39: Gatekeeper


Unti-unti nang nababawasan ang populasyon ng buong Prios. Malaking bahagi ng buong norte ang ginagawan ng paraan para palipatin sa south. Kada linggo, may ilang mga taong lumilipat sa ibang rehiyon na sinuportahan din ng Prios para maengganyo nga ang mga itong lumipat sa mas ligtas na lugar.

Bakante na ang karamihan sa mga residential area. Marami pang naiwan pero karamihan ay bahagi na ng pamilya. At habang nauubos ang mga nakatira doon, mas lalong napansin ni Zephy na malaki ang populasyon ng mga matagal nang naninirahan sa norte kaysa mga taong gaya niya. Ni hindi niya mapansin ang kaibahan kung may nailikas na ba sa wala dahil marami pa rin siyang nakikita sa kalsada.

Kada linggo, buwan, at taon na lumilipas, lalo lang lumalala ang bigat ng hangin sa norte.

"Zephy, okay ka lang?" tanong ni Sig nang tumabi kay Zephy. Nakitingala rin ito sa tinitingala niya.

May malaking crack sa langit, pero duda siya kung sa langit ba iyon.

Ang sabi, noong nakaraang limang taon, mas lalo pang darami ang mga pintong magbubukas para makalabas ang mga halimaw ng testamento. Nag-research na siya sa Historical Commission, sinubukan na rin ang lahat ng detalyeng naiwan pa sa iba't ibang bahagi ng norte. Kinse anyos na si Sigmund, mas malaki na ang inaasahan ng pamilya rito. Alam na rin nito ang mga dapat malaman pero parang kulang pa rin.

"Nasaan ang daddy mo?" tanong niya kay Sig na naghihintay rin sa sagot niya sa tanong nito.

"Hindi pa umuuwi galing Bernardina, pero balak kong dumaan doon. Wanna come?"

Napatitig siya kay Sigmund. Alam naman niya kung ano ang lahi nito pero may mga pagkakataong napapaisip siya kung kaya na ba nito ang responsabilidad na inaatang dito ng pamilya.

Halos maabot na nito si Edric, malapit na ring maglapit ang hulma ng katawan. Maikli at malinis nga lang ang gupit ni Sig, kulay tsokolate ang mga mata, at pansin na pansin ang malaking pagkakahawig sa dating chairman ng Prios kaysa kay Edric. Hindi maipagkakaila kung kaninong anak ito kahit anong banggit nila na isa itong Vanderberg. Kita rin ang amo ng matang namana kay Chancey. Hindi maitatago kung sino ang tunay nitong mga magulang.

Kinse anyos. Kahit malaking bulas, alam niyang bata pa ito. Pero hindi biro ang kahaharapin nito oras na magbukas na ang mga tarangkahan na kinatatakutan nilang lahat.

"Dumaan muna tayo sa ospital bago umuwi. Isabay na natin ang daddy mo," sabi ni Zephy.

Pinauna na siya ni Sigmund sa puting kotse bago ito pumasok at tumabi sa kanya.

Pag-andar ng sasakyan, wala siyang ibang tinitingnan kundi ang langit na natatanaw pa rin sa pagitan ng mga bahay at puno patungong Bernardina.

Wala pang kalahating kilometro, may panibagong crack na naman sa langit siyang namataan. At kahit anong sabi ni Edric na huwag siyang mabahala, tuwing nakikipagsagutan ito sa bawat meeting nila, lalo lang nitong ipinakikita na nasa alanganin na silang sitwasyon.

"Zephy, galing ako sa Prios. May meeting daw ulit bukas."

"Um." Tumango lang siya habang nakatitig pa rin sa langit.

"May duty pa ako sa Bernardina," sabi ni Sigmund. "Mag-a-assist ako sa surgery room, pero baka manood lang daw muna ako kasi baka raw makagulo ako kapag hinayaan akong mag-assist. Nagpa-schedule naman sila, so I guess they're trying to fill in the gaps in my schedule every day. Okay lang kaya 'yon? Hindi ba magagalit si Daddy kasi ino-overwork ako?"

Hindi nakasagot si Zephy. Nababalisa siyang nakatingin sa langit na may panibago na namang crack na nadaanan.

