42: Annihilation
"Sigmund, you have to create a new testament now," mahigpit na utos ni Rorric sa apo.
"I can't! I don't know how to make one! Wala kayong sinasabi kung paano!"
Dumaraan ang bawat buwan na pinipilit nilang lumaban sa mga halimaw ng bawat tarangkahan. Huminto ang pagbubukas ng mga ito sa ikaunang taon ng paglusob. Ngunit kahit pa magandang balita iyon para sa lahat, lumabas na rin ang mga salamangkerong kayang lumikha ng mga halimaw na nanggaling mismo sa loob ng kulungan nito sa testamento.
Hindi nila alam kung paano ba ginawa ng Ikauna ang testamento nito. Alam nilang lahat na makakaya silang iligtas ng mga Dalca ngunit wala ni isa sa kanila ang may kayang magbanggit kay Sigmund ng tungkol doon.
Lumapit na si Gaspar kay Rorric upang sumangguni. "Kapatid, hindi na natin ito kaya pa. Alam nating pareho na wala nang patutunguhan ang paglaban sa mga halimaw."
Nakikita ang pagod at pagkadismaya kay Rorric. Huli na ang dugo niya sa mga nabubuhay na bampira. Wala na ang mga seer ng Augur at naiiwan na lang si Gaspar na kayang makapagbasa ng kinabukasan nilang lahat.
"Is this our end, Gaspar?" tanong ni Rorric habang nakatanaw sa ituktok ng kastilyo nila—natatanaw mula roon ang bawat pinsalang idinulot ng mga halimaw sa lahat ng nagbukas na tarangkahan. Nakikita nilang dalawa sa itaas ang bawat halimaw na sumisira sa bawat kalsada. Kaharap ng mga ito ang bawat bahagi ng Prios na lumalaban para sa natitirang pag-asa ng buong norte.
"Naniniwala akong maililigtas ng iyong apo ang lupaing ito balang-araw," ani Gaspar. "Hindi man ngayon ngunit darating ang tamang oras na haharapin niya ang kanyang tadhana."
Lumalim ang paghinga ni Rorric at marahang tumango-tango. Masasabi niyang nasa mahina na siyang estado upang lumaban pa ngunit kahit sa huling pagkakataon ay ilalaban niya ang sinasaligang paniniwala ng pamilya niya.
"War requires death. If this is the end of my life, at least I've fought for my family." Tumalon mula sa ituktok ng Winglov si Rorric. Nasa hangin pa lang ay bigla nang kumalat ang pulang usok sa paligid niya at binalot niyon ang buong kastilyo. Pasugod sa kanilang lupain ang naglalakihang mga apat na paang halimaw, sakay ang mga amo nitong kayang gumamit ng salamangka.
Nakabantay sa bakuran ng Winglov ang natitirang angkan ng mga bampira at sabay-sabay itong sumugod sa paparating na mga halimaw.
Sabay-sabay silang naging itim na usok at binalot ang bawat halimaw na paparating. Humiyaw ang mga halimaw at binalot ang hangin ng mga tunog na gaya sa pinupunit na bakal.
Nagsibagsakan ang mga halimaw at nilisan sila ng mga usok. Sa kasamaang-palad, may lason ang mga halimaw na iyon at paisa-isang bumagsak ang mga bampira at umubo ng itim na dugo.
Mabigat ang dibdib ni Rorric nang tumingin sa ibaba kung saan unti-unti silang nauubos. Naibuga niya nang mas mabigat ang hininga nang makita ang bunsong anak na si Morticia na nakahiga na sa maalikabok na lupa at inaagusan ng itim na dugo sa bibig at lumuluha na rin ng itim na lason mula sa halimaw na inatake nito.
Binalot niya ng pulang usok ang mga salamangkerong may balak pang magbukas ng bagong tarangkahan upang magtawag ng halimaw.
