6. The Nanny and the Daddy
"The witch was cunning, as expected."
Kung makangiti si Edric sa mga kasama sa iisang mesa, halatang tuwang-tuwa siya sa nagaganap.
Nakausap na ni Eul ang ibang miyembro ng pamilya. Sa kasalukuyan, nasa meeting room sila sa fifth floor para pag-usapan ang desisyon tungkol sa mag-aalaga sa Itinakda.
Napapabuntonghininga na lang si Rorric habang palipat-lipat ang tingin kina Poi at sa ibang bahagi ng board na gustong makatanggap ng balita ukol sa anak ng numen.
Nasa dulo ng mesa si Zephy, katabi ni Rorric. Sa pagkawala ni Donovan Phillips, pansamantala munang hawak ni Rorric Vanderberg ang opisina ng chairman, hindi para pamunuan ang lahat kundi para manatiling balanse ang pamamahala sa Prios kung ang pag-uusapan ay trabaho at supply ng pagkain para sa lahat ng bahagi ng pamilya. At dahil responsabilidad ni Rorric si Zephy bilang direktang empleyado ng Chairman's Office, siya ang kailangang magdesisyon ukol sa planong gawing nanny ni Sigmund Phillips ang acquisition manager ng Prios Holdings—si Zephy.
"Pumayag ang halos lahat ng nasa board para gawing tagapangalaga ng anak ng numen si Zephy," huling pasya ni Poi.
"Boss Rorric, may pasok ako rito sa Prios," nagdadamdam na sabi ni Zephy, mukhang maiiyak na.
"Nagpanukala na ang board na limang taon kang magtatrabaho sa pamilya pero sa Grand Cabin ka maglilingkod."
"Poi . . ." nakikiusap nang pagtawag ni Zephy sa lalaking kaharap. "Alam mo namang maraming monster sa Cabin tuwing gabi, di ba?"
"Nakausap ko na si Bin ukol sa mga bantay ng gubat. Kilala na nila ang marka mo, walang gagalaw sa iyo roon."
"Boss!" reklamo na naman ni Zephy kay Rorric at bahagyang yumuko pa para malakas na bumulong. "Yung anak mo, doon nakatira! Alam mo namang pinag-iinitan ako niyan!"
Buntonghininga lang din ang naisagot ni Rorric kay Zephy at bakas sa mukha ng ginoo na wala na itong magagawa sa reklamo niya.
"Zephania, maniwala ka sa akin, desisyon ito ng pamilya."
"Ano ba 'yan?" Padabog siyang napapadyak sa sahig sabay kunot ng noo kay Edric na nasa kabilang dulo ng mahabang mesa. Halatang-halata sa ngisi nito na may napanalunan itong laro na sila lang ang nakakaalam. Bumaling na naman siya kay Poi para magtanong. "Wala ba 'kong ibang kasama sa Cabin?"
"Si—"
"Maliban sa anak ni Boss Rorric," putol agad ni Zephy kay Poi. "Si Eul? Si Lance? Si Zagan? Si Zagan, baka puwede!"
Napapailing na lang si Poi sa kanya. "May responsabilidad si Zagan dito sa gusali ng Prios, Zephy. Alam mo namang bantay siya ng Prios tuwing umaga at sa Jagermeister tuwing gabi. Hindi ka namin pipiliin sa tungkulin na ito kung hindi ipinagkatiwala sa iyo ni Chancey ang anak niya."
Si Zephy na ang pasukong nagbuntonghininga at napayuko na lang sa sobrang pagkadismaya. Simangot na simangot siya nang sulyapan na naman si Edric na umiiling sa kanya—ipinakikitang wala na siyang magagawa sa sitwasyong napasukan niya.
Sa totoo lang, tatlong taon nang alam ni Zephy ang kalakaran sa Prios. Kung ang pagbabasehan ay ang kaalaman ni Chancey sa sistema ng pamamahala at kaalaman niya, di-hamak na mas lamang siya sa kaibigan. Mas malaking bagay ang una niyang pagtapak sa Historical
Commission bilang bahagi ng accounting office para agad siyang matanggap ng mga taga-Prios—mas madali kaysa pagtanggap ng buong pamilya kay Chancey kung hindi lang ito isang Dalca.
Sa isang banda, nagpapasalamat siya kay Chancey dahil ito ang dahilan kaya hindi siya mineryenda ng mga taga-Prios noong unang application niya. Siya lang naman ang namumukod-tanging tao sa Prios na hindi nakokontrol ng kapangyarihang naroon.
Pero iyon din ang dahilan kaya tuloy napag-iinitan siya ni Edric.
Sa dami ng malalang kuwento ni Chancey sa kanya tungkol kay Edric—sa kung paano ba sinugod ng mga bampira ang Grand Cabin noong nag-propose si Mr. Phillips kay Chancey hanggang sa pagbiyahe nito kasama si Edric sa south, higit na lalo noong tumira ang dalawa sa Winglov—hindi niya iyon agad pinaniwalaan kasi alam naman niyang overacting lang si Chancey kung magkuwento.
