34: Responsibilities
Noong pinili ni Donovan ang buong norte at ang pamilya kapalit ang makasama si Chancey, hindi iyon naintindihan ni Edric.
Bakit nga ba kailangang piliin ang iba kaysa sa nag-iisang nilalang na gusto mo lang namang makasama habambuhay?
Inuna ni Donovan ang kapakanan ng buong norte. Sinunod ang nais ng pamilya. Ginawa nito ang lahat ng sa tingin nito ay pabor sa buong Prios, kahit pa ang ibig sabihin n'on ay pagpapabaya kay Chancey at sa kapakanan nito.
Makasarili—perpektong depinisyon para kay Edric. At hindi niya naunawaan kung bakit mas inuna ni Donovan ang buong norte kaysa sarili nitong asawa.
Ngunit umabot na siya sa puntong kahit anong pili niya kay Zephy, kung magiging magulo ang lahat sa buong norte, hindi rin siya matatahimik.
Naglapag siya ng pangako, at siya ang tipo ng nilalang na kung kaya niyang gawin ay talagang gagawin niya.
Protektahan ang buong norte.
Hindi na kahit kailan nabanggit pa ang tungkol sa minsang pagbubukas ng isa sa mga tarangkahan ng kabilang mundo at sa paglabas doon ng isang nakakatakot na halimaw. Walang natandaan si Zephy ukol doon. Pinanatili ni Edric ang lahat na parang walang naganap na kahit ano.
Pero nagsabi na siya na kailangan na niyang protektahan ang buong norte dahil nga sa pagbubukas ng mga tarangkahan at nangangahulugan iyon na kailangan palaging umalis ni Edric para tingnan ang bawat bubukas na daan ng kabilang mundo.
Dumaan ang mga linggo, buwan, at taon na bihirang magtagal si Edric kasama ang sariling pamilya. Lagi siyang naroon sa gusali ng Prios, lumilibot sa buong norte; madalas, nagtatagal sa ibang lugar nang higit sa isang linggo o buwan para sa obserbasyon. Kung uuwi man, madalas na sa Winglov na pumupunta o sa Prios Building, at napakabihira na lang sa Grand Cabin.
***
"Zephy, kailan uuwi si Daddy?" tanong ni Sigmund habang nangangalumbaba sa study table niya. Namamapak lang sila ni Zephy ng gummy beans habang gumagawa siya ng assignment na dino-double check naman nito.
"Si Daddy mo, busy 'yon sa work kaya hindi natin alam kung kailan uuwi," paliwanag ni Zephy habang iniisa-isa ang lahat ng assignment ni Sigmund na kung tutuusin, sampung minuto lang nitong ginawa kahit pa one hundred items ang mga iyon sa iba't ibang subject.
"Sabi niya, uuwi siya today," nakangusong sabi ni Sigmund at dumayukdok sa mesa habang naduduling na nakatitig sa hawak na sign pen ni Zephy sa harapan niya.
"Uuwi si Daddy mo today, pero . . ." Napatingin sa suot na leather wristwatch si Zephy. Alas-tres pa lang ng hapon. Pero nagsabi na si Edric na uuwi ito sa araw na iyon matapos ang dalawang linggong pananatili sa kabilang panig ng hilaga. "Baka na-traffic lang." Nginitian niya si Sigmund at ipinagpatuloy ang pag-check sa assignments nito.
Para kay Zephy, kaya niyang aminin na hindi lang basta ordinaryong bata si Sigmund. Sampung taong gulang na ito at mahilig maglaro. Halos lahat ng bagay, iniisip nitong laro-laro lang. Pagpasok sa eskuwelahan lang ang hindi nawawala sa pang-araw-araw nitong schedule.
Kada araw, iba-iba ang dapat nitong puntahan. Sa Winglov para sa etiquette lessons nito, sa Historical Commissions para sa pag-aaral ng kasaysayan ng buong norte, sa Bernardina para sa maagang pag-aaral ukol sa medisina, may mga araw na inililibot ito sa lahat ng bahagi at kompanya ng Prios na para bang maaga pa lang, ipinagkakatiwala na sa kanya ang buong Prios Holdings. Kailangan lang niyang umuwi sa Helderiet Woods bago lumubog ang araw dahil walang maghahatid sa kanila sa loob ng mansiyon pagsapit ng gabi.
