xxviii. Shifter's Side

Unreasonable ang perfect definition para sa pamilya ni Mr. Phillips. I mean, kahit anong isip ko ng logic nila kung bakit nila ito ginagawa, unreasonable talaga e. Para silang may malalang superiority complex na kapag mahina ka, dapat kang mamatay kasi hindi ka nila ka-level. Pero kapag malakas ka, mas dapat kang mamatay kasi ayaw nilang may lumalampas sa level nila.

Ayoko rin ng ugali ni Mr. Phillips na aawayin niya lahat ng kaaway ng pamilya niya. Pero yung pamilya niyang kaaway-away talaga, tino-tolerate lang niya ang mga kabaliwan.

Lagi niyang sinasabing intindihin ko ang pamilya niya, e sarili nga niyang pamilya, hindi siya iniintindi. Ano namang kamartiran 'yon?

Maiintindihan ko pa kung si Mr. Phillips ang pariwarang anak or something na talagang papanigan ko ang pamilya niya, kaso hindi.

Pinatay nila ang mama niya kasi nagpakasal sa tao.

Ipinakilala siya sa pamilya bilang bampira, pero nang malamang kalahating tao siya, b-in-ully nila siya.

At dahil binigyan pala siya ng malaking responsibilidad ng kung sino mang First na 'yon, para lang mapakinabangan siya ng pamilya niya, ginawa siyang puppet at isinumpa siya ng pinsan niyang intrimitido.

Pinatay ang asawa niya at dinala siya sa Cabin para labanan gabi-gabi yung mga shifter na wala naman palang masamang intensiyon kundi bantayan ang buong Helderiet Woods.

Tapos pag-iinitan siya ngayon kasi nagpakasal siya sa 'kin na anak ng kaaway ng pamilya niya kasi masyadong malakas daw ang angkan namin?

Kahit anong intindi ko, wala akong makitang tama roon e. Paano niya i-ju-justify 'yon kung doon pa lang sa dahilan kaya pinatay ang mama niya, mali na?

Natatakot ako sa mga shifter . . . noon. Pero kung itong mga halimaw na ito na ni hindi nga makapagsalita nang maayos ang iba, nagawa kaming intindihin, what more kung 'yong mga nakakaunawa naman na parte ng pamilya niya?

"Chancey, you don't have to do this."

"Mr. Phillips, ginagawa ko 'to kasi masyado kang mabait sa pamilya mo kaya ka binu-bully."

"This is dangerous."

"Mas dangerous 'yang pagiging martir mo. Huwag kang puro depensa kasi sa kanila, naiinis na 'ko sa pag-aabogado mo sa mga 'yon e."

Matunog ang buntonghininga niya at hindi na sumagot. Nagpatuloy lang kami sa paglalakad sa damuhan para kausapin yung ma-attitude na shifter. Kahit naman masungit 'yon, mukhang nakakaintindi naman 'yon. Mas nakakaintindi siguro kaysa kay Edric.

Saglit akong sumipol at lumapit agad sa akin yung kaibigan kong itim na malaking aso.

Yumuko siya sa harapan ko kaya kinamot ko agad ang noo niya.

"Nadagdagan yata kayo ngayon," puna ko kasi mas marami nang aso at ibon sa paligid kaysa sa mga taong putik na rumoronda. Hindi naman sila ganito karami noong isang araw. "Pasuyo naman, pakitawag ulit si Bin."

Lalo pang lumapit ang itim na aso sa akin at isiniksik niya ang ulo sa tiyan ko.

"O, bakit?" Kinamot ko na ang katawan niya.

"Awoooo! Awoo, awooo!" Sunod-sunod ang alulong niya. Nang matapos sa ikatlong alulong, umikot-ikot siya sa puwesto ko habang dinidikit ang katawan niya sa akin. Natatawa tuloy ako sa lambot ng balahibo niya.

"Bakit? Ano bang problema?" nakangiti kong tanong. Para kasing nagpapalambing.

"Awoooo!" Napalingon ako sa kanan at natanaw mula sa malayo ang isang umaalulong na puting aso.

Sabay-sabay na umalulong yung mga aso sa paligid.

"Chancey."

Nilingon ko si Mr. Phillips sa likuran ko. Nagtataka rin siya sa ingay sa paligid.

"Come here."

Lumapit na ako kay Mr. Phillips at pagtabi ko sa kanya, eksaktong huminto sa harapan namin ang isang malaking puting aso.

At hindi lang siya malaking puting aso!

"Hala, Doggy! Waaah!" Mabilis ko siyang nilapitan at niyakap. Isinubsob ko sa mabalahibong batok niya ang mukha ko habang pinanggigigilan ko siya. Ang lambot talaga niya! "Mr. Phillips, ito yung friend kong aso dati sa lone town!" pagmamalaki ko.