Ang bigat ng buntonghininga niya nang maisip na para bang wala na silang ibang matatakasan sa mga sandaling iyon.

Mamamatay ang mga halimaw ng norte kung magtatagal sa south. Pero mamamatay rin sila dahil sa mga halimaw na paparating.

"Zephy, are you ok—"

Nanlaki ang mga mata ni Zephy nang biglang dumilim sa paligid.

"Aahh!" Malakas ang tili niya nang may malakas at parang matalas na tunog ang nangibabaw sa hangin. Napatakip siya ng ulo nang umangat siya sa kinauupuan.

Samantala, gulat na gulat naman si Sigmund nang may humampas na kung ano sa gilid ng sasakyan, eksakto sa puwesto niya. Bumalibag ang kotse sa kaliwa kaya niyakap niya agad si Zephy.

Unang pagbaligtad pa lang ng sasakyan, idiniin niya agad ang palad sa bubong ng kotse na dumikit sa kalsada. Sa sunod ng pagbaligtad niyon ay katawan na lang ng sasakyan ang gumulong sa malayo habang naiwan naman sa palad niya ang halos kalahati ng bubong ng sinasakyan nila kung saan nakaluhod ang kanang tuhod niya.

Pag-angat niya ng tingin, may dambuhalang ibon ang sumalubong sa kanila. Sapat na iyon para padilimin ang bahagi ng kalsadang tinatahak.

"Sigmund!" sigaw ng driver nila. Sabay pa sila ni Zephy na nilingon ito. Hindi na amerikanang itim ang damit ng driver kundi berdeng satin na may ginto sa bawat laylayan. Abot din hanggang talampakan ang haba ng makitid nitong damit at balot ng berdeng liwanag ang buong braso. Kulay ginto na rin ang buhok nitong hanggang tuhod ang haba at mahaba ang tulis ng tainga. Puti na rin ang kulay ng buong mata nito habang nagtatakang nakatingin sa kanila. "Ayos lang kayo ni Zephy?"

"Oo!" sagot ni Sig at ibinaba na si Zephy sa kalsadang kinalatan ng nagliparang dahon at basag na salamin mula sa sasakyan.

"Ayos ka lang, Zagan?" malakas na tanong ni Zephy habang inaalis ang mga nagsidikitang buhok sa pisngi.

"Oo! Bumalik ka sa Prios, kami na ang bahala rito ni Sigmund!" sigaw ng lalaki at pagwasiwas ng kanang palad sa hangin, nakagawa na ito ng tatlong magkakaibang sigil sa hangin. Naghawi uli ng palad si Zagan at para bang ibinato sa katawan ng malaking ibon ang mga sigil na nilikha. 

Pagdikit ng mga sigil sa katawan ng lumilipad na halimaw, hindi na ito makaalis sa puwesto kahit na anong pagpagaspas ng pakpak nitong halos buto't balat na lang. Amoy na amoy sa hangin ang nabubulok nitong laman. Pumapatak sa kalsada ang ilang bahagi ng kalamnan nitong nangingitim ang dugo. At kada patak, umuusok ang pinagtutuluan.

Tumakbo na rin si Sigmund papunta sa ibon, at sa unang paglukso niya ay agad na humaba hanggang baywang ang itim niyang buhok. Napalitan din ng pulang roba ang suot niyang polo at jeans. Paglahad ng magkabila niyang braso sa magkabilang gilid ay ang paglabas doon ng dalawang itim na espadang umuusok ng itim na aura.

Pagtapak niya sa bandang likod ng ibon, halos bumaon ang paa niya roon dahil sa lambot ng laman nitong parang natutunaw nang putik. Una niyang hiniwa ang kanang pakpak nito at gumuhit sa hangin ang lutong ng nababaling buto.

Mula sa itaas, tiningnan ni Sig ang sakop ng katawan ng ibon at halos isang buong block na may labinlimang magkakatabing bahay ang kaya nitong okupahin kung babagsak man doon nang buo ang katawan nito.

Malakas niyang sigaw ang umalingawngaw sa hangin habang pinipilit patagusin ang talim ng espada sa buto ng ibong panay ang pagaspas. Halos mabali ang mga punong umuugoy ayon sa malakas na daluyong ng hangin.

