37. Missing Link


Oras na ng pagtulog at maaga pa kung tutuusin para kay Zephy ang alas-otso y medya, pero gabing-gabi na iyon para kay Sigmund. Nakahiga siya sa tabi nito, nakakumot ang mula baywang hanggang sa paa habang nagbabasa sila nang sabay. May naiwang libro si Chancey para sa mga marka ng mga salamangkero na ito mismo ang gumawa sa salitang mas madaling maintindihan.

"Zephy, ito, nagawa ko na ito kay Mr. Fox," sabi ni Sigmund at itinuro ang isa sa mga markang hugis ekis na may dalawang tuldok sa bawat kanto at may arko sa ibabaw.

"Ano'ng nangyari kay Mr. Fox?" tanong ni Zephy kahit na nakalagay naman doon ang paliwanag na kapag ginamit ang ganoong marka ay hindi makakalayo sa nagmarka ang minarkahan.

"Kasama ko siya lagi kapag maglalaro kami sa pond," masayang sagot ni Sigmund.

"Magaling ka nang mag-mark, ha?" proud na sabi ni Zephy at saglit na ginulo ang buhok ng bata. Paglipat niya ng pahina, natigilan siya at sinapo ng ilang daliri ang markang kahugis ng nasa dibdib niya.

Nakalagay ang paliwanag doon na ang ibig sabihin ng marka ay para sa pagsasalin ng lahat ng pagmamay-ari ng isang nilalang sa panibagong templo nito. Hindi niya iyon naintindihan noon dahil lahat naman ng materyal na pagmamay-ari ni Chancey ay napunta naman sa pamilya, at ang gubat ay maililipat naman kay Sigmund. Pero sa isang banda, may bigla lang din siyang naalala tungkol doon.

Pinatulog muna niya si Sigmund, at nang makabalik sa kabilang silid bilang kuwarto niya, unang-una niyang tinawagan si Eul na sigurado siyang may malinaw na sagot sa naiisip niya.

"Hi, Eul," pagbati niya. "Busy ka ba sa JGM?" Napatingin sa grandfather clock na malapit si Zephy. Alas-nuwebe pasado pa lang naman.

"Hi, Zephy! Hindi naman. Nagbabantay lang din naman ako ngayon, bakit ka napatawag?"

"Remember yung book na summary ni Chancey ng mga sorcerer's mark?"

"Oo, bakit pala? Nire-review n'yo ba ni Sig?"

"Kanina, ni-review namin. Nasa page 200 plus na kami nang makita ko ang mark na bigay ni Chancey sa 'kin."

"May malabo ba ro'n?"

"Hindi naman. Naisip ko lang kasi, di ba, kay Chancey na ang loyalty ni Edric after niyang i-sacrifice before?"

"Iyan ay pinagdedebatehan pa rin dahil may iba ring paliwanag ang Komisyon ng Kasaysayan ukol sa pag-aalay."

"Pero what if isinalin lang sa 'kin ni Chancey ang rights niya para kontrolin si Edric. I mean . . ." Napahugot ng hininga si Zephy at napatingin sa itaas ng canopy bed kung nasaan siya. "I know, wala na si Chancey, or na-cancel out na ang kung ano mang agreement niya sa kung sino man after she died. Pero what if before siya mamatay, nai-transfer na niya lahat ng agreement niya sa 'kin. You think that's possible? Kasi kahit si Poi, sinabi niyang hindi ako dapat tinatanggap ng mga shifter dito sa Helderiet Woods, but they did. Si Edric, pinakasalan ako, at tingin ko naman, hindi niya 'yon ginawa dahil lang wala lang siyang magawa. I think, meron talagang kinalaman dito ang mark na bigay ni Chancey."

Saglit na natahimik ang kabilang linya at ilang segundo pa ang lumipas bago nakasagot si Eul. "Nakikita ko naman ang punto, Zephy. Titingnan ko rin sa mga record kung tama nga ang sinasabi mo. Tatanungin ko rin si Poi o kahit si Silas dahil may kapareho rin silang paliwanag tungkol diyan."

"Sige."

"Kung sakali mang totoong ganoon nga ang ginawa ni Chancey, may iba pa bang bumabagabag sa 'yo kaya ka napatawag? Para mabigyan ko ng sagot kung sakali man."

Ang bigat ng buntonghininga ni Zephy at siya naman ang pansamantalang natahimik. Kinagat-kagat niya ang labi at napatango-tango na para bang nabubuo na nang paunti-unti ang sagot na hinihingi ni Eul.

