xi. The Awakening


"Zeph, sure ka ba rito?"

"Cha, ikaw ang nagpanukala nito tapos ako ang tatanungin mo?"

Sa totoo lang, hindi ko rin alam kung ano ba talagang balak namin kay Mr. Phillips. Tinakluban kasi namin siya ng kumot tapos binuhat namin siya sa ulunan at sa paanan pababa ng second floor.

"Zeph, mukha tayong nagtatakas ng bangkay."

"Carry lang 'yan! Lapag muna natin dito."

Mabigat si Mr. Phillips, pero kasi sanay naman sa buhatan si Zephy. Sanay rin naman akong magbuhat, saka halos lahat ng bigat nasa kanya kasi ako ang nasa ulunan.

"Whooh! Plano?" tanong ko.

Sabay kaming nagpamaywang ni Zephy habang nakatitig sa binalot na kumot sa sahig ng ground floor.

"Kukuha ako ng pala, Cha. Ikaw ang maghukay."

"ZEPHY!"

Diyos ko, Lord, stress ko sa mundo, dumodoble na.

Sabi ng tita ni Zephy, dalhin daw namin sa arawan si Mr. Phillips para mawala yung black smoke. Medyo agree ako sa part na iyon kasi posible ngang mawala iyon kung mapupunta sa araw, pero kasi, pati rin si Mr. Phillips, mapupunta rin sa araw e. Paano ba ang gagawin ko rito?

"Saglit, kukuha ako ng payong," paalam ko kay Zephy at pumunta agad ako sa stockroom sa may kusina.

Masakit pa naman sa balat ang araw kasi wala pang alas-tres ng hapon. E tirik pa ang araw nang ganitong oras.

"Zeph, dalhin na natin sa labas si Mr. Phillips," utos ko. Busy lang si Zephy sa pagtingala sa chandelier sa ibabaw niya habang tumatango.

"Cha, sure ka, walang kayamanan dito?" tanong niya habang sinasampay ko ang payong sa balikat ko.

"Zephy, kung may makukuha tayong kayamanan dito, feeling ko kapag nilabas natin, mumultuhin tayo ng dating may-ari."

"Ay, oo nga. Bakla, may point ka, ha. Talino mo sa part na 'yan."

"'Ge, buhat."

Magkasabay na naman naming binuhat si Mr. Phillips papalabas ng mansiyon.

Hindi malinaw ang instructions ng tita ni Zephy, at hindi na rin namin matawagan nang maayos. Nasasagot pero choppy naman. Sabi ko nga, baka mas malinaw na ang signal sa labas ng Cabin kaya try niya habang ginagawa namin ang pag-vacuum sa black smoke kay Mr. Phillips.

"Dito, dito, Zeph."

Dahan-dahan naming ibinaba si Mr. Phillips sa damuhan at saka ko binuksan ang payong para takpan siya sa araw.

"Zeph, pahawak nga diyan. Natatamaan pa rin si Mr. Phillips dito sa puwesto namin e."

"Akin na, akin na." Kinuha niya ang payong sa akin at pumuwesto siya nang may isang dipa rin ang layo sa amin ni Mr. Phillips. Hindi na nakatapat sa amin ang araw, kaso sobrang init pa rin. Pinatakpan ko na lang ng anino ng payong ang puwesto namin mula sa di-kalayuan kung sana nakapuwesto si Zephy kasi hindi ko rin naman mahahawakan ang ganoong kalayo.

"Cha, tawagan ko ulit si Aunty. Tuloy mo lang 'yang ginagawa mo diyan."

"Sisimulan ko na, ha. Tapos kapag mali, tanong mo siya kung ano'ng susunod na gagawin."

"Sige, sige." Natuon na naman ang tingin niya sa phone. "Hello, Aunty?"

Nagbuga ako ng hininga at saglit na sumalampak sa may hita ni Mr. Phillips. Wala talaga akong idea kung eepekto ito, pero sure akong alam ko na kung paano aalisin yung black smoke sa kanya.

"Mr. Phillips, kailangan mo nang magising ngayon," mahinang sermon ko sa kanya habang binababa ang nakatakip na kumot sa katawan niya. "Kapag hindi ka nagising, patatalsikin ka na sa Prios. Mawawalan tayong dalawa ng trabaho, hindi puwede 'yon."

"Zeph, sisimulan ko na talaga, ha?" paalam ko na naman kay Zephy, pero tinanguan lang niya ako saka nginitian pagkatapos.