Hindi pa man siya nakakakalahati nang may panibagong anino na namang sumulpot sa itaas niya. Pagtingala niya roon, may telang agad na humarang sa paningin niya at pagsunod ng mata niya rito, isang malakas na wasiwas at walang kahirap-hirap na naging abo ang malaking ibon na pilit niyang binabali ang isang pakpak.

Napaangat siya ng magkabilang kamay nang para bang hatakin siya ng lupa. Muntik nang mapaluhod ang kanang tuhod niya sa kalsada dahil hindi rin biro ang taas ng hinulugan niya. Mabuti na lang at naitukod niya roon sa sementadong daan ang espada bago ito maglaho sa hangin.

"Where's my human?" bungad na bungad na tanong sa kanya ni Edric habang palingon-lingon ito. Nakasuot pa ito ng damit gaya ng kanya. Mahabang roba pero mas madilim ang pagkakapula. Bumaba ang tingin niya sa espada nito.

Nagbasa si Sigmund ng kasaysayan at hindi lang si Edric ang bukod-tanging nakahawak ng espada. Si Ruena Vanderberg ang naunang nagmay-ari niyon bago piliin ng armas si Edric bilang tagapagmana nito. Napasulyap si Sig sa kanang kamay niyang namumula gawa ng pagpuwersang mahati ang malaking ibon. Naisip niyang malamang ay walang ganoon ang sa daddy niya dahil hindi man lang ito nahirapang pulbusin nang literal ang ibong pahirapan pa niyang balian ng pakpak.

"Sigmund Vanderberg, I am asking you," mahigpit na singhal ni Edric.

"Ha?" Nagtaas siya ng mukha at nagulat sa tanong nito. "Si Zephy?"

"You're with her, right?"

"Yes, Dad." Tumango siya at lumingon din sa paligid para hanapin si Zephy. "We told her to go back to—" Nanlaki ang mga mata niya nang makitang nakahandusay si Zephy sa kabilang gilid ng kalsada. "Zephy!" Tinakbo niya agad ito at mas tumulin pa ang pagtakbo niya nang makitang nabagsakan ang katawan nito ng malaki-laking sanga na nabali mula sa pinagmulan nitong malaking puno.

Hindi pa man siya nakakalapit, nabuo na ang itim na usok sa tabi ni Zephy at parang magaang bagay lang na dinampot ni Edric ang malaking sanga at ibinato sa malayo. Hindi agad nito ginalaw ang katawan ni Zephy sa lupa. Inobserbahan muna nito kung ano ang nangyari.

"Dad, we need to bring her to the hospital right now!" sigaw ni Sigmund.

"Call him!"

"But—"

"Call Willis! Faster!"


♦♦♦


Laging sinasabi ng mga taga-Prios na kailangang maghanda ni Sigmund. Sinasabi rin ni Edric kay Sig na maghanda ito palagi. Alam ni Edric na may pagkukulang siya kung pagiging naroon lagi sa tabi nito ang pag-uusapan. Si Zephy at ibang taga-Prios ang naroon para sa binata na upang mag-alaga na hindi niya halos magampanan dahil kailangan niyang suyurin ang buong norte para sa mga halimaw na darating.

At may dumating na nga. Muli. Sa kasamaang-palad, biktima na naman si Zephy.

Balisa lang siya habang nakatitig kay Zephy. Malaki ang naging bali sa anim na tadyang ni Zephy, natusok pa ng nabaling buto ang baga nito kaya ayaw niyang galawin dahil paniguradong palalalain lang niya ang sitwasyon.

Ang sabi ni Eul, wala namang problema sa mga bali nito sa katawan. At sa lagay na iyon, sa ganoong sitwasyon, wala pa raw problema si Zephy. Dahil ang totoong problema nito ay ang lason ng halimaw na tumama sa leeg nito at binti. Kaparehong tapang sa lason ng mga shifter ng Helderiet Woods at wala ni isa sa kanila ang may kakayahang pagalingin iyon nang ganoon kadali. Maging si Eul na may kakayahang makapanggamot ay nahihirapan dahil matagal nang wala ang lason ng halimaw sa kasaysayan nila. Hindi nito alam kung paano gagamot ng lasong wala itong idea kung paano ba gagamutin.

