4. Vampire's New Pet


Gaya ng nasa schedule, alas-sais ng gabi, nasa Bernardina na si Edric para dalawin ang anak ng yumaong numen at ng dating chairman ng Prios. Palipat-lipat ang bata kada araw mula nang ipanganak ito, pero mas nagtatagal ito sa ospital kaysa sa Grand Cabin na nasa gitna ng Helderiet Woods.

Masyadong komplikado ang sitwasyon ng bata para makiayon sa pamilya. Kapag nasa gitna ito ng gubat, tuwing umaga lang makakapagbantay roon ang mga imortal na pinamumunuan ni Mrs. Serena katuwang si Eul. Madadalaw naman ni Poi sa kahit anong oras, pero hanggang sa labas lang ng mansiyon. Walang tao ang nakakaakyat sa silid kung saan ito dapat magtagal maliban kay Edric.

Sa kasamaang-palad, walang tiwala ang pamilya kay Edric para magbantay sa isang batang walang muwang. Kaya naisipan nilang sa Bernardina na lang muna dalhin para nababantayan ng lahat ng miyembro ng pamilya. Iyon nga lang, masyadong malayo ang Bernardina sa Helderiet Woods at nanghihina ang bata tuwing nalalayo sa gubat, kaya wala silang magawa kundi pabalik-balikin ito sa gubat at sa ospital.

"He can open his eyes and respond to his environment," sabi ni Alastor habang nasa likod ni Edric.

Nakayuko naman ang binatang bampira habang hinahayaang kuyumin ng maliit na kamay ng sanggol ang hintuturo niya. Mapula ang pisngi nitong matambok, manang-mana kay Chancey. Sa mga Vanderberg naman nakuha ang tangos ng ilong at nangungulay papel na kutis, maging ng pulang mga mata. Hindi maikakailang anak nga ito ng isang bampira.

"He doesn't have fangs. Are you sure he only drinks milk formula?"

"We tried giving him blood, but his body refused it. Maybe we can study him in the meantime so we can give him better food based on his kind."

"Is he another numen?"

"We're not sure about that. The only thing I can confirm right now is that the family won't kill the child, whatever his kind is."

"Of course they won't, unless they want to die as early as now."

Wala namang nakadikit na kung anong aparato sa bata. Naroon lang ito sa ospital para maasikaso at mapag-aralang mabuti. Nakahiga lang ito sa maliit na kunang gawa sa salamin habang inoobserbahan.

Isang oras na magtatagal sa ospital ang bata at wala nang magagawa ang pamilya kapag iuuwi na ito ni Edric sa Grand Cabin. Kaya alas-otso pa lang ng gabi, karga-karga na ni Edric ang sanggol na balot na balot ng lampin.

"They still can't find a nanny for the kid?" tanong ni Alastor habang hinahatid si Edric at ang batang karga nito papunta sa puting limousine sa labas ng Bernardina Hospital.

"The witch knew how to give us a headache even in the afterlife," sabi ni Edric.

"And it also means not all living creatures here in the north can touch her child." Natawa nang mahina si Alastor at nagpakita agad ang mala-modelo nitong ngiti kahit nangingibabaw ang mahabang pangil. "Sounds like that forbidden room in the middle of the woods. It runs in the family, huh?"

"Tell me about it." Sumakay na si Edric sa limousine at umandar na ang sasakyan patungo sa Belorian Avenue.

Hindi masasabi ni Edric na mahilig siya sa bata, pero hindi iyon ang unang beses na nag-alaga siya ng bata. Natatandaan pa niya noong panahon ng digmaan at nakakulong ang amang si Rorric sa ilalim ng Helderiet Town Hall. Sa dami ng dapat nilang asikasuhin sa hardin ng mga Sylfaen, siya na ang nag-alaga sa kapatid na si Morticia kahit sanggol pa lamang ito—kahit na kung tutuusin, isa rin siya sa dapat pang alagaan.

Iniisip ng pamilya na hindi niya kayang alagaan ang anak ng numen nang mag-isa, kahit din naman siya ay aayon sa katotohanang iyon. Pero wala siyang magagawa. Kadikit ng tadhana niya ang tadhana nito.

Tatlong linggo pa lang ang sanggol, hindi pa kayang makaupo, wala siyang magagawa kundi kargahin ito.

Hindi nakakapasok ang sasakyan nila tuwing gabi sa Helderiet Woods dahil tuwing gabi lumalabas ang mga bantay ng gubat. Bilang sa kamay ang hindi inaatake ng mga ito. Bilang din sa kamay ang kaya itong paamuhin.

Ang mga bampira ay matagal nang hindi nilalapitan ng mga bantay, ayon na rin sa kasunduan ni Adeline at ng mga Helderiet.

Pagbabang-pagbaba ni Edric sa limousine, naging itim na usok agad siya habang pinoprotektahan ang sanggol na dala papasok sa gitna ng kakahuyan, sa Grand Cabin.