"Yes, Aunty. Oo, tapos alam mo yung sinabi ni . . . kabit niya 'yon! Ano ka, di mo alam?"

"Zeph!"

"Go lang, bakla! Dito lang ako."

Ano ba naman 'yan? Napaka-supportive naman nito ni Zephy.

Bahala na nga.

"Whooh . . ."

Kaya ko 'to. Walang ibang gagawa nito kundi ako lang.

Huminga na naman ako nang malalim saka hinawakan sa magkabilang pisngi si Mr. Phillips habang nakaluhod ang mga tuhod ko sa magkabilang gilid niya. Kung ano man ang mangyayari dito sa labas, bahala na talaga. Kapag hindi ito umepekto, pare-parehas na talaga kaming mawawalan ng trabaho sa Linggo.

"Mr. Phillips, susubukan lang natin, ha?"

Idinampi ko na ang labi ko sa labi niyang bahagyang nakabukas.

Marunong naman akong mag-mouth-to-mouth rescucitation, kaso hindi naman pabuga ang gagawin kundi pahigop.

Huminga ako nang malalim mula sa bibig habang magkalapat ang mga labi namin. Nanlaki ang mga mata ko nang maramdaman ko na naman ang mainit na 'yon sa loob ng bibig ko. Parang nagwawala at sinusunog ang bandang pisngi ko mula sa loob.

Dahan-dahan akong lumayo dahil para nang pinupuno ng mainit na bagay ang loob ng bibig ko.

"Cha? Cha, ano'ng nangyayari? Cha, ano 'yan?!"

Habang unti-unti akong lumalayo, parang hinahabol ng usok ang bibig ko papalabas sa bibig ni Mr. Phillips.

"Aunty, nakikita ko na yung black smoke! Hala, ano nang gagawin namin! Chancey!"

Biglang nawala ang lilim sa puwesto namin habang pinandidilatan ko pa rin ang itim na usok na nakakonekta sa mga bibig namin ni Mr. Phillips. Hindi lang iyon, pati buong katawan niya, umuusok nang itim.

"Cha— AAH!" Mula sa dulo ng mata ko, nakita kong tumalsik sa verandah ng mansiyon si Zephy at doon bumagsak sa damuhan.

Zephy!

Sumigaw ako sa pangalan niya pero walang boses na lumabas sa bibig ko. Pagdiretso ko ng upo sa bandang tiyan ni Mr. Phillips, pinuwersa ako ng itim na usok na tumingala at maluha-luha na ako nang pilitin ng mainit na bagay sa loob ng bibig ko na kumawala roon.

"AAAAHHHH!"

Napasigaw na lang ako sa sobrang hapdi ng loob ng bibig ko. Nagliparan ang mga ibon sa kakahuyan sa sobrang lakas at nakikita ko sila mula sa pagtingala ko.

Pinanonood ko sa hangin ang paglipad ng itim ng usok paitaas, pero hindi pa man iyon nakakapunta sa kung saan, bigla na lang iyong naging puting usok at naglaho hanggang sa maubos sa loob ng bibig ko.

Nanlupaypay ako at bumagsak agad sa damuhan. Hingal na hingal ako habang nakatingala sa langit.

Sobrang init ng loob ng bibig ko, halos hindi ko na maramdaman ang buong ulo ko.

Inuutusan ko ang kamay kong gumalaw pero ayaw nang gumalaw.

Hindi pa naman siguro ako mamamatay. Nakakapag-isip pa naman ako nang maayos.

Pero sobrang bigat talaga ng ulo ko, parang nilalamon ng lupa.

Paghinga ko, natagalan ang pagpikit ko. Gusto ko nang matulog agad. Nanghihina ako.

Kumusta kaya si Zephy?

Tumalsik pa naman siya sa may verandah.

"Chancey."

Natatawa ako sa loob-loob ko. Naririnig ko na naman si Mr. Phillips.

"Chancey, are you okay?"

Sana nga, okay ako. Kasalanan 'to ng black smoke na 'yon e.

"Chancey . . ."

Sa sobrang bigat ng pakiramdam ko, feeling ko, may kumukuha na sa akin.

Sumaglit ako ng pagdilat.

"You're gonna be fine."

Wow. Nasa panaginip na naman ako. Si Mr. Phillips, ang hilig akong dalawin sa panaginip ko.

"You're so reckless."

