14. The Vow


Kahit paano, kilala naman ni Zephy si Edric. Kung impormasyon tungkol sa pagiging Vanderberg nito ang tatanungin, malamang sa malamang ay may isasagot siya.

Kayang-kaya niyang kalkalin ang lahat ng records sa Historical Commission tungkol sa mga gaya nitong bampira. Pero habang tumatagal na kasama niya ito, lahat ng alam niyang ugali nito ay unti-unting nababago sa pananaw niya.

Inaya siya nitong kumain ng hapunan kahit alas-otso pasado na ng gabi at lumamig na ang pagkain niya. Hindi na ito nag-abala pang magbihis at natuyo na lang sa hangin ang buhok. Hindi na rin siya nakapagbihis at ipinatong na lang sa ibabaw ng side table katabi ng pintuan ang bihisan niya.

Ang tingin noon ni Zephy sa mga bampira tuwing kumakain, kalat-kalat ang dugo sa bibig at parang mabangis na hayop kapag may nilalapang tao. Pero habang nakatitig siya kay Edric—sa paraan kung paano ito marahang maghiwa ng hilaw na karne gamit ang gintong kubyertos, at kung paano itong uminom nang mabini sa wine glass kahit pa dugo ang laman ng baso—kung hindi lang niya alam na isa itong bampira, masasabi niyang lumaki nga ito sa marangyang pamilya.

"Mr. V, kung sakali lang na magutom ka tapos wala kang pagkain, kakainin mo ba 'ko?" inosenteng tanong ni Zephy nang maubos na ang hapunan niya.

"Do you have a cat?" tanong nito na nagpakunot ng noo niya. Napatitig siya sa natitirang piraso ng karne sa plato nitong hinihiwa pa rin bago sa mukha ni Edric na tutok lang sa hinihiwa nito.

"Sa bahay ko, may alaga akong pusa. Tatlo sila."

"Do you provide food for them?"

"Um-hmm," pahimig na sagot niya habang tumatango.

"Is it your responsibility to look after them?"

"Kapag wala akong trabaho."

"Are they something you adore?"

"Cute naman silang lahat."

"Do you eat them?"

"Ha?" Nagsalubong ang kilay ni Zephy sa tanong na iyon. "Bakit ko naman kakainin 'yon, e mga alaga ko 'yon?"

"Then don't ask me such ridiculous questions." Iniladlad ni Edric ang puting table napkin at pinunasan ang bibig niya. "How was the kid?"

"Si Sigmund?" nalilito pang tanong ni Zephy at sinundan ng tingin si Edric na katatayo lang. "Three days na siya sa Bernardina. Naka-monitor uli siya kasi umiinom na siya ng dugo. One week daw muna siya roon, sabi ni Doc Las. Just in case lang na magtuloy-tuloy."

"So the witch's kid is a vampire. Fascinating."

Papunta na uli sa direksiyon ng banyo si Edric. Pinanood lang ito ni Zephy na pumasok doon at wala pang tatlong minuto ay lumabas na uli at pumunta sa walk-in closet nito na katabi lang din ng banyo.

Gusto nang umuwi ni Zephy pero hindi niya alam kung paano iyon sasabihin kay Edric. Naiilang siya sa presensya mismo ng kastilyo ng Winglov. Kompara sa Grand Cabin, walang-wala ang karangyaan ng mansiyon sa kastilyo ng mga bampira.

Doon pa lang, nauunawaan na niya kung bakit itinatanggi ng mga bampira na inaangkin ng mga ito ang Helderiet Woods. Hindi niya maisip kung para saan pa ang pag-angkin sa gubat na iyon kung sa Winglov pa lang, halos hindi na magkitaan ang mga nakatira doon sa sobrang laki ng buong lugar.

Kuwarto pa lang ni Edric, tatlong pinagtabi-tabing silid na ng kuwarto sa Grand Cabin. Malaki kompara sa kung saan sila tabi-tabing natutulog kasama ang anak ni Chancey.