Maraming masasamang alaala ang mansiyon sa gitna ng kakahuyan, higit pa sa inaasahan. At kung may nakakaalam man ng masasamang alaalang iyon, higit kaninuman, si Edric lang ang namumukod-tanging may idea.

Mula sa pagkamatay ng pinsang si Marius, hanggang sa pagkawala ng karapatan nilang manatili sa loob ng Helderiet Woods, sa muling pagbabalik doon noong inalay ang sarili niya sa numen, hanggang sa siya na ang mag-alaga nito noong ipinagbubuntis ang batang karga, maging sa huling sandaling buhay ito bilang si Chancey at noong huling sandali nito bilang isang halimaw na hindi na niya kilala.

Hindi man niya sinasabi sa lahat ng bahagi ng pamilya, ngunit higit kaninuman, iba ang sakit para sa kanya na masilayan ang masasamang sandaling iyon kahit ayaw niya. At mananatili ang masasamang alaalang iyon hanggang sa huling araw ng kanyang hininga.

Walang ibang silid ang sanggol na dala kundi sa dating silid ng numen. Siya lang ang maaaring makapasok doon—wala nang iba. Paglapag niya ng natutulog na sanggol sa higaan nito, nagtanggal lang din siya ng sapatos at tinabihan ito sa pagtulog.

Sa ganoon lang natatapos ang araw niya.


• • •


Iniisip ng lahat na dahil siya si Edric Vanderberg ay wala na siyang kailangang hilingin pa. Pagkatapos ng digmaan, naging maalwan na rin ang buhay nila sa norte. Naibibigay ang lahat ng kailangan niya, hindi nagkukulang ang pamilya sa oportunidad, walang mintis ang pagkain, higit kung higit pagdating sa pangangailangan. Pero sa pagkakataong iyon, humihiling na rin ang pamilya sa kanya ng ambag para sa buong Prios.

Panibagong araw, naiwan kina Mrs. Serena ang pangangalaga sa anak ng numen at dating chairman. Papasok na naman sa trabaho si Edric gaya ng nakasanayan. Biyernes, at sa darating na Linggo, may meeting na naman sila para pag-usapan ang tungkol sa testamentong nakalabas, sa responsabilidad ng bagong chairman na hindi pa rin napapalitan, at sa anak ng numen.

Pagdating na pagdating niya sa opisina, may mga folder na agad sa mesa niyang nakatambak. Wala pa siyang sekretaryang nakikita sa loob kaya inisa-isa na niya ang laman ng mga iyon. Pero napataas agad ang kaliwang kilay niya nang may makitang note sa bawat sa folder.

"Procurement of blood bag supply, please consider ASAP, Mr. V."

"Project proposal for faster human soul distribution per family for immediate consumption, Mr. V.

P.S. Masyadong demanding sa schedule, pero baka gusto n'yo na ring basahin."

"Audited reports for blood donations. All clear, Mr. V."

"Updated report of Bernardina inventories. All clear, Mr. V.

P.S. Nagpapa-request si Head Alastor ng additional mayo table for newly-hired nurses. Pa-approve na lang, Mr. V."

May nakaipit pang isang copy paper sa dulo ng mga folder.

"By noon, aakyat na ang secretary slash lunch n'yo, Mr. V. Kapag kulang, tawag ka agad sa office ko, magpapadala ako ng lima. – Zephy."

Naningkit agad ang mga mata niya dahil sinabihan na niya itong pumunta sa opisina niya bago sila naghiwalay kahapon. Wala pa man ang sinasabi nitong sekretarya niya, tinawagan na niya agad ang opisina nito.

"Office of the Acquisition Manager, this is Zephy, how may I help you?" sagot sa kabilang linya.

"Human."

"Hah—" Dinig na dinig niya ang lakas ng pagsinghap nito sa telepono.

"Did I—" Hindi pa man siya nakakapagsalita ay pinagbagsakan na siya nito ng telepono. Pinandilatan niya ng mata ang hawak. "How dare this weakling drop my call?!"

Ibinagsak din niya ang telepono at dali-daling nagtungo sa elevator. Ang sama pa ng tingin niya sa floor indicator sa itaas habang nakakrus ang mga braso.

Kararating pa lang niya sa opisina, wala pa nga siyang isang oras doon, pinagbagsakan na agad siya ng telepono ng kausap.

Pagbukas na pagbukas ng elevator patungong lobby, dere-deretso agad siya ng lakad. Nakasalubong pa niya si Eul na may dala-dalang folder.

"Edric. Ang sabi ni Zephy—"

Dinuro niya ito nang hindi man lang ito tinitingnan. "Shut it, son of a traitor."

Tuloy-tuloy lang siya sa paglalakad, at mula sa hallway na puro glass ang dingding na pumapagitan dito, naabutan pa niyang magbukas ang pinto ng acquisition manager at nakabaluktot na lumabas doon si Zephy habang takip-takip ang mukha ng pulang folder. Patungo pa ito sa Room 103 kung saan kasalukuyang may ini-interview ring mga bagong aplikante.

