x. Operation: Waking Mr. Phillips
"CHAAA!"
"ZEEEPH!"
Para kaming timang ni Zephy na nagyakapan agad saka nagtatatalon-talon pagkakita namin sa isa't isa.
"Bakla ka, akala ko talaga, kinakain ka na ng mga uod!" tili niya sabay hampas sa braso ko.
"Kapal mo naman! Itong mukhang 'to, mukhang magpapakain sa uod?"
Tawanan lang kami nang tawanan nang magkita ulit kami. Na-miss ko si Zephy, siya kasi yung kasama ko nitong nakaraang kalahating taon doon sa Aguero kahit na pareho rin kami minsang tine-terrorize ni Mrs. Fely.
Nakaka-miss din siya kahit ilang araw pa lang kaming huling nagkita. Madalas kasi, siya ang tagakalampag ko ng pinto ko sa apartment. E wala na akong apartment at iba na ang kumakalampag sa pinto kung saan na ako nakatira.
"Cha, mukhang asensado ka na a! Ibang level, sana lahat mukhang kagalang-galang, di ba?"
Nagpa-cute pa ako saka rumampa sa gilid ng kalsada. Sabi ko, mag-uusap kami sa diner, pero nasa labas pa lang kami, ang ingay na namin.
Pinauna ko na si Lance para masundo sina Mrs. Serena sa Cabin. Tumambay kami sa malapit sa bus stop doon sa iron gate. Nakaupo kami sa dulo ng metal seat, siya ang nasa haligi at ako ang nasa loob pa para nakikita ko ang entrance ng Woods. Para kapag lumabas na ang mga maid at yung sasakyan ni Lance, pupuslit na kami ni Zephy sa loob.
"Sure ka, di magagalit yung boss mo kapag pumasok tayo diyan?" kinakabahan pang tanong ni Zephy habang palingon-lingon kami sa direksiyon ng iron gate. "Baka magwala kapag nakita ako."
"Hindi 'yan. Gusto ko ngang magwala para magising na e."
"Ha? Bakit?" Napatingin agad siya sa akin.
"Ganito kasi 'yan, Zeph. Secret lang 'to, ha? Huwag mong ipagkakalat. Yung boss ko kasi, vampire."
"O tapos?"
"Tapos hindi pa siya gumigising."
"Baka kasi may araw pa? Di ka ba nanonood ng Dracula?"
"Kahit gabi, tulog talaga e."
"Baka patay na."
"Humihinga, patay?"
"Baka bear naman yung boss mo, hindi vampire. Cha, imbento ka, ha."
"Ngek! Vampire siya, tangek. Ipakikita ko nga sa 'yo, di ba? Wait ka lang."
"O, ayan na, may kotse na sa gate."
Bahagya pa kaming nagtakip ng mga mukha namin gamit ang palad habang pinanonood na lumiko sa kaliwa ng gate ang sasakyan na minamaneho ni Lance. Ilang minuto pa, lumabas na ang mga maid doon at sumakay sa kanina pang nakaparadang white bus malapit sa iron gate ng Woods.
"Bus pala ng Historical Commission yung service nila," bati ni Zephy sa malaking sasakyang sumundo sa mga maid ng Cabin. "Grabe, ang dami pala nilang naglilinis. Malaki ba talaga yung bahay sa loob?"
"Oo, Zeph, grabe. Magkaka-muscle talaga binti mo saka laspag ang baga mo kapag naglibot ka."
"Walang golf cart? Sa Western Lees Mansion, may golf cart sila, bakla. Tapos may pa-bike para sa mga tourist."
"E hindi naman tourist spot yung Grand Cabin, ano ka ba?" Tinapik-tapik ko agad siya sa balikat. "Ayun na, umalis na yung bus. Tara, tara!"
Pasimple ang pagtakbo namin ni Zephy papasok sa iron gate. Alam ko namang kailangan ng clearance para pumasok sa loob, pero kasi tulog naman ang may-ari. Saka saglit lang naman kami, hindi ko naman patatagalin si Zephy sa loob ng Cabin.
