xxvii. Curses
Matagal nang masama ang loob ko sa pamilya ni Mr. Phillips mula nang sumugod sila rito para lang manggulo, pero hindi ko naman inaasahang sila pala ang dahilan ng lahat ng nangyari sa pamilya ko.
Ilang taon. Ilang taon kong tinatanong kina Mama kung bakit namin kailangang lumayas sa sarili naming lupa sa lone town. Ilang taon akong nagpagala-gala sa city para lang maghanap ng matitirahan dahil pinalayas kami sa lupang dapat sa amin. Ilang taon kong tinatanong ang sarili ko kung bakit ko kailangang maghirap sa paghahanap ng lugar kung saan puwede kong tawaging tahanan kahit umpisa pa lang, meron naman dapat kaming sariling lugar, tapos malaman-laman ko lang na sila pala ang may gawa ng lahat ng nangyari sa amin?
"Chancey."
Nagpunas agad ako ng pisnging luhaan pagbukas ni Mr. Phillips ng pinto. Kahit anong paliwanag niya, hindi pa rin n'on mababago na kasalanan ng pamilya niya kaya nawalan kami ng bahay.
"Matulog ka na," malamig kong utos sa kanya at ibinagsak ko ang sarili ko sa kama saka namaluktot.
"Please understand the situation."
"Kahit anong explanation mo, hindi n'on mababago lahat. Sila ang nagpalayas sa 'min. Kasalanan nila kaya nawalan kami ng bahay. 'Yon ang naiintindihan ko."
"Chancey, please . . ."
"Tanghali na. Matulog ka na. Doon ka sa kuwarto mo, maaraw dito." Kumuha ako ng puting unan saka niyakap 'yon pasubsob sa mukha ko.
Dinig na dinig ko ang tunog ng sapatos niya sa sahig. Lalo kong niyakap ang unan.
Alam kong biktima rin siya ng sarili niyang pamilya. At hindi ko matanggap 'yon. Pero mas lalo kong hindi matatanggap kung parte siya ng lahat ng 'to.
Mabait si Mr. Phillips, alam ko. Pero pamilya niya ang dahilan kaya nawalan ng tahanan ang pamilya ko. Paano ko iintindihin ang nangyari kung sila ang mali?
"Chancey, I am avoiding a feud." Naramdaman kong gumalaw ang kama sa likuran ko. "Please, don't let your anger consume you."
Ako pa pala ang walang karapatang magalit?
Ako na nawalan ng bahay?
Ako na pinalayas sa sarili naming lugar?
Ako na paulit-ulit na pinalalayas sa lahat ng tirhan ko?
Ako na gustong mamatay ng lahat ng nakakausap ko?
"I know life was hard for the past few years for you, Chancey. I feel bad about what my family did to your family. And I am deeply sorry for that."
"Hindi maaayos ng sorry mo ang lahat kung sila mismo, walang planong mag-sorry sa ginawa nila sa 'min."
"It's not your fault that you were born with Dalca's blood, Chancey. I understand that. But you need to understand that this world is not as evenhanded as we expected it to be."
"At ano? Tatanggapin ko na lang na kailangan kong mamatay para hindi matapakan ang ego ng pamilya mong sakim?"
"I won't let that to happen."
"Mas lalo na 'ko." Niyakap ko nang mahigpit ang unan saka namaluktot pa. "Matulog ka na sa kuwarto mo. Lumabas ka na rito."
Matunog ang buga niya ng hininga. Di ko rin naman siya masisisi kung nasi-stress siya sa nangyayari. Pamilya niya ang komplikado, hindi ang pamilya ko. Kung hindi nila inuuna ang mga sarili nila, wala sana kami sa ganito ngayon.
"I'll stay here."
Naramdaman kong humiga siya sa likuran ko kaya napabangon ako para tingnan siya. Kunot na kunot ang noo ko habang nakikitang hindi pa rin siya nakakabihis at nag-alis na lang ng sapatos para makahiga. Nagtakip pa ng mga mata gamit ang braso, as if namang makakatulong sa kanya para matakpan ang liwanag sa kuwarto ko.
"Di ba sabi ko, doon ka sa kuwarto mo?"
