13. Chasing Game


Tipikal para kay Edric ang magpaalam kung may gagawin, ngunit hindi ito madalas na nagsasabi kung ano ba talaga ang gagawin nito.

Matapos siyang dalhin sa sariling kuwarto, inilapag agad siya sa sariling kama at dinala naman si Zephy sa kanang bahagi ng silid niyang may isa ring higaan para sa mga teddy bear niya.

Inobserbahan ni Rorric kung ano ba ang may likha ng mga sugat sa katawan ng panganay niya. Kumunot ang noo niya nang paraanan ng palad ang ibabaw ng mga ito. Nararamdaman niya roon ang kapangyarihan ng mga halimaw ng Helderiet.

"This is made by a shifter. Did he fight those nature guardians?" tanong ni Rorric habang nakatingin sa iilang mga kasama niya sa silid ng anak.

Kung may mga nilalang ang norte na hindi nila kahit kailan tatangkaing labanan, iyon na ang mga bantay ng gubat ng Helderiet.

Kulang-kulang tatlong dekada na rin mula nang bigyan nila ng responsabilidad si Donovan Phillips na harapin at kontrolin ang mga bantay ng gubat dahil hindi ito tinatablan ng lason ng mga halimaw roon.

Pero patay na si Donovan Phillips. Wala na rin si Chancey para kontrolin ang mga halimaw ng Helderiet Woods. Hindi malaman ni Rorric kung bakit kailangang harapin ng anak niya ang mga bantay ng gubat.

Pagkarating ni Eul bago pa man tuluyang lumubog ang araw, sinabihan na agad siyang magiging matagal ang pagpapagaling sa sugat ni Edric dahil may lason ang mga iyon. Dalawang oras din ang inabot at nagpapasalamat si Eul dahil hindi ganoon kalakas ang lason na nasa katawan ni Edric para maubusan siya ng sariling lakas.

"Eul . . ." Eksaktong katatapos lang ni Eul sa pagpapagaling sa mga sugat ni Edric nang magising si Zephy.

"Mabuti na ba ang pakiramdam mo?" nakangiting tanong ni Eul na nagliligpit sa malapit na wooden chair ng mga dala niyang gamit para sana sa trabaho. "Pinalitan ng mga maidservant ang gown mo. Hindi ka yata nakahinga sa sikip ng corset. Nagpakuha na sila ng damit na kasukat ng sa iyo. Ihahatid nila iyon dito sa oras ng hapunan kasabay ng pagkain mo."

Mariing nagdikit ang mga labi ni Zephy at napatingin sa suot niya. Simpleng itim na long-sleeved shirt lang iyon na lampas sa kamay niya ang haba ng manggas. Hindi niya masasabing kay Morticia dahil mas malaki ang sukat niya kaysa rito. Hindi rin niya masabi kung nagsusuot ba si Morticia ng dress shirt na gaya niyon. Sa tabas ng tela at sa laki nito, masasabi niyang damit ni Edric ang ipinasuot sa kanya. Tinakpan na lang ng kumot ang ibabang bahagi ng katawan niya habang wala pa siyang ibang bihisan.

"Ayos na ba si Mr. V?" malungkot na tanong niya kay Eul habang nakatingin sa lalaking bampira na nakahiga sa kama nito, di-kalayuan sa hinihigaan niya.

"Kung hindi siya prinotektahan ng kapangyarihan ng espada, malamang na mamamatay siya nang maaga. May lason sa mga sugat niya, pero mababang uri lang iyon at madaling gamutin. Sa ngayon, mas mabuti na ang lagay niya at magiging maayos na siya paggising. Nasa kanya na lang din kung may sakit pa siyang iniinda na hindi ko kayang pagalingin."

Binitbit na ni Eul ang itim niyang messenger bag at matipid na nginitian si Zephy. "Hindi ka muna hahayaang sumabay sa hapunan ng mga Vanderberg. Naaamoy ng pamilya ang dugo mo. Magpapadala naman ang Red King ng hapunan mo rito, huwag kang mag-alala."

"Thanks, Eul."