"Pero, Zeph, huwag mong ipagkakalat na vampire ang boss ko, ha?" paalala ko pa habang nilalakad namin ang daan papuntang Cabin.
"Cha, tapos na yung joke time. Ano ka ba? Walang vampire!"
Tinitigan ko siya nang masama. Wow, sana nga walang vampire, di ba? E di sana hindi hostaged ng vampire family niya si Mr. Phillips.
"Zeph, paano kung meron?"
"E di patay ka! Ano ka ba naman? Sumisipsip sila ng dugo hanggang mamatay yung victim nila, di ba?"
"E hindi pa naman ako patay."
"Sinipsip na ba yung dugo mo, ha?"
"Oo, ilang beses din."
"YUCK! Ano yung boss mo, lamok?"
"Vampire nga, di ba? Zeph, nabobobo ako sa 'yo talaga." Napakamot agad ako ng ulo. Ang sarap kausap ni Zephy, parang nauubos ang braincells ko nang walang sa oras.
"Nagpapasipsip ka ng dugo mo? Cha, grabe naman. Para sa 200 dollars? Gipit na gipit? Bakit di ka na lang mag-donate tapos bigay mo sa kanya yung blood bag? May bayad din naman yung donasyon ng dugo." Dinuro pa niya ako sa mukha. "Cha, medyo bobo ka nang slight doon, ha."
"Oo nga, 'no?"
E teka nga kasi! Bakit ako magdo-donate ng dugo samantalang may Red Water na stock si Mr. Phillips sa ref?
"Zephy, may stock siya ng dugo sa ref. Naka-carton, uhm!" Dinuro ko rin saglit ang mukha niya. "Akala mo, ha."
"Totoo?" nakangiwing tanong niya.
"Of course!" proud ko pang sagot sa kanya. "Saka palagi siyang naka-Wagyu steak."
"Ay, ang taray, bakla ka, Wagyu? Mahal 'yon, di ba?"
"Aba'y siyempre! Mayaman kaya yung boss ko. Chairman 'yon ng Prios, excuse me!"
"E di ikaw na secretary ng chairman ng Prios." Inirapan niya ako kaya inirapan ko rin siya. Pero pagbalik namin ng tingin sa isa't isa, nagtawanan na lang din kami.
Si Zephy, masaya rin talagang kasama. Kung saan-saan na nga ako tinatangay nito para sa trabaho. Siya nga rin ang nagbigay sa 'kin ng flyer para sa Jagermeister kaya ako napunta rito. Kahit paano, gusto ko rin naman siyang makita ulit kasi wala naman akong ibang kaibigan dito. Hindi rin naman kasi sila nagtatagal lahat.
"Wow, Cha, dito ka nakatira?"
"Yep!"
Nagpamaywang pa ako habang nakahinto kami sa dulo ng kalsada kung saan simula na ng damuhan. Nakatanaw kami sa Grand Cabin na parang malaking doll house na nakakatakot nga lang tingnan kasi medyo luma na.
"Baka haunted house 'yan, Cha. Ang creepy. Tingnan mo." Ipinakita niya ang braso niya sa akin. Nag-chicken skin na siya dahil sa tayo-tayong balahibo. "May multo ba diyan?"
"Wala. Vampire lang. Di pa naman siya gising, okay lang 'yan. Tara na!"
Nilakad na namin ang papasok sa mansiyon. Para sa akin, normal na lang ang lugar. Pero kay Zephy, gaya ko noong unang tapak ko, panay ang lingon niya sa paligid kasi nga naman, nakakalula talaga ang laki ng Cabin mula sa labas hanggang loob.
"Cha, kaya pala ang dami ng maid. Kahit yata sampung maid, hindi kakayaning linisin 'to nang isang buong araw e."