Paglabas ni Edric sa closet, nakasuot na ito ng itim na pantalong maluwag. Iyon lang at mukhang nakapagsuklay na rin kahit paano dahil deretso na ang bagsak ng gintong buhok nito.

"I requested your toiletries, and you are welcome to use them in the bathroom," paalala ni Edric at ibinagsak ang katawan sa kama niya.

"Thank you, Mr. V." Tumayo na si Zephy at tinungo ang side table para kunin ang mga damit niya. Pero hindi pa siya nakakalapit doon ay naunahan na siya ng itim na usok. Nanlaki ang mga mata niya nang lumipad ang mga gamit palapit sa kama. "Mr. V, magbibihis na 'ko!"

"You'll stay here tonight," utos ni Edric at itinakip ang kanang braso sa mga mata.

Napabuntonghininga na lang si Zephy dahil nakuha na niya ang sagot sa tanong niya. Hindi siya makakaalis ng Winglov sa gabing iyon. At wala siyang laban sa pagkakataong iyon dahil ayaw niyang mag-eskandalo sa tahanan ng mga bampira para lang tantanan siya ni Edric. Masyado na siyang maraming atraso sa araw na iyon para magdagdag pa ng panibagong kahihiyan.

Seryoso nga si Edric sa sinabi nitong may mga sarili na siyang gamit sa banyo. Nakalatag na agad ang mga iyon sa mahabang sink sa ilalim ng mahaba ring salamin na kulay itim. Hindi niya malinaw na nakikita ang sarili sa repleksiyon, pero ganoon lang ang mga salaming nagagamit ng mga bampira para makita ang mga sarili nila.

Paglibot pa lang ng tingin niya sa magkahalong pula at itim na marble wall at flooring ng banyo, sa lawak pa lang niyon, halos kasinlaki na iyon ng apartment unit niya noon. Kahit doon siya tumira, makakapagdala pa siya ng flat screen TV sa loob at ilang kitchenwares.

Napapaisip siya kung paano natagalan ng best friend niya ang pakikisama sa mga Vanderberg bilang asawa ng chairman. Hindi nga lang ganoon ka-espesyal ang trato nilang lahat kay Donovan kompara kay Edric, pero naiilang talaga siya sa mga Vanderberg bilang posibleng maging bahagi ng buhay niya.

Tanggap lang niya ang mga ito bilang mga katrabaho na hindi rin niya makikita pagkatapos ng eight-hour shift niya limang araw kada linggo. Wala sa hinagap niya na hanggang pagtulog, may makakasama pa siyang katrabahong literal na halimaw hanggang kama. Habang tumatagal siyang kasama ang mga ito, mas lalo niyang nararamdaman kung gaano kalaki ang agwat ng mundo niya sa mundo ng mga bampira.

Pagkatapos mag-ayos sa banyo, kahit gusto pa sanang magpalit ng damit ni Zephy, wala siyang magagawa kundi manatili sa malaking itim na damit at puting boyleg.

"Mr. V, kung masama pa rin ang pakiramdam n'yo, magpahinga na lang muna kayo. Matutulog na rin ako para maaga akong makaalis bukas," paalala niya at dumeretso na sa kama sa dulong kanan ng kuwarto kung saan katabi niya ang mga teddy bear ni Edric.

Masasabi niyang may bahagi ang lalaki na madaling pasayahin, gaya na lang ng nasa pulang higaan na iyon. May walong malalaking teddy bear ang nakahiga roon—bagay na hindi niya inaasahang makikita sa kuwarto ng isang arogante at babaerong bampira.

Ang sabi ni Rorric sa kanya, kama iyon ng mga laruan ni Edric . . . at dating mga babaeng tao ang humihiga roon. Napalitan lang ng mga teddy bear ang kama dahil kay Chancey.

