12. The Wedding
Tatlong araw na ang lumilipas pero hindi pa rin nila nakikita si Edric. Wala itong ibang sinabi kung saan pupunta maliban sa mayroon nga raw pupuntahan.
Bihirang umalis ng norte si Edric. Bihira din siyang lumibot sa buong rehiyon nang walang mabigat na dahilan. Huli itong umalis at walang ibang nakahanap ay noong pumunta ito sa timog para sunduin si Donovan sa gitna ng masukal na gubat.
Ngunit wala na itong susunduin sa timog. Wala rin silang alam na ibang pupuntahan nito. Sa ikalawang araw na wala ito ay sumangguni na ang mga Vanderberg sa Augur para mahanap si Edric. Pero ang sinabi lang ng mga ito ay nasa loob lang din ng norte ang binata at hindi naman lumabas ng rehiyon. Maging si Gaspar ay iyon din ang sinabi dahil nararamdaman nito ang presensiya ni Edric malapit sa Prios.
Pero nalibot na nila ang norte sa loob ng dalawang araw, at wala ni anino ni Edric ang nasilayan nilang lahat.
Umaga ng ikatlong araw, abala na ang lahat sa pag-aayos ng isa sa tatlong hardin ng Winglov kung saan gaganapin ang kasal nina Edric.
Nasa kastilyo na si Zephy, at nagsisimula na ring magsidatingan ang ibang bahagi ng pamilya na interesadong masaksihan ang kasal.
Mula sa ikatlong palapag ng kastilyo, tanaw mula sa balkonahe ang hardin sa ibaba. Nasa loob ng malaking silid si Zephy habang pinalilibutan ng mga tauhan ni Twailla.
Hindi pa man niya nasasabing engrande ang kasal nila, sa itsura pa lang ng kuwarto ng Winglov na pagkataas-taas ng kisameng may mural ng digmaan, sa mga kurtina nitong matataas din na kulay pula at may mga gintong haligi, maging sa carpet na tinatapakan na may magandang burda ng mga puti at pulang rosas—damang-dama na niyang hindi lang siya basta magpapakasal sa isang lalaking mayabang at babaero. At sa lagay na iyon, isang blangkong
silid lang na walang nakikinabang ang lugar kung saan siya aayusan.
"Kinakabahan ka ba, Zephy?" nakangiting tanong ni Twailla, hinahawi ang puting kapa ng suot ng mahabang gown. Kumikinang ang mamahaling bato sa magarbong damit sa bawat galaw nito, lalo pa't pumapasok na ang araw mula sa balkonahe.
"Twailla, wala pa rin si Mr. V?" nag-aalala nang tanong ni Zephy. Hindi na niya maiwasang kutkutin ang panali sa baywang ng suot niyang pulang bathrobe.
Walang isinagot ang Twailla. Matipid lang itong ngumiti at nagkibit-balikat.
Hindi nakatulong ang pananahimik ni Twailla. Nanlalamig na si Zephy habang nalilito na kung ano ang unang iisipin. Wala pa si Edric. Naghahanda na ang lahat. Pagtingin niya sa wedding gown na susuotin, napanganga na lang siya nang alisin ang takip doon.
Noong sinabi ni Twailla na hindi siya nito dadamitan ng simple, masyado itong seryoso para isipin niyang nagbibiro lang ito.
May sampung babaeng taga-Arachnids ang tumulong para ayusan siya. Mukhang alam din ni Twailla kung ano ang magugustuhan ng mapapangasawa niya kung kaya't nag-utos na ito na maging natural lang ang makeup niya at hindi gaanong makapal.
Pinusod ang kulot na buhok niya at nilagyan ng maliliit na puting bulaklak. Nag-iwan lang ng ilang buhok na nakalugay sa bandang patilya niya. Matapos ayusan, hindi niya masabing may makeup siya dahil sa malayuan ay wala rin namang nagbago sa mukha niya maliban sa pink na labi gawa ng lipstick.
Pinahubad na sa kanya ang bathrobe at walang ibang naiwang saplot sa kanya maliban sa puting panloob. Isinuot na agad sa kanya ang pang-itaas na bahagi ng gown. Puting corset iyon na kailangan pang hatakin ang mga tali sa likod para maisara.
Habang nakaharap sa malaking salamin, makailang beses na sumimangot si Zephy habang pataas nang pataas ang dibdib. Kada hatak nina Twailla sa tali ay kailangan niyang mag-ipon ng hangin dahil iniipit talaga nila ang tiyan niya. Halos lumuwa ang dibdib niya sa strapless sweetheart neckline na disenyo ng corset.