"Sinabi ko rin namang babantayan kita, Chancey."
"Dumoon ka na sa kabila! Paano ka makakatulog dito, ang liwanag dito!"
"You go to my room or I'll stay here."
"Isa."
"Chancey, walang magagawa ang pagbilang mo."
"Ayaw muna kitang makita, naiintindihan mo ba?"
"Then, don't look at me. But I need to stay where you are."
"Mr. Phillips, hindi ako nakikipagbiruan, ha."
"And so am I." Inalis na niya ang braso sa mata niya at namumungay ang mata nang tingnan ako. Mukha na talaga siyang pagod at inaantok. "You can hate me and my family for the rest of your life, but please . . . your safety is all that matters to me, Chancey. Huwag nang matigas ang ulo."
Ibinalik niya ang braso niya sa mata niya para takpan 'yon.
Nagagalit ako sa pamilya niya, pero hindi ko kayang magalit sa kanya. Kasi alam kong wala siyang kasalanan. Alam kong hindi siya gaya nila, at 'yon pa nga ang rason kaya siya palaging napapahamak.
Yung gabi-gabing paglaban niya sa mga shifter?
Yung ilang araw niyang pagtulog gawa ni Edric?
Pati itong plano nilang patalsikin siya sa posisyon niya kahit wala namang valid reason para gawin 'yon?
"Mr. Phillips, doon ka na sa kuwarto mo." Tinapik ko siya sa balikat niya. "Lilipat na 'ko roon."
Nag-alis na naman siya ng braso sa mata niya at tinitigan akong mabuti kung seryoso ba ako.
Masama pa rin ang loob ko, pero kailangan na niyang matulog. Tanghaling-tapat na.
"Sige na, tara na sa kuwarto mo." Tinulak ko na siya pabangon. Alam ko namang hindi ko siya kaya pero napabangon naman siya.
Tahimik kaming bumalik sa kuwarto niyang bukas pa rin ang ilaw sa candle holders at inilapag na lang niya sa tabi ng pintuan ang sapatos niyang bitbit na lang niya pagpasok namin.
Naghubad siya ng necktie habang naglalakad kami patungong kama at ibinato na lang niya iyon sa velvet chair niya. Huminto siya sa tapat ng upuan at nauna na akong maupo sa kama habang pinanonood siyang magbukas ng butones ng navy blue niyang dress shirt.
Mukhang nararamdaman din niya na wala na ako sa mood makipagbiruan. Hindi ko nakikita ang smile niya. Nauna na lang akong mahiga sa kama at tumalikod habang nagbibihis siya. Tumulala na lang ako sa dingding niyang kulay pula ang wallpaper.
Ayokong matulog at gusto ko na lang magmukmok maghapon. Ang bigat ng feeling ko. Kahit sino naman siguro.
Hindi naman ako mapupunta rito sa Cabin kung umpisa pa lang, hindi na nila kinuha sa amin ang bahay namin. Sila rin naman ang puno't dulo kaya ako narito at nagtatrabaho sa chairman ng Prios.
Ilang saglit pa lang akong nasa kama, ang akala ko magtatagal pa siya sa pagbibihis niya. Sinundan ng mata ko ang paglalakad niya at mukhang naghubad lang ng pang-itaas. Yung pants niya, iyon pa rin.
Nahiga siya sa kama, sa harapan kung saan ako nakapaling. Seryoso pa rin siyang humilata nang deretso at ipinatong ang mga kamay sa ibabaw ng tiyan.
Biglang namatay ang ilaw sa buong kuwarto at bumukas ang lamp shade sa likuran ko sa may night stand.
Kusang tumulo ang luha ko pagkapikit niya.
Naiintindihan ko namang sinusubukan niya akong iligtas sa pamilya niya, pero hindi naman niya kailangang gawin 'yon. Kung bakit naman kasi salo siya nang salo ng responsibilidad na hindi naman niya dapat sinasalo.
Ultimo yung pakikipag-away sa mga shifter tuwing gabi na hindi naman pala niya kailangang gawin pero napilitan siyang gawin.