Si Chancey, ang best friend niya—ang sinasabi ng lahat na babaeng bukod tanging minahal ni Edric, at mamahalin nito habambuhay. Bagay na itinatanggi ni Edric dahil pinipilit nito na ang naramdaman sa numen ay dahil sa kapangyarihan nito bilang ada. Lagi nitong bukambibig na kinulam ito ni Chancey kaya nito nararamdaman ang sinasabi nilang pag-ibig sa numen.

Ni isang beses ay hindi niya narinig kay Edric na kinulam niya ito o may salamangka itong ginamit para habulin siya nito kahit nabubuwisit na siya.

Pagkain lang din ang tingin ni Zephy sa sarili niya kung ang pananaw ni Edric ang pagbabasehan niya sa posible niyang maging halaga. Kung magustuhan man siya nito, malamang na hindi iyon aabot sa kung ano ang naramdaman nito para kay Chancey.

Tahimik na si Edric kaya inisip niyang baka nakatulog na nga. Maigi na iyon para makapagpahinga na rin siya.

Paglapat ng katawan niya sa malambot na pulang kama, ni hindi na niya matandaang araw pala iyon ng kasal niya. Lahat ng pinangarap niya noon para sa sarili niya, parang naging biglaang bangungot sa loob lang ng iilang oras.

Wala ang groom niya sa eksaktong oras na dapat naroon ito sa kasal.

Halos hindi na siya makahinga sa wedding gown na simbigat ng dalawang maletang puno ng laman.

Sa tagal dumating ng groom niya, nagsipag-uwian na lang ang mga bisita nilang umaasa pa naman sa magandang seremonya.

At higit sa lahat, kung kailan naman nakarating na ang groom niya, duguan naman ito at mukhang mamamatay na.

Napapapikit na lang siya at nakukuyom ang unan kapag naaalala niya. Hindi niya alam kung ano pang mukha ang maihaharap niya sa board members na dumalo sa kasal niyang hindi naman natuloy.

Nagpapasalamat na lang siya at wala siyang inimbitahang kamag-anak. Hindi ugali ng pamilya sa Prios ang magtsismisan sa trabaho ukol sa buhay ng iba, pero sigurado siyang ganoon ang pamilya niya.

Habang abala sa pag-iisip ng mga kahihiyan, napadilat si Zephy nang bumigat ang likurang bahagi ng kama kung nasaan siya at dahan-dahang nanlaki ang mga mata nang may mabuong bulto sa tabi niya.

Gumapang ang kilabot sa buong katawan niya nang may brasong pumalibot sa kanyang baywang at hinapit siya nito. Dumikit ang likod niya sa dibdib nito na dahilan ng saglit na pagpigil niya sa hininga.

"Mr. V?" mahina niyang pagtawag dito nang maamoy ang shower gel nitong nagtatalo ang amoy maanghang at pakiramdam ng napakalamig na tubig. "Akala ko, nakatulog ka na."

"A few days ago, I visited a sacred shrine in the middle of the woods," halos pabulong nang sabi nito at napalunok na lang siya habang papikit-pikit.

Nararamdaman niyang lalo pa itong lumapit at nakadampi na sa buhok niya ang mukha nito.

"It was the cursed shrine of the Great Fae . . ."

Nanlaki ang mga mata ni Zephy nang mabanggit iyon. Naririnig niya ang tungkol doon sa Historical Commission, at sinasabi ng mga taga-Prios na si Helene ang Dakilang Ada na ina ni Eul.

Pero sa pagkakaalam niya, ayon na rin sa Komisyon, ang totoong may-ari ng titulo ay ang lola ni Chancey—si Adeline mula sa angkan ng mga Dalca.

"I sought her advice on a very important matter . . ."

