xxxiv. Firstborn
Aminado akong natatakot pa rin ako sa mga monster na hindi ko kilala sa Helderiet at kahit sa Prios, pero hindi sila ang ine-expect kong monsters na pang-horror movie na nangunguha ng tao.
Si Edric, nangunguha naman talaga ng tao, pero hindi naman siya mukhang character sa horror movie. Mas mukha siyang character sa mga medieval movie na sana hindi na nakatapak pa sa ganitong panahon kasi hindi siya nakakatuwa, as in.
Lumaki ako sa gubat. Tao at hayop lang ang kinikilala ng mata ko. The rest ng weird-looking entity, sa TV ko lang nakikita. Malay ko bang may existing palang mga gaya nina Mr. Phillips na kasama pa naming nagtatrabaho sa isang kompanya.
Masama ang loob ko kay Mr. Phillips. Hindi naman super masama, pero nakakainis kasi siya. Laging ikakatwiran na pinoprotektahan ako sa pamilya niya pero lagi ring sinasabing desisyon ng pamilya ang ginagawa niya. Parang tanga kasi.
"O, nandito na sina Mrs. Serena," paalala ko mula sa tinatambayan kong entrance ng Cabin. Nag-stay siya sa living room kasi umaangat na ang araw, hindi siya makakatapak sa puwesto ko sa verandah. Sunog ang aabutin niya kapag tinangka niyang lumapit sa 'kin.
Sina Lance, maiintindihan ko pa kung nagsisilbi sa pamilya nila. Kung pamilya ang nagpapasahod sa kanila, kahit din naman ako, maninikluhod din kahit ayoko, magkapera lang. Pero ibang kaso na kasi ngayon. Pagkatapos ng desisyon nitong pamilya na 'tong pakialamero na masyado sa buhay ko, wala na rin akong trabaho.
So, ano'ng gagawin ko sa buhay ko? Balik sa umpisa? Sila ba ang nahihirapan sa posisyon ko? Palibhasa, mayayaman sila, hindi nila problema ang pagkain at matitirhan. Uupo lang sila sa conference room para sabihing kailangang patayin ang gusto nilang ipapatay kasi unidentified pa para sa kanila. Sila ngang unidentified din naman para sa 'kin at alam kong hindi mga tao, nag-suggest ba 'kong mamatay na rin sila? Sila naman yung mga monsters in the first place, hindi naman ako.
Sina Lance, Mrs. Serena, at Eul, alam kong nasa iisang pamilya lang sila ng mga imortal. Pero iba-iba sila ng bloodlines.
Anak ng imortal at anak din ng ada si Eul, pero iba nga raw kasi ang teritoryo ni Helene. At may sariling kakayahan si Eul na iba sa mga ada kaya gaya ko, nahirapan din siyang hanapan ng classification. Ang kaibahan lang namin, alam ng pamilyang anak siya ng imortal. Ako, maliban sa anak ng ada, hindi pa sila sigurado kung anak nga ba ako ng tao.
"Miss Chancey, anong ginagawa mo rito?" bungad na tanong sa 'kin ni Eul at inalok ang kamay niya para akayin ako patayo sa dulo ng mababang hagdan ng verandah.
"Kakausapin ka raw ni Mr. Phillips," sagot ko na lang na malayo sa tanong niya. Siguro naman, may karapatan akong sumagot nang hindi nila tinatanong kasi ganoon din naman sila at madalas pa.
"Sabi nga niya." Sinabayan ko na sila papasok sa loob.
Kumalat na naman sa bungad ng loob ng Cabin ang mga maid. Napapansin kong araw-araw, walang nauulit na mukha sa kanila. At hindi sila nagsasalita, puro sila blangko ang tingin. Mag-a-assume na ako na kinokontrol din sila para hindi mag-usisa at ang gagawin lang ay sumagot nang sumagot kapag tinanong ni Mrs. Serena.
Nagtipon-tipon sila sa living room, at pumuwesto ako pasandal sa may dingding para makinig.