"If ever na totoo nga ang tungkol sa mark . . ." Nagdalawang-isip si Zephy sa sasabihin. Balak sana niyang sabihin kay Eul na hindi siya kinakanti ng mga shifter na natatawag ni Sigmund—ang mga shifter na tinatawag nilang bantay ng gubat sa dambana sa isang bahagi ng kakahuyan sa bandang dulo. Iyon ang mga shifter na kinatatakutan ng buong pamilya ng Prios. Ang dahilan kung bakit hindi makatagal sa Helderiet Woods ang mga tagalabas. Ang dahilan kung bakit sarado ang kakahuyan sa lahat.

Hindi siya sigurado kung natatawag iyon ni Chancey dahil wala naman itong sinasabi, pero sigurado siyang kung wala siyang marka, paniguradong isa siya sa matatagal nang patay sa loob ng Helderiet Woods.

Ang kaso, kapag nalaman ni Eul ang tungkol doon, naalala niyang magsasabi agad ito sa pamilya ng nalalaman at pagmi-meeting-an na naman ang tungkol doon sa lalong madaling panahon. At dahil wala si Edric at nasa malayo, malamang na siya lang mag-isa ang gigisahin sa meeting. Naroon man si Rorric at madali niyang mapapakiusapang pumanig sa kanya, pero iba pa rin kapag si Edric ang kasama niya. Ito ang sumasagot kapag wala na siyang maisalita.

"Um, siguro kakausapin ko na lang si Edric ng tungkol sa amin," sagot na lang niya kaiba sa sana ay sasabihin. "Baka nag-o-overthink lang ako. Sige, Eul, enjoy your shift. Good night!"

"Sure thing. Good night, Zephy."

Ibinaba na rin niya ang tawag at napatitig sa harapan.

Habang tumatagal, lalo niyang nararamdamang nagiging komplikado ang lahat.

Sunod niyang tinawagan si Edric kahit na alam niyang baka natutulog ito kung hindi man nagtatrabaho.

Wala pang dalawang ring, sumagot na agad ito.

"Human."

"Hawak mo phone mo?" tanong ni Zephy dahil hindi man lang hinayaang magtagal ni Edric ang pag-ring.

"I always hold this device, why?"

"May kausap kang iba?"

"I'm always waiting for your call."

Natawa nang mahina si Zephy. "Alam mong hindi ako tumatawag kung hindi emergency kasi alam kong OA ka, di ba?"

"I know, and it happens tonight so what's the emergency?"

"Kanina pag-uwi ko, may kumausap daw kay Sigmund galing sa dulo ng Helderiet. Malakas ang kutob kong connected 'yon sa mga nature guardian ng mga Dalca. Sabi n'on, bubuksan daw ni Sig ang gubat para sa kanila."

"You know I'm still here in Prios, right?"

Napatango si Zephy kahit hindi naman siya nakikita ni Edric. "Hindi naman 'yon emergency. Safe naman kami rito, and safe naman talaga kami rito ni Sig, pero nag-aalala kasi ako na parang ine-expect ng mga shifter na bubuksan talaga ni Sig ang Helderiet Woods para sa kanilang lahat. E, alam naman nating hindi puwede 'yon kasi kapag lumabas sila sa gubat, hindi natin masasabi kung mabubuhay pa ba ang mga makakasalubong nila sa labas. Bata pa si Sig. Hindi niya makokontrol ang mga shifter gaya ni Poi. Ayoko lang na umaasa ang Prios na ililigtas niya ang pamilya, pero parang ang nagiging dating kasi sa akin, sinisimulan na siyang pilitin ng mga shifter na gawin yung cleansing like . . . right now. Hindi puwede 'yon. Mamamatay tayong lahat . . . or kayo? Because they don't see me as threat or something gawa ng mark ni Chancey."

Nakarinig siya ng malalim na buntonghininga sa kabilang linya kaya natahimik siya. Ilang saglit pa, sumagot na rin si Edric.

"I'll fix my schedule. I'll ask Morticia to check up on you every once in a while. I'll check the location of the new gates, and I'll go home right away. I'm sorry if I can't go there right now because the gates are too dangerous, and—"

"Okay lang," mabilis na sagot ni Zephy. "Alam ko namang delikado. Sinabi rin nina Poi at Silas kung bakit. Mag-ingat ka sa pagpunta ro'n."

"I will."

"Sige na, matutulog na 'ko."

"You're forgetting something, human."

Natawa na naman nang mahina si Zephy. "Ibibigay ko kapag nakauwi ka na."

