ix. Death Threat
"Mr. Phillips! Mr. Phillips, may chika sa 'yo!" Tumalon agad ako sa kama patabi sa kanya saka pinalo-palo nang mahina ang kanang balikat niya. "May nakausap akong shifter kanina. Alam ko na kung bakit nila kinakalampag yung blank room!"
Grabe, kung alam ko lang na puwede palang hindi magpatayan dito sa loob ng Cabin, e di sana wala akong nililinis na dugo noong nakaraang linggo. Pinahirapan pa 'ko ng mga war freak na 'to.
"May kayamanan daw si Mama na tinago roon sa kuwarto ko sa taas! Baka may ginto roon! Feeling ko, mayaman talaga kami pero di lang sinabi ng parents ko para ma-appreciate ko ang value ng pera e. Iba nga naman kasi kapag pinaghihirapan mo ang pera kaysa yung pinamama lang agad-agad, di ba?"
Sinulyapan ko si Mr. Phillips na hindi pa rin gumigising. Pero ayos lang. Malakas talaga ang kutob ko na magigising na rin siya soon kasi may way na akong alam para magising na siya.
Inayos ko na ang buong kuwarto para makapagpahinga na rin ako. Maaga pa naman akong aalis para pumunta sa Prios.
Kaunti na lang talaga, magiging okay na ang lahat. Naniniwala ako.
***
Alas-singko, nagising ako pagtunog ng orasan sa kuwarto. Himalang wala akong panaginip. Ang kaso, bigla akong kinabahan kasi wala akong panaginip!
Pumaling agad ako sa tabi ko at kinapa ang dibdib ni Mr. Phillips.
"Shocks! Akala ko, patay ka na talaga." Nakahinga agad ako nang maluwag after that mini heart attack umagang-umaga.
Tinitigan ko pa rin si Mr. Phillips kahit nasiguro ko nang humihinga pa rin siya.
"Di ka ba nagugutom, Mr. Phillips?" tanong ko habang pinaglalaruan ng hintuturo ang pilik-mata niyang mahahaba. "Ganitong time, dapat nilulutuan na kita ng breakfast e."
Wala pa rin talagang imikan sa kanya.
"Ang weird ng mga monster dito sa Cabin. Makikita ko pa kaya yung ma-attitude na shifter kagabi? Mukhang marami siyang alam e."
Nagbuntonghininga ulit ako dahil nakakaburyong na sa Cabin. Sobra na ngang tahimik, feeling ko pa, may kasama akong patay. Ano lang, 50-50 pa lang.
Kinuha ko na lang ang metal bowl at towel sa banyo para hilamusan si Mr. Phillips. Mamaya ko na lang siya bibihisan pag-uwi. At kukumutan ko na talaga muna siya para hindi ako nakakakita ng malalaking bagay na hindi ko dapat makita.
"Naalala ko na lagi mo 'kong pinakakanta kapag pinupunasan kita habang puro ka dugo," kuwento ko sa kanya habang pinupunasan ang mukha at leeg niya. "Ewan ko ba kung alam mo o nararamdaman mo lang kapag natatakot ako kaya mo o pinakakanta. Kapag kasi kinakabahan ako, lagi mong nire-request. Naaamoy mo ba yung takot ko? Sabi mo dati, naaamoy mo 'yon, di ba?"
Sunod kong pinunasan ang kanang braso niya. Nag-hum lang ako ng paboritong kantahin ni Mama kapag pumupunta kami ng gubat. Hindi ko alam kung anong kanta 'yon, basta puro lang siya himig.
Napahinto lang ako nang mapansin kong nangingitim ang ang tubig pagpiga ko ng towel. Tiningnan ko pa ang towel mismo, nangingitim din. Pero mukha namang malinis si Mr. Phillips a. Imposibleng libag niya 'to e mas maputi pa nga siya kaysa sa akin.
"Mr. Phi—" Napahinto ako sa pagtapik sa kanya nang makita ko ang singsing na bigay niya sa akin na nangungulay pula ang kalahati. "Whoah." Inilapit ko pa iyon nang bahagya sa mukha ko para titigang mabuti kung pula nga ba o imagination ko lang ang kulay.
"Hmm . . ." himig ko na nagtataka, pero pag-hum ko, biglang gumalaw ang kulay at kinain ulit siya ng pagiging diyamante ng singsing.
Ano na naman kayang kababalaghan ang topak nitong singsing na 'to? Kapag ako talaga naging palaka dahil dito, isusumpa ko talaga si Mr. Phillips kung bakit niya ipinasuot sa akin itong singsing ng mama niya.