"Alam ko. Hagdan pa lang, ngarag na ang katawan ko sa pagma-mop."
"Anong laman ng ref nila?"
Ay, grabe! Hinagod ko agad siya ng tingin mula ulo hanggang paa. Alam ko namang chubby si Zephy, pero grabe naman sa tanong. Ref agad talaga ang hinanap imbis na yung amo ko?
"Yung steak lang saka yung drinks ni Mr. Phillips ang laman ng ref."
"Wala kang pagkain?"
"Yung ibang pagkain ng tao, nandoon sa mini ref ko sa kuwarto."
"Ay, ang taray! May mini ref!"
"Tara sa taas!"
Hatak-hatak ko agad siya paakyat sa grand stairs.
"Cha, ang lakas maka-donya rito. Kung sa ganitong bahay ako titira, baka hindi na ako lumabas."
"Naku, Zeph, hindi nga ako nakakalabas noong first days ko."
Pumuwesto pa si Zephy sa harapan ng painting ni Marius Helderiet na gawa ng papa ko.
"Cha, sino 'to? Yung boss mo? Ang guwapo naman, mukhang haciendero na may-ari ng malalaking lupain."
"Ano ka ba? Pinsan niya 'yan."
"Talaga?!" Gulat na napatingin sa akin si Zephy. "Single?"
"Patay na."
"Ay, sayang. Kaya pala naka-paint na lang." Tumalikod na siya at pumuwesto sa barandilya ng second floor. "Mga muchaha! Magsiluhod kayong lahat sa reyna ninyo! Hahaha!" pagtawa niya na parang kontrabida sa movies. Bigla siyang pumaling sa akin. "Cha, ang lakas talaga nitong bahay mo ngayon. Feeling rich, ha? May kayamanan ba sila rito? Baka may mga ginto rito, baka puwedeng makahingi kahit kurot lang."
"Zeph, looking for gold din ako kagabi pa." Itinuro ko ang itaas. "Tara sa kuwarto ko."
Pormal naman si Zephy tingnan if ever magising si Mr. Phillips at makita siya. Hindi naman bastusin yung suot niyang sleeveless pink blouse saka denim jeans. Kaso kita kasi talaga yung braso niyang pamalo sa dalag. Beef naman ang hilig kainin ni Mr. Phillips.
"Cha, saglit! Diyos ko, day! Nasaan na tayo?"
"O, bakit?" Huminto ako at tiningnan si Zephy na itukod ang mga palad niya sa tuhod habang hinihingal.
"Malayo pa ba?" pagal na pagal niyang tanong. Wow, I can realte sa feeling, ha. Iniisip ko pa lang kung kasabay niyang maglakad si Mr. Phillips, baka hinimatay na siya sa bilis n'on.
"Malapit na, Zeph. Dalawang hallway na lang tapos isang hagdan."
"EH? Kanina pa tayo naglalakad, wala pa tayo sa hagdanan malapit?"
"Zephy, malapit na talaga tayo, promise."
"Cha, kanina pa tayo naglalakad! Ang layo ng entrance ng Helderiet, oy!"
Kung sa bagay.
Saglit kaming naupo ni Zephy sa sahig habang hinahabol niya ang hangin niya. Sabi ko naman na nasa taas pa ang tubig kaya magtiis siyang hingalin.
"Ayoko na pala sa malaking bahay. Baka pumayat ako rito. Kawawa naman mga baby fat ko." Inipit niya ng mga daliri ang bilbil niya. "Di ba, mga baby? Di ko kayo pababayaan. We can survive this."
Nagtawanan na lang kaming dalawa saka bumalik sa paglakad paakyat sa third floor.
Alam ko namang malaki ang Cabin at nakakahingal talagang lakarin nang walang elevator, pero nasanay na rin ako mula nang makapasok ako rito. Lalo pa, kung makalakad naman si Mr. Phillips, parang hinahabol palagi ng sampung demonyo.