Hinimas-himas ko ulit ang balahibo niyang sobrang lambot. Dati, nasasakyan ko pa siya. Ewan ko na lang ngayon kasi kahit na malaki siya, mukhang hindi niya ako kakayaning isampa sa katawan niya.

"Mr. Phillips, alam mo, siya palagi yung kasama ko kapag nangangaso kami ni Mama sa gubat," kuwento ko habang kinakamot ang leeg ni Doggy. "Dati, ginagawa ko siyang kabayo e." Binalingan ko ulit ang aso. "Uy, sorry, hindi na kita nadalaw ulit. Alam mo naman, hindi na ako pinayagang pumunta sa lone town. Sorry talaga, ha?"

"Awoooo!" Umalulong ulit siya saka umatras.

Napatayo ako nang deretso nang makalayo na siya nang ilang hakbang sa akin.

"Doggy?"

Inilusong niya ang ulo sa hangin at nanlaki ang mga mata ko nang mula ulo ng aso, biglang nagbago iyon nang dahan-dahan at naging ulo ng tao.

Bumagsak ang panga ko nang mapalitan ng mukha ng tao ang mukha niya. Silver ang buhok niyang parang nakasuklay palikod at sobrang haba. Kumikinang ang mata niyang color blue at nagpakita ang smile niyang parang may ginawa siyang nakakatuwa para sa kanya pero hindi namin magugustuhan. At mahaba rin ang pangil niya, pero hindi siya mukhang bampira. Bagay silang magtropa ni Mr. Phillips. Topless din pero nakasuot naman ng pantalon na parang gawa sa white fur.

Hindi ko alam kung matutuwa ako o magugulat o matatawa. Mukha lang silang magkaedad ni Mr. Phillips, pero para siyang naughty version ni Eul—mahilig ngumiti pero parang may ginawa siyang masama kaya siya naka-smile.

"Shifter ka rin ba?" tanong ko pa sa kanya habang nakangiwi ako.

So, all this time, shifters pala talaga yung mga kasama ni Mama kapag nangangaso kami?

"Ang tagal nating hindi nagkita."

Sasagutin ko sana siya kaso hindi naman siya sa akin nakatingin, sa itaas ko. Nilingon ko si Mr. Phillips na nakatingin kay Doggy na naging lalaki na.

"Poi," simpleng sinabi ni Mr. Phillips at bagsak na bagsak ang mukha niya. Para siyang naiinis sa nakikita niya.

"Kilala mo siya Mr. Phillips?" tanong ko agad.

Mata lang ang ibinaba ni Mr. Phillips patingin sa akin. "Dati siyang parte ng Prios."

"Parte pa rin ako ng Prios, Donovan. Pamilya mo lang ang problema rito."

Malalim ang boses ni Mr. Phillips na devil-level ang bass, pero natatapatan siya ng baritone ni Doggy—o ni Poi kasi iyon naman talaga ang pangalan niya noon pa man kapag si Mama ang tumatawag sa kanya.

"Come here." Bigla akong hinatak ni Mr. Phillips patabi sa kanya.

Lalo tuloy akong lumayo kay Poi. Mula sa puwesto ko, parang mas kuminang pa siya gawa ng buwan. Parang ang magical niyang titigan kasi puro siya white. Ewan ko ba, mukha naman na siyang tao pero yung aura niya, para pa ring cute na white husky.

Nakangiti siya nang malapad at kitang-kita ang pangil niya. Hindi sila pareho ng ngiti ni Mr. Phillips kahit pareho silang mahaba ang pangil. Mas cute siya kaso mukha siyang nanira ng gamit dahil sa ngiti niya at nagpapa-cute na lang para hindi mapagalitan.

"Ganoon ba talaga kayong mga bampira?" tanong niya. "Inaari ang lahat kahit hindi naman kanila?"

"What are you doing here, Poi?"

"Nakarating sa akin na nagkakagulo sa Prios. Nakilala na nila si Chancey."

"You know Chancey?" Napatingin ako sa kamay ni Mr. Phillips na nasa baywang ko. Humigpit pa kasi ang pagkakahawak niya roon para mas lumapit ako sa kanya.

"Isa ako sa mga bantay niya, Donovan. Kung ako lang ang masusunod, hinding-hindi ko na siya pababalikin dito sa gubat." Nagkibit-balikat siya. "Pero ano pa bang magagawa ko? Walang makakapigil sa matagal nang nakatadhanang maganap."

"Go. Hindi ka kailangan dito," mariing utos ni Mr. Phillips at ang talim ng tingin kay Poi. "Wala kang kailangang bantayan dito."