"Hindi ko alam kung ano'ng problema nitong singsing mo, Mr. Phillips, pero mukhang defective na naman. Nag-cha-change colors na naman siya."
Pumunta agad ako sa banyo para palitan ang tubig sa bowl. Maitim talaga, parang grasa. Paghawak doon ng kamay kong may singsing, "Whoah!" Dahan-dahang bumalik sa pagiging normal na kulay ng tubig ang itim na tubig.
Ako, mag-isa lang ako rito sa Cabin, sino ba ang puwede kong konsultahin sa mga ganitong weird na bagay?
Itinapon ko na lang ang tubig at sumahod ulit ng panibago saka binalikan si Mr. Phillips. Binilisan ko na lang ang pagpunas at napansin kong wala naman sa kabilang braso yung itim.
Di kaya libag lang talaga yung itim na 'yon?
Kaso ang kapal naman yata. Di naman ganoon kadugyot si Mr. Phillips, grabe naman.
Tinapos ko na ang pagpunas sa kanya at hinanda na ang mga dadalhin kong papeles sa Prios. Magpapahatid na lang ako kay Lance pagdating nila ni Mrs. Serena.
Matapos kong mag-asikaso sa boss kong Sleeping Beauty ang peg, nagluto na ako ng almusal, at naligo na rin saka nagbihis pagkatapos.
"Ang ganda naman nitong damit," sabi ko habang nakatingin sa damit na bili sa akin ni Mr. Phillips. Pink blouse na may bowtie neck design na see through. Gawa sa pink sheath ang kabuuan hanggang sleeves na parang ipinatong sa white sando. Tapos ang ka-patner, peplum skirt na hanggang tuhod ang haba. May binili rin siya sa aking two-inch peeptoe heels na madaling ilakad.
Nagpulbo na lang ako at red na lipstick na malapit nang maubos. Siguro, kailangan ko nang bumili sa suwelduhan kahit face powder man lang saka bagong lipstick. Nagtali ako ng buhok na hanggang tuktok ng ulo ang taas.
Pasado alas-otso na nang makababa ako sa kuwarto ni Mr. Phillips para ipagmayabang ang suot kong damit.
"Mr. Phillips, ang ganda ng damit ko, o!" Rumampa-rampa pa ako sa gilid ng kama para mag-model ng damit na bili niya. "Alam ko namang nakita mo na 'to kasi ikaw yung bumili, pero flex ko na lang din."
Pumunta agad ako sa kabila ng kama para ipunin ang lahat ng folder na bibitbitin ko papuntang Prios.
"Kakausapin ko pala si Eul. Nag-text na ako sa kanya kagabi na puntahan ako sa Prios kasi hindi ako makakadaan sa JGM. Baka pagalitan si Lance kapag na-late kami ng balik. E makikigamit lang ako ng sasakyan."
Binuhat ko na lahat ng folders at pumunta na sa may pintuan. "Naririnig ko na yung boses ni Mrs. Serena. Malamang na kapag nagkita na naman kami, itatanong n'on kung buhay pa rin ba ako." Binuksan ko na ang pinto saka sinulyapan si Mr. Phillips sa kabila ng madilim na kuwarto na lampshade lang ang nakabukas na ilaw. "Yung phone, nasa nightstand, ha? Tawag ka agad kapag nagising ka na. Bye, Mr. Phillips! See you later!"
Sinara ko ang pinto, idinikit ulit ang "Do Not Disturb" sign, at nilakad na ang hallway ng second floor.
"Ayusin n'yo ang cabinet sa kusina! Palitan ang kurtina sa second floor!"
Ibang level talaga ang boses ni Mrs. Serena. Powerhouse ang voice box.
Nakatalikod siya habang pababa ako ng hagdan. Napalingon lang siya nang sumaglit ng yuko si Lance sa akin para bumati.
"Aba! At talagang pinanindigan mo ang pagtatagal dito, ha?" bungad na bungad niya sa akin.
At least, may improvement. Hindi na niya tinanong kung buhay pa ba ako.
"Walang mag-aasikaso kay Mr. Phillips. Ni hindi ka nga makatagal dito nang lampas sa alas-sais ng gabi, ako pa ang pagsasabihan mo," mataray kong sinabi sa kanya saka siya inirapan. "Lance, pupunta ako ng Prios. Nag-text na ako kay Eul kagabi, sabi ko, pa-assist ako rito sa mga document."
"Masusunod, Miss Chancey." Lumapit na siya sa akin at kinuha ang mga folder na dala ko. Madali niya iyong dinala sa sasakyan at nauna na sa akin.