Pero sa pagkakataong iyon, hindi lang overacting ang kuwento nito dahil nabubuwisit na rin siya sa anak ng boss niya.
"You know what, Mr. V, kung hindi ka lang ubod ng tigas ng ulo, malamang na magkakasundo tayo."
Hatak-hatak ni Zephy ang dalawang maleta niya habang karga-karga ni Edric sa kanang braso ang natutulog na baby ni Chancey.
Galing sa Bernardina si Edric dahil tapos nang pakainin at obserbahan nina Alastor ang bata. Dumaan naman sila sa village katabi ng Jagermeister kung saan nakatira si Zephy para sunduin.
Inabot na sila ng paglubog ng araw at inagahan na lang ang pagsundo kay Zephy at sa anak ng numen dahil hindi makapapasok ang limousine ni Edric sa loob ng gubat pagsapit ng dilim. Alam naman nilang bilang sa kamay ang mga nilalang na pinalalampas ng mga bantay ng gubat na ultimo ang mga imortal ay hindi hinahayaang magtagal doon.
"Puwede ba tayong magkaroon ng house rules?" presinta agad ni Zephy habang inaakyat ang mga maleta niya paisa-isa sa hagdan. "I mean, you know? Like, hindi kita puwedeng katabi sa kama. Doon ka matutulog sa kabilang kuwarto. Bawal mong sipsipin ang dugo ko kapag nauuhaw ka. Anything na hindi ako malulugi kasi tao lang ako. Ikaw, vampire ka. So basically, you're way beyond what I am. Nage-gets mo ba, Mr. V?"
Iaangat na sana ni Zephy ang isa pa niyang maleta nang palibutan iyon ng itim na usok at umangat iyon sa baitang ng pang-apat na hagdan.
Pagtingin niya sa mukha ni Edric, inaasahan niyang nakangisi ito sa kanya o kaya nakataas ang kilay. Pero hindi. Naabutan niya itong nakatitig sa kargang sanggol at nakikipaglaro dito. Hawak-hawak ng bata ang hintuturo ng binatang bampira habang nakatitig doon nang maigi.
Nawala agad ang pagkunot ng noo ni Zephy, paisa-isa ring humahakbang paakyat at inaalalay ang sarili sa barandilya ng hagdan para hindi matapilok. Hindi niya naiwasang titigan si Edric at ang ginagawa nito sa anak ni Chancey. Kung hindi lang niya alam ang ugali nito, mapapa-aww na lang siya.
Kaso nabubuwisit talaga siya rito.
Mabait lang sa bata, pero sa kanya, hindi.
Pero ina-appreciate naman niya ang tulong nitong buhatin ang bagahe niya kahit usok lang ang gamit. Hindi ito ganoon kasamâ gaya ng inaasahan niya.
Pag-akyat nila sa second floor, hinatak na uli niya ang mga bagahe at napaikot na naman ang mga mata dahil iyon na naman ang nakahihingal na pasilyo ng Grand Cabin.
Matagal-tagal ding sanayan ang kailangan niya para lang hindi matagtag ang baga niya sa laki ng lugar. Lalo pa, nasa ikatlong palapag ang kuwarto ng anak ni Chancey at nasa ibaba ang kusina.
"Sana man lang, ginawa ni Chancey na first floor o kaya second floor ang kuwarto ng baby niya," reklamo niya na talagang ipinaririnig pa kay Edric. "Hindi ba siya napagod no'ng buntis siya at akyat-panaog siya sa ganito kalaking mansiyon?"
At gaya ng inaasahan, sa ibaba pa lang ng hagdan paakyat ng third floor, huminto na siya at pabagsak na naupo sa unang hagdan ng spiral staircase habang hinihingal. Nanlalaki pa ang butas ng ilong niya, gusot na gusot ang mukha habang butil-butil na naman ang pawis.
"Grabe! Yung fats ko, umiiyak na sila!" Napatingala siya kay Edric na bugnot na bugnot ding nakatingin sa kanya habang hawak-hawak pa rin ng baby ang daliri ng lalaki.
"Sana puwedeng ma-transfer ang stamina, di ba? Baka puwedeng magpasadya ng elevator dito, Mr. V! Baka after one week, sexy na 'ko paglabas ko rito na ultimo baga ko, may muscle na kalalakad! Nakakaloka, ha."
"Weak."
"Ikaw kaya rito sa kalagayan ko?" Umirap na naman si Zephy at naghawi ng kulot na buhok na tumatawid sa balikat niya. "My god. Ayoko na—ah! Mr. V!"
Nagulat na naman siya nang dagitin na naman nito ang baywang niya gamit ang isang braso at bara-barang kargahin siya na parang laruan na naman.
"Mr. V, naman. Puwede mo naman akong buhatin nang hindi ako nabubugbog, di ba?" reklamo niya habang nilalakad ni Edric paakyat ang madilim na hagdan ng mansiyon paakyat sa madilim ding pasilyo. "Saka baka puwedeng ilawan naman dito! Hindi ka naman nasusunog sa araw gaya ni Boss Rorric! Yung mata ko, Mr. V, normal na mata lang 'to! Wala akong X-ray vision!"