Natawa na naman si Poi habang umiiling. "Kinuha ng pamilya mo ang lupain ng mga Dalca." Inilahad niya ang mga braso niya. "Alam nating pareho na pagmamay-ari ng mga Dalca ang buong lupaing ito at ninakaw lang ito ng mga Helderiet sa kanila. Kung pumayag lang ang pamilya mong ibalik ito sa mga Dalca, hindi sana namatay si Marius. Nagkasundo na kami ng Helderiet na iyon na ibabalik sa amin ang gubat na ito pero nangialam pa kayong mga Vanderberg. Hindi ko malaman sa inyong mga bampira kung hanggang saan ba ninyo kayang patayin ang isa't isa para lang sa isang bagay na hindi n'yo naman talaga pagmamay-ari."

Tiningala ko si Mr. Phillips na kunot na kunot ang noo kay Poi. Ang bigat at mabilis ang paghinga niya. Nararamdaman kong nagpipigil siya ng galit.

Napalunok ako at tiningnan ulit si Poi.

Ibig sabihin, alam pala niya ang lahat?

"Hindi ito isusuko ng pamilya, Poi. This land belongs to the family."

Natawa na naman si Poi at umiling na naman. Nagpamaywang lang siya at ibinaling ang tingin sa akin. "Buong akala ko talaga, hindi ka na babalik dito."

"A-Ako?" tanong ko at nasapo ko pa ang dibdib ko.

Ako na ba ang kausap niya?

"Gusto ko lang na maging malinaw tayo, Donovan. Kung sakaling nalilito ka pa rin kaya ako narito ngayon."

Si Mr. Phillips na ang kausap niya. Pero mukhang hindi maganda ang relasyon na meron silang dalawa.

"Nasa posisyon ka dahil sa testamento ng Ikauna," pagpapatuloy ni Poi. "Alam mo kung gaano kalakas ang salita ng testamentong iyon para ultimo pamilya mong hindi lumuluhod sa kahit sino ay kailangang sumunod."

"Don't bring the First's Testament here, Poi. My duty as the Prios' chairman is different from my responsibility as a part of the family."

"Alam mo kung ano ang layunin ng Ikauna, Donovan. Pagbuklurin ang lahat ng pamilya dahil walang magagawa ang dahas kung magpapatayan ang lahat ng uri. Dapat ay dinadala mo ang paniniwala niyang iyon."

"I'm explaining it to the Vanderbergs and the other family."

"At hindi mo iyon magawa nang maayos dahil mahinang nilalang pa rin ang tingin nila sa iyo."

"Poi," pag-awat ko sa kanya. Aware naman kaming mahina ang tingin ng pamilya ni Mr. Phillips sa kanya, pero puwede namang hindi na i-bring up.

"Balita ko, may susunod na pulong sa pagsapit ng buong buwan. Narito ako para magpasabing dadalo ako para kay Chancey."

Hindi agad nakasagot si Mr. Phillips. Masama lang ang tingin niya kay Poi.

"Parte pa rin ako ng Prios, Donovan. Sabihin mo sa pamilya mong ganid, dumating na panahon para bawiin ang ninakaw nila sa bantay ng gubat na ito." Binalingan na ako ni Poi at nginitian na naman ako. "Paparito ako sa susunod na apat na araw para sunduin ka, Chancey. Ipaliliwanag natin nang mabuti sa pamilyang iyon kung bakit hindi ka nila dapat kalabanin."

Pagpaling niya sa likod, unti-unti na naman siyang nagbago sa pagiging puting aso at mabilis na tumakbo papalayo habang umaalulong.

Sabay-sabay na namang umalulong ang ibang aso pagkatapos n'on.

Bigla akong natulala habang iniisip kung ano ba ang ibig sabihin ng lahat ng sinabi ni Poi.

Binanggit na noong nakaraan ni Bin na ako raw ang may-ari ng gubat, at sabi naman ni Mr. Phillips, ako raw ang may-ari ng Grand Cabin.

So, ito bang lahat ng ito, akin?

Pero bakit ako pinalalayas?

"Ah!" Mabilis akong nagtakip ng bibig nang mapasigaw ako. Tiningala ko agad si Mr. Phillips na seryosong nakatingin sa akin. Bahagya akong nagbaba ng bibig para magtanong. "Kaya ba ako pinalalayas ng pamilya mo, kasi alam nilang babawiin ko 'tong gubat?"

Walang sinabi si Mr. Phillips. Hinawakan lang ako sa balikat at halos kaladkarin na ako papasok ulit sa mansiyon nang wala man lang sinasabing kahit ano.

Grabe.

Grabe talaga, hindi ko ma-imagine. Parang may kanya-kanya silang kuwento tungkol dito sa Helderiet.