Nang magtapat kami ni Mrs. Serena, tinaasan ko lang din siya ng kilay nang taasan din niya ako ng kilay.
Akala niya, papakabog pa ako sa kanya. E hindi nga niya maakyat si Mr. Phillips mula nang mawalan ng malay gawa ng pamilya ng mga bampirang 'yon.
"May sumpa talaga ang pamilya mo," nanggigigil niyang sinabi sa akin habang pinanlilisikan ako ng mata. "Nagtataka na ako kung bakit hindi ka nila nagawang patayin. Anong klaseng halimaw ka ba?"
Lalo ko lang siyang inirapan. Excuse me? Ako? Monster? Hello? Ang cute ko kaya para maging monster, duh!
"'Yan din ang gusto kong itanong sa 'yo, Mrs. Serena." Ako naman ang nanghagod sa kanya ng tingin mula ulo hanggang paa. "Saka kung ako sa 'yo, 'wag mo nang pilitin ang gusto mong paalisin ako rito. Bago pa magkalimutan, baka gusto mo lang makita 'to." Ipinagyabang ko sa kanya ang singsing na bigay ni Mr. Phillips na hindi pa niya yata nakikita. "Regalo 'to ni Mr. Phillips sa akin. May ganito ka ba?"
Biglang nanlaki ang mga mata niya pagkakita sa singsing ko.
"Aray!" Napatili agad ako nang hatakin niya ang kamay ko habang tinititigan iyong mabuti.
"Paano napunta sa iyo itong singsing ni Ruena? Ninakaw mo ba 'to?!"
"Niregalo nga, di ba?! Di ka ba nakikinig?" Hinahatak ko ang kamay ko pero ayaw niyang bitiwan. At ang ginawa pa, hinatak na rin niya ang singsing para mahubad sa akin.
"Tanggalin mo 'tong singsing! Hindi nababagay sa iyo ito!"
"A-Aray! Ano ba?! Bitiwan mo nga ako!" Pinalo-palo ko pa ang kamay niya para lang tantanan ang kamay ko. "Sabi nang—WHOAH!"
"AAH!"
Magkasabay kaming naglayo ni Mrs. Serena nang biglang kumilos na parang baging ang singsing sa daliri ko at may kung anong malakas na hangin ang nagtulak sa aming dalawa para maglayo.
Nanlalaki ang mga mata ko habang nakalahad ang palad ko sa ere. Pinanonood ko lang na bumalik sa dating ayos ang singsing sa daliri ko. Parang niyakap ulit ng gintong katawan n'on ang palasingsingan ko saka naging simpleng gintong metal na lang na hindi gumagalaw.
Shit! Natatanggal naman pala siya kapag trip niya!
Nagkasalubong pa ang tingin namin ni Mrs. Serena nang kumalma na ang singsing na suot ko.
Napalunok ako habang nakatitig sa kanya.
"Anong klaseng tao ka . . .?" nagulantang niyang tanong habang kunot-noong nakatingin sa akin.
Eeeeh. Imbis na sumagot, mabilis akong tumakbo palabas at walang-lingunang sumakay ako ng backseat ng sedan kahit na nag-aayos pa ng car trunk si Lance.
"Lance, alis na tayo! Dali, dali!"
***
Hindi ko masasabing malayo ang Prios sa The Grand Cabin na parang milya-milya ang layo. Sakto lang para sa kulang-kulang kalahating oras na biyahe na may traffic pa.
Pagbaba ko ng sasakyan, feeling ko talaga, boss na boss na ako kasi pinagbuksan pa ako ni Lance ng pinto, tapos siya pa ang nagbuhat ng mga folder na dala ko.
Nalulula talaga ako sa building ng Prios. Kailangan mo pa talagang lumiyad para lang matanaw nang mabuti ang tuktok ng building. Hindi ko na sinubukang tumingala, mukha akong timang.
Kapag naglalakad pa naman sa entrance, para akong langgam, nanliliit ako sa paligid.
"Eul!" Kumaway agad ako kay Eul pagkakita ko sa kanya sa malayo pa lang.
"Good morning, Miss Chancey," saglit pa siyang yumukod nang kaunti bago ngumiti. "Ako na ang bahala rito, Lance."
Nagngitian lang ang dalawa matapos magkaabutan ng folders.
Ang ganda ng umaga, pero iba ang ganda talaga ng morning kapag nakikita ko ang smile ni Eul. Parang kahit may monsters sa likod ko, hindi ako matatakot kapag nakangiti siya.
"Nakapunta ka ngayon. Mukhang nababantayan mo ang Cabin nang mabuti."
