—alangan ang tingin sa napangasawa. Hindi makapaniwalang pinakakasalan ang babaeng nasa harapan sa mga oras na iyon.

"Tsk, buwisit talaga," naiinis na bulong ng groom. Lumapit siya at hinalikan ang bride sa pisngi nito. Agad din siyang lumayo at pasimpleng nagpunas ng labi. Kung siya lang ang masusunod, hinding-hindi niya papatulan ang kasal na iyon.

"Ang arte mo naman!" Napasimangot na naman ang bride dahil hindi siya nito hinalikan sa labi.

"Everyone, I present to you Mr. and Mrs. Rynel Joseph Malavega."

Napuno ng palakpakan ang buong simbahan.

Hindi mababakas sa mukha ng bagong kasal ang saya habang tinitingnan ang napakaraming taong saksi sa kanilang pag-iisang dibdib.

Mahinang sinuntok ng bride ang kaliwang braso ng lalaking katabi—na asawa na niya.

Hinawakan naman siya nito sa batok para panatilihin siya sa puwesto habang pilit na pilit ang ngiti sa lahat ng camera na kumukuha sa kanila ng retrato.

"Umayos ka," bulong pa nito sa kanya.


♦♦♦

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top