Kung ano man ang mangyayari sa Sunday, bahala na. Gusto ko munang matulog nang matagal.

***

"Mama, bakit di na po ikaw pumupunta sa malaking bahay?"

"Kasi . . ." Tinapik niya ako nang marahan sa ulo. "Hindi pa puwede sa ngayon."

"Kailan po ulit puwede?"

"Iyan ang hindi natin alam."

Naaalala ko pa noon habang nangangaso kami ni Mama. May kasama kaming malaking puting aso noon para magbantay. Hindi naman namin iyon alaga. Nakikita ko lang kapag tinatawag ni Mama. Doon niya ako sinasakay habang siya naman ang naglalakad.

"Pupunta ulit po kami ni Papa sa malaking bahay?"

"Puwede. Siguro, Chancey. Sa takdang panahon."

"Kaso sabi ni Miguel, ginagawan na raw ng bakod sa malaking bahay. Doon nagtatrabaho si Papa niya. Gumagawa raw siya ng bakod. Paano kami babalik ni Papa sa malaking bahay?"

"Balang-araw, anak. Babalik kayo roon balang-araw."

"Kailan yung balang-araw, Mama?"

"Kapag malaki ka na."

"Matagal pa 'yon e!"

"Mabilis na lang 'yon, anak." Nagtaas si Mama ng pana at huminto ang asong sinasakyan ko. Walang sabi-sabing nagpakawala agad siya ng pana, pero wala naman akong nakitang kuneho.

"Poi, lumayo muna kayo."

Hindi ko alam kung bakit pero biglang tumalikod noon ang sinasakyan kong malaking puting aso at naglakad siya patago sa malaking puno.

"Doggy, saan tayo pupunta?" tanong ko pa sa asong sinasakyan ko habang kuyom-kuyom ang magkabilang tainga niya. Huminto siya roon sa likod ng malaking puno at tinakpan ako ng mabalahibong buntot niya.

"Quirine, nagkakagulo ang pamilya. Hindi sila makapasok sa loob ng mansiyon."

"Ibig sabihin, nagawa nga ni Marius na isara ang tahanan niya sa pamilya. Hindi niya talaga isusuko ang Helderiet sa kanila."

"Naaamoy nila ang dugo ng tao sa loob ng mansiyon. Hindi nila mahanap kung sino ang may-ari n'on. At alam mo ang ginagawa nila sa mga tao para lang mahanap ang may-ari ng amoy na hinahanap nila."

"Nauunawaan ko. Makakaya kaming itago ni Fabian sa buong bayan ng Helderiet. Hangga't walang alaala tungkol sa anak ko ang buong bayan, wala kaming magiging problema."

"Mama—" Hindi ko natapos ang pagtawag ko dahil lalo pa akong sinubsob ng kasama kong aso sa mabalahibong katawan niya.

"Usap-usapan sa pamilya na may ipapalit na sila kay Marius."

"Wala pa ring magagawa ang bampirang iyon. Amin pa rin ang mansiyon."

"Ngunit kalahating tao ang ginoong ipinalit nila. Pinakamahina sa uri nila ngunit hindi epektibo sa kanya ang ganoon kalaking harang. Siya ang gagamitin nila para mabawi ang buong bayan. Hindi iyon kakayanin ng asawa mo."

"Mama . . ." Hinawi ko ang buntot ng kasama kong aso para masilip si Mama at ang babaeng kausap niya. "Doggy, sino yung kausap ni Mama?"

"Sa susunod na buwan na siya darating sa mansiyon mula sa Timog, Quirine. Tagapaghatid lamang ako ng balita sa lahat ng nasasakupan ng pamilya ko."

"Pag-iisipan naming mabuti ang tungkol dito, Helene. Maraming salamat sa paalala, maaari ka nang umalis."

Napakapit ako noon sa balahibo ng malaking aso nang bigla siyang tumayo. Dahan-dahan niyang nilakad ang direksiyon pabalik kay Mama na malalim ang iniisip para tingnan pa ako.

"Mama? Sino po yung babae?"

"Poi, ihatid mo si Chancey sa bahay." Sumipol nang malakas si Mama at pinalibutan agad kami ng mga hayop sa gubat. "Bantayan n'yo siyang mabuti."

Iyon lang ang huling salita ni Mama at isang buong grupo ng iba't ibang mababalahibong hayop ang kasabay naming umuwi ng malaking puting aso.

Napadilat agad ako at humugot ng malalim na hininga nang maalala ko iyon.

