iv. Prelude of Subtle Declaration

"Mr. Phillips, gumising ka." Malakas kong niyugyog ang balikat ni Mr. Phillips kahit na sinabi ni Eul na hindi agad siya magigising. "Mr. Phillips, naririnig mo naman ako, di ba? Naririnig mo 'ko, di ba?!"

Imposibleng gawa-gawa lang ng mga taong putik ang nakita ko. Kung gawa-gawa man nila, bakit? Sa anong dahilan nila gagawin 'yon?

"Mr. Phillips, sabi mo, sila ang pumapatay sa mga sekretarya mo? Mr. Phillips, sekretarya mo 'ko! Hindi nila 'ko pinatay! Mr. Phillips!"

Alam kong naririnig niya 'ko. Alam kong may paraan siya para marinig ako. Kung paano iyon, hindi ko alam pero dapat niyang malaman na hindi yung mga nilalabanan niyang halimaw gabi-gabi ang pumatay kay Marius Helderiet kundi yung mga walang puso niyang pamilya na may gawa kung bakit hindi rin siya magising hanggang ngayon.

"Mr. Phillips!"



*******



Hindi ko kilala si Marius Helderiet. Pero nakakapag-aral na ako nang mamatay siya. Regalo ni Papa ang painting niya noong pumanaw siya. Isang taon matapos n'on, sinara na ang Helderiet sa lahat bilang private land.

Lumaki ako sa gubat ng Helderiet, patagos sa kakahuyan na malapit sa Grand Cabin, at ni minsan, wala akong nakitang halimaw na namamahay roon. Kaya takang-taka ako kung paanong nito ko lang narinig ang tungkol sa mga shifter na sinasabi ni Mr. Phillips.

Napagod na lang ako kakagising kay Mr. Phillips. Malaki yung kama niya, at ayokong matulog sa sahig.

Hindi niya naman ako mamamanyak, at wala rin naman akong balak manyakin siya, kaya nakikumot na lang din ako sa kumot niya at nagsumiksik sa kanang braso niyang nakalahad sa gilid ng katawan.

Inilapat ko ang palad ko sa dibdib niya kasi malakas ang kalabog doon. Kahit paano, nararamdaman kong buhay pa rin siya at humihinga pa.

Ewan ko, pero ang alam ko, matagal nang patay ang mga vampire. Pero ang weird na may pusong tumitibok si Mr. Phillips.

Mabilis pa naman akong antukin kapag pagod kaya pagpikit ko, mabilis na bumigat ang pakiramdam ko.

Para akong hinahatak pailalim. Nararamdaman ko ang init ng mattress.

Inaasahan kong magba-black out ako, pero paghinga ko nang malalim, dumilat ako at nakita kong wala na akong katabi.

Pero hindi lang iyon ang nakita ko. Nakabalik ako sa kuwarto ni Mr. Phillips.

Kinapa ko ang tabi ko sa harapan para hanapin siya dahil ang alam ko, sapo-sapo ko pa ang dibdib niya.

"Chancey . . ."

Lilingon na sana ako nang may maramdaman akong humalik sa kanang balikat ko.

Pagtingin ko sa sarili ko, wala akong damit, pero nakabalot naman ng kumot ang bandang dibdib ko pababa.

"Mr. Phillips?"

Pumaling agad ako patalikod at nakita ko ang nakangiti niyang mukha. Alanganin siyang nakahiga at nakaupo sa tabi ko.

Biglang kumunot ang noo ko pagkakita ko sa kanya. Pula kasi ang mga mata niya imbis na ginto.

"Gising ka na ba? Ayos ka na ba?" tanong ko pa at hinawakan ang magkabilang pisngi niya.

"Naririnig mo na ba 'ko?"

Tumango naman agad ako sa kanya. "Oo. Naririnig ko-naririnig kita."

Hinawi-hawi ko pa ang buhok niyang bumabagsak sa noo at sentido niya.

"I'm glad you're safe, Chancey."

"Si Mar-" Hindi ko na natapos ang sinasabi ko nang bigla niya akong hinalikan. Napahinto ako sa paghinga habang pinakikiramdaman ang lahat.

Hindi ko siya nararamdaman. Wala akong maramdamang dumampi sa labi ko. Pero nakikita kong hinahalikan niya ako.

Mabilis akong lumayo habang kunot na kunot ang noo.

"Mr. Phillips, nasaan ako?"

Ngumiti lang siya sa akin.

Napailing ako at mabilis na bumangon habang kapit-kapit ng kili-kili ang kumot panakip sa katawan kong walang kahit anong saplot.

"Mr. Phillips, gusto kong malaman kung bakit mo kailangang labanan yung mga shifter tuwing gabi."

"Chancey, I have to." Lumapit pa siya at hinawakan ako sa pisngi. "But don't worry about it. I can handle them."

Akma pa sana siyang manghahalik ulit pero lumayo ako agad sa kanya. "Sila ang pumatay kay Marius. Pamilya mo ang pumatay kay Marius Helderiet, hindi yung mga monster sa labas ng Cabin!"

"That's impossible, Chancey."