Madilim sa pasilyo. Nakatulala lang si Edric sa loob ng ICU—silid na para lang sa mga taong ginagamot nila sa ospital. At sa buong ospital ng Bernardina, sa mga oras na iyon, matapos mailikas ang ibang taga-norte, si Zephy na lang ang naiwang purong tao na ginagamot nila.

Kinausap siya nina Rorric, Gaspar, Serena, at lahat ng nakatatanda sa kanila. Sinabi nilang darating ang panahon na papanaw si Zephy at habang maaga pa lang, isuko na niya ito.

Sa loob-loob niya, sinisisi niya ang sarili dahil wala siya sa tabi ni Zephy noong sumugod ang halimaw. Na malilipat ang sisi kay Sigmund dahil hindi nito nagawang protektahan si Zephy bilang bahagi ng responsabilidad nito bilang Itinakda. Na malilipat naman sa buong Prios kung bakit wala siya sa tabi ni Zephy dahil kailangan niyang hanapin ang lahat ng pagmumulan ng mga kalaban nila. Na babalik na naman ang sisi hanggang sa kauna-unahang dahilan kung bakit nagkaroon ng halimaw. Na kung hindi lang nila pinaalis ang mga Dalca sa Prios, malamang na walang magbubukas na tarangkahan, at kung may magbukas man, paniguradong madali iyong mawawala dahil alam ng mga bantay ng gubat kung paano poprotektahan ang lupain nito. Sa kasamaang-palad, hindi na sakop ng mga Dalca ang Prios.

Tahimik sa loob ng ICU. Bawal man pero pumasok doon si Edric. Naglabas ng mahinang usok ang katawan niya habang nakatitig siya kay Zephy. Walang ibang laman ang isip niya kundi iligtas ito sa paparating na sakuna—bagay na hindi niya nagawa noon sa inang si Edith Andreus at kay Chancey.

Tinanggal ng usok ang mga tubong nakakabit kay Zephy. Bumalot sa katawan nito ang usok at inangat ito mula sa malambot na kamang hinihigaan.

Sa kalagitnaan ng gabi, binaybay ni Edric mula ospital ng Bernardina hanggang sa tahimik na gubat ng Helderiet ang katawan ni Zephy.

Hindi siya sanay na nanghihingi ng tulong ngunit hindi siya nangingiming manghingi ng pabor sa diwata ng gubat.

Marahan niyang inilapag ang katawan ni Zephy sa malaking tipak ng bato at nagpakita na naman ang aparisyon doon ni Adeline na nakangiti sa kanya.

"Hinirang. Matagal na panahon din mula noong huli tayong nagkita," bati ng diwata na may malalim na tinig.

"I need your help," walang pagdadalawang-isip na sagot ni Edric. "I won't ask for your guidance to save the whole north, but. . . ." Natigilan siya at ibinaba ang tingin kay Zephy na nakahimlay sa madahong lupa. "Save her."

Natawa nang mahina ang diwata at lalong tumingkad ang puting liwanag sa katawan niya nang humawi ang dumaraang ulap sa langit.

"Munting paalala, Hinirang, ako'y isa lamang aparisyon ng dambana. Ang hindi sakop ng dambana'y hindi ko kayang ayusin."

"She's dying," balisang sagot ni Edric habang nakatulala kay Zephy. "Her blood barely flows. I could smell death all over her."

"Ang nilalang na ito ay hindi maaaring mabuhay nang walang hanggan, Hinirang. Iyon ay batas ng kalikasan na hindi maaaring salingin ninuman, maging ikaw."

Napapikit si Edric at wala nang mabasang emosyon sa mukha niya. Ayaw niyang umabot sa puntong wala na siyang pagpipilian. Ayaw rin niyang makita si Zephy na mamatay nang mababalitaan na lang niya dahil wala siya sa tabi nito. Ayaw niyang magsisi. Ayaw niyang may sisihin.

"Umaapaw ang galit sa iyo sa mga sandaling ito, anak ng Pulang Hari. Nalalapit na ang pagdating ng mga isinumpang nilalang ng testamento. Nagsisimula pa lamang ang lahat."

