38. Threat

Kalagitnaan ng gabi, tinatahak nina Edric at Zephy ang gitna ng kakahuyan. Nakatawid na sila sa pond sa likod ng mansiyon at iba ang dahilan ng kilabot ni Zephy sa mga sandaling iyon.

Hindi siya nakararamdam ng takot sa gubat. Para kasi sa kanya, hindi siya sasaktan ng mga bantay roon. Pero nararamdaman niya ang bigat ng parteng iyon ng kakahuyan na para bang lalo siyang hinahatak ng lupa para mahirapang makahakbang.

Magmula nang makatawid sila sa lawa sa likod ng mansiyon, hindi na nawala ang paninindig ng balahibo niya. Kagat-kagat niya ang labi habang nakatutok ang dalang maliit na flashlight sa nilalakarang daan. Maingay ang bawat paghakbang dahil sa mga tuyong dahon, pero may nakasunod naman sa kanilang asong bantay na ipinasama ni Bin. Kahit paano, kahit maingay man ang bawat yabag, hindi siya mag-aalalang baka may sumugod sa kanilang kung ano man mula sa kadiliman ng kakahuyan.

"Sure kang okay lang na samahan mo 'ko?" mahinang tanong ni Zephy habang pasulyap-sulyap kay Edric na deretso lang ang tingin sa daan nila.

"I already told you my answer, human."

"Alam ko naman kasing busy ka sa trabaho. Ang dami nang nakabukas na gate. Kahit si Poi, alam na delikado na ang buong north."

"The Prios is doing their best to relocate the affected families."

Napabuntonghininga si Zephy at lumiko sila sa kaliwang daan nang mauna roon ang kasama nilang malaking itim na aso.

"Nakita ko nga sa reports, may mga pamilya nang ipinadala sa south para doon na tumira."

Hindi na kayang itago pa ng mga taga-Prios ang mangyayaring delubyo sa norte. Tuwing makikita ni Zephy ang listahan ng mga pamilyang pumapayag na lumipat sa south, lalo lang niyang nararamdaman na delikado na nga ang sitwasyon. Huli sa listahan ng Prios ang south bilang bagong tahanan at magandang ideya naman para sa mga tao, at naroon na sila sa puntong isa-isa nang ipinalilikas ang mga tao sa norte at maiiwan na lang silang lahat doon.

Huminto ang itim na aso sa bungad ng dalawang nagtatayugang puno. Napalunok si Zephy nang mahagip ng ilaw ng flashlight ang dambanang naroon. Hindi iyon espesyal, malaking tipak lang iyon ng bato, pero may kung anong enerhiyang umiikot doon na hindi naman niya tipikal na nararamdaman pero nararamdaman niya sa mga sandaling iyon.

Huminto na ang itim na aso sa tapat ng dalawang malalaking puno at pumaling agad sa likod. Pinanood iyon ni Zephy sa pag-alis dahil mukhang hanggang doon lang ang tulong na kayang ibigay sa kanila ni Bin.

Lumakas na naman ang kilabot at napakapit na si Zephy sa braso ni Edric nang lakarin nila ang papasok sa dambana.

Hindi lingid sa kaalaman ni Zephy na bawal ang kahit sinong nilalang doon. Higit na ipinagbabawal ng Prios ang pagtapak doon sa napakaraming dahilan: una, lugar iyon ng mga bantay ng gubat; pangalawa, lugar iyon ng mga Dalca; higit sa lahat, hindi bahagi ng saklaw ng kapangyarihan ng testamento ang bahaging iyon ng Helderiet Woods kung kaya't walang nagtatangkang dumako roon.

Kung tutuusin, walang kakaibang nakikita si Zephy sa parteng iyon ng kakahuyan. Madilim lang, mapuno, may malaking tipak ng bato, at maraming tuyong dahon na nakatakip sa tuyong lupa. Pero iba ang pakiramdam niyang parang may humahalukay sa sikmura niya at para siyang masusuka. Walang masangsang na amoy roon para sisihin dahil amoy na amoy ang bango ng bawat punongkahoy na humahalo sa hangin ng gabi.

"I know you're here," sabi ni Edric kaya napatingala sa kanya si Zephy paglakad nila malapit sa malaking bato.

Pagbalik ng tingin ni Zephy sa harap, nanlaki ang mga mata niya nang may mabuong puting usok doon na naging katawan at napalitan ng aparisyon ng isang magandang babaeng halos tingalain niya dahil sintangkad din ni Edric. Nakasuot ito ng puting roba na may mga ginto sa bawat dulo ng manggas at laylayan, maging sa kuwelyo. May diyamante itong tiara at napakaputi pero matapang ang tingin. Naabutan na lang ni Zephy ang sarili na nakanganga sa sobrang ganda ng mukha ng nakikita sa harapan niya.

"Hindi naging madali para sa iyo ang sampung taong paghihintay, Hinirang ng Isinumpang Espada," sabi ng diwatang naglalakad paikot sa malaking bato. Napalunok si Zephy dahil napakalalim ng boses nito para sa isang babae. "Malapit na ang pagbawi ng mga bantay sa ninakaw ng mga kauri mo mula sa amin."