"That's not fair."

"That's fair, Edric Vanderberg. Umuwi ka muna sa 'min ni Sig."

Nakarinig na naman siya ng malalim na buntonghininga sa kabilang linya at sumagot na uli si Edric. "Fine."

At namatay na ang tawag.

Si Zephy naman ang napabuntonghininga at nailapag ang phone sa side table na katabi niya.

Marami siyang inaalala, maraming bumabagabag sa isipan niya, at habang tumatagal, lalo lang nadaragdagan iyon.

Kahit gusto niyang isipin na baka kaya lang siya napili ni Edric ay dahil pa rin kay Chancey at sa kasunduan ng dalawa matapos ialay ni Edric ang sarili nito sa numen, pero mas nangingibabaw ang responsabilidad na iniwan ni Chancey kung sakali mang totoo iyon. Dahil higit pa sa pagmamahal ni Edric sa kanya ang suliranin nila ngayon—mas malalim at mas delikado at pagkawasak ang katumbas.

Hindi siya makatulog kaya lumabas siya ng kuwarto para sana magtimpla ng mainit na inumin nang mapaatras.

"Edric!" pigil na tili niya nang makita ito sa pasilyo pagkabukas ng itim na pinto roon. "Ano'ng ginagawa mo rito?!"

Imbes na sumagot, naglahad lang ito ng mga braso para salubungin siya.

"Have a good night, my love," nakangiting sabi ni Edric at dinampian siya ng magaang halik sa labi.

"Alam mo, pinapagod mo lang ang sarili mo," sabi ni Zephy at sinapo sa pisngi ang asawa. "Sana hindi ka na pumunta rito, may biyahe ka pa maya-maya. Wala ba kayong meeting?"

"We have right now."

"O, bakit nandito ka?"

"I said Sig has an emergency you can't handle. They can't say no if I told them I have to be here since none of them can."

"Ay, naku. Sinungaling." Napaikot ng mga mata si Zephy sa katwiran ni Edric.

"I never lie, human. I'll check for the sacred shrine as well that's why I'm here. I told the seers what you said, and Poi volunteered to visit the gates so I can guard you two here tonight."

"Oh." Naigilid ni Zephy ang tingin. "So, puwede tayong umalis ngayong gabi?"

"And where are we going?"

"Kakausapin ko si Bin. Itatanong ko kung puwede akong dumaan sa dambana ng mga Dalca."

Nawala ang ngiti ni Edric dahil sa plano ni Zephy. "Human, that's dangerous."

"Kaya nga tatanungin ko muna si Bin."

"What for?"

"Gusto ko lang malaman kung sino ang kumausap kay Sig. Kung hindi papayag si Bin, hindi ako tutuloy."

"I'm against it, Zephania."

Nakikiusap na ang tingin ni Zephy. "Please? It's for us. Ngayon lang. Kung hindi ka papayag, si Sigmund ang isasama ko."

"Human," nagbabanta na ang tinig ni Edric, pero desidido si Zephy kaya makalipas ang ilang minutong pagtanggi at pakikiusap, wala na ring nagawa si Edric kundi pumayag. "If something worse happens, I don't know what I'm going to do. I'll bring my sword, wait for me here."


♦♦♦


Alam ni Zephy na ayaw na ayaw ni Edric na kung saan-saan siya pumupunta na sigurado itong masyadong delikadong puntahan. Hangga't maaari, kung puwede lang siyang ikulong sa Winglov, ikukulong siya nito sa Winglov, pero sigurado rin naman siyang hindi papayag doon ang pamilya lalo na si Rorric.

Alas-diyes pasado ng gabi nang mapagdesisyunan ng dalawang umalis para pumunta sa dambana ng mga Dalca.

"Pakitawag naman si Bin. Pakisabi, may itatanong ako," kaswal na utos ni Zephy sa isa sa mga itim na asong tinawag nito na para bang normal lang ditong nag-uutos sa mga di-madaling utusang bantay sa harap ng mansiyon.

Pag-alulong ng aso, nagsunod-sunod ang iba pa.

Kagat-kagat ni Zephy ang labi habang nakakrus ang mga braso. Patanaw-tanaw siya sa malayo habang hinihintay ang ipinatawag niyang nilalang.

"Are you really sure you're going to do this, human?" tanong uli ni Edric dahil hindi pa rin siya kumbinsido sa gagawin nila.

"Kapag naman hindi pumayag si Bin, wala na akong magagawa."

Napapailing na lang si Edric at pinalapit si Zephy sa kanya para iyakap ito sa kanang gilid.