Napansin kong tiningnan ako ng gintong mata ni Mr. Phillips kaya hindi siya agad nakapagsalita.
"Chancey . . ."
"Sabihin mo na kung ano'ng kailangan mong sabihin," seryoso kong utos sa kanya.
"But this is—"
"Mamili ka: makikinig ako o lalabas ako ngayon ng Cabin at doon ako maglalaro sa gubat."
"Miss Chancey," magkasabay pang pag-awat nina Lance at Eul.
Si Mrs. Serena, deretso lang ang tingin sa harapan, nagtaas ng mukha nang bahagya at hindi ko alam kung mas gusto bang sa gubat na lang ako kaysa makinig sa kanila. As if namang hindi ko alam na gusto niya talaga akong mamatay agad.
"Okay. Stay here," pagsuko ni Mr. Phillips.
Ayoko nang lahat na lang, nililihim. Nakakaumay na ang ginagawa ko na lang, sumunod sa kanya kasi sumusunod lang din siya sa gusto ng iba para gawin niya. Ayoko n'on. Mabuti sana kung siya ang puno ng desisyon e, kaso hindi. May mas puno pa. At ang nakakainis sa lahat, yung puno ng desisyon, unreasonable pang magdesisyon! Ang tanga talaga isipin.
"Poi announced the last clause of the First's Testament," panimula ni Mr. Phillips. Komportable pa siyang sumandal sa couch habang iniisa-isa ng tingin sina Eul. "The First's child will take the Helderiet back to the Dalcas."
"Ngunit walang anak ang Ikauna, Mr. Phillips," sagot agad ni Mrs. Serena. "Kaya nga binalewala na ng pamilya ang clause na iyon."
"Pero umayon ang pamilya roon, Serena," sagot ni Eul. "Hindi lang 'yon pirmadong kasunduan. Dugo ang lagda ng bawat pamilyang pumayag. Lahat ng lalabag sa kasunduan ay may parusang matatanggap. Walang lugar ang pagbabalewala sa usaping ito."
Umirap lang si Mrs. Serena sa sinabi ni Eul.
"Chancey is his firstborn," pag-amin ni Mr. Phillips na nagpalalim sa paghinga ko. "Poi told the whole family about this."
"Pero imposible iyon, Mr. Phillips!" tili ni Mrs. Serena. Mabilis pa niya akong nilingon at lalo akong pinanlisikan ng mata. "Anak siya ng isang Dalca! Imposibleng maging anak siya ng Ikauna!"
"The First wanted to return what the family stole from the Dalcas. The Helderiets didn't agree to return the stolen land, so he made a pact with Quirine. He did it just to recompense the family's responsibility. He left this place hundred years ago and traveled through this time. Marius agreed to return the land to Quirine and Chancey, unfortunately, the Vanderbergs prevent it from happening. They killed Marius and threw the Dalcas out of their own land."
"Mamamatay ang mga ada kapag nawala sila sa sarili nilang lupa, Mr. Phillips. Alam ng lahat ng pamilya iyon," katwiran ni Lance. "May paraan si Quirine Dalca para bawiin ang kanya kung totoo ngang anak ng Ikauna si Miss Chancey. Puwede siyang pumunta sa Prios para ilaban ang testamento ng Ikauna. O hanapin niya si Eulbert sa Jagermeister para ilakad sa board ang paglaban sa testamento."
Nanuyo ang labi ang lalamunan ko habang pinakikinggan sila. Ibig sabihin, totoo nga. Yung First na 'yon ang papa ko. At itong lahat ng ito . . . akin ito.
Pero mas hindi ko yata matanggap sa sarili ko ang sinabi ni Lance. Inutusan kasi ako ni Mama na pumunta sa Jagermeister noon dala yung mga gintong susi na para pala sa Cabin.
Malay ko bang ito pala ang ibig sabihin n'on?
"That was why Poi left the board. Quirine let that to happen."