Naiisip kong puwede naman niyang labanan ang pamilya niya, pero hindi niya ginagawa. Sunod lang siya nang sunod. Nasobrahan na siya ng kabaitan niya. Sana kahit kaunting kademonyohan man lang ng Edric na 'yon, mayroon siya para hindi ganitong kinakawawa na siya, hindi pa siya lumalaban.
Pumaling ako sa likuran at inabot ang lampshade para patayin. Nawala na naman ang liwanag sa buong kuwarto.
Alam kong kagabi pa siya walang pahinga. Kailangan niyang bumawi ng tulog.
****
Nakasira talaga ng body clock ang pag-stay ko sa kuwarto ni Mr. Phillips. Pakiramdam ko, buong araw akong natulog. Walang almusal, walang tanghalian. Paggising ko, kinapa ko agad ang lampshade para buksan at orasan agad ang hinanap ko.
Alas-singko pasado pa lang. Pagtingin ko sa kama, tulog pa si Mr. Phillips. At kung paano ko siya huling nakita, ganoon pa rin ang ayos niya.
Lumabas na agad ako ng kuwarto niya at pumunta sa kuwarto ko para kumuha ng stock ng instant macaroni para sa all-in-one breakfast, lunch, at dinner.
Ang bigat ng loob ko. Ayaw mag-move on ng katawan ko sa nalaman ko kanina.
Huling sumamâ ang loob ko nang ganito, noong pinalayas ako pagbalik ko sa lone town pagkamatay ni Papa.
Yung feeling na gusto kong gumanti, gusto kong sunugin yung town hall hanggang maging abo, gusto kong panain sa mata yung town mayor, pero iniisip ko na lang na para makaiwas ako sa gulo, mas mabuting tanggapin ko na lang na wala na talaga akong bahay na matitirahan.
Mabuti sana kung hindi amin yung lupa. Kahit na anong katwiran nina Mama na hindi raw sa amin 'yon kaya kami pinalayas, hindi ako naniniwala roon. Ang tagal na naming nakatira doon tapos biglang isang araw, palalayasin kami? At tanggap ng parents ko?
Inuna ko munang lutuin ang hapunan ko kahit na nakikita ko sa bintana ng kusina na may liwanag pa rin naman sa labas pero lumubog na nga ang araw.
Ang tagal kong naubos ang macaroni ko. Limang minuto ko lang na kain iyon pero inabot ako ng kalahating oras kakatulala.
Pagkasaid ng laman ng plato, tumulala na naman ako.
Gusto ko lang tumitig sa kung saan habang walang iniisip na kahit ano.
Ang komplikado naman kasi ng lahat. Tapos nadadamay pa si Mr. Phillips.
Siguro, kakausapin ko na lang si Bin, manghihingi ako ng tulong. Kung hindi man, si Johnny na lang. Ako ang kakausap sa kanya. Pero parang mas kailangan talagang si Bin.
"Chancey."
Mata ko lang ang nag-angat sa pagtawag sa pangalan ko.
Gising na pala siya.
Tumayo na ako at pumunta agad sa ref para kunin ang hapunan niya.
Nababalisa ako sa minu-minutong pagkilos. Kapag natiyempuhan, natitigilan ko.
Kung bakit naman kasi kailangang mangyari pa lahat ng 'to e. Kasalanan talaga 'to ng pamilya niya.
Wala akong narinig na salita sa kanya. Niluto ko na ang steak niya at tinulalaan na naman ang karne sa cooking pan.
Hindi rin ako nagsalita, kumuha lang ako ng plato at isinalin doon ang karne.
Kumuha na rin ako ng inumin niya at dinala na sa kanya sa mesang palagi niyang sinasandalan habang naghihintay sa akin.
"You know that I can sense your soul, right?" deretsong sabi niya paghinto ko sa harapan niya. "You're still here with me, why are you worried?"
Nagbuntonghininga lang ako at nag-angat na ng tingin sa kanya.
"Nandito lang naman ako kasi hawak ko ang buhay mo," sabi ko habang nakatitig sa gintong mga mata niya. "Kasi suot ko ang singsing ng mama mo. Kasi mamamatay ka kapag namatay ako."
"Chancey . . ."
