2. Human



Hindi naging madali ang adjustment para sa buong Prios ang pagkawala ng chairman at ng numen, lalo pa't hindi na maganda ang estado ng nakalabas na testamento sa Prios Building. Usap-usapan na ng mga halimaw sa buong Prios kung talaga bang ipapalit sa posisyon ng chairman si Edric. Pero si Edric na rin mismo ang nagsasabing patayin na lang siya kung siya lang din naman ang papalit.

Para sa kanya, hindi siya karapat-dapat para sa posisyon. Lumaki sa digmaan at gulo si Edric.

Minsan sa buhay niya, nakita niya kung paano patayin ang sariling ina sa mismong harapan ng kalaban nila.

Minsan sa buhay niya, naghintay siyang mapalaya ang ama mula sa pagkakakulong nito.

Minsan sa buhay niya, naglingkod siya sa pamilya nang higit pa sa dapat niyang paglilingkod sa mga ito. Personal,

mas malapit sa mga ito, at halos buong araw pa ang pagsisilbi.

Sa murang edad, nakamulatan na niya ang gulo.

Sa murang edad, alam na niya kung gaano kabigat umako ng responsabilidad bilang bahagi ng pamilya.

Ayaw niyang maulit ang nangyari noon na bata pa lang siya, pinupuwersa na siyang gumawa ng imposibleng bagay. Bata pa lang, sinasabi na ng lahat na siya ng Hinirang—ang anak ng Pulang Hari, ang magliligtas sa kanilang lahat sa kamay ng mga kalabang lipi.

Isang pitong taong gulang na batang bampira na hinihingan ng responsabilidad para akuin ang buong pamilya.

Hindi niya naintindihan iyon. Hindi niya alam kung bakit siya ipasasagupa sa mga kalaban nila gayong wala siyang nagawa noong namatay ang sariling ina.

Ayaw niyang iasa sa kanya ang buhay ng mga nasa paligid niya dahil hindi siya diyos para kargohin ang lahat dahil lang sinasabi nilang hinirang siya ng Ikauna—kahit pa ang katotohanan ay tadhana ang pumili sa kanya at ang isinumpang espada ng pamilya.

Dalawang linggo nang walang chairman ang Prios. Kung negosyo ang usapan, wala silang problema. Gumagana ang lahat na para bang walang nawala. Kumikilos ang mga kompanyang nasa ilalim ng Prios Holdings gaya ng nakasanayan. At sa pagkakataong iyon, kung maaari lang na may umako ng posisyon ng chairman, malamang na may aako niyon. Sa kasamaang-palad, wala ni isa sa kanila ang may karapatang iluklok ang sarili para sa sariling interes. Hindi sa ganoon tumatakbo ang buhay ng pamilya.

Pinipili ang karapat-dapat. Pinipili ang hindi gahaman sa kapangyarihan. Pinipili ang nilalang na kaya silang iligtas sa paparating na sakuna.

Ngunit sa kasamaang-palad, hindi silang piniling iligtas ng napiling magligtas sa kanilang lahat. At iyon ang malaki nilang problema.

Ilang buwan ding nakakulong si Edric sa Grand Cabin. Hindi na rin naman siya nagreklamo nang gawin siyang personal nurse ni Chancey noong nabubuhay pa ito. Kung tutuusin, mas gumaan ang trabaho niya noong nasa mansiyon siya. At wala na rin naman siyang magagawa kundi manatili roon sa mas matagal na panahon pa.

Nilalakad ni Edric ang lobby ng Prios building. Unti-unting nagbabalik ang lahat sa normal kahit pa nararamdaman nilang lahat ang malakas na presensiya ng testamento sa mataas na bahagi ng gusali.

Malamig sa loob gaya ng nakasanayan, ngunit hindi naman iyon ramdam ni Edric kaya isang maroon dress shirt na bukas ang dalawang butones sa itaas at black trousers lang ang suot niya. Isinuklay naman ang gintong buhok na hanggang dibdib ang haba ngunit dahil kusang natuyo sa hangin matapos maligo, lumugay lang iyon nang may ilang tikwas pa. Nawala na rin ang dating tapang sa mga mata niya. Wala ang gana kung titingnan ito mula roon. Para bang may malaking nawala rito na hindi nito agad natanggap.

Alas-otso ng umaga, kung tutuusin ay oras ng tulog niya. Pero sa nakaraang tatlong buwan, oras iyon ng pag-aalaga niya kay Chancey. Nakasanayan na niya na panonoorin itong makipaglaro sa alaga nitong soro na si Reed at umupo sa may veranda kasama siya. Sa ganoong oras din kasi natutulog ang chairman kaya siya ang nagbabantay sa asawa nito.

"Mr. V, good morning!" masayang bati ni Zephy nang salubungin siya paderetso sa may elevator. Nakasuot ito ng puting gypsy blouse na off-shoulder at ipinares sa olive green pencil-cut skirt. May bitbit itong clipboard sa kaliwang braso habang may hawak na sign pen sa kanang kamay. Hindi siya pinansin ni Edric, tumuloy lang silang dalawa sa elevator.