"Ay, siyempre naman! Ako pa ba?"
Nagtawanan na lang kami habang papasok sa Prios. Ipinatawag niya yung manager na tulala last time saka kami dumiretso sa lobby. Doon sa paikot na malaking couch kami naupo habang naghihintay.
"Kumusta?" tanong niya at nginitian na naman ako. "Dumaan ako roon kahapon, hindi kita nakita."
Napaatras agad ako nang kaunti. "Eh?"
Hala! Nagpunta kahapon? E nasa labas ako kahapon. Nagpunta ako sa townhall tapos sa Onyx. Baka pumunta siya nang wala ako. OMG, sayang naman.
"Bakit pala, Eul? Ano'ng kailangan mo?"
"Hindi ko sana ipakikiusap sa iyong bantayan ang Cabin. Alam kong delikado at malaking responsibilidad iyon."
"Ay, okay lang!" Mabilis akong tumango. "Safe sa Cabin!"
Kumunot agad ang noo niya. "Safe?"
"Hindi, kasi ganito 'yan, Eul." Huminga muna ako nang malalim bago nagkuwento. "Alam kong alam mo kung ano ang mga shifter."
"Oo. At delikado sila—"
"Hindi."
Lalong kumunot ang noo niya sa pagputol ko.
"Eul, aware ka sa conflict ng mga vampire at ng mga shifter, di ba?"
Tumango naman siya. "Sila ang dahilan kung bakit namatay si Marius."
"No! Mali!" Umiling agad ako nang mabilis. Lumapit pa ako sa kanya at saka bumulong. "Si Edric ang pumatay sa kanya. Pinugutan siya ng ulo."
Tinitigan ko ang reaksyon ni Eul. Inaalam ko kung magugulat siya sa balita ko. Pero ako yata ang nagulat kasi wala siyang reaksyon.
"Eul?"
"Paano mo nalaman ang tungkol diyan?" seryoso niyang tanong.
"Eul, believe it or not, Mama ko ang pinaka-leader ng mga shifter. Pero hindi raw siya shifter, ha! Sabi ni Johnny, hindi. Para lang daw siyang shepherd ng mga monster na 'yon. Binabantayan lang nila yung Helderiet Woods saka may hinahanap lang silang kayamanan sa third floor."
"Kayamanan?"
"Uhm-hmm!" Tumango naman ako nang mabilis. "Ang sabi sa akin ng shifter na nakausap ko kagabi, nasa likod daw ng harang ang kayamanan. May tatak daw 'yon na gaya ng nasa dibdib ko. Walang ibang makakapasok doon sa likod ng harang kundi yung ginoo something na sinabi niya. Feeling ko, si Mr. Phillips 'yon. Sa kanya raw pinagkatiwala yung kayamanan. Ewan ko, baka jewelry box yata ang habol nila."
Bigla siyang umiling na nagpalito sa akin.
So, hindi jewelry box? Ibig sabihin, hindi pa ako mayaman?!
"Miss Chancey, hindi iyon jewelry box," aniya habang nakatitig sa mga mata ko.
"Pero sabi ng shifter, kayamanan daw 'yon! 'Yong treasure na may mark na gaya ng mark ko sa dibdib ang babawi ng Helderiet Woods mula sa pamilya!"
"Ssshh!" Mabilis niyang tinakpan ang bibig ko pero hindi niya pinalapat ang palad niya sa akin.
Saglit akong napaatras at palipat-lipat ang tingin ko sa mukha niya at sa kamay niyang itatapal sana sa bibig ko.
"Sinabi nila?" tanong pa ni Eul kaya tumango naman ako nang mabilis. "Nakakausap mo sila?" Tumango ulit ako nang mabilis. "Hindi ka nila sinasaktan?" Mabilis din akong umiling para sabihing hindi.
"Mababait sila, Eul. Para nga silang si Mr. Phillips e. Alam mo, kagabi lang, nag-pet nga ako n'ong isa sa malalaking aso. Mabait sila, promise. Hindi nila ako sinaktan. Pero yung isa sa kanila na nagiging ibon, medyo may attitude n'ong kinausap ko. Pero siya yung nakasagot sa mga tanong ko nang slight lang. Magulo rin kasing kausap."
Walang sinabi si Eul. Tinitigan lang niya ako nang mabuti. Walang kahit anong mensahe ang meron sa mga tingin niya, hindi ko tuloy alam kung kulang pa ba ang mga sinabi ko o dapat ko pa bang dagdagan.
"Ay! Eul, eto may chika pa ako sa 'yong mas magandang balita." Tinapik ko agad ang kanang hita niya. "Alam mo kasi . . . uhm . . ."