Kahit gusto na niyang magreklamong sumisikip na ang bandang tiyan niya ay hindi niya magawa. Hinahatak pa rin kasi nina Twailla ang damit niya para ipitin siya sa loob nito.
Inabot sila ng pitong minuto sa pagsusuot pa lang ng itaas na bahagi ng gown.
Pigil na pigil ang paghinga ni Zephy habang sapo-sapo ang tiyan. Mabibilis at maiikli ang bawat buga niya ng hangin dahil hindi niya kayang huminga nang mas mahaba pa. Pakiramdam niya ay makakalas ang tali ng damit niya sa likuran.
"Twai, hindi ba 'to masikip?" tanong niya habang naghahatak na ng pang-ibabang bahagi ng gown.
"Niluwagan ko na 'yan," sagot ni Twailla na bitbit na ang karugtong ng corset.
Niluwagan. Napangiwi si Zephy sa narinig. Hindi na siya makahinga nang maayos . . . at niluwagan pa nga sa lagay na iyon.
Itinali sa baywang niya ang makapal na bahagi ng gown. Pagsuot niyon sa baywang niya, naramdaman agad niya ang bigat nang maitali na iyon nang dalawang ikot sa katawan niya. Sa tantiya niya ay parang pinagsuot siya ng belt bag na may apat na kilo ang bigat.
Pagtingin niya sa salamin, para na siyang may suot na kurtina sa baywang.
"Twai, ang kapal naman nit—" Hindi pa siya natatapos sa sinasabi ay may bitbit na naman si Twailla na panibagong puting tela na makintab ang klase. "Para saan 'yan?"
Ngumiti lang ito at isinuot na naman sa baywang niya.
Habang tumatagal, pangiwi na pangiwi si Zephy dahil nadagdagan pa ng dalawang kilo ang bigat ng ibabang bahagi ng gown niya.
"Grabe, para akong naglalakad na laundry basket." Paglingon niya kay Twailla, may dala na naman itong mas mahaba nang tela—at literal na mahaba dahil iyon na ang pinaka-train ng gown niya. At kinailangan pa ng apat na tao para lang ilatag iyon at mabuhat palapit sa kanya.
"May idadagdag pa ba pagkatapos niyan?" sarkastiko na niyang tanong dahil nakakatatlong patong na sila ng laylayan sa katawan niya.
"Meron pa, yung belo."
Napapikit na lang siya at napasapo ng mukha dahil hindi na niya alam kung makakababa pa ba siya sa lagay na iyon.
Gusto lang niya ng gown na simple at maganda. Iyon nga lang, wala sa bokabularyo ni Twailla ang salitang simple.
Umaga pa lang, mas stressed na si Zephy sa wedding gown niya kaysa sa pag-iisip kung maikakasal ba talaga siya. Nang matapos sila ay sinabihan nang bumaba dahil sisimulan na raw ang kasal pagsapit ng alas-dos ng hapon.
"Dapat sa first floor na lang ako nagbihis," reklamo ni Zephy dahil wala pa sila sa hagdan ng ikatlong palapag ay hinahabol na siya ng punas ng mga maidservant dahil sa pagpapawis. Malamig naman sa loob ng Winglov ngunit hindi pa rin maiwasan ng katawan niya ang mapawisan gawa ng suot.
"Si Mr. V, dumating na?" tanong niya sa mga tagapagsilbing nakasunod sa kanya.
"Wala pa si Master Edric, Miss Zephy," sagot ng isa sa mga butler na nasa kanan niya at umaalalay.
"Wala bang sinabi kung anong oras siya babalik?"
"Walang idea ang pamilya, Miss Zephy, pasensiya na."
Nakapagsuot na siya ng wedding gown. Pababa na siya ng engrandeng hagdan. Kung pangarap lang naman ang tatanungin, natupad na ang mga iyon para sa kanya. Pero kung masaya ba siyang matupad iyon o nagagalak sa okasyon, walang pagdadalawang-isip niyang isasagot ang hindi.
Sa malaking pintuan pa lang ng kastilyo paglabas nila, tanaw na tanaw na niya sa malayong kaliwa ang malaking itim na dome. Likha iyon ng kapangyarihan dahil wala naman iyon doon bago ang paghahanda.