Napariin ang pagkakatikom ng bibig ni Zephy. Mas nangibabaw sa kanya ang pag-uusisa sa sinasabi ni Edric. Kung ang pagbabasehan niya ay ang nalalaman niya mula sa Historical Commission, may idea na agad siya sa pagkawala ni Edric sa loob ng tatlong araw—malayo sa iniisip niyang pagtatampo nito sa kasal nilang tinatanggihan niya.

"She opened the first and second gates of a locked prison for me . . . and before it could reach this world, I had to eliminate the beasts confined in that cellar."

Nagsalubong ang mga kilay ni Zephy at napapaling siya paharap kay Edric. Binalot na siya ng kaba sa mga sandaling iyon, hindi na dahil katabi niya ito, pero dahil sa sinasabi nito.

"Ito ba ang dambana ng mga bantay ng gubat malapit sa Onyx?" nagtataka nang tanong ni Zephy, nakatingin sa namumungay na mga mata ni Edric na nakatitig na rin sa kanya.

"You're smarter than the witch," papuri nito.

"Mr. V, delikadong pumunta roon. Hindi 'yon basta-basta natatapakan kasi susugurin ka ng mga shifter na hindi under ni Poi. Nakausap mo ba si Bin? Si Johnny? Dumaan ka ba sa Onyx? May permiso ka ba?"

Ngumisi si Edric ngunit hindi mababakas ang tapang sa mga mata nito sa mga sandaling iyon. Kitang-kita sa paglabas ng maputing pangil nito ang tuwa habang nakatitig kay Zephy.

"Your perception surpasses my expectations. It's becoming increasingly appealing to me."

Bumaba ang tingin ni Edric sa mga labi ni Zephy at pinasada ang hinlalaki sa pang-ibabang labi ng dalaga.

"I shall never be touched by the nature guardians. My sword's strength is apparent to them. All I had to do was negotiate protection from them, and I'd be able to protect this land for as long as I could."

Napatingin sa sariling labi si Zephy sunod sa mukha ni Edric na parang may balak na namang gawin sa kanya. Nalilito na siya kung ano ba ang dapat isipin—kung ang ginagawa nito sa kanya o ang tungkol sa sinasabi nito.

"Mr. V, tungkol ba 'to sa testament? Sinasabi nila na may mangyayaring masama sa buong north. Totoo ba?"

Napahinto ang hinlalaki ni Edric sa gitna ng labi ni Zephy. Umangat ang paningin nito para magtagpo ang mga mata nila.

Bumigat ang paghinga ni Zephy dahil mukhang may balak pang sabihin si Edric na kailangan niyang seryosohin.

"I know you planned to leave us sooner or later," seryosong sabi ni Edric.

Nakatunog na si Zephy na tungkol iyon sa plano niyang pagre-resign kapag natapos na ang trabaho niya sa Prios.

"Mr. V, about that—"

"I prolonged the freedom of the numen's child as the chosen son of the prophecy as early as now. I will never let that kid go through what I went through for this family. The numen had put her trust in you to look after her child. So do me a favor, human. I'll give you everything you want . . . just stay with us."

♦♦♦

Kahit gustong makatulog ni Zephy ay hindi niya magawa. Katabi pa rin niya si Edric na natutulog habang nakadapa at nakasubsob ang mukha sa unan.

Matagal na niyang plano ang balak niya sa susunod na limang taon. Magre-resign siya sa trabaho, maghahanap ng pakakasalan, mamumuhay nang normal hanggang tumanda.

Wala na siyang problema sa pera. May sarili na siyang bahay sa kabilang bayan. Wala na siyang kailangang suportahan maliban sa sarili niya. Gusto na lang niya ng normal na buhay. Pero sa tingin niya ay mahihirapan siyang makamit iyon sa susunod na limang taon.

Marahan siyang umalis sa kama at nakita niya sa grandfather clock sa dulo ng kuwarto, malapit sa walk-in closet, na mag-aalas-dose ng gabi. Saglit siyang tumambay sa balcony at tinanaw ang rose garden sa ibaba. Maaliwalas ang langit at kitang-kita ang kalangitan at mga bituin.