"Ang dilim naman dito, Chancey! Walang kailaw-ilaw?"
Patay kasi yung lamp sa pinto ni Mr. Phillips. Wala naman kasing nagsi-stay rito sa third floor kaya pinapatay ko na lang sa araw para hindi sayang ang koryente.
"Tara dito, Zeph." Binuksan ko na ang pinto at dumiretso ako sa loob. "Alam mo, itong—"
"Aray ko naman, bakla!"
Napalingon agad ako sa kanya nang kunot ang noo. Kapa-kapa niya ang pintuan ko samantalang nakabukas naman ang pinto.
"Zeph, ano na?" reklamo ko pa imbis kasing pumasok na lang.
"Cha, joke ba 'to? May glass ba 'to? Ayaw magpapasok, ha."
Lalong kumunot ang noo ko habang nakikita si Zephy na binabagsakan ng kamao ang pintuan kong wala namang harang.
O baka meron.
Oo nga, meron.
"Wait, Zeph! Kuha lang ako ng tubig!" Mabilis ang pagkuha ko ng water jug sa ref bago ako dumiretso sa kanya. "O, ito na."
Tinaasan niya ako nang kilay nang iabot ko sa pintuan ang water jug tumagos lang ang kamay ko sa imaginary harang na sinasabi niya.
"Cha, nanti-trip ka ba?" Hinalbot niya sa akin yung inuman ko ng tubig saka niya tinungga kahit nakatingin pa rin sa akin.
Ibig sabihin pala, kahit mga gaya ni Zephy, hindi makakapasok sa kuwarto ko? Hindi pala niya ako matutulungang magkalkal kung maghahanap pala kami ng kayamanang sinasabi n'ong shifter na may attitude kagabi. Sayang naman.
"Baba na tayo, dalhin mo na lang 'yan," sabi ko at inakay na siya pababa pagkatapos kong isara ang pinto ng kuwarto ko.
Ganoon pala ang mangyayari sa lahat ng mag-a-attempt na pumasok sa kuwarto na 'yon. Meaning, ganoon din ang nangyari sa mga secretary ni Mr. Phillips kaya sa blank room na lang sila natulog?
Sure ako na hindi shifter ang pumapatay sa kanila. At base naman sa natatandaan kong reklamo ng bampirang kasama nina Morticia last time, si Mr. Phillips ang nagdadala sa kanila ng mga biktima nila. Sila ang pumapatay ng mga secretary na 'yon tapos pinalalabas lang na shifter ang salarin.
Ang sasama talaga nila.
Pero parang masama rin si Mr. Phillips kasi pumapayag siya sa setup. Pag-uusapan namin 'tong mabuti paggising niya. Hindi ko gusto na ganoon ang ginagawa niya, pinapahamak niya ang ibang tao dahil lang sa pamilya niya.
Inom lang nang inom si Zephy habang naglalakad kami pabalik sa second floor. Sino ba naman kasing hindi mapapagod, ang laki-laki ng Cabin? Lalo pa, first time lang ni Zephy tapos hindi pa siya sanay na naglalakad nang bongga. Talagang magmamantika siya rito.
"Cha, tipid talaga kayo sa koryente?" tanong na naman niya kasi madilim pagbukas ko ng ilaw sa kuwarto ni Mr. Phillips.
"Ito na nga, bubuksan na, di ba?"
Pagpasok namin sa loob, binuksan ko agad ang ilaw sa chandelier.
"Wow, parang kuwarto ng mayaman."
Alam kong maganda itong kuwarto, pero wala pa ito sa kalingkingan ng kuwarto ni Mr. Phillips minus the chandelier. Candle holders kasi ang nasa kuwarto niya.
Wala namang ibang laman ang kuwarto kung nasaan si Mr. Phillips kundi kama, grandfather clock, night stand, isang wooden chair, saka wooden closet.
"Ito yung boss mo, Cha?" tanong pa niya paglapit sa kama. "Ang guwapo naman pala. Akala ko, matanda nang uugod-ugod."