"Mr. Phillips, paano naman kayo nakasiguradong anak nga ng Ikauna ang babaeng ito?!" singhal na naman ni Mrs. Serena habang dinuduro ako.
Sa sobrang dami ng nalalaman ko, wala na akong panahon para magalit sa kanya. Mas nagagalit ako sa pamilya ng mga bampira dahil dito.
"Serena, the Seers looked for the First in this era," malungkot na sinabi ni Mr. Phillips. "He made Marius' painting . . . he married Quirine Dalca . . . they saw Chancey. The Seers saw the same. I asked you last time, and you said they stopped looking for him after a hundred years."
"Hindi . . ." Napasapo agad ng mukha si Mrs. Serena saka umiling. "Hindi. Hindi ito maaari."
"Pero, Mr. Phillips, kapag ibinalik na sa mga Dalca itong Helderiet, wala nang bampirang makakapasok dito—kahit kayo," paliwanag ni Lance. "Iyon ang kasunduan para maiwasan ang muling pagkuha sa lupa ng mga Dalca."
"I know," malungkot na sinabi ni Mr. Phillips. "That's why we're here. I'll be moving down south soon."
Sinulyapan ako ni Mr. Phillips. Ako na ang nag-iwas ng tingin. Ito yung pinag-aawayan namin kagabi pa.
Ibig sabihin, desidido na pala talaga siyang aalis siya.
"Reed!" sigaw ko agad nang tuloy-tuloy na lumapit sa 'kin yung pulang soro na inutusan ko kanina.
Kingat niya agad ang laylayan ng T-shirt ko at hinatak ako.
"Palayasin n'yo ang hayop na 'yan dito!" malakas na utos ni Mrs. Serena sa mga maid.
"Ako na'ng bahala!" pag-awat ko sa kanila bago pa nila itapon si Reed sa labas ng mansiyon. Kinarga ko na lang siya kahit sobrang bigat niya bago pa siya hulihin ng mga maid.
Sinabihan ko na 'tong fox na 'to na huwag papasok sa Cabin kapag naglilinis kasi maputik ang paa, pumasok pa rin. Lalo lang uusok ang ilong ni Mrs. Serena dahil sa putik sa sahig.
"Ay, sh—" Natigilan agad ako nang makita kong may tatlong katawang nakahandusay sa damuhan, malapit sa verandah.
Pinalilibutan ng maraming fox at coyote ang mga katawan. Nakatambay rin sa paligid ng damihan ang malalaking ibon.
"Ano'ng kaguluhan ito?!" sigaw na naman ni Mrs. Serena.
Lumapit ako sa tatlong katawang dala yata ng mga hayop. Nakasuot sila ng kulay brown na damit. Hindi naman camouflage pero mukha silang mga nagdamit ng puno. Tiningnan ko pa ang mga itsura nila. Nakanganga nang bahagya ang mga bibig nila at napansin ko agad na mahaba rin ang mga pangil. Pero hindi sila umuusok, baka hindi bampira. Dilat ang isa, kulay dilaw ang kulay ng mata. Pero hindi kasingginto gaya ng mata ni Mr. Phillips.
"Miss Chancey!" Hinarang agad ako ni Lance at hinatak palayo roon, pabalik sa verandah.
Si Eul ang tumingin kung buhay pa ba sila. Iniluhod niya ang kanang tuhod sa damuhan saka inobserbahan ang tatlo.
"Buhay pa sila," sabi agad ni Eul. "Pero base sa mga kagat nila sa braso, mukhang may lason silang nakuha. Hindi naman nakamamatay, pero sapat na para maparalisa sila base sa kulay ng ugat."
Haaay, mabuti naman. Nakahinga naman ako nang maluwag doon. Akala ko, nakapatay na sina Reed. O kahit pa napatay nila. Ako naman ang papatayin nila, so quits lang.
"Bakit narito ang mga iyan?" tanong ni Mrs. Serena habang nakatingin sa mga hayop.
"Ako ang nag-utos," sabi ko agad at bumalik ulit sa tatlong katawang nakahandusay roon. "Eul, anong klaseng nilalang sila?"