Sapat ang loob ng elevator para sa dalawampung katao. Gawa iyon sa pilak at may kakayahang pigilan ang kapangyarihan ng mga taga-Prios kung sakali mang gamitin nila sa loob. Patuloy lang si Zephy sa pagtitingin sa notes na nasa clipboard bago nagsalita sa katahimikan nila ni Edric.

"Mr. V, nag-check ako ng schedule mo today, hindi ka pa dapat papasok until the next day, according sa naunang schedule na ipinaayos ng chairman. For now, ako muna ang magiging secretary mo habang hindi pa available sa office mo ang supply natin ng mga tao."

Nag-angat agad ng tingin si Zephy at matamis na nginitian si Edric.

Patay-malisya naman ang bampira sa sinasabi ng katabi niya.

Huminto ang elevator sa 19th floor at nauna nang lumabas si Edric bago si Zephy. Ilang buwan din niyang hindi nadalaw ang opisina dahil hindi siya puwedeng umalis nang hindi kasama ang numen. At hindi rin naman nadaan si Chancey sa Prios sa mga panahong iyon.

Malinis ang opisina, wala halos laman ang mesa, maayos ang sofa set sa kanang gilid katapat ng king-size bed na madilim na pula at itim ang kulay. Napatitig agad si Edric sa itim na teddy bear na naroon at prenteng nakahiga sa mga pulang unan.

"Mr. V, since tapos na ang service mo for the numen, tatanggap na ang opisina mo ng medical and accounting reports para sa Bernardina. May natitira pang two months sa annual contract ng pagde-deliver ng dugo sa Grand Cabin for the late Mr. Phillips. Probably, hindi na rin ipahihinto ng office ang delivery since ang ibinigay sa 'king memo ay doon pa rin daw kayo magsi-stay kasama ni Master Sigmund Phillips. Hindi raw nila puwedeng alisin ang baby sa loob ng Helderiet Woods kasi delikadong ilayo sa lupa nila ang anak nina Chancey."

Balisa na naman si Edric habang nakikita ang unang regalo sa kanya ng numen noong nakabalik sila galing South.

"We're still looking for a nanny for the kid since bawal ang mga immortal sa loob every night. Hindi rin allowed ang walang permission, even Eul. Nag-try sila ng mga tao sa loob pero guarded daw ng seal ang Cabin kahit sa mga tao. Magpapa-schedule ako ng visit sa Grand Cabin to personally check the seals para mai-report kay Poi at sa Historical Commission. In case lang na may mai-refer silang nanny para sa baby nina Chancey."

Sa dami ng sinabi ni Zephy, ni isa roon ay walang inintindi si Edric.

Natatandaan pa niya kung ano ang madalas nilang pag-awayan noon ni Chancey.

Sekretarya.

Alam ni Chancey kung paano silang kumain na mga bampira. Ultimo nga ang asawa nito, iniinom din ang dugo ni Chancey.

Pero iyon naman ang hindi maintindihan ni Edric. Pinipigilan siya ni Chancey na biktimahin ang mga pagkain dapat niya. Ilang dekada na niyang ginagawa iyon at tatlong taon siyang pinigilan ni Chancey sa kung paano ba siya dapat kumakain. Tatlong taon niyang tiniis ang ginagawa nitong pagbuhay sa mga sekretarya niyang dapat pinakikinabangan niya ang dugo. Pero nitong nakaraang tatlong buwan, wala siyang sekretarya. Siya pa ang ginawang sekretarya ng sekretarya lang dati ng chairman.

Pero wala naman siyang pinagsisisihan. Si Chancey naman kasi ang nagluluto ng pagkain niya sa Grand Cabin.

Kaso iyon nga ang dapat niyang sanayin sa pagkakataong ito. Iyong wala nang magluluto ng pagkain para sa kanya. Wala na ring pipigil para kumain siya kung paano ba niya gustong kumain.

"Mr. V, magpapaakyat po ba ako rito ng blood supply saka steak for lunch?"

Sekretarya.

Tumalikod na siya at bakas sa mata niya ang walang ganang mabuhay. Wala rin namang makakasisi sa kanya at sa ikinikilos niya dahil higit kaninuman, siya ang higit na nawalan sa lahat.

Dere-deretso lang siya kay Zephy na tutok sa clipboard nito habang nasa tapat ng oval glass office table niya.

"Ang secretary ninyo, the day after tomorrow pang dadating so—Mr. V!" Ang lakas ng tili ni Zephy nang bigla siyang hawakan sa leeg at puwersahang iangat ni Edric gamit ang isang kamay.

Pinandidilatan ng mata ni Zephy si Edric. Nahulog niya ang clipboard nang wala sa oras sa sobrang takot. Napakapit agad siya sa kanto ng office table para hindi masakal nang sobra.

Damang-dama ni Edric ang bilis ng tibok ng puso nito maging ang amoy ng dugo nitong bumilis ang pag-ikot sa buong katawan.