"Well, matanda na si Mr. Phillips, Zeph."
"Talaga? Ilang taon? 40?" tanong niya paglingon sa akin.
"127 years old."
Bigla siyang tumawa nang mahina. "Joke mo, Cha, panis na." Binalikan ulit niya si Mr. Phillips at tinitigang mabuti. "Ang puti niya, 'no? Parang naka-gluta."
"Natural skin tone 'yan."
"Sana lahat kulay papel hahaha!" Sumampa pa siya sa kama at nagpa-cute sa akin habang naka-peace sign. "Bagay ba kami?"
"Zeph, nag-propose na siya sa 'kin. Hindi kayo bagay, excuse me." Nagtaas pa ako ng mukha habang wini-wiggle ang mga daliri ko sa harapan ng mukha kung nasaan yung cursed diamond ring na kusang kumikilos kapag trip niya.
"HOMAYGHAD!" Mabilis na umalis sa kama si Zephy at tumakbo papalapit sa akin. "Bakla ka, ang harot mo! Ikakasal na kayo agad?! Ang landi mo naman, kinabog mo si Veron."
"Grabe naman si Veron, oy! Lahat na lang yata ng lalaking makita n'on, bino-boyfriend! Di naman ako gano'n!"
"Pero ang ganda naman nito," sabi niya habang himas-himas ang diamond ring na suot ko. "Puwedeng pasukat?"
"Sana nga puwede."
Hinatak-hatak pa niya yung singsing ko pero ayaw matanggal. Kahit nga si Mr. Phillips, hindi maalis itong maarteng singsing na 'to e. Siya pa kaya?
"Grabe! Di kaya mamatay ang daliri mo diyan, ayaw matanggal!"
"Huwag mo na lang banggitin, Zeph."
Hinatak ko yung wooden chair at pinaupo na siya. Umupo naman ako sa kama sa harapan niya saka ko nilingon sa likuran ko si Mr. Phillips na natutulog pa rin.
Hapon na pero wala pa rin talagang nangyayari sa kanyang kakaiba.
"Zeph, ito, seryoso na. Vampire talaga si Mr. Phillips. Hostaged yung kaluluwa niya ng pamilya niyang mga vampire din. Sobrang complicated ng family issues nila, promise, di ko kinakaya. Ngayon, wala siyang malay. Pero may naisip na akong way para magising siya."
Hindi sumagot si Zephy, takip-takip lang niya ang bibig niya at nagpipigil ng tawa.
"Zeph, serious na! Totoo 'tong sinasabi ko. Huwag kang tumawa!"
Lalo lang siyang natawa nang sabihin kong huwag siyang tumawa, nakakaloka na!
"Okay, okay, sige, kunwari naniniwala ako. Game." Natatawa pa rin siya kaya sinimangutan ko. "Continue, dali! Makikinig ako."
Sinimangutan ko pa rin siya pero nagkuwento pa rin ako. "May black smoke kasing nasa loob ng katawan niya. Ang gagawin ko lang, alisin 'yon."
"Okay, tapos?"
"May nalaman akong way kahapon, pero kasi medyo delikado."
"Dahil?"
"Nakakapaso kasi ng bibig."
"Bakit mapapaso ang bibig mo?"
"Kasi kailangang higupin ko sa bibig niya yung black smoke."
"Wha—" Napasinghap siya at napatakip ng bibig. "So, hinalikan mo siya?"
"Zeph, may nangyari na sa 'min. Di big deal nang bongga yung kiss, ano ka ba?"
"WAAAAHH!" Biglang tumili si Zephy habang nagtatatalon sa buong kuwarto. Para siyang rabbit na nakawala.
"Zephy! Ano ba, OA mo naman!"
"Ang landi mo, bakla ka! G na G ka na bang yumaman? Baka sex slave ka rito, ha!"