"Mga mabababang uri ng halimaw, Miss Chancey. Bantay sila ng mga Vanderberg." Dumeretso na siya ng tayo at tinanaw si Mr. Phillips na nakatingin lang sa akin nang sobrang seryoso. "Malamang na sila ang ipinadala ng pamilya para patayin si Miss Chancey."
Pumikit nang mariin si Mr. Phillips at napahimas agad ng sentido.
Lalo akong nadi-disappoint habang nakatingin sa kanya. Yung itsura niya, parang disappointed pang nahuli ko ang mga ito kaysa maging masaya kasi safe ako ngayong araw.
"Ang daling utusan ng mga hayop ng gubat, di ba, Mr. Phillips?" dismayadong sinabi ko mula sa puwesto ko. Natigil siya sa paghimas ng sentido at tiningnan ako nang deretso. "Uutusan ko lang silang hulihin yung mga gustong pumatay sa 'kin kaysa magtago ako buong araw sa kuwarto."
Nag-iwas agad siya ng tingin sa akin.
"Ito ang sinasabi ko. Kaya kong lumaban sa pamilya mo. Ikaw lang ang may ayaw."
"You're declaring a war, Chancey," malakas na paliwanag niya.
"Hindi ako ang nanguna, Mr. Phillips. Alam nating pareho 'yan. Sila ang numakaw ng lupa namin sa lone town. Pamilya mo ang nagpalayas sa 'min sa bahay namin. Nawalan kami ng lugar dahil sa inyo. At gusto mo, sundin ko ang mga taga-Prios na sumira ng buhay ng pamilya ko kahit nananahimik kami sa sulok ng gubat na 'to?"
Sumipol ako nang malakas.
Biglang lumakas ang hangin na dumaan sa amin at dinig na dinig ang ingay ng mga dahon sa likuran namin.
Tumalikod na ako at tiningnan ang lahat ng hayop na naroon at naghihintay sa utos ko.
"Linisin n'yo ang mga kalat na 'to," utos ko sa mga fox at coyote habang tinuturo ang mga katawang nasa damuhan. "Bantayan ninyo ang lahat ng hangganan ng Helderiet," utos ko sa mga ibon na nakaabang na sa hangin. "Mula ngayon, lahat ng papasok sa Helderiet Woods na hindi tao at walang permiso, hulihin ninyo at dalhin sa 'kin."
Sabay-sabay na umalulong ang mga fox at coyote. Mabilis na nagliparan palayo ang mga ibon. Nauna nang tumakbo ang mga nasa likurang grupo ng mga soro at coyote. Sunod na kagat-kagat ng tatlong coyote ang bawat katawan papasok ulit sa gubat.
Tumalikod na ulit ako at bumaling kina Mr. Phillips na kung tingnan ako, parang ako pa ang masama rito.
"Hindi ko balak mag-stay sa kuwarto whole day, Mr. Phillips. Kung natatakot ka sa pamilya mo, puwes hindi ako. Eul."
"Yes, Miss Chancey." Pagsulyap ko sa kanya, bahagya siyang yumuko sa akin.
"Balitaan mo 'ko kung kailan yung pag-transfer sa 'kin ng Helderiet."
"Masusunod."
"Lugar ko na 'to pagkatapos ng paglilipat." Naglakad na ako pabalik sa loob ng Cabin. Huminto ako sa gilid ni Mr. Phillips pagtapat ko sa kanya. "Desisyon ko na kung sino o ano ang papasukin dito kapag naging akin na 'to. At wala sa magdedesisyon ang pamilya mo. Sana maintindihan mo rin 'yon . . . Donovan."
Tuloy-tuloy na 'kong pumasok sa loob. Kung mag-uusap pa sila tungkol sa pamilya, ayoko nang makinig. Pupunta na lang ako sa Onyx. Mukhang mas kailangan ko ang tulong ni Poi at ni Johnny kaysa kina Lance.
----
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top