"Human . . ." umaangil na aniya nang hindi man lang ibinubuka nang malaki ang bibig at habang magkadikit lang ang mga ngipin sa itaas at ibaba.

Kung ano ang ikinalaki ng mga mata ni Zephy ay iyon naman ang ikinapungay ng kay Edric. Lalong tumatapang ang amoy ng dugo sa hangin habang tumataas ang dugo ni Zephy sa sobrang nerbiyos.

"Mr. V . . . g-gusto n'yong ku-kumuha ako ng . . . ng lunch sa ibaba?" kinakabahang tanong ni Zephy habang nakahawak sa mesang alanganin niyang inuupuan.

Pinakatitigan ni Edric ang babaeng sakal-sakal. Inuutusan niya itong sundin ang lahat ng iuutos niya. At gaya ng dati, kabilang na roon ang paligayahin siya maliban sa inumin niya ang dugo nito.

"Mr. V . . . please . . . ngayon? Gusto n'yong magtawag ako ng sekretaryang iba?" alanganing tanong ni Zephy habang nakangiwi sa kanya.

Napangiwi rin siya at nagsalubong agad ang mga kilay.

Tinitigan na naman niya ito nang mabuti. Mas matiim, mas tutok.

"Do what I say, human . . ." pabulong niyang utos dito para mawalan ito sa tamang huwisyo at sumunod sa lahat ng gustuhin niya—gaya ng ginagawa niya sa mga nauna na niyang sekretarya.

"A-ano'ng ga-gagawin, Mr. V?" nalilitong tanong ni Zephy habang nararamdaman ang pagluwag ng pagkakasakal ni Edric sa kanya.

"I said . . . do what I say . . . don't you hear me, useless human?"

"O-oo nga, Mr. V . . . a-ano nga'ng gagawin?" pag-uulit na naman ni Zephy na nagpabagsak ng gana ni Edric sa ginagawa.

"Can't you hear me?" naiirita na niyang tanong at ang nakasakal na kamay niya sa leeg nito ay bumitiw saka patulak na dinuro ang noo ni Zephy. "Are you freaking deaf?"

Lumundo ang ulo ni Zephy paatras. "Aray naman, Mr. V, ha!" Nasapo niya ang noo. "Tinatanong din kita kung ano ang gagawin ko, paulit-ulit ka. Fault ko? Fault ko? Hindi ko talaga—ay, inay!"

Nagitla si Zephy nang pagbagsakan siya ng palad ni Edric sa magkabilang hita niya. Dama niya ang vibration ng glass table kung saan siya nakaupo dahil sa ginawa nito.

Lalong nanlaki ang mga mata niya nang itapat nito ang mukha sa kanya. Halos manduling pa siya habang nakatitig sa pulang mga mata ni Edric. Mas umangat pa tuloy sa hangin ang amoy ng dugo niya dahil sa triple nang nerbiyos.

"Kiss me," utos ni Edric.

"Ha?"

Nagtaas agad ng kaliwang kilay ang bampira. "Didn't you hear what I said, human?"

Biglang nagbuntonghininga si Zephy saka ngumiwi. "Mr. V, magpapatawag na ako ngayon ng ibang secretary mo. Gutom lang 'yan. One moment." Akma sanang bababa sa mesa si Zephy pero hinawakan siya ni Edric sa kanang pisngi at walang ano-ano'y nakita na lang niya ang sariling nakaharap dito at magkalapat na ang labi nilang dalawa.

Isang segundo lang siyang hindi nakapag-react at ang sumunod na segundo ay isang malutong na malutong na sampal ang naibigay niya rito bago siya lumayo nang bahagya.

Sa sobrang gulat sa ginawang paghalik sa kanya ni Edric, kusa nang lumipad ang kamay niya sa pisngi nito. Pero iyon pa ang mas nagpalala ng gulat niya.

Kung anong ikinalaki ng mata niya ay ganoon din ang ikinalaki ng mata ni Edric nang sampalin niya ang bampira.

Naiwan lang na nakaawang ang mga bibig nila sa gulat dahil sa nangyari. Ni hindi na nga nagawang huminga ni Zephy habang nakatitig sa pulang mga mata ng lalaki.

"How . . . dare . . . you . . . human?" marahang sinabi ni Edric habang pinandidilatan ng mata si Zephy.

"Sorry, Mr. V!" Biglang tumalon paalis sa mesa niya si Zephy at kumaripas ng takbo papuntang elevator. Nag-panic pa siya habang paulit-ulit na pinipindot ang close button ng pinto para lang hindi siya mahabol ni Edric.

Pero kung nagulat siya sa ginawa, di-hamak na mas nagulat si Edric sa nangyari.

Unang beses—sa unang pagkakataon, maliban sa numen na hindi naman purong dugo—may isang taong nakasampal sa makinis niyang makuha.

Dahan-dahan niyang inilipat ang masama niyang tingin sa elevator na kasasara lang.

"Human."


♦ ♦ ♦

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top