Dumilat na si Edric at walang mabasa sa kanyang tingin nang titigan ang bantay ng dambana. "You already knew it would happen." Dahan-dahan niyang hinugot ang espada mula sa kaluban nitong nakasabit sa baywang niya. "You know that it will happen to her!"

"Ang mga halimaw ng testamento ay hindi kayang ikulong ng Ikauna gamit ang natitirang kapangyarihan niya," nagmamalaking sagot ng diwata habang nakangisi. "Ang testamentong iyon ay karugtong ng dambana ng mga bantay ng lupaing ito. At ang pagpapalayas sa bantay ng punong tarangkahan ay pagpapatiwakal. Ang kamatayan ay nararapat lamang sa mga walang utang na loob. Ang maling desisyon ng isa ay magiging pasanin ng lahat dahil ang hindi pagtaliwas sa mali ay pagtanggap dito nang bukal sa loob. At ang pagpili ninyo sa maling panig ay nararapat lang na magkaroon ng malaking kabayaran." Itinuro nito ng tingin si Zephy na nakahiga sa lupa sa ibaba ng malaking bato. "Ito ay isa lamang sa mga buhay na babawiin ng mga halimaw na paparating. Hindi makapagsisinungaling ang kasaysayan, baluktutin man ng makikitid ninyong mga utak kung ano ang tunay na naganap. Hindi ang Ikauna ang magsasalba sa inyo kundi ang angkan ko."

"I know your hatred toward the family! But my human is never a part of our curse!"

Inilahad ng diwata ang palad niya paturo sa espada ni Edric. "Ikaw ang hinirang ng espada. Kung nararapat ang kamatayan para sa isang nilalang, ang espada ang hahatol dito. At kung ika'y magkakamali, ikaw ang hahatulan ng armas na hawak mo." Bumaba ang tingin nito kay Zephy. "Ngunit taglay ng taong ito ang marka ng aking angkan. Kinikilala ng espada ang kapangyarihan ng aking uri. Hindi nito maililigtas ang taong ito sa kamatayan ngunit mapahahaba nito ang kanyang buhay. Ikukulong nito ang nilalang sa dimensiyong kayang-kaya mong buksan kung nanaisin mo. Dangan lamang, walang kasiguraduhan kung kailan mo uli siya masisilayan. Uulitin ko, ang kamatayan mo at ng iyong pamilya ay matagal nang nakaukit sa tadhana. May pagpipilian ka, Hinirang."

Bumagsak ang talim ng espada sa madahong lupa, lalong nawalan ng pag-asa si Edric. Mariin ang pagpikit niya nang lumuhod sa tabi ni Zephy na lalo lang humina ang tibok ng puso nang pakiramdaman niya ito.

Kamatayan.

Sa unang pagkakataon, isinumpa ni Edric ang kamatayan ng isang nilalang na di-hamak na mas mahina kaysa sa uri niya.

"Forgive me if I failed you, human," bulong niya nang idikit ang noo sa noo ni Zephy. "I will take you back someday. I will see you again . . . someday." Dinampian niya ito ng magaang halik sa labi bago bumulong, "I promise."

Umayos na siya ng pagkakaluhod at tiningnan nang masama ang bantay ng gubat na nakatingin din sa kanya.

"You and your cursed clan." Itinaas niya ang espada sa hangin at walang-tinginang itinarak iyon sa dibdib ni Zephy habang nilalabanan ng titig ang bantay ng dambana.

Kumalat sa hangin ang gintong liwanag. Unti-unting natunaw sa hangin ang katawan ni Zephy at gumapang ang bawat butil sa katawan ng matalim na espada. Mula sa puluhan patungong gitna, umukit doon ang bawat simbolong mayroon sa katawan ni Zephy hanggang sa ang naiwan na lamang na bakas nito ay ang hospital gown nitong suot.

"How can I be sure that she's safe wherever she is? And how can I be sure that I will see her again?" kunot-noong tanong ni Edric nang umayos na ng pagkakatayo.

Napangisi ang diwata at napailing. "Ang tanong ay kung maililigtas ka ba ng iyong sarili at makikita mo pa ba siya nang hindi ka pa napapaslang. Nasa panahon ka na ng inyong kamatayan, Hinirang. Bilang na ang iyong sandali. Nawa'y panigan ka ng tadhana sa mga susunod na araw."


♦♦♦

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top