Pinanood na lang muna ni Zephy na makalabas ng kuwarto si Eul bago siya lumapit sa higaan ni Edric.

Hindi madalas magbukas ng ilaw tuwing gabi ang binata kung kaya't lampshade lang ang liwanag sa loob. Hindi pa ganoon kataas ang buwan para umasa sa liwanag nito.

Titig na titig lang si Zephy kay Edric nang maupo siya sa wooden chair, doon sa pinaglagyan ng gamit ni Eul na katabi ng kama. Wala pa ring pantaas si Edric at hanggang sa balikat nito ang pagkakatakip sa pulang duvet.

Masasabi ni Zephy na magaling talagang manggamot si Eul pagdating sa mga malalang sugat ng pamilya. Iyon lang, sa insurance company ito nagtatrabaho bilang general manager at hindi sa Bernardina. Magiging magaling sana itong doktor kung sakali man.

"Mr. V . . ." Sinubukan niyang tawagin si Edric at umaasang magigising ito pero hindi ito umimik. Araw ng kasal nila at hindi na niya alam kung ano ba ang dapat maramdaman sa araw na iyon. Pero sigurado na siyang wala ni katiting na galit o tampo sa mga pakiramdam na naghahalo-halo sa damdamin niya kung sakaling tanungin man siya.

Ilang minuto lang din ang lumipas nang pumasok ang dalawang maidservant. Tulak-tulak ng isa ang food trolley na may lamang ilang tray para sa hapunan niya at ang isa ay may bitbit na mga damit. Walang sinabi ang mga ito at inilapag na lang sa mesa sa dinette na malapit sa pintuan ang mga pagkain. Sa isang upuan naman ang mga damit para kay Zephy. Lumabas na rin ang mga ito pagkatapos.

Malalim na buntonghininga at pakiramdam ni Zephy, nasa maling lugar siya. Napapayuko na lang siya habang naghihimas ng mga palad at naghihintay na magising si Edric.

Walang ibang laman ang utak niya kundi paninisi sa sarili. Napakamalas niyang tao at ganoon pa ang nangyari sa araw ng kasal niya. Kung tatanungin man siya kung itutuloy pa ba ang kasal sa ibang araw, malamang na tatanggi na siya.

Nakapagsuot naman na siya ng wedding gown. Nakita na niya ang venue ng kasal. May mga dumalo pa rin kahit na wala siyang inayang kamag-anak. At masasabi niyang may bahagi ang Prios na suportado naman siya kahit isa lang siyang tao at mababang uri ng nilalang kaysa sa mga halimaw na bumubuo roon.

Unti-unti nang tumataas ang buwan at sumisilip na ang liwanag nito mula sa balkonahe ng silid ni Edric. Nagsisimula na ring kumalat ang liwanag sa kalahating bahagi ng kuwarto. Ipinatong ni Zephy ang mga braso sa side table at yumukyok sa tabi ng bukas ng lampshade.

Pagod na pagod ang buong sistema niya sa araw na iyon. Nagpapasalamat siya at nasa Bernardina lang ang anak ni Chancey habang inoobserbahan kung hanggang kailan ito iinom ng dugo.

Bumibigat na naman ang mga mata niya at nagbabadya ng malalim na pagtulog nang mapadilat uli dahil sa narinig. Pag-angat niya ng ulo at pagtingin sa kanang gilid, gumalaw na ang kumot ni Edric at inilabas nito ang magkabilang braso mula roon.

"Blood . . ."

"Mr. V?" Naalerto si Zephy at lumapit na sa kama.

"I need blood." Basag pa ang boses nang magsalita uli si Edric. Bumangon na rin ito habang himas-himas ang batok.

"Blood?" Inalok agad ni Zephy ang kanang palapulsuhan.

Napahinto sa paghimas ng batok si Edric at sinimangutan lang ang nakalahad na braso sa harapan niya. "I said I need blood."

"Gusto mo, sa leeg na lang?" Inurong pa ni Zephy ang kuwelyo ng suot na dress shirt para ipakita ang leeg niya.

Inirapan lang siya ni Edric at unti-unti na naman itong natunaw para maging itim na usok.