Nasanay sa ganoon si Sigmund, at iniisip nitong normal lang iyon para sa batang gaya niya—walang kamalay-malay na ginagawa iyon ng pamilya bilang paghahanda sa kanya sa nalalapit na pagkawasak ng buong Prios.
"Perfect ka na naman!" nakangiting sabi ni Zephy at inipon ang lahat ng answer sheets ni Sigmund na ipapasa sa teachers nito kinabukasan. "Anong gusto mong reward?"
"Sabi ni Daddy, uuwi siya ngayon kasi bibilhan niya ako bagong sketching set," nakangusong sabi ni Sigmund habang nagtatampong nakatitig sa mesa.
"Gusto mo, ako na lang ang bumili ng sketching set mo? Magpapahatid tayo kay Lance. Maaga pa naman," presinta ni Zephy.
Napabuntonghininga si Sigmund at napaisip kung si Zephy na lang ba ang pabibilhin ng gusto niya o hihintayin niya si Edric para ito ang bumili.
"Hihintayin ko na lang si Daddy," dismayadong sabi ni Sigmund at kinuha na uli ang mga assignment niya para ibalik sa bag.
Seventh grader na si Sigmund. Ilang beses itong nabigyan ng acceleration program, pero sinabi ni Edric na hayaan lang itong nasa eskuwelahan—doon sa hindi ito oobligahin ng pamilyang gawin ang hindi pa dapat nito ginagawa bilang bata.
Madalas na nasa Historical Commission si Zephy para magtrabaho at uuwi tuwing hapon o gabi para may kasama si Sigmund sa mansiyon. Hindi napipirmi ang bata sa iisang lugar lang. Palipat-lipat ng tirahan kada makalawa, kung saan siya kakain, kung saan mag-aaral, kung saan matutulog. Ginawa nilang normal ang ganoong buhay para dito upang masanay na hindi lang sa iisang lugar umiikot ang buhay nito dahil darating ang panahon na buong norte ang dapat nitong bantayan gaya ng ginagawa ni Edric sa mga sandaling iyon.
Nakatulog na lang si Sigmund pagsapit ng alas-otso y medya, wala pa ring Edric na dumating. Kailangan nitong maagang matulog dahil maaga ring magigising para sa pasok kinabukasan.
Samantala, abala sa pagliligpit ng mga damit si Zephy sa kuwarto nila ni Edric sa mansiyon nang makarinig siya ng mga yabag ng paa sa direksiyon ng pinto.
Eksaktong pagtalikod niya, kabubuo lang ng itim na usok doon at unti-unting bumungad sa kanya si Edric na nakasuot ng pulang long-sleeved shirt at pormal na black pants.
"Human," pagbati nito at hinapit agad siya sa baywang bago lapatan ng magaang halik sa labi. "Missed me?"
Napasimangot lang si Zephy at nagtaas pa ng kaliwang kilay. "Kanina ka pa hinihintay ni Sigmund. Nangako ka palang uuwi ngayon, hindi ka nagsabi kung anong oras."
Naniningkit lang si Edric nang tumingin sa kanan habang nag-iisip. "So that monster is sleeping already?"
Kinuha ni Edric ang kamay ni Zephy para sabay silang pumunta sa kabilang kuwarto kung saan natutulog si Sigmund.
Naabutan pa nila itong balot na balot ng kumot habang yakap ang pinakamalaki nitong teddy bear na mas matangkad pa sa bata kung tutuusin.
Nagkrus ng braso si Zephy nang lumapit sa kama si Edric at nahiga roon patabi kay Sigmund.
"Hey, little monster," tawag ni Edric habang inaagaw sa bata ang yakap nitong teddy bear.
Umungot si Sigmund at kunot-noong tiningnan si Edric nang maalimpungatan. "Daddy?"
"I'm home."