Umalingawngaw sa hangin ang malalakas na hiyaw at pag-angil. Nasunog ang balat ng mga salamangkero at pumutok ang mga balat nito gawa ng pulang usok mula kay Rorric. Isa-isang naubos ang mga halimaw na gustong sumakop sa Winglov.
Dahan-dahan niyang nararamdaman ang mainit na pakiramdam sa dibdib hanggang gumapang iyon sa bawat kalamnan niya.
Mainit—nakapapaso. Para bang isinalang siya sa kumukulong bagay. Hindi na niya maramdaman ang sariling katawan nang bumagsak siya sa lupa. Napaubo siya ng itim na dugo at tumitig sa langit na dahan-dahang nagdidilim.
Ramdam na niya ang katapusan.
"Edric . . ." huling bulong niya sa hangin bago siya tuluyang bawian ng buhay.
Sa dulo ng kalsada, napaawang na lang ang labi ni Sigmund nang hindi na maabutan ang mga bampira.
Tutulong pa lang sana siya sa paglipol ng mga kalaban ngunit huli na.
"Gran! Mommy Morty!" umiiyak na sigaw niya nang takbuhin ang mga ito.
♦ ♦ ♦
Alam nilang may kanya-kanyang teritoryo ang bawat shifter sa gubat ng Helderiet Woods at sinubukan nilang lumaban sa abot ng kanilang makakaya.
Kayang makalabas sa gubat ang mga kauri ni Poi at lumaban din sila sa mga halimaw na nagtatangkang sumakop sa Komisyon ng Kasaysayan.
Wasak na ang tatlong gusaling bumubuo rito ngunit pinipilit nilang protektahan ang mga aklat na may mga detalyeng makakaya pa silang maisalba.
Nakatipon sa wasak na kalsada ang naglalakihang itim na aso na pinamumunuan ni Poi na nasa tunay nitong anyo. Umaangil siya at naglalabasan ang mahahaba niyang pangil. Puno na rin ang dugo at alikabok ang maputi niyang balahibo habang nakatingin sa hinihingal na halimaw na kalaban nila.
"Kakaiba talaga ang uri ng mga halimaw sa gubat ng mga ada," natatawang ani Decaram na pansamantalang nagpapahinga at puno na ng kalmot ang kaliwang braso. Palakad-lakad siya sa kalsada at napalilibutan ng mga laman ng halimaw na natalo nina Poi.
Kumahol si Poi at sinugod na naman ng tatlong aso si Decaram.
Pagtaas nito ng mga kamay, lumabas ang naglalakihang galamay sa likod nito at walang hirap na hinuli ang mga itim na aso. Sa isang hatak lang ay nahati ng mga galamay ang katawan ng mga ito at mabilis na itinapon sa malayo ang bawat parte.
Sunod-sunod na umatake ang mga aso kasunod si Poi. Kinagat ng mga ito ang galamay ni Decaram at sinubukang paslangin ang halimaw, ngunit mahirap iyong gawin. Hindi man lang magawang bumaon ng mga pangil nila sa galamay nito dahil sa mala-gomang uri niyon. Nilukso ni Poi si Decaram at balak na kagatin ang katawan ng lalaki ngunit nasa hangin pa lang siya ay natigil na ang paggalaw niya. Bumaba ang tingin niya sa matutulis na kuko nito sa kanang kamay na bumaon sa leeg niya. Ibinato siya nito nang walang kahirap-hirap sa grupo ng mga nagbagsakang puno sa gilid ng kalsada.
Tuloy-tuloy ang pag-agos ng dugo sa leeg niya habang dahan-dahan niyang nararamdaman ang lason mula kay Decaram. Gumuguhit ang kirot mula sa leeg pagapang sa bawat parte ng katawan niya. Para siayng sinusunog mula sa loob ng katawan. Pagbuka niya ng bibig para umalulong, wala nang ingay na lumabas sa kanya at naiwang naninigas ang bawat parte ng katawan niya hanggang sa tuluyan na siyang mawalan ng hininga.
♦ ♦ ♦
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top