Nayakap niya ang sarili habang nararamdaman ang natural na lamig ng hangin.

Noon, pangarap lang niyang maging ganoon kayaman at tumira sa ganoon kagarang palasyo. Pero ngayong naroon na siya at nararanasan ang lahat, napagtanto niyang hindi pala iyon ganoon kadali, lalo na kung hindi pinaghirapan. Hindi niya matanggap na mayroon siyang karapatan para maranasan ang karangyaang iyon.

Ang lalim ng buntonghininga niya nang maisip na kailangan niyang alagaan ang anak ni Chancey nang mas matagal pa sa limang taon.

Papayag naman siya kahit hindi na siya tanungin. Si Sigmund na lang ang alaala ni Chancey na naiwan sa kanila. Pero sa uri ng pamumuhay na mayroon ang buong Prios, duda siya kung aabot pa ba siya ng isandaang taon gaya ng mga imortal na katrabaho niya. Kaya niyang alagaan ang bata sa susunod na sampu o dalawampung taon. Pero hindi na siya sigurado kung makakaya pa niyang lumampas pa roon hindi gaya kina Eul na ilandaang taon na ring nabubuhay.

"Loving the view?"

"Hah!" Halos mapatalon sa gulat si Zephy at napasapo sa dibdib dahil sa nagsalita. Ni hindi man lang niya naramdaman o narinig na lumapit si Edric. Ang lakas ng kalabog ng dibdib niya at bigla pang hiningal nang wala sa oras. "Mr. V, huwag ka namang nanggugulat."

Eksaktong pagtalikod niya para sana umalis, ipinatong agad ni Edric ang magkabila nitong palad sa balustre ng balkonahe, eksakto sa magkabilang gilid niya para harangin siya. Bahagya pa itong yumuko para magpantay ang taas nila.

Napakunot ang noo ni Zephy dahil natatawa pa nang mahina si Edric dahil sa pagkagulat niya.

"You know, I can smell if you're nervous. Your blood is rising."

"Paanong hindi tataas ang dugo ko, nanggugulat ka," naiinis na niyang sagot sa lalaki.

"Can't sleep?" tanong nito.

Napabuntonghininga si Zephy at malungkot na napayuko. Naalala na naman niya ang tungkol sa sinabi ni Edric.

"Mr. V, alam mo namang tao ako, di ba? Hindi ko kayang mabuhay nang sintagal ng buhay n'yo." Nag-angat na siya ng mukha at nasalubong ang pulang mga mata ni Edric na lalo lang kumikinang sa ilalim ng maliwanag na buwan.

"Are you going to leave the kid?" seryosong tanong nito, at kinakapa ni Zephy kung may galit ba sa salita nito, pero wala.

Hindi niya inalis ang titig kay Edric pero umiling siya para sabihing hindi niya iiwan si Sigmund.

Ngumiti naman si Edric. Napaatras si Zephy nang isang hakbang nang lumapit ito at nagdampi na naman ang mga labi nila. Tumama ang baywang niya sa balustre at nakulong na siya roon nang tuluyan.

Dumaan ang malamig na hangin ngunit tinalo iyon ng init na nararamdaman niya sa katawan.

Napahawak na siya sa balikat ni Edric para alalayan ang sarili. Lalong lumalim ang halik nito na mariin din niyang tinugunan.

Malamig ang bawat dampi niya sa balat nito ngunit kabaligtaran iyon sa ibinibigay nitong init sa kanya. Walang pananakot sa halik nito. Hindi niya nararamdaman ang pamimilit sa ginagawa nila. Sa loob-loob niya ay parang napakatagal nilang hindi nagkita at binabawi ng malalim na halik ang mga oras at araw na nasayang para sa kanila.

Naghahabol siya ng hangin nang bahagyang lumayo sa lalaki.