Ilang saglit pa, may bagong ibong kararating lang at lumapag di-kalayuan sa kanila bago nagbagong-anyo bilang tao. Nakasuot ito ng kayumangging tela at ginawang panali sa baywang ang makapal-kapal na lubid.

"Ano'ng dahilan ng pagpapatawag sa akin?" masungit na tanong nito bilang pambungad.

"Sinabi ni Sigmund na may kumausap sa kanya kanina galing sa dulo ng Helderiet," pag-amin ni Zephy. "Kilala mo ba?"

"May binanggit na pangalan?"

Umiling si Zephy. "Wala. Pero sinabi ni Sig na inaasahan nila siya para makalabas silang lahat sa gubat."

Kahit si Bin at nakitaan ng gulat sa inamin ni Zephy. "Mga uri ba namin ang tinutukoy ng Itinakda?"

"Hindi ko sigurado. Bagong kaibigan daw siya. Bubuksan daw ni Sig ang gubat para sa kanila."

"Hmm." Napasapo ng bibig si Bin habang kunot na kunot ang noo, halatang nag-iisip. "Walang napag-uusapan sa pulong ng mga bantay. Sa silangan lang iyon ng gubat, hindi namin nasasakop ang iba pang bahagi. May binanggit bang itsura ang Itinakda?"

"Tinanong ko si Sig kung ano ang itsura pero sabi niya, sekreto lang daw muna nila ng bago niyang kaibigan ang tungkol doon. Pero ipapakilala niya ako kapag nagkita uli sila."

Hindi nakasagot si Bin. Tahimik lang din itong nag-isip at mahahalatang wala rin itong alam sa sinasabi ni Zephy. "Walang magtatangka sa aming makiusap sa Itinakda na buksan ang gubat. Sinabi na ni Quirine na mananatili ang lahat dito sa kakahuyan upang maiwasan ang sigalot sa mga tagalabas. Nabawi na ng anak ng ada ang gubat para sa amin. Hindi namin kailangang asamin ang mas malawak pang lupain na hindi namin nasasakop."

Nagkatinginan sina Edric at Zephy dahil doon.

Kay Bin na mismo nanggaling na kahit ang mga bantay ng gubat na nagbabantay sa mansiyon at bahaging kalapit ng Belorian ay hindi kinakausap si Sigmund ng tungkol sa paglabas sa Helderiet Woods. Nagiging hiwaga na kina Zephy kung sino ang kumausap kay Sigmund tungkol sa sinabi nito.

"Bin, puwede ba akong pumunta sa dambana ng mga Dalca?" seryosong tanong ni Zephy nang ibalik ang tingin sa lalaking kaharap.

"Hindi ko sakop ang bahaging iyon. May sariling mga bantay ng gubat ang pook-alayan. Limitado ang bahaging nasasakop ko at hanggang doon lang iyon sa paglagpas ng lawa."

"Si Edric, nakakapasok doon sa dambana, puwede ba kaming makiusap sa mga bantay?" tanong ni Zephy.

Nagkibit lang si Bin. "Maaaring subukan. Ang mga bantay na makokontrol ko ay hanggang doon lang sa nasasakop ko. Maaari kang manatili hanggang doon at kumausap ng panibagong bantay upang makapasok sa dambana. Ngunit babalaan na rin kita dahil higit na delikado ang mga bantay roon ng gubat, at isang maling kilos lang ay papaslangin ka nila."

Saglit na natigil ang paghinga ni Zephy at nakuyom niya ang palad nang atakihin ng kaba. Naramdaman din niya ang paghigpit ng hawak sa kanya ni Edric dahil sa babala ni Bin.

"Ngunit paniguradong wala silang gagawin sa iyong masama. Balita ko'y natatawag ng Itinakda ang punong bantay ng dambana kasama mo. Dalawang makapangyarihang bantay ang naroon at kung makilala niya ang presensya mo, kung tunay man, ay siya mismo ang magbibigay ng daan para sa iyo kahit hindi ka na makiusap."

Tumalikod na si Bin at paglukso ay naging ibon agad.

Napalunok si Zephy at napalitan ang kaba ng mas doble pa bago muling tiningala si Edric.

"Feeling ko, ang tinutukoy niya ay yung malaking ibon na natatawag ni Sig."

"This is dangerous, human," napapailing na babala ni Edric.

"Susubukan ko pa rin. Kung hindi puwede, hindi ako tutuloy. Pero susubukan natin. Tara na."


♦♦♦

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top