Nagmadali siya sa paglakad at walang ano-ano'y inangkla na naman ang kanang braso sa may baywang ng dalaga at parang laruan itong tinangay na naman pabalik sa opisina nitong bahagya pang naiwang nakabukas.

"Mameeee!" tili na naman ni Zephy at napatakip ng magkabilang tainga nang ibagsak ni Edric ang pinto ng opisina niya.

Dere-deretso lang ang binatang bampira sa may oval office table nito at doon padabog na inupo si Zephy.

Itinukod niya ang kanang palad sa mesa habang nakapamaywang ang kaliwa. Nandidilat na naman ang mga mata ni Zephy habang nakatitig sa pulang mga mata niya.

"I told you to come to my office. Have you forgotten about that, human?" kalmadong tanong ni Edric.

Matunog ang buntonghininga ni Zephy nang sumimangot sa kaharap. "Mr. V, hindi mo 'ko sekretarya, okay? Ako ang nagha-hire ng mga sekretarya para sa 'yo. Alam mo ba 'yon? Na-inform ka ba nila tungkol doon?"

"Did I ask you about that?" Nagtaas ng mukha si Edric para maghamon.

"Mr. V, naman! Ano ka ba naman? Huwag ako ang pag-initan mo, ang daming sekretaryang naka-lineup para sa 'yo. Pipilian pa kita ng maganda! 'Yong sexy! 'Yong masarap!"

Naningkit lang ang mga mata ni Edric para pagbantaan ng tingin si Zephy. Lalo tuloy itong naaligaga sa ginagawa niya.

Panibagong buntonghininga at nagpaikot na ng mga mata ni Zephy sabay irap. "Mr. V, please lang. Nagtatrabaho lang ako nang maayos. Pareho lang tayong manager dito sa Prios. Hindi . . . ako . . . pagkain. Okay?"

Walang sinabi si Edric, tinitigan lang niya si Zephy. Si Zephy naman, kung makatingin sa kanya, para siyang gumagawa ng kung anong kuwestiyunableng bagay.

Ilang segundo rin silang ganoon. Kunot na kunot ang noo ni Zephy habang palipat-lipat ang tingin sa paligid, hindi alam kung ano ba talaga ang atraso kay Edric.

Nang makaramdam na nagtatagal na sila roon, nagsalita na si Zephy. "Mr. V—"

"I told you to go to my office."

Nagbuntonghininga na naman si Zephy at umikot na naman ang mga mata. "Mr. V . . . hindi ko kailangang pumunta sa opisina mo."

"If I asked for your presence, you should be there for me. Did your shallow mind not comprehend that?"

Mataray na ring tiningnan ni Zephy si Edric at nagkrus pa ng mga braso. "Mr. V, just to remind you, I'm working for the chairman's office, not yours. I'm only providing you with your secretaries. Am I doing my job? YES. Ikaw lang naman yung napaka-demanding dito, hindi mo nga kasi ako sekretarya!"

"And you have the temerity to shout in front of my face, you pesky human?"

"Alam mo, Mr. V, hindi naman tayo magsisigawan kung hindi ka nangungulit! Acquisition manager ako ng Prios! Executive director ka naman! Hindi naglalayo ang posisyon natin kaya bakit ako ang gusto mong meryendahin? Isusumbong talaga kita kay Boss Rorric."

Akma na sana siyang tatalon pababa ng mesa nang awatin agad siya ni Edric. "Mr. V! Makulit ka! Dumoon ka na nga sa opisina mo, huwag kang nanggugulo rito, may trabaho ako!"

Hindi nakinig si Edric. Ipinalibot na naman niya ang kanang braso sa baywang ni Zephy at buhat-buhat na naman ang dalaga.

"Mr. V! Tuloooong! Heeeeelp! Tinatangay ako ng bampiraaaa!"

Walang mababasang kahit ano sa mukha ni Edric nang tuloy-tuloy siya sa reception desk kung nasaan sina Zagan at Eul na nag-uusap.

"Mr. V, bitiwan mo sabi ako!" Pinagpapalo na ni Zephy ang hita ni Edric para lang makatakas.

"Edric?"

"Mr. V?"

Huminto sa may desk si Edric habang pinipigilan ang pagpasag ni Zephy na gustong kumawala sa kanya.

"Mr. V, sabi nang bitiwan mo 'ko, e!" Halos mapunta na sa harapan ng mukha ni Zephy ang kulot na buhok habang patuloy sa pagpalo kay Edric.

"I'm taking this human as my pet," walang kagatol-gatol na balita ni Edric sa dalawang lalaki.

"A what?" nalilitong tanong pa ni Eul.

"You heard me right," sagot ni Edric na lalo pang hinihigpitan ang pagkarga kay Zephy. "This is my pet from now on. Tell that to the whole family."


♦♦♦

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top