"Mr. V!" Hinabol ng tingin ni Zephy ang usok hanggang sa mabuo na naman ang katawan ni Edric sa harapan ng mababang wooden cabinet. Ngunit pagsilip niya roon, mini ref pala ang binuksan nito na puro nakahilerang bote ng dugo ang loob. "Mr. V, ayos na ba ang pakiramdam mo?"

Wala itong isinagot. Tinungga lang ang buong bote, at nang masaid ang lahat ng laman ay ipinatong sa ibabaw ng mesang kadikit ng ref. Hindi pa man nakakapagdagdag ng tanong si Zephy ay dumeretso na sa kanang panig ng silid si Edric at pumasok sa banyo na naroon sa dulo.

Nakagat ni Zephy ang labi at mas lalo lang naramdaman na nasa maling lugar siya. Hindi niya masabi kung galit ba si Edric, kung masama pa ba ang pakiramdam, kung hirap bang magsalita, kung may dinaramdam pa ba na hindi nagamot ni Eul—hindi niya alam.

Lumipas ang ilang minuto. Lalo lang tumaas ang buwan habang tumatagal, sinasakop na ng liwanag nito ang bahagi ng silid na malapit sa kama, eksakto sa itim at gintong récamier na may mababang sandalan.

Gusto na niyang umuwi. At dahil gising naman na si Edric, puwede na siyang magpaalam dito. Malamang na manghihingi na lang siya ng service kay Rorric para ipahatid siya sa Bernardina bago bumalik sa Grand Cabin. Mas gusto na lang niyang nasa gitna ng gubat at mag-isa, kaysa naroon siya sa Winglov na parang maling-mali ang pagtatagal niya sa kastilyo ng mga bampira.

Alam naman niyang walang mananakit sa kanya sa Winglov, pero alam din niyang magiging malaking abala para sa mga bampira kapag naamoy ng mga ito ang sariwang dugo niya. Mga Vanderberg pa ang mapipilitang magpigil ng mga sarili para sa kanyang bisita lang naman.

Tumayo na siya at tinungo ang dinette. Sinilip niya ang hapunan doon at masasabing pangmamahaling restaurant pa ang putaheng inihanda para sa kanya. Isda iyon na nasa puting sauce, may ilang gulay, at tinapay rin. Lemon juice naman at tubig ang inumin.

Kapag hindi bampira ang mga bisita ng mga Vanderberg, iniiwasan ng mga itong maghain ng kahit anong pulang karne o putaheng may pula o madilim na sarsa.

Hindi man iyon pinapansin ng lahat, pero malaking bagay para kay Zephy na kinokonsidera ng mga Vanderberg ang kung anong kinakain ng kanilang mga bisita na hindi bampira.

Maaaring sabihin ng iba na mga arogante at matataas ang tingin sa sarili ng mga ito, ngunit pagdating sa konsiderasyon sa mahahalagang nilalang ng norte, isa ang mga Vanderberg sa may matataas na respeto sa mga naninirahan sa buong rehiyon.

Wala rin namang nabalitaan si Zephy na may namiminsalang bampira sa buong hilaga noong tao pa lang ang tingin niya sa lahat ng nakatira sa Prios. Pero sigurado siya sa balitang lahat ng sekretaryang nag-a-apply sa Prios ay hindi na nakikita pa kahit na kailan.

Iyon nga lang, sa pagkakataong iyon, alam na alam na niya ang dahilan gawa ng siya na mismo ang kumukuha sa mga sekretaryang iyon bilang pagkain ng buong pamilya.

Inayos niya sa pagkakatakip ang mga pagkain dapat niya at kinuha na lang ang mga damit na bigay para sa bihisan niya.

Itim na puff-sleeved blouse iyon na puwede ring gawing off-shoulder gaya ng hilig niyang suotin. May white slacks din na medium ang size at cotton undies. Nagpapasalamat siya dahil hindi lacy ang ibinigay para sa kanya. Naisip niyang hindi na nangialam doon si Twailla, dahil kung ito ang papipiliin ng bihisan niya, malamang na kahit ang susuotin niyang bra ay marami pang disenyo na hindi naman makikita kapag nagdamit na siya.