"Nakita ko! Pinugutan nila ng ulo si Marius!"

"Chancey."

"Galit yung mga monster sa labas sa mga bampira, Mr. Phillips. Nilalabanan mo ba sila kasi masama sila? O nilalabanan ka nila kasi ang akala nila, isa ka sa mga pumatay kay Marius?"

Hindi siya umimik. Napatingala agad ako at napatingin sa paligid nang matunaw ang buong kuwarto niya. Nabalot na naman siya ng itim na usok at nagbalik siya sa pagkakaupo sa velvet chair niya habang nakakadena ang mga braso niya sa armrest.

Pagtingin ko sa sarili ko-hindi ko makita ang katawan ko. Basta ang nakikita ko, siya sa madilim na lugar at ang tanging liwanag lang ay sa puwesto niya sa velvet chair.

"I don't know, Chancey. As much as I wanted to answer you, I can't give you a definite response aside from I have to. I'm sorry."

"Ibig sabihin, hindi mo alam. Hindi nila sinabi sa 'yo ang totoo. Nagsinungaling sila sa 'yo."

"I didn't come from Helderiet, Chancey. All I know is I needed to guard this place as long as I could manage from those shifters."

"Sinabi nilang bantayan mo sa mga shifter? Bakit?"

"Chancey, I-"

Bago pa siya makasagot, bigla na naman siyang nilamon ng itim na usok at napamulat agad ako.

"Hah-!" Napabangon agad ako sa higaan habang habol-habol ang hininga.

Ding!

Napalingon ako sa grandfather clock at nakitang alas-singko na agad ng madaling-araw.

Ang tagal ko palang nakatulog. May anim na oras din.

Napatingin agad ako kay Mr. Phillips na hindi pa rin nagbabago ang ayos sa pagkakahiga niya.

"Mr. Phillips, humihinga ka pa rin ba?" Hinawakan ko siya sa dibdib at naramdamang may tibok pa rin doon.

Hindi ko alam kung panaginip ko lang ba ang nangyari o talagang nakausap ko siya.

Pero kung panaginip man iyon, hindi ko nagustuhan ang panaginip ko.



**********

Alas-singko, dapat nilulutuan ko na si Mr. Phillips ng almusal, pero nagluto na lang ako ng chicken franks at nag-init ng loaf bread para sa almusal. Hindi ko alam kung nagkakape o gustong makaamoy ng kape si Mr. Phillips kasi dugo talaga ang iniinom niya, pero sana hindi siya magreklamo na amoy black coffee ang buong kuwarto. Kahit gustuhin kong sa kitchen o sa dining area kumain, kailangan ko siyang bantayan dahil baka biglang magising.

"Mamaya, ibababa ko rito yung mga folder sa taas. Sa Friday, pupunta ako sa Prios para ipasa sa manager mong tulala yung mga paper. Puwede ko naman sigurong i-forge yung pirma mo, 'no? Puwede bang ako na lang yung pumirma in behalf sa chairman kasi di siya physically available?"

Inubos ko ang almusal ko at bumaba sa kusina para magsinop ng mga pinagkainan at pinaglutuan ko. Saka ako tumangay ng metal bowl na malaki at dinala sa kuwarto niya.

"Madalas linisin 'tong kuwarto na 'to, Mr. Phillips. Sasabihan ko na lang yung mga maid na huwag bubuksan 'tong kuwarto para di ka maabala sa pagtulog."

Nagdala na ako ng ibang gamit ko pagkagising ko kanina para dito na lang din ako mag-aasikaso ng sarili sa bagong kuwarto niya. Kaya pagkatapos kong maligo, siya naman ang pinunasan ko.

"Sabi ni Eul, may bago na raw may-ari ang Cabin. Ang sabi ni Helene, ako raw. Pero kung ako nga, e di sana ang sinabi ni Eul, ako na ang bagong owner."

Punas-punas ko ang mukha at leeg ni Mr. Phillips habang inaalala kung paano ko kakausapin yung bagong may-ari kapag dumating sila. Sekretarya lang naman ako ng dating may-ari e. Wala naman akong hawak na land title? Di ko rin naman puwedeng sabihin na natatawag ko kasi yung mga hayop dito sa Helderiet. Baka kahit pa matawag ko lahat ng hayop dito, kapag hinanapan ako ng dokumento na nagpapatunay na ako nga ang may-ari, baka ipapulis pa ako kasi nang-aangkin ako ng lupa nang may lupa.

Buti sana kung walang "Property of Prios Holdings, in partnership with Historical Commission and Town Mayor's Office" na nakalagay sa entrance. Baka patong-patong na kaso ang abutin ko nito, wala akong pampiyansa.

"Dapat pala, Mr. Phillips, noong nag-propose ka sa 'kin, gumawa ka na ng last will and testament. Tapos ipapamana mo sa 'kin lahat ng ari-arian mo e. E di sana di ako nape-pressure ngayon kapag pinalayas tayo rito. Di ko alam kung saan kita dadalhin, wala rin akong bahay. Kung may pera ako, e di sana bumili na lang ako ng bagong house and lot para doon na lang tayo titira, di ba?"