Yung iba, ang paniniwala, mama ko ang pumatay kay Marius.

Tapos mga shifter naman daw.

E may napagkasunduan naman pala si Marius at yung mga shifter, tapos biglang mga kapwa bampira pala niya ang pumatay sa kanya.

Tapos itong itong Helderiet Woods.

Alam kong kay Sir Jandre Van Helderiet itong Grand Cabin, at ipinangalan sa kanya ang buong Helderiet, pero hindi ko naman alam na sa mga Dalca pala itong gubat. E ilang daang taon nang naitayo yung Cabin. Mas matanda lang nang ilang taon yung Bubonic Plague.

"Mr. Phillips, yung mga sinabi ni Poi . . ."

Buntonghininga lang ang isinagot niya sa akin pagpasok namin sa mansiyon.

"It was my family's fault," dismayado niyang sinabi habang nakayuko. "Everything. And I'm aware of it."

Kahit ako, napapabuntonghininga na lang habang nakatingin sa kanya. Naaawa ako. Pakiramdam ko, namimili siya sa pagitan ko at ng pamilya niyang matagal nang hindi kapili-pili pero pinipili niya pa rin.

"Kung mas mahal mo ang pamilya mo, maiintindihan ko naman," sabi ko, at tinatapik ang balikat niya. "Pamilya mo pa rin naman sila. 'Yon, pipilitin kong intindihin kaya mo sila kinakampihan. Kahit na alam kong mali."

Lumong-lumo siyang pumunta sa living room at ibinagsak sa couch ang sarili niya. Nakasandig ang ulo niya sa sandalan at saka siya tumingala sa chandelier doon sa gitna ng entrance.

Umupo naman ako sa tabi niya at patagilid akong umupo, paharap sa kanya.

"The First's testament is too powerful, Chancey. I needed to comply, the whole board needs to comply, even the Vanderbergs needed to, whether they like it or not." Nagbuntonghininga na naman siya. "The First's words were words of a god. And all he wanted was unity between families."

Tumango na lang ako para sabihing naiintindihan ko siya.

Tingin ko nga, sobrang powerful ng First na 'yon na ultimo si Mrs. Serena na parang nabubuhay na lang sa mundo para maburyong sa mga tao, ginagalang pa rin ang taong iyon kahit patay na siya.

"I don't know why he chose me to continue his legacy," malungkot na tanong ni Mr. Phillips habang nakatulala sa itaas. "I don't know if I'm deserving to be here. I don't know if I'm doing my best, or I'm just playing it safe just to compromise."

"Masyado ka kasing mabait," sabi ko habang tinutusok-tusok ang braso niya. "Ang sama ng ugali ng buong pamilya mo, dapat tinatapatan mo rin minsan."

"That's all I can do for my family, Chancey." Malungkot niya akong tiningnan. "That's all I can provide for them to accept me."

Napapikit agad ako at napahawak sa pagitan ng ilong ko dahil sa nakaka-stress niyang katwiran.

O, sige, naroon na kami. Ginagawa niya 'to para maging belong siya sa sarili niyang pamilya, pero hindi ba niya nararamdaman na dini-discriminate nila siya kasi nga hindi siya gaya ng expectations nila sa kanya?

"Mr. Phillips, masaya ako na hindi ka kasindemonyo ng mga kamag-anak mo, pero ang tanga mo sa part na 'yan, as in," naiinis kong sinabi. "Ang toxic ng pamilya mo. Hindi mo kailangang gumawa ng paraan para matanggap ka nila. Kasi kung pamilya ang tingin nila sa 'yo, kahit pa anak ka ng surot, matatanggap ka nila."

"But I need to strive harder to be a part of the family, Chancey."

"Yung First, tunay na anak ka ba niya?"

Umiling naman siya nang marahan.

"See? Pero pinagkatiwalaan ka niya. Sinabi ni Eul na anak na ang turing niya sa 'yo. Ibig sabihin, pamilya ka para sa kanya."

"But—"

"Sshh!" Tinakpan ko agad ang bibig niya gamit ang palad. "Hindi mo kailangan ng validation sa mga toxic mong kamag-anak. Hayaan mo sila sa buhay nila, malalaki na sila. Ang lalakas nila, inaasa nila sa 'yo lahat? Bakit, ha? Hindi ka na nila alipin, ha. Huwag kang pamartir-martir diyan, ikaw ang bubuhusan ko ng holy water, ang tigas ng ulo mo."

Mukhang maliban sa issue ko sa pamilya niya, dapat ko rin palang ayusin ang issue niya sa kanila. Kung bakit naman kasi sa dinami-rami ng pamilya, sa mga pinaglihi sa sama ng loob pa siya napunta.

---

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top