Niyakap niya ang mga bihisan, at pagtalikod niya, eksaktong kalalabas lang ni Edric mula sa banyo. Tumutulo na ang tubig sa mahabang buhok nito at nakatapis ng tuwalya ang baywang pababa, mukhang katatapos lang nitong maligo.

"Mr. V, babalikan ko na si Sigmund sa Bernardina. Magpapahatid na lang ako sa entrance ng Grand Cabin."

Wala pa rin itong sinasabi pero isinenyas nito ang kamay para lumapit siya rito.

"Mr. V?"

Pabagsak itong naupo sa récamier at para bang kumikinang ang gintong buhok nito sa liwanag ng buwan kasabay ng mga kristal ng tubig na tumutulo mula sa dulo ng bawat hibla.

Napahigpit ang pagkakayakap ni Zephy sa mga bihisan niya nang lumapit sa binatang bampira. Hindi siya makaramdam ng kaba, sa halip ay hiya dahil wala man lang siyang nagawa noong dumating ito sa Winglov na puro sugat at duguan.

Tumayo siya sa dulo ng mahabang upuan at bahagyang yumuko. "Mr. V, may kailangan ba kayo?"

Ikinumpas na naman nito ang kanang kamay para lumapit siya. Nakagat niya ang labi nang humakbang.

"Mr. V, kung—ah!" Napatili siya nang hatakin nito ang kaliwang braso niya.

Nahulog sa carpet ang mga bihisan niya at nakita na lang ang sariling inaayos ni Edric ang puwesto niya sa kandungan nito.

Sa isang iglap, dumoble ang bilis ng tibok ng puso niya habang kuyom-kuyom ang magkabilang kamaong nakatapat sa dibdib. Sa sobrang gulat niya, napandilatan niya si Edric habang napapalunok.

"They canceled the wedding," sabi ng lalaki nang maiayos ang pagkakaupo niya paharap sa kaliwang gilid nito.

Hindi ito amoy malansang dugo. Mas lamang na ang amoy ng menthol dito at panlalaking shower gel. Lalong nakuyom ni Zephy ang suot na damit.

"Mr. V . . ." Ang dami niyang gustong sabihin pero hindi niya alam kung saan at ano ang dapat simulang salita.

"You're more cuddly than my stuffed animals," kaswal na sabi ni Edric, mahinang kinukurot ang kanang hita ni Zephy.

Napasimangot tuloy si Zephy dahil maliban sa puting boyleg na naiwan sa suot niya nitong kasal nila, itim na dress shirt lang ang meron siya sa mga sandaling iyon—at hindi pa kanya ang damit.

"Mr. V, huwag mo nga akong pisilin," reklamo niya, tinatapik nang mahina ang kamay ni Edric. "Huwag 'yang fats ko ang pag-initan mo. Marami kang teddy bears doon sa kabilang kama."

"Do you want to reschedule the wedding?" biglang tanong nito na nakapagpahinto sa kanya sa pag-awat dito. Pagtitig niya sa pulang mga mata ni Edric, seryoso ang mga iyon na nakatitig sa mga mata niya.

Hindi siya agad nakasagot. Parang makinang na ruby sa sinag ng buwan ang mga mata nito. Alam niyang ginagamit iyon ng mga bampira para manghipnotismo ng mga tao, pero sa mga sandaling iyon, hindi niya masasabi kung gumagana ba ang kapangyarihan ng mga ito sa kanya. Sa ibang dahilan kasi siya nahihinoptismo ng mga titig nito.

Napailing na lang siya bilang sagot bago nagbuntonghininga. Napaiwas siya ng tingin sa lalaki at nakutkot ang isang butones ng suot na damit sa bandang tiyan.

"Nakapagsuot na ako ng wedding gown saka nakita ko na ang venue. Okay na ako roon, Mr. V. Ayoko nang abalahin uli sina Boss Rorric sa isa pang kasal."