Tumango lang si Sigmund habang nakasimangot at nakapikit pa rin. Halatang hindi pa makausap nang maayos dahil katutulog pa lang.
"You better sleep. I'll take you out tomorrow after school." Hinalikan na lang ito ni Edric sa noo at umalis na rin siya sa kama.
Napapabuntonghininga na lang si Zephy nang harapin na naman si Edric.
"The day's not yet over," sagot pa ng lalaki.
Napailing si Zephy dahil doon at nauna nang maglakad pabalik sa kabilang kuwarto.
Walang matinong araw na magkakasama ang tatlo kaya sinanay na lang ni Zephy ang sarili na hindi niya makakasama ni isa kina Sigmund at Edric nang sabay para alagaan.
Pagbalik sa kuwarto, tinapos na lang ni Zephy ang pagliligpit ng mga damit sa closet. Kumuha na rin siya ng pambahay ni Edric para sa bihisan nito. Paglabas niya, naabutan niya itong nakaupo sa kama at nakakuba roon, magkasalikop ang mga daliri habang nakapatong ang mga braso sa mga tuhod.
"Kumusta ang lakad mo?" tanong ni Zephy nang ilapag sa tabi ni Edric ang mga damit pamalit nito.
Ang lalim ng buntonghininga ni Edric kaya sigurado na siyang hindi maganda ang pinatunguhan n'on.
"Five gates have opened today," dismayadong sagot nito.
"Five . . ." mahinang sabi ni Zephy at binilang ang gate na sinasabi ni Edric mula noong nakaraang limang taon. "Nasa twenty-nine gates na ang nakabukas."
"We tried to close one today, but it was impossible. It needed a sorcerer's power to do that," sagot ni Edric at panibagong buntonghininga na naman sa kanya habang sinusuklay ng daliri ang buhok. "We can't force Sig to close those gates even if he knows all the spells to do that."
Lumapit na si Zephy kay Edric at siya na ang nagbukas ng mga butones ng damit nito. Sa buntonghininga pa lang nito, dama na niya ang pagod ni Edric mula sa trabaho.
"Magiging okay rin ang lahat," sabi ni Zephy. "Tinuturuan na namin si Sigmund sa Historical Commission. Hindi naman nagkukulang sina Gaspar at Poi sa kailangan niyang malaman."
Nagtaas ng tingin si Edric at tinitigan si Zephy. Hindi na nagtaka ang lalaki kung mas nadagdagan ng edad ni Zephy kahit na walang pagbabago sa mukha niya bilang bampira. Tao pa rin ang asawa niya at hindi niya iyon mababago.
"How I wish I can turn you into a vampire," sabi ni Edric habang hinuhubad ni Zephy ang damit niya.
"Isinumpa ang angkan ninyo hanggang sa kaapo-apuhan kaya kayo naging mga bampira. Kung may susumpa siguro sa akin, baka puwede 'yang gusto mo," biro ni Zephy at pinatayo na si Edric para isunod ang pantalon nito.
"Aren't you mad at me for not taking care of you and Sig?" dismayadong tanong ni Edric habang nakatitig lang kay Zephy na inaasikaso siya.
Natawa nang mahina si Zephy habang napapailing. Pag-alis nito ng pantalon niya, nagtagpo ang mga mata nilang magkaiba ng pagtanggap sa kanilang sitwasyon.
"Binabantayan mo ang buong north. Hindi lang ako, hindi lang si Sig," sagot ni Zephy. "Alam kong hindi mo gustong gawin ito kung ikaw lang ang tatanungin, pero alam kong ginagawa mo ito para sa aming dalawa. Buong Prios ang nag-aalaga kay Sig. Ayos lang kami."
Hindi madali para kay Edric ang lahat dahil pinapasan na niya ang responsabilidad na matagal na niyang binitiwan. Sa isip-isip niya, marahil ay hindi nga nagkakamali ang mga seer sa mga nakikita nito. Dahil habang tumatagal, nauulit lang din ang mga matagal nang sinabi sa kanya na iniwasan niya may isandaang taon na rin ang nakalilipas.
