43: Traitors


Parang isang masamang alaala ang nanunumbalik kay Edric habang unti-unting nakikita ang pagkaubos nilang lahat. Hindi na niya alam kung anong araw o linggo o buwan o taon na.

Napagod na siyang magbilang. Wala nang ibang nasa utak niya kundi ang maibalik sa ayos ang norte upang mailabas niya si Zephy sa espada.

Makasarili—maaaring iyon ang itawag sa kanya ngayon ng mga natitirang nilalang sa Prios, ngunit si Zephy lang din ang namumukod-tangi niyang dahilan para iligtas ang lupaing dumaranas ngayon ng matinding digmaan.

Malayo na siya sa kanilang lahat. May sariling misyon—ubusin ang mga halimaw upang maibalik sa dati ang pamilyang minsan nang napabayaan.

Napupuno siya ng pagkamuhi sa bawat parte ng pamilya nila sa Prios at kung paano piliin ng mga ito ang pagpapahalaga sa sarili kaysa sa kapakanan ng lahat.

Walang sumpang ibinigay sa kanila ang mga Dalca.

Ang totoong sumpa ay ang kayabangan ng mga taga-Prios na mas pipiliin pang mamatay kaysa humingi ng tulong sa nilalang na mas makapangyarihan sa kanila.



♦ ♦ ♦



Nanginginig ang mga kamay ni Sigmund habang pinangingiliran ng luha. Unti-unti niyang nakikita ang pagkaubos nila at wala siyang ibang magawa kundi magbasa ng natitirang libro ng kasaysayan kung paano ba dapat gagawa ng sinasabi nilang testamento.

"Gaspar . . ." naiiyak niyang pagtawag sa punong saserdote. "Hindi ko talaga mabasa . . ."

Pinanatili ni Gaspar ang kalmadong postura kahit naaawa na siya kay Sigmund. Alam nilang hindi pa ito handa. Wala sa kanila ang handa sa digmaang iyon.

Higit kaninuman, alam ni Gaspar na hindi iyon ang tamang panahon upang mabawi ni Sigmund ang buong norte.

Ang masakit para sa kanya ay wala siyang magagawa kundi panghawakan ang nakita nilang lahat noon pa man—ang maghintay.

Maghintay kung kailan mababawi ni Sigmund ang lupaing nararapat para dito.

Malinaw sa kanilang mga nakita ang hinaharap na mawawasak ang Prios balang-araw at babawiin ito ng Itinakda.

Malinaw ang kamatayan ng bawat isa sa kanila. Maging sa mga sandaling iyon, kahit pa umaasa ng pagbabago ay walang ibang nakikita si Gaspar kundi ang kamatayan ng lahat at muling pagkabuhay ng norte pagdating ng unos.

Ilang taon pa ang aabutin bago iyon mangyari. Ayaw man niyang sabihin kay Sigmund ngunit alam niyang hindi nito magagawa kahit kailan ang testamentong nilikha ng Ikauna.

Ayaw niyang sirain ang katiting na pag-asang pinanghahawakan nilang lahat.

Na mabubuksan ni Sigmund ang aklat at lilikha ito ng panibagong kasaysayan gamit iyon.

Nakikita niya ang hinaharap at mabubuksan ng Itinakda ang aklat ng Ikauna . . . ngunit walang testamentong mabubuo mula rito.

Hinawakan niya ang balikat ni Sigmund upang awatin ito sa pagbabasa ng mga marka ng mga sinaunang salamangkero.

"Gamutin na lang natin ang iba, anak. May tamang oras upang gawin mo ang tadhang nakaatang sa iyo," paalala ni Gaspar sa binata.

Hindi na matandaan ni Sigmund kung kailan niya nakita si Edric. Alam niyang buhay pa ito dahil kada may inililigtas sila nina Gaspar at dinadala sa hardin ng Sylfaen, naririnig nila sa ibang bahagi ng pamilya na iniligtas sila ni Edric laban sa mga halimaw at pinapunta sila sa hardin upang magamot.