Pagsulyap niya kay Edric, tahimik lang itong nakikinig sa kanya. Napaiwas na naman siya ng tingin at nagkutkot

ng butones. Hindi siya makakilos nang maayos sa puwesto. Nakaalalay pa naman ang kamay nito sa kanang hita niya. Ganoon niya kung minsan itong naaabutan kapag may kandong pang sekretarya. Hindi niya lubos maisip na hahantong siya sa puntong siya naman ang malalagay sa ganoong posisyon na kakandungin nito.

"Mr. V, baka nabibigatan ka na sa 'kin," nahihiyang sabi niya pagsulyap uli kay Edric. "Hindi naman ako kasing-slim ng mga sekretarya sa Prios para kandungin mo."

"You're anxious. I can smell you."

Lalo lang nakagat ni Zephy ang labi niya at mas yumuko pa. "Mr. V, hindi ko alam kung dapat mo ba akong pagtuunan ng pansin. Sinasabi naman nila sa 'king hindi mo ako sasaktan. Pero para kasing nakokonsumo ko na ang oras mo kaysa gumagawa ka ng bagay na lagi mo namang ginagawa—"

"Look at me," putol nito sa kanya. Kaya kahit hindi pa lubusang nauunawan ang sinabi nito, kusa na siyang nag-angat ng mukha dahil sa gulat.

Mas lalong sumeryoso ang tingin nito pagtagpo ng mga mata nila.

"Kiss me."

Biglang bumigat ang paghinga niya at napapikit-pikit nang marinig na naman ang utos na iyon mula kay Edric. Humigpit ang pagkakakurot niya sa butones na nilalaro sa damit habang nakatitig nang deretso sa lalaki.

Nagdadalawang-isip siya kung susundin ba si Edric o hindi. Pero sigurado naman siya na wala sa pagpipilian niya ang pagtanggi.

Nanginginig ang labi niya nang dahan-dahang lumapit kay Edric para sundin ang inutos nito sa kanya. Naibaba niya ang tingin at bahagyang nakabuka ang mata para makita kung saan ba dapat idampi ang mga labi niya.

Nagpigil siya ng hininga nang maramdaman din ang paghinga ni Edric eksaktong pagtapat ng mga labi nila. Naikuyom niya ang mga kamao, pinag-iisipan kung idadampi na ba ang labi niya sa labi nito.

Napapikit siya nang mariin at mabilis na umiwas.

Naipaling niya ang mukha sa kaliwa habang binabalot ng init ang buong mukha.

"Sorry, Mr. V."

Inaasahan niyang magagalit ito pero ilang segundo lang ay naramdaman niya ang paggalaw nito habang mahinang tumatawa. "Human."

"Ah!"

Napatili si Zephy nang maliksi nitong inalalayan ang likod niya hanggang mapahiga siya sa récamier. Eksakto pa ang ulo niya sa maliit na puwesto para sa higaan ng ulo roon. Napalunok na naman siya nang masilayan nang harap-harapan ang mukha ni Edric. Nakangisi ito sa kanya gaya ng ngisi nito kapag nakakakita ng interesanteng bagay sa paligid.

"I was supposed to read your mind, human . . ." pabulong na sabi ni Edric habang ipinapasada ang kaliwang

hintuturo sa pakahong panga ni Zephy. "But you always kept me in the dark about your thoughts, which I loathe."

Binalot ng kaba si Zephy dahil sa sinabi ni Edric. Lalo lang niyang naramdaman na malaki ang atraso niya rito mula pa noong nasampal niya ito sa opisina.

"Mmm!" Pigil siyang napatili nang ilapit ni Edric ang mukha sa kanya. Ngunit gaya ng ginawa niya, huminto lang ang labi nito sa tapat ng labi niya.

"Yet, I can smell your emotions," bulong nito at halos magtama ang mga dulo ng labi nila sa bawat banggit nito ng salita. "I can smell your fear . . . I can smell your blood rushing . . . and the more you try to avoid me . . . the more I enjoy pursuing you down. Let's see if you're worth the chase . . . Zephania."

Mabilis na naging usok si Edric at napapikit-pikit na lang si Zephy habang halos mapigtal na ang paghinga niya dahil sa nangyari.

"You haven't finished your meal yet, human. I'll make a request for my food. Dine with me."

♦ ♦ ♦

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top