Pagtulog lang kasama si Zephy ang pinakapahinga niya kada uwi sa mahabang trabaho. Kung wala lang siyang naipangako rito, mas gugustuhin pa niyang araw-araw itong makasama. Pero imposible na iyon dahil ang dami nang tarangkahang nagbubukas. Nag-aalala na silang lahat na baka isang araw, sabay-sabay na lumabas doon ang mga halimaw na wawasak sa buong norte gaya ng nakita ng mga seer sa Augur.
Kahit gusto niyang matulog, nanatili lang siyang gising habang nakatitig kay Zephy na mahimbing na natutulog sa harapan niya. Kahit hindi niya ito madalas na nakikita mula pa noong nakaraang limang taon dahil sa komplikado nilang mga oras at trabaho, wala namang nagbago sa pagtingin niya rito mula pa noong nangako itong makakasama siya habambuhay.
At kung sakali mang may mangyaring masama rito, hindi niya alam kung ano ang gagawin niya sa magtatangkang pasakitan ito lalo pa't sa buong pamilya, siya lang ang hindi naparurusahan kung sakali mang may mapaslang na nilalang na sakop ng kasunduan ng testamento.
Naubos ang buong gabi niya sa pagtitig lang kay Zephy. Panigurado kasing sa mga susunod na gabi, nasa malayo na naman siya at nagbabantay ng mga lugar na posibleng pagmulan ng mga halimaw.
Alas-singko ng madaling-araw, umalis na ng higaan si Edric nang wala pang tulog nang marinig na may naglalakad sa pasilyo ng third floor. Naabutan niya si Sigmund na bagong ligo lang at nakasuot ng bathrobe habang pababa ng second floor.
"Sig," pagtawag niya rito. Eksaktong paglingon ng batang lalaki, nakaawang na agad ang bibig nito sa kanya.
"Daddy!" masaya nitong pagtawag at sinalubong agad siya ng yakap. "Daddy, sabi mo, bibilhan mo 'kong sketching set!" paalala nito habang tinitingala siya.
"And we're going to buy that today."
"Yeeey!"
Hindi masyadong nasusundan ni Edric ang paglaki ni Sigmund dahil iilang oras lang niya itong nakakasama, ganoon din si Zephy. Ang madalas nitong bantay ay si Mrs. Serena. Pero ramdam niya sa bata na hindi ito nagagalit o nagtatampo sa kahit sino sa kanila.
Hatak-hatak nito ang kamay niya nang pumunta sila sa kusina.
"Daddy, tinuruan akong magluto ni Serena sa Sylfaen Garden. Sabi niya, favorite mo raw yung luto niya. Si Zephy, tinuruan din akong magluto kasi activity namin sa home economics."
Nanonood lang si Edric kay Sigmund na magkalkal ng kusina. Mas maingay nga lang itong magkalkal hindi gaya ng mga kilala niyang napapanood niyang magluto.
"Sabi ko kay Zephy, lulutuan ka namin ng breakfast pag-uwi mo. Pero tulog pa yata siya. Galing siya kahapon sa Prios kasi pinatawag siya ni Mommy Morty."
Gusto sanang sabihin ni Edric na ang daldal ni Sigmund gaya ng nanay nito, pero iniiwasan nilang mabanggit si Chancey kahit pa bahagya itong ipinakikilala bilang ang babae sa painting sa second floor.
"Daddy, sabi nila sa Prios, huwag na raw akong mag-school."
"You should go to school, young man," sagot niya habang nakasunod ng tingin dito.
"Sabi nila, matalino na raw ako. Hindi ko na raw kailangang pumasok kasi puwede naman akong turuan ni Eul."
"Don't listen to them. I'm your father, I should know better than anyone else in Prios."
Isa iyon sa mga ikinaiinis ni Edric dahil hindi niya nababantayan si Sigmund. Kung ano-anong salita na naman ang pinakakain ng buong Prios dito.