Napahugot ng hininga si Zephy at lalong dumiin ang kapit sa braso ni Edric dahil sa sinabi ng magandang babaeng nakaputi. Matamis ang ngiti nito habang pinapasada ang daliri sa tipak ng bato pero kinikilabutan siya roon. Iniisip niyang baka ang babaeng iyon ang kumakausap kay Sigmund nang hindi niya nalalaman.

"Are you the one talking to Sigmund?" deretsahang tanong ni Edric at hindi man lang iyon inasahan ni Zephy.

Nagdadalawang-isip na rin naman na siyang magsalita dahil pakiramdam ni Zephy ay wala siyang karapatan.

"Ang Itinakda ay maglilingkod sa kanyang nasasakupan, pumayag man siya o tumanggi. Iyon ay hindi mababago ninuman dahil ang isang Dalcang tagagubat ay mananatiling Dalca sa loob ng gubat hanggang sa araw ng kanyang kamatayan." Huminto sa paglakad ang babae at tumindig sa harapan ng malaking bato. "Ang gubat ang kakausap sa kanyang bantay—hindi ako, hindi ikaw, hindi ang kahit sino sa iyong pamilya, Hinirang. Walang saysay ang pagparito mo ngayong gabi. Nararamdaman ko na ang pagbabalik ng puwersang minsan ko nang ikinulong sa kanilang piitan."

"Can't you just do that again?" kaswal lang na tanong ni Edric na para bang madali lang ang ipinagagawa nito.

Natawa tuloy nang mahina ang babae habang nakatitig kay Edric. "Alam kong alam mo ang sagot sa bagay na iyan, anak ni Rorric. Huwag mong ihayag sa akin ang kahambugan mo sa harap ng sisidlan ng iyong sumpa."

Sumulyap si Zephy kay Edric dahil hindi niya naintindihan iyon pero naibalik niya ang tingin sa kasama nang magtaas ito ng mukha at naramdaman niya ang pagkuyom nito ng kamao.

"Edric," bulong ni Zephy para tawagin ang lalaki, at pagsulyap niya sa babaeng kausap nito, nakatingin na rin ito sa kanya. Napandilatan niya agad ito ng mata dahil sa gulat.

"Hindi ba't nakagugulat ang pagtanggap sa iyo ng Hinirang?" tanong ng babae kay Zephy. "Naging mautak ang anak ni Quirine upang isalin ang kanyang kasunduan sa iyo at sa anak ni Rorric. Nararamdaman ko ang presensya sa iyo ng Ikauna at ng bantay ng gubat. Hindi mo kailangang matakot sa pagtungo rito, babaeng taga-siyudad. Kinikilala ng mga bantay ang markang nasa iyong katawan."

"Great Fae, could you aid us in the upcoming war between those beasts? I'll take that as an honor if you do so."

Nayakap na ni Zephy ang braso ni Edric dahil kilala niya ito. Hindi ito manghihingi ng tulong kahit pagtulungan pa ito ng buong Prios. Pero kung sabihin lang nito ang mga salitang iyon sa babaeng tagagubat, para bang natural na natural lang kay Edric ang makiusap dito.

Hindi siya sanay. Pakiramdam niya, kung umabot na sa puntong nakikiusap si Edric, malala na talaga ang sitwasyon.

Napuno ng lungkot ang tingin ni Zephy nang matitigan ang babaeng kausap nila. Seryoso pa rin ang tingin nitong hindi nawalan ng tapang at talas pero napansin niyang hindi na rin ito natatawa sa sitwasyon o sa sinabi ni Edric.

"Ang tadhana ng Itinakda ay matagal na niyang nagampanan, Hinirang," mabigat na sagot ng babae. "Hindi pa man siya isinisilang, sinimulan na niya ang kanyang misyong bawiin ang gubat sa lahat ng mananakop nito, at kabilang na roon ang buong Prios kasama ng mga halimaw na paparating. Ang pakiusap mo sa akin ay walang halaga. Ang nakatadhanang kamatayan ng lahat ay hindi kayang burahin ng testamentong pinanghahawakan ninyo. Ang tanging magagawa mo lamang ay hintayin ang Itinakda sa malawakang paglipol niya sa lahat ng kinatatakutan ng pamilya mo, at ikinalulungkot kong hindi na iyon masasaklaw ng kapangyarihan ko."

Sa isang iglap, kumalat ang puting usok sa hangin at umulan ng maliliit na puting butil sa mga tuyong dahon.

Napasinghap si Zephy gawa ng gulat at napatingala kay Edric na seryoso lang ang mukha habang nakatitig sa malaking bato sa harapan nila.

"Edric, ano'ng sinasabi niya tungkol kay Sig?" nalilito nang tanong ni Zephy.

"Even the fae said I should wait," naiinis na sabi ni Edric at natawa nang ubod nang pait sabay iling. "So that's all I can do? Wait? This is absurd! I'll wait until everyone dies, is that what you're telling me?!"

"Edric!" Nasapo ni Zephy ang dibdib ng lalaki nang magtaas ito ng boses. "Wala na tayong magagawa."

"There should be a way," mahigpit nang sagot ni Edric harap-harapan kay Zephy. "Sig should know everything. Everything! If I can't protect all of you, either I'll die first, or I'll kill you with my own hands! There's no way I'll wait for you or my family to get killed by those beasts. Not in front of me, not on my land."


♦♦♦

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top