"Miss Chancey?"

Napatingin ako sa gilid ko nang makita si Eul sa kanang tabi ko—nakaupo siya sa wooden chair at nakangiti sa akin.

"Eul?" Napabangon agad ako at pinakiramdaman ang sarili ko. Walang kahit anong masakit. Yung damit ko kaninang pagpunt ako sa Prios, iyon pa rin ang damit ko. Ginalaw-galaw ko pa ang bibig ko. Hindi rin mainit gaya ng huling memorya ko. "Bakit narito ka?"

"Nag-text ka."

"Ako?" Itinuro ko pa ang sarili ko. "Nag-text ako?"

"Oo. Sinabi mong kailangan mo ng tulong."

Ano raw?

Pero wala naman akong text sa kanya kasi narito si Zephy.

Si Zephy!

"Si Zep—"

"Nakita ko kayong nakahandusay sa entrance ng Cabin. Ligtas siya. Pinahatid ko siya kay Lance sa tinutuluyan niya."

"Oh, God. Buti na lang." Nakahinga naman ako roon nang maluwag.

E pero, teka nga. Nasaan na ba ako?

Narito ako sa kuwarto ni Mr. Phillips.

Si Mr. Phillips!

"Si Mr. Phillips, nasaan?"

"Naroon pa rin siya sa kuwarto niya sa ibaba."

"OMG, pero—ano kasi, Eul . . ."

Paano ko ba sasabihin na inilabas namin siya ni Zephy?

"Eul, kasi . . . si Zephy, friend ko siya, okay? Tapos nagpatulong ako nang kaunting-kaunti lang dito sa Cabin kaya siya narito kanina."

"Okay." Tumango naman siya. "Ano ang itinulong niya?"

"Uhm . . . sinubukan naming gisingin si Mr. Phillips."

"Okay." Tumango ulit siya. "Dinaanan ko si Mr. Phillips kanina sa kuwarto niya. Wala pa rin siyang malay."

"Uhm . . . inilabas kasi namin siya ni Zephy."

Hindi agad nakasagot si Eul. Tinitigan lang niya ako nang mabuti para alamin kung tama ba ang sinabi ko na narinig niya.

"Inilabas ninyo si Mr. Phillips," pag-uulit niya sa sinabi ko.

"Oo . . ." Ngumiwi agad ako habang kamot-kamot ang ulo. "Pero wala kaming ginawang masama! Promise, wala talaga. Wala kaming ninakaw, wala siyang kinuhang kahit ano rito sa Cabin, si Mr. Phillips lang talaga ang—" Dinaan ko na lang sa paghugot ng hininga ang paliwanag ko.

Paano ko ba kasi i-e-explain kay Eul ang nangyari?!

"At paano n'yo naman sinubukang gisingin si Mr. Phillips?"

"Uhm . . ." Napalunok ako nang pagkahirap-hirap. Halos palabasin ko na ang litid ko sa leeg. "Eul, don't judge me, okay? Ako'y nagmamalasakit lamang bilang sekretarya ni Mr. Phillips. Gusto ko na siyang magising. Maliban sa suwelduhan na next week, kinakabahan ako kasi baka pareho kaming mawalan ng trabaho sa Sunday. Okay? So . . ." Ipinaikot-ikot ko ang kamay ko para i-explain ang hirap akong i-explain sa kanya.

"Naiintindihan ko, Miss Chancey."

"Okay. Okay." Tumango nang mabilis saka huminga nang malalim para magpaliwanag. "Kasi ganito 'yon. Noong nakaraan kasi, binibihisan ko si Mr. Phillips. Okay?"

Tumango naman siya. "Nakikinig ako."

"Okay. Ganito. Uhm, 'aksidente' akong nasubsob sa kanya tapos ano . . . uhm . . ." Nakakaloka, bakit ko ba sinasabi 'to kay Eul? "Bale, nag-lips to lips kami. Walang malisya! Promise, walang malisya!"

"Ano naman ang nangyari?"

"Ano . . . parang nahigop ko yung black smoke sa loob ng bibig niya? So, inulit namin kanina?"

"Nahigop mo?" kunot-noong tanong niya.

"Well, yeah . . .?" alanganing sagot ko habang tumatango. "Siguro? Kaso sabi mo, wala siyang malay hanggang ngayon, di ba?"

"Ganoon nga." Tumango naman siya. "Sigurado ka ba rito?"

"Uhm-hmm? Siguro?"