Ang bawat puno sa norte ay nagiging panangga tuwing inuutusan ito ni Mrs. Serena. Pero pansamantalang tulong lang iyon sa kanilang lahat. Nagmumula sa lupa ang kapangyarihan ng ginang at oras na mawala sa lupa ang mga puno ay wala na rin iyong silbi. Nauubos na ang mga buhay na puno sa norte. Wala namang nakagagalaw sa bahagi ng Helderiet Woods. Sa kasamaang-palad, hindi rin kayang kontrolin ni Mrs. Serena ang isinumpang gubat ng mga Dalca. Kahit pa anak siya ng bathala ay limitado na ang kapangyarihan niya matapos sumang-ayon sa limitasyong pinagkasunduan ng mga bahagi ng Prios noong unang panahon.

Napupuno na ang hardin ng Sylfaen ng mga sugatang parte ng Prios. Mas mahirap gamitin ang mga sugat. Walang nakatalang impormasyon sa mga lason na natatamo nila.

Tuwing may sugatan, ilang araw lang ang itinatagal at namamatay rin.

Bihira ang tahimik na araw kung kaya't may dalang kilabot ang bawat kapayapaan sa buong norte.

"Tahimik ang daluyong ng hangin, Liyag," ani Mrs. Serena nang tumingala sa madilim na langit.

"Kailangan ng oras ng mga salamangkero upang lumikha ng mga halimaw," sagot ni Gaspar. "Sa mga susunod na araw, paniguradong dadagsa ang batalyon nila upang sumugod muli sa atin."

"Nararamdaman ng lupa ang kapangyarihan ng isinumpang armas." Nilingon ni Mrs. Serena ang asawang gumagawa na naman ng panibagong harang mula sa berdeng liwanag upang protektahan sila sa mainit na hangin at nakalalasong hangin mula sa labas. Humihina na rin ang kapangyarihan ni Gaspar. Inuubos na ng natitirang kapangyarihan ng norte ang lakas niya.

May lungkot na hatid ang buntonghininga ni Gaspar at dismayadong tumingin kay Mrs. Serena na nakabantay sa bakuran ng hardin. "Hindi natin makakayang baliin ang tadhana, Liyag. Hinirang ng tadhana si Edric kaya't gagawin ng tadhana ang lahat upang magampanan niya ang kanyang tungkulin."

"Binabalot na siya ng poot sa mga sandaling ito, at alam kong nararamdaman mo rin ang nararamdaman ko kahit milya pa ang layo niya mula sa atin," mabigat na tugon ni Mrs. Serena.

Tumiim ang mga labi ni Gaspar at nilingon si Sigmund na binibigyan ng halamang-gamot ang ilang imortal na malalaki ang natamong sugat sa katawan.

"Wala na tayong ibang magagawa kundi lumaban sa mga halimaw at maghintay kung kailan magagampanan ng Itinakda ang pagbawi sa kanyang lupain," huling salita niya kay Mrs. Serena.



♦ ♦ ♦



May mga araw na walang lumilitaw na halimaw. Alam nilang kumokonsumo ng oras ang bawat paglikha sa mga halimaw na gawa ng mga salamangkero.

Sa takot na mapaslang, may mga parte ang Prios na napipilitang isuko ang sarili sa mga kalaban.

Nakahilera ang mga isinumpang salamangkero sa engrandeng upuan na dating gamit sa nawasak na Komisyon ng Kasaysayan. Inilipat nila iyon sa malawak na dambana ng mga Seredor.

Naka-de-kuwatro si Olivius, natatawa habang nakatingin sa tatlong imortal na nakaluhod at nakikiusap sa harapan niya.

"Maglilingkod kami nang buong puso sa iyo! Huwag mo lamang kaming paslangin!" pagmamakaawa ng isa.

"Kaya naming ituro ang lahat ng mga kasama namin! Alam namin kung saan sila nagtatago!"

"Hahaha!" Kumalat sa hangin ang tawa ni Olivius matapos ang mga sinabi ng mga ito sa kanila. "Hindi talaga nawawalan ng taksil sa inyo. Mainam! Mapakikinabangan kayo hanggang sa mga susunod na pananakop sa lupaing ito."

Kumumpas ng kamay si Olivius, tinatawag ang isang kasama nila na higanteng lalaki at may gintong hikaw sa ilong.

"Grimoria, sundan ang mga taksil na ito. Susugod tayo ngayon sa lungga ng mga imortal."



♦ ♦ ♦

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top