Hindi siya nagluluto, at wala rin siyang interes sa pagluluto, pero napansin niyang natutuwa si Sigmund sa ginagawa nito sa kusina. Binatilyo na ito kung tutuusin. Sampung taong gulang, umabot na ang taas sa dibdib niya. Matangkad para sa isang bata. Halos kasintangkad ni Chancey noong nabubuhay pa ito. Malapit na ring maabutan si Zephy.
Maamo ang mukha ni Sigmund at malinis ang gupit, gaya ng required sa mga eskuwelahan na hindi puwedeng lalagpas sa tainga at batok ang buhok. Nakuha nito ang ugali kay Chancey, pero malaki ang pagkakahawig nito sa mukha ng mga Vanderberg. Para lang itong bersyon ng tao para sa mukha nilang mga bampira. Iyon lang, nakuha nito ang kulay ng balat sa mga tao dahil hindi iyon maputla gaya nila. Matapang ang mga mata nito pero nababawasan dahil palagi rin namang nakangiti.
Sinasabi ng lahat na ang batang pinanonood niya ngayon ang magliligtas sa buong norte balang-araw. Kung paano iyon mangyayari, hindi niya alam at walang makapagsabi sa kanila kung paano. Wala siyang nararamdamang lakas dito. Naaamoy pa niya ang dugo nito bilang tao. Kung hindi lang niya ito nabantayan mula pa noong ipinagbubuntis ito ni Chancey, hindi niya masasabing may dugong bampira ito o anak ito ng isang makapangyarihang ada.
May kung anong pinakukulo pa si Sigmund sa kalan saka siya hinarap. "Daddy, sabi sa school, kailangan kong dalhin ang parents namin sa meeting."
"Do you want me to come?" tanong niya rito.
Mabilis naman itong umiling. "Sabi ni Grandpa, si Eul saka si Zephy raw ang dapat na a-attend kasi busy ka sa work."
"I am," sagot naman niya habang tumatango.
"May picture taking daw kasi doon kaya ayaw rin ni Zephy na ikaw ang pumunta. E, di ba, Daddy, hindi ka nakikita sa pictures?"
Nagtaas lang ng mukha si Edric sa katwirang sinabi ni Sigmund sa kanya. Lumibot na naman si Sigmund sa kusina at pagbalik, may yakap-yakap na itong mga metal bowl at kung ano-anong panghalo.
"Daddy, sabi ng mga seer sa Augur noong dinala ako roon nina Grandpa, malapit na raw ang unang invasion. Mag-ready na raw ako. Ano yung invasion na sinasabi nila?" tanong ni Sigmund habang may hinahalo na namang kung ano sa malaking mangkok na nilagyan niya ng kung ano-anong sangkap.
Saglit na napaiwas ng tingin si Edric dahil pati iyon ay nababanggit na rin kay Sigmund.
Sampung taon ang paglikha sa mga halimaw, ayon na rin sa sinabi ng aparisyon ni Adeline. Naroon na sila sa sampung taong binawas niya noong bago ang kasal niya kay Zephy.
Nabigyan na niya ng oras ang lahat para paghandain si Sigmund sa tungkulin nito bilang Itinakda. Pero habang pinanonood niya itong magluto ng agahan, kung maaari lang niyang saluhin ang responsabilidad na nararapat nitong gawin, malamang ay siya na ang sumalo.
Ang lalim ng buntonghininga ni Edric nang mag-angat ng mukha. "Whatever happens, always remember to protect the Helderiet Woods. The family can protect themselves, but it is your responsibility to guard this place."
Napanguso dahil doon si Sigmund. "Sabi nga ni Gaspar saka ni Poi 'yan, Daddy. Sabi nila, dapat i-friend ko na lahat ng mga nasa Helderiet Woods kasi someday matutulungan nila ako. Pero friends ko naman yung mga shifter sa labas tuwing gabi."
"That's better."
"May schedule pala kami sa Historical Commission, Dad. Puwede kang sumama?" Hinarap na naman siya ni Sigmund habang magkadaop ang mga palad nito. "Please, please, please?"
"You said Zephy and Willis will join you in your school meeting, right?"
Mabilis namang tumango si Sigmund sa kanya.
"Then I'll go with you."
♦♦♦
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top