Hindi siya sumagot. Tumingin lang siya sa kanang gilid at doon nag-isip nang malalim.

Sigurado ako sa ginawa ko kanina. O kung hindi man, sigurado na lang akong binaba namin si Mr. Phillips.

O baka imagination ko lang?

Baka imagination ko lang lahat!

"Eul, hindi pala ako sure."

Sumulyap siya sa dulo ng mata niya patingin sa akin. "Hindi ka sigurado."

"Hindi pa kasi ako nagla-lunch."

Napasulyap siya sa relos niya. Napatingin naman ako sa orasan ng kuwarto sa likuran lang ni Eul. Alas-singko pasado na. Palubog na naman ang araw.

"Babalik ako rito bukas ng umaga, Miss Chancey. Kakausapin ko ang Mamá tungkol sa sinabi mo."

"Pero kung posible iyon, tingin mo, magigising na si Mr. Phillips before Sunday?"

"Kung posible, gagawa kami ng paraan." Tumayo na siya at nagpagpag ng suot niyang gray na pants. "Hindi ko rin masasabi kung posible ang sinabi mo. Wala pa kasing nakakapag-alis ng kontrol ng mga bampira kapag hawak na nila ang kaluluwa ng isang tao."

Bumigat ang pakiramdam ko sa sinabi ni Eul. Ibig sabihin, imposible pala ang plano ko.

Hinayaan ko na lang na maunang bumaba si Eul. Natulala ako sa kinauupuan ko.

Papalubog na naman ang araw. Sabado na naman bukas. Tapos Linggo na.

Ayokong mapatalsik sa puwesto niya si Mr. Phillips. Maliban sa mawawalan din ako ng trabaho, mas concern ako na gaya ko, mawawalan na rin siya ng trabaho. Tapos hindi na siya ang may-ari nitong Cabin.

Paano na kaming dalawa nito? Saan kami pupunta?

Pinalipas ko pa ang ilang minuto bago ako kumilos. Nakabukas ang bintana ng kuwarto ni Mr. Phillips kaya kitang-kita ko ang pagbaba sa langit ng araw. Isinara ko na lang ang kurtina saka ako pumunta sa closet ni Mr. Phillips para kumuha ng bihisan niya.

Nalilito ako. Alam kong ibinaba namin siya ni Zephy.

Bago ako bumaba, naligo na muna ako at nagbihis ng T-shirt at maikling shorts pambahay. Nakakawala naman ng pag-asa nitong setup namin. Para kaming binibilangan ng araw.

Madilim na nang makababa ako sa second floor. Binuksan ko na ang chandelier saka sumabog ang liwanag sa loob ng kuwarto.

"Haay . . ." Tama nga si Eul, tulog pa rin si Mr. Phillips. Kung paano ko siya iniwan kanina bago kami makarating ni Zephy, ganoon ko na naman siya naabutan ngayon. "Di kaya ineengkanto itong Cabin, Mr. Phillips? Ang alam ko talaga, binaba ka namin."

Binato ko sa tabi ng kama ang mga damit niya pambihis at sumampa ako sa gilid niya.

"Di raw alam ni Eul kung puwede yung plano namin kanina ni Zephy. Alam ko talaga, binaba ka namin e. Paano ka napunta rito ulit?"

Hinawakan ko siya sa balikat at ibinangon. Isinandal ko siya sa katawan ko at hinawakan ko ang laylayan ng damit niya para iangat.

"Gusto ko nang sumuko. Wala na akong maisip na paraan para gisingin ka. Sabado na bukas, hindi ko na alam kung sino pa ang kakausapin ko tungkol sa lagay mo."

Hinatak ko paitaas ang damit niya at bahagyang inilayo siya para mahubad ang damit niya.

"Pag-iisipan ko na kung saan kita dadalhin kapag napalayas na tayo rito. Narito pa naman si Zephy bukas, baka puwede akong makahingi ng tulong. Malay mo—AAAHH!"

Napatalon ako palayo sa kama at napagapang paatras hanggang mabangga sa pader.

Bigla akong hiningal habang nakatitig sa mga gintong mata niya. Nanginig ang buong katawan ko nang isang iglap lang.

"M-Mr. Phillips?"

Inilahad niya ang kamay niya at sumenyas na lumapit ako sa kanya. "You're not yet through, Chancey. Tapusin mo 'tong ginagawa mo."

Waaah! GISING NA SIYA!

---

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top