"Baliw. Sex slave, paano ako ise-slave e tulog yung magse-slave?"
"Ay! Uhm!" Natatawa siyang tinuro-turo ang mukha ko. "Aminin, gusto rin! Crush mo boss mo, 'no?"
"Zephy!" Pinalo-palo ko agad ang kamay niya.
Anong pinagsasasabi nito? Di naman 'yon yung topic, paano naman napunta roon, aber?
"Crush mo boss mo, Cha? Yiieee, harot!"
"Hindi kaya!"
"Bakit ka nagba-blush? Yiieee, malandi ka."
"Baliw ka talaga. Di ako type nito, 'no?"
"Pero nag-propose? Yiieeee! Kunwari ka pa?"
"Zephy kasi! Gusto ko lang siyang magising!"
"Tapos kapag nagising, anong gagawin n'yo? Diretso honeymoon? Yiiieee!"
"Zephy kasi! Hindi naman ganoon 'yon! Landi ka rin e!"
"Hahaha! Sige na, sige na. Hindi na." Bumalik na siya sa pagkakaupo sa wooden chair at hindi na nang-asar ulit. Sarap batuhin ng unan e, hindi naman 'yon ang pinag-uusapan namin. "So, ano'ng plano mo? Iva-vacuum yung black smoke something-something?"
"Oo sana. Pero naisip ko kasi, kapag nakuha ko yung black smoke, baka dito naman lumipad-lipad sa loob ng Cabin."
"Ay! Wait, Cha! Parang may alam ako sa black smoke na 'yan. Saglit, ha." Kinuha niya ang phone niya at may tinawagan pagkatapos. "Ito, di ko lang sinasabi sa lahat pero sa Regina kasi, yung family ng mama ko, sikat sila sa mga ganitong voodoo thingy. Hello, Aunty Kat? Yes, si Zephy 'to." Tumango-tango sa akin si Zephy tapos bigla niyang ni-loudspeaker yung phone. "Aunty, nandito yung friend ko si Chancey. Di ba dati, may ginawa kayong parang voodoo thing sa kapitbahay nina Steven taos may pausok something doon? Yung sabi n'yo, possessed daw ng bad spirits?"
"Oo. Bakit? May problema ba at naitanong mo?"
"Sabi niya, possessed daw ng black smoke itong boss niya."
Sumabad ako. "Pero vampire po siya. Half. Pero may part po na tao siya."
"Ha?"
"Hostaged po ng family niya yung kalahati ng soul niya. Tapos ang iniwan sa katawan niya, yung black smoke. Nag-try po akong i-vacuum yung black smoke. Effective naman po."
"Sandali, sandali. Kung tao siya, dalhin n'yo siya sa araw. Doon n'yo gawin. Para kapag nakalabas na sa katawan niya ang kumokontrol na bampira, susunugin ng araw ang usok na sinasabi n'yo."
"Hindi po ba masusunog din si Mr. Phillips kapag nilabas namin siya sa araw?"
"Kapag gi— ta— matu—"
"Aunty? Hello?" Parehas pa kaming napatingin ni Zephy sa phone, sunod sa isa't isa.
"Saglit, tawagan ko ulit." Ginawa nga niya saka niya ni-loudspeaker.
"Sorry, the number you have dialled is out of coverage area . . ."
Magkasabay na naman kaming tumingin ni Zephy sa isa't isa. "Walang signal, Cha. Ganoon talaga sa kanila. Kahit nga yung text mo, late ko nang na-receive."
Magkasabay kaming nagbuntonghininga at napaisip sa susunod na gagawin.
Maganda yung idea na dadalhin sa arawan si Mr. Phillips, kaso baka kasi masunog siya. Pero nakakalabas naman siya kahit may araw.
Siguro, papayungan ko na lang.
"Plano, Cha?"
Napabuga ako ng hininga saka desididong tumango.
"Tulungan mo 'ko, Zeph. Ilalabas natin si Mr. Phillips."
---
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top