Inilapag ko na lang sa mesa ang plato at inumin niya. "Alam mo, iniisip ko ngayon, lahat ng ginagawa mo, malamang gawa ng dahil mabait ka lang. Tapos napasubo ka lang n'ong hindi ko na mahubad yung singsing ng mama mo. Kung wala siguro 'to, palalayasin mo na lang ako rito sa Cabin at hindi mo na ako ipaglalaban sa pamilya mo."
Hinawakan niya ako sa balikat at pinilit akong paharapin sa kanya pero sa kanang gilid lang ako tumingin para hindi siya makita.
"Are you still feeling bad about it?"
"Marami akong dahilan para maramdamang hindi ko gusto ang lahat ng nangyayari dito, sa 'yo, at sa pamilya mo. Kung iniisip ng pamilya mong ginagamit lang kita gaya ng inisip nila sa mama ko para kay Marius; sorry pero iniisip kong ginagamit mo lang din ako para sa ikatatagal mo rito."
"What are you saying?" Hinawakan niya ako sa pisngi at pinilit na ipaling paharap sa kanya ang mukha ko. "Where on Earth did you get that assumptions?"
"Hindi ba totoo?" deretsahan kong tanong habang nakatitig sa mga mata niya. "Ilang araw mo pa lang akong kilala. Wala nga akong alam tungkol sa pamilya mo. Sa pamilya ko, hindi ko na alam kung may dapat ka pa bang alamin. Kung hindi lang dahil sa singsing, hindi mo naman ako itatago rito sa Cabin—"
"I gave you the ring because I want to keep you until the end of time. Hindi 'yon napipilitang obligasyon dahil lang kailangan kong mabuhay, Chancey. I asked you to marry me first before you wore this ring." Kinuha niya ang kamay ko at itinaas iyon patapat sa pagitan namin. "And I gave it to you after you said yes."
"Pero kung wala itong singsing? Paano? Pakakasalan mo pa rin ba 'ko? Ipaglalaban mo pa rin ba 'ko sa pamilya mo? O itatapon mo lang din ako gaya ng ibang sekretarya mo?"
Binitiwan na niya ako at saglit siyang tumingala. Doon ko nakitang humugot siya ng hangin bago ibinaba ang tingin sa akin. Mas malungkot ang mga tingin niya at nakikiusap.
"I don't want to die right now, Chancey." Umiling pa siya. "And I don't want to die just because I wasn't able to save you. I'd rather die fighting for you than to die without knowing how it happened. It would kill me twice. And yes, it's selfish of me to think about it, pero hindi ito ang unang beses na nangyari ito. Sana maintindihan mo na hindi ko ito ginagawa para lang sa sarili ko."
Nag-iwas lang ako ng tingin sa kanya. Kinagat ko na lang ang labi ko para pigilang umiyak.
"Chancey." Kinuha niya ang mga kamay ko at niyakap agad ako. "We're working on us, alright? You know your safety inside this cursed place is all that matters to me. Even before you said yes to me, you already know that."
Lalo lang akong naluha nang hinagod-hagod na niya ang buhok ko.
"I know how you take good care of me when my family made a curse on me, and I am trying to return the favor. So, please . . . please, don't be like this."
Saglit akong lumayo sa kanya at naluluhang tiningnan siya sa mga mata. Nakikiusap ang tingin niya sa akin.
"Mr. Phillips, kung nagawa kong pahintuin ka sa paglaban mo sa mga monster sa labas, magagawa ko rin 'yon sa pamilya mo."
Nagbuka siya ng bibig at akmang may sasabihin pero hindi na niya natuloy. Nagbuntonghininga lang siya at napayuko pang lalo.
"It will take you a lot of effort to convince them, Chancey. They are not as considerate as these monsters outside this Cabin."
Umiling ako sa kanya. "Hindi, Mr. Phillips. Huwag kang bantay nang bantay sa 'kin dahil lang kaya mo 'kong protektahan. Hindi mo na 'to kailangang gawin kapag nagkasundo na kami ng pamilya mo."
"Chancey—"
"Desidido na 'ko. Kung nagawa mong makipagsundo sa mga shifter, magagawa rin natin 'yon sa pamilya mo. Manood ka na lang sa puwedeng gawin ko."
----
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top