"Are you going to leave me?" pabulong na tanong ni Edric.

Muling nagtagpo ang mga tingin nila at naramdaman ni Zephy ang bigat ng tanong na iyon para kay Edric. Kahit pa inaasahan niyang sasagot siya ng oo, kusa nang sumagot ang katawan niya at napailing para sabihing hindi.

Mas naging sinsero ang ngiti nito at hinalikan na naman siya. Magaan ang dampi ng labi nito, nag-aanyaya ng katiwasayan. Mas banayad na iyon sa pagkakataong iyon—at kataka-taka para sa kanyang uminit nang bahagya ang maliit na peklat niya sa bandang dibdib.

Iniyakap niya ang mga braso sa batok ni Edric at walang kahirap-hirap siya nitong binuhat at ipinalibot ang mga binti niya sa baywang nito.

Pilit niyang isinisingit sa isipan na isang bampira si Edric, na maraming posibleng mangyari dahil sa ginagawa nito sa kanya, na baka ginagamitan lang siya nito ng kapangyarihang hindi niya alam . . . ngunit paglapat ng katawan niya sa malambot na higaan at sandaling paghiwalay ng mga labi nila, hinahanap niya sa mga mata nito na pinaglalaruan lang siya nito gaya ng iba.

Pero hindi niya iyon nakita kahit anong hanap niya.

Tinititigan siya nito na para bang siya ang pinakamagandang bagay sa buong mundo nang mga sandaling iyon at nagagalak itong makita siya nang malapitan.

Idinampi nito ang malambot na labi sa dulo ng labi niya, sunod sa pisngi, sa ibaba ng panga. Humugot siya ng hangin nang dahan-dahang bumubukas ang bawat butones ng damit niya.

Ibinabalik niya sa isipan na gaya ng ibang mga babaeng sekretarya nito, pagkatapos ng gabing iyon, baka humandusay na lang siya sa sahig na wala nang buhay. Na hahatakin na lang ang katawan niya palabas ng kuwarto nito at ipakakain na siya sa ibang bahagi ng pamilya.

Ngunit bawat dampi ng labi ni Edric sa katawan niya, lahat ng pangamba niya ay bigla-bigla na lang nawawala.

Nakagat niya ang labi nang lumantad kay Edric ang katawan niyang hindi niya masasabing tatapat sa lahat ng babaeng ibinigay niya para dito noong nasa trabaho pa siya. At wala siyang ibang katawang maibibigay rito kundi iyon lang na nakikita nito sa mga sandaling iyon.

Napapikit na lang siya habang hinihintay ang masakit niyang kapalaran. Gumagapang ang init ng hininga nito sa may leeg niya pababa sa ibabaw ng dibdib. Naipon ang kakaibang init eksakto sa simbolong nakaukit sa bandang itaas ng kaliwang dibdib niya.

Bumilis ang pagsagap niya ng hangin nang maipon ang init na iyon at kumalat sa buo niyang sistema. Inaasahan niyang magiging marahas ang sandaling iyon at magmamakaawa siya para sa sariling buhay, ngunit sa bawat haplos ng mga palad ni Edric habang may mahina itong ibinubulong sa bawat pagdampi ng labi nito sa katawan niya, pakiwari niya'y isa siyang isang santo na taimtim nitong sinasamba.

Muling malalim na paghinga at pagtapat muli ng mga mukha nila, bumulong ito sa tapat mismo ng mga labi niya.

"I will give you half of my life if you agree to this. I will pledge to protect you and provide you with whatever you desire. You will spend the rest of your life with me, together with that child."

Matunog ang naging paglunok ni Zephy, at sa pagkakataong iyon, wala siyang ibang makapang sagot kundi pagtanggap sa kasunduang iyon.

"Do you agree with this deal, Zephania?"

Marahan siyang tumango at sinapo ang kanang pisngi ni Edric.

"I do."

♦ ♦ ♦

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top