Kahit masusunog sa araw ang pamilya ng pakakasalan, pinili pa rin ng mga itong ituloy ang seremonya sa umaga para lang sa kanya. Alam niyang mas gugustuhin ng mga itong idaos ang seremonya sa gabi ngunit walang pagdadalawang-isip siyang pinagbigyan ng mga Vanderberg.
Hindi na niya alam kung may karapatan pa ba siyang magreklamo sa lahat ng ginawa ng mga Vanderberg para lang sa kasalang iyon. Wala siyang matandaang ginawa o kontribusyon doon maliban sa paulit-ulit na pagtanggi sa kasal at paghahanap kay Edric na ilang araw nang wala.
"Zephy!" masayang bati sa kanya ni Zagan na nakaabang na sa harapan ng kastilyo ng Winglov.
"Uy! Buti nakarating ka!" Patakbong lumapit sa kanya si Zagan at inabang na agad ang kanang kamay para alalayan siya sa paglalakad.
"Dumaan ako kasi may balita ang mga seer sa Augur. Nakabalik na raw si Mr. V. Nararamdaman na nila ang presensiya niya sa Prios."
"Talaga?" Nabuhayan ng loob si Zephy dahil dumating na ang hinihintay nilang lahat.
"Ang sabi ng Red King, dumeretso na tayo sa venue para mahintay siya roon."
"Tara na!"
Tuwang-tuwa si Zephy pagdating niya sa venue. Walang pumapasok na sinag ng araw mula sa matataas na hedge. Pagtapak niya sa arkong puro puting rosas, bumungad sa kanya ang lumulutang na dilaw na ilaw sa itaas. Gumagala ang mga iyon at paikot-ikot na nagsisilbing liwanag nila.
Mahahaba ang mga upuan sa magkabilang gilid na may mga puti at pulang bulaklak sa bawat dulo. Nakalatag naman ang mahahabang puting tela sa bawat haligi na nilagyan ng disenyo ang paraan ng pagtupi.
Tumutugtog na ang orkestra sa gilid ng malumanay na musikang pangkasal. Magagara ang suot ng mga naroon. Ilang beses na rin niyang nakitang nakaputing tuxedo si Rorric pero unang beses niyang makitang magsuot ng puti si Morticia. Hapit na hapit sa katawan nito ang suot na bestidang hanggang sahig ang haba. Mahaba ang manggas at hanggang leeg ang kuwelyo. Simple lang ang gown nito at walang ibang disenyo maliban sa gintong kuwintas na may pulang bato sa gitna—na gusto niyang sana ay ganoon na lang ang ginawa ni Twailla para sa kanya.
"Human," simpleng pagbati ni Morticia sa kanya at hinagod siya ng tingin. "You look . . ." Nagtaas pa ito ng kilay pagbalik ng tingin sa mukha niya. "You look like a tomato dipped in melting butter."
Naibaling agad ng dalagang bampira ang tingin kay Rorric na matipid lang ang ngiti habang nakatingin sa ibaba—halatang ayaw salubungin ang tingin ng mga naroon. "Father, what can you say about the human?"
Nagbuntonghininga lang si Rorric at nag-isang tango bago sila tinalikuran.
"Father, I'm afraid my brother won't like her. She appeared to be a living piece of steak." Humabol na si Morticia sa ama na papunta sa itinayong altar para sa kasal.
Maliban sa sanay na si Zephy sa panlalait ni Morticia sa lahat ng bagay sa mundo, naniniwala naman siya sa sinabi nitong para siyang kamatis na ibinabad sa mantikilya. Pawis na pawis na siya at hirap pang huminga.
Ang sabi ng mga mata ay nakabalik na si Edric at bihirang magkamali ang mga ito. Sumapit na ang oras ng kasal at nakaabang na silang lahat sa entrada ng hardin.
Saglit na binigyan si Zephy ng pansamantalang pahingahan na gawa sa madilim na pulang usok ni Rorric.
Wala kasi siyang mauupuang maayos gawa ng makapal na patong ng mga damit.
"Father, I can feel my brother's power approaching the castle. So, what's the hold-up?" naiinip nang tanong ni Morticia habang namamaywang at nakasimangot sa bungad ng hardin.
Wala ring maisagot si Rorric dahil nararamdaman din nito ang kapangyarihan ng anak ngunit hindi niya matukoy kung nasaan ang eksaktong lokasyon nito.
"He could be getting ready for the wedding. Let's give him a few minutes to arrive."
Naririnig ni Zephy na nasa malapit na raw si Edric. Nagsabing maghintay nang ilang minuto.