Inaasahan ni Zephy na ibababa siya ni Edric sa third floor pero umabot na sila sa loob ng kuwarto dati ni Chancey at hindi pa rin siya nito binibitiwan.
"Mr. V, puwede mo na 'kong—ARAY!" Hindi pa siya natatapos sa pagsasalita nang bigla siya nitong ibinato sa malambot na kama at marahan naman nitong inilapag ang karga nitong sanggol sa ibaba ng mga unan.
Pagtingin niya rito, tahimik lang ito habang binabawi ang itim na usok na nagdala sa mga maleta niya paakyat at papasok sa silid na iyon.
"Mr. V, mabait ka na sana e, kaso nakakabuwisit ka lang." Ibinangon na ni Zephy ang sarili saka nagpagpag ng buttoned off-shoulder shirt na nagusot pagsubsob niya sa kama.
"Nabigyan na 'ko ng briefing at nakagawa na 'ko ng schedule para sa anak ni Chancey. Io-orient na lang uli kita tungkol doon kasi malamang sa malamang, kung hindi mo nakalimutan, hindi mo pinansin noong sinasabi ni Poi."
Tumayo na si Zephy at kinuha ang mga maleta niya para hatakin sa pinakamalapit na closet sa kanto ng kuwarto.
"Reminder ko lang, Mr. V, magtatrabaho ka pa rin sa Prios. Papasok ka by day, uuwi ka by night. Ako, dito lang ako whole day, magna-nanny ako kay Sigmund."
Patuloy lang sa pagsasalita si Zephy, isa-isang inililipat ang mga gamit niya sa loob ng blangkong wooden closet doon.
"Wala sa nanny duty ko ang lutuan ka ng daily meal mo gaya ni Chancey kay Mr. Phillips. Kung nagugutom ka, magpatawag ka ng chef, sila ang magluluto for you. O di kaya, magluto kang mag-isa."
Sapat na ang nadalang gamit ni Zephy para sa unang linggo niya sa Grand Cabin. Sa susunod na tatlong araw pa siya magdadala ng panibagong set ng mga gamit kung saka-sakaling maganda ang pag-aalaga niya sa anak ng yumaong matalik na kaibigan.
Nang matapos ay isinara na rin niya ang pinto ng closet at tumalikod na.
"Mr. V—" Hindi na niya natuloy pa ang sinasabi nang maabutan niya itong nakasuot na ng maroon satin pants at walang kahit anong damit pang-itaas. Pero hindi ang matipunong katawan nito ang nakapagpahinto sa kanya kundi ang malaki nitong marka sa likod. Halos sakupin ng tila sinunog na peklat ang buong likod nito—ang marka ng pamilya ng mga Vanderberg.
Naalala niya noong lagyan siya ng marka ni Chancey malapit sa puso, maliit lang iyon pero grabe ang iyak niya. Paano pa kaya kung buong likod ang susunugin?
Parang hindi siya nakikita ni Edric dahil sumampa na agad ito sa kama tanggay ang maliit na bote ng gatas at isang kulay puting teddy bear na sinlaki ng batang naroon. Iyon ang itinabi nito sa sanggol. Patagilid itong humiga habang nakatukod ang kaliwang kamay sa sentido, nilalaro ang hintuturong hawak-hawak na naman ng baby.
Hindi pa nila nakikita si Edric kung paano nito binabantayan ang anak ng numen. Tuwing uuwi ito galing Bernardina, wala ni isa sa kanilang may alam kung inaalagaan ba nito ang bata o hindi. Pero habang nakatingin siya sa dalawa, masasabi niyang hindi naman nagpapabaya si Edric sa responsabilidad nito bilang bantay ng Itinakda.
"Mr. V, sa sahig na lang ako matutulog."
"You'll sleep here beside me. You're my pet."
Nanlaki agad ang butas ng ilong ni Zephy dahil hindi talaga siya balak tantanan ni Edric sa gusto nito. "Nanny na ako ni Sigmund, hindi mo ako pet. Sa lawak ng kuwartong 'to, kahit dito ako sa sulok matulog—hoy!"
Binalot na naman siya ng itim na usok at pabalya pa siyang hinatak papalapit sa kama.
Nanlaki na naman ang mga mata niya nang pagpaling ni Edric, doon siya eksakto sa katawan nito bumagsak—o hindi bumagsak. Sinadya ng itim na usok ang posisyon niya.
Para lang hindi siya masubsob sa mukha nito, buong puwersa niyang itinukod ang mga palad sa pagitan ng ulo ng binata para mapigilan ang mukhang doon lumapat sa mukha nito. Nangingilabot siya habang sinasakop ng init ang buong katawan at ulo.
"You're my pet, pesky human," paangil na bulong ni Edric habang nakatitig ang pulang mga mata sa mga mata ni Zephy na nanlalaki na naman. "The floor is not your option. Either you sleep beside me, you sleep on me, or I won't let you sleep tonight. Choose how you want this night to end between us."
♦ ♦ ♦
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top