Shocks, paano ko ba sasabihin kay Eul na nagnakaw ako ng halik kay Mr. Phillips?
Parang nakakahiya. Baka isipin niya, ang manyak ko.
"Ano 'yon, Miss Chancey?"
"Uh . . . ano . . . ayun!" Mabilis akong tumayo habang tinuturo yung manager na tulala. Papalapit siya sa amin.
Napatayo na lang din si Eul at bumati. "Good morning, Nielsen."
"Good morning, Willis."
Iniabot agad ni Eul yung mga folder na dala ko kay Nielsen. Pero ang weird kasi hindi siya tulala hindi gaya last time. Mukha nga siyang buhay na buhay ngayon habang tinititigan ko. "May board meeting sa Sunday. Hinahanap nila si Mr. Phillips."
Nagkapalitan agad kami ng tingin ni Eul.
Paano makakapunta yung boss ko e wala ngang malay kasi nga hostaged ng pamilya niya?
"Bakit kailangang hanapin?" usisa ni Eul.
"Pamilya ang nagpatawag. Pinag-uusapan na ito noon pang isang araw. May balak na silang palitan sa puwesto si Mr. Phillips. At kapag hindi siya nakarating sa meeting, ipo-propose na sa board na pababain siya sa puwesto."
"HA?" gulat ko pang tili. "Pero paano nga kasi—"
"Dadalo siya," confident na sagot ni Eul.
"Eul!" pabulong kong singhal sa kanya. Paano nga dadalo e wala ngang malay? Ano? Papupuntahin nang tulog?
"Dalawang araw pa naman. Biyernes pa lang naman ngayon."
"Mas mabuting makapunta siya. Alam mo ang mangyayari kapag napalitan siya."
"Nauunawaan ko. Maraming salamat sa balita."
Dismayadong-dismayado talaga akong humarap kay Eul pagkaalis ni Nielsen. Of all people? Ay, of all immortal being pala? Talagang galing pa itong ang tangang idea kay Eul?
"Makikiusap ako sa Mamá na tulungan si Mr. Phillips sa problemang ito ng pamilya," paliwanag agad ni Eul sa akin. "Naniniwala akong matutulungan niya ako rito."
"Paanong tulong?"
"Siguro, makikipagkasundo na lang kami sa pamilya pagsapit ng Linggo. Malamang na manghihingi sila ng kapalit, pero kailangang magsakripisyo."
Lumabas ako ng Prios na nanlalata. Para akong nawalan ng energy. Grabe naman, umagang-umaga, may bad news agad?
Ibig sabihin, patatalsikin si Mr. Phillips sa pagiging chairman kapag hindi siya naka-attend ng meeting sa Sunday?
OMG! Hindi puwede!
Paano kapag wala na siyang trabaho? E di wala akong trabaho? NO WAY! Hindi ako papayag na mawalan na naman ng trabaho! Over my dead body!
Pero huwag naman sanang over my dead body talaga. Kinakabahan ako, namumugot ng ulo ang pamilya ni Mr. Phillips e.
Bzzt! Bzzt!
Ang lakas ng vibration ng phone na dala ko at ang lapad pa ng ngiti ko kasi akala ko, gising na si Mr. Phillips. Iyon pala, unknown number.
Sino naman kaya ito?
"Hello? Si Chancey po ito," sagot ko sa call.
"BAKLAAAAAA! Buhay ka pa pala, hayop ka, pinakaba mo 'ko!"
Biglang umangat ang energy ko sabay sigaw. "ZEEEEEPHY! AAAAACK!" Nagtatatalon ako nang mababa sa puwesto ko saka ako kumaripas ng takbo pabalik sa sasakyan. "Hoy, nasa Regina ka na raw!"
"Bakla ka, bumalik ako sa Belorian! Babalik ako sa Regina sa Monday! May two-day seminar kami sa Historical Commission ngayong weekend!"
Whoah. Really? Why?
"Sa Historical Commission talaga?"
"Oo, bakla ka. Office namin yung gagawa ng financial reports para sa commission this year. Ikaw, akala ko, patay ka na! Di man lang nag-reply? Di man lang tumawag?"
"Zeph, doon pa rin ako sa boss ko nagtatrabaho."
"Ang tibay mo naman, Cha!"
"Busy ka ba?" Tinanguan ko si Lance nang pagbuksan ako ng pinto.
"Ngayon? Wala, bukas pa!"
"Waaaah! Kita tayo sa Belorian Diner! Papakilala ko sa 'yo yung boss ko!"
"Ay, game ako diyan! See yah!"
----
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top