Ang ilang minuto, napalitan ng isang oras.
Ang isang oras, inabot na ng dalawa.
Bumababa na ang araw at nagsisimula nang magsiuwian ang ibang bisitang dumalo.
"Mauuna na kami, Rorric," paalam ng isa sa mga imortal nilang bisita. "Huwag kang mag-alala. Umaasa pa rin kaming matutuloy ang kasal. Nararamdaman ko ang presensiya ng batang iyon sa paligid."
Ang bigat ng paghinga ni Zephy habang malungkot ang mga mata. Nakatitig lang siya sa mga bisitang isa-isa nang umaalis dahil dapat ay kanina pa tapos ang kasal nila.
Umalis na si Zephy sa kinauupuan at sumabay na sa paghatid sa mga bisita nila palabas ng hardin.
"Sorry po sa abala, Madame Amari," nahihiyang paumanhin ni Zephy sa isa sa mga board member na madalas niyang makausap.
"It'll be fine, sweetheart. By the way, you look stunning. This day could have been better for you." Ngumiti ito sa kanya at sinapo ang pisngi niya nang marahan.
"Thank you, madame."
Kahit bigat na bigat sa damit ay hinatid pa rin niya ang ibang bisita palabas dahil hindi makalalabas mula roon sina Rorric nang walang pamandong laban sa araw.
"Kapag dumating si—"
Natigilan sa sinasabi si Zephy nang makarinig silang lahat ng malakas na kulog mula sa langit. Pagtingala nila roon, kahit tirik ang araw ay may gumapang na kidlat sa ibabaw ng malawak na lote ng kastilyo.
"Ah!" Napatili na lang sila nang biglang may sumabog sa kung saan at pagkurap nila ay may pabagsak nang kung ano sa direksiyon ng kastilyo.
Sinundan nila iyon ng tingin habang mabilis ang pagbulusok mula sa himpapawid. Paglapag nito sa makinis na sahig ng lote, mabilis ang naging paggulong nito at napahinto lang nang makarinig silang lahat ng matinis na tunog mula sa kinakayod na marmol.
Saka lang nila napagtantong hindi iyon isang bagay nang huminto ito sa paggulong at biglang umubo ng dugo.
"Edric!" sabay-sabay nilang sigaw nang makilala ito.
Nabitbit ni Zephy ang mabigat na laylayan ng suot na wedding gown at tumakbo na sa gitna ng malawak ng harapan ng kastilyo.
Ang bilis ng tibok ng puso niya habang nakikita ang binatang bampira na nabitiwan na ang hawak nitong espada at hinihingal na napahilata sa marmol na sahig kung saan ito bumagsak.
"Mr. V! Ano'ng nangyari sa 'yo?!" Lumuhod siya sa tabi nito habang panay ang hawi sa telang naipon sa harapan.
Wala man lang itong pantaas at punit na ang pormal na pantalon nito. Akma na sana niya itong hahawakan ngunit napakarami nitong hiwa at kalmot na natuyuan na ang iba ng dugo at sariwa naman ang iba pa. Hindi rin niya mahawakan ang ulo nito dahil nagdurugo rin ang mga tainga nito at ilong.
"Mr. V . . . a-ano . . . tulong!" sigaw niya sa lahat. "Tulungan n'yo si Edric!"
"Am I . . ." Naghahabol ng hangin si Edric habang paubo-ubo. ". . . late . . . human?"
Nanginginig ang kamay ni Zephy nang takpan ang bibig habang nagpipigil ng iyak.
"Tulong!"
Natutulala na lang si Zephy habang pinalulutang ang katawan ni Edric gamit ang kapangyarihan ng isa sa mga bisita. Pinatawag na si Eul papunta sa Winglov kahit na bantay dapat ito ng building ng Prios habang ginaganap ang seremonya.
Walang may alam kung ano ang nangyari kay Edric o kung saan man ito nagpunta. Sunod-sunod na nagbukasan ang itim na mga payong habang sinusundan nila ang katawan ni Edric papasok sa loob ng kastilyo.
Ang daming nangyayari, hirap na hirap sa paghinga si Zephy dahil sa nasasaksihan at hindi rin nakatulong ang suot niya para sa maayos na daluyan ng hangin. Wala pa man sila sa pintuan ng kastilyo ay nanlabo na ang paningin niya at nawalan ng lakas ang mga tuhod bago tuluyang bumagsak.
"Zephy!"
♦ ♦ ♦
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top