Sunod kong inunasan ang braso niyang mabigat.

"Grabe naman sa muscle, Mr. Phillips. Ang bigat naman nito." Hinagod ko ng towel yung braso niyang kaya akong buhatin nang isahang karga lang. "Ang tigas talaga ng braso mo. Kaya siguro kung makabangas ka ng panga ng mga monster, para ka lang pumipilas ng papel." Pagkatapos ko sa isa, kinailangan ko pang humakbang pakabila para sa isa pa niyang braso. "Alam mo, Mr. Phillips, kapag nawalan ka na ng property, dadalhin kita sa underground battles. May napuntahan ako dati noong nagtatrabaho pa 'ko sa hotel Puwede ka sa boxing. Mahal ang bayad sa fighters. Pero hinay-hinay ka lang, baka makapatay ka e."

Tinapos ko na ang pagpupunas sa kanya at sinuklay na lang nang kaunti ang buhok niyang noong isang araw pa naman magulo.

"Itatanong ko kay Eul kung paano ka ibabalik sa dati." Inayos ko na ang kumot niya at nginitian siya nang matipid. "Sana magising ka na agad. Okay lang kahit magka-amnesia ka o kaya di mo na ako makilala. Ganoon kasi yung napapanood ko sa TV. Basta kapag okay ka na, ingatan mo lagi ang sarili mo."

Inilapat ko ang palad ko sa dibdib niya at naramdamang may tibok pa rin doon. Napangiti na lang ako nang mapansing medyo lumakas nang kaunti ang normal kong nararamdaman doon.

"Huwag kang mag-alala, di naman ako mawawala. Saka di mo pa 'ko pinapasahod, kaya magtiis ka sa existence ko. May kontrata pa tayo, di ba?"


****



Gusto kong maging optimistic para kay Mr. Phillips. Gusto kong umasang gigising pa siya. Gusto kong umasang may pag-asang maging okay pa siya kasi kada lapat ng palad ko sa dibdib niya, may naririnig akong tibok ng puso roon na di ko naman inaasahan sa gaya niyang bampira.

Binaba ko ang lahat ng trabahong ginagawa ko sa gabi. Kung wala siya sa third floor, doon ako magtatrabaho sa second floor.

Gumamit na lang ako ng lampshade para kahit patay ang ilaw sa buong kuwarto-kahit pa maaraw na sa labas-nakakapagtrabaho ako nang nababantayan siya.

Pagpatak ng alas-nuwebe ng umaga, lumabas agad ako sa kuwarto at naglagay ng door sign na "Do Not Disturb" para hindi bubuksan ng mga maid ang kuwarto kung nasaan si Mr. Phillips.

"Alam n'yo na ang gagawin!"

Umagang-umaga, parang naka-megaphone ang boses ni Mrs. Serena, hanggang second floor, abot yung sigaw niya.

Tumambay ako sa tuktok ng hagdan habang pinapanood ang mga maid na kumalat sa buong mansiyon.

Pagtalikod ni Mrs. Serena, napahinto agad siya at naniningkit ang mga mata nang tingalain ako.

"At buhay ka pa rin hanggang ngayon?!" nanggagalaiti niyang pambungad sa akin.

Naglakad na agad ako pababa ng hagdan habang sinisimangutan din siya.

Habang nakatitig ako sa kanya, hindi ko talaga matanggap na parang kasalanan ko ang lahat ng galit niya sa mundo.

"Mga salot talaga kayo. Ikaw at ang ina mong pumatay kay Marius-"

"Huwag mong isisi sa mama ko ang pagkamatay ni Marius Helderiet!" sigaw ko sa kanya pagkababa ko sa paanan ng hagdan.

"At bakit hindi, ha?! Siya ang dahilan kaya namatay si Marius! Binalaan ko na si Donovan na itapon ka na sa labas ng Helderiet habang maaga pa, pero hindi siya nakinig! Ngayon, siya naman ang nasa bingit ng kamatayan dahil sa 'yo!"

"Pamilya niya ang dahilan kaya siya nagkakaganoon, hindi ako!" sigaw ko sa kanya habang pinandidilatan din siya ng mata gaya ng ginagawa niya sa akin araw-araw. "Hindi ako o ang mama ko ang pumatay kay Marius kundi mga kapamilya niyang bampira! At hindi rin ako ang may hawak ng kontrol sa kanya kundi sila rin! Bakit ako ang sinisisi mo? Bakit ang mama ko ang sinisisi mo?!"

Bigla niya akong dinuro. "Dahil kasalanan ninyo! Hindi mamamatay si Marius kung hindi lang niya prinotektahan ang mortal na 'yon! At hindi mangyayari kay Donovan ito kung nakinig lang siya!"

Tinabig ko agad ang kamay niyang dinuduro ako saka ko nagtaas ng mukha. "So, alam mo? Alam mo na si Edric ang pumugot sa ulo ni Marius? Alam mo na si Edric din ang dahilan kaya walang malay ngayon si Mr. Phillips?! Akala ko ba, naglilingkod ka para kay Mr. Phillips? Nasaan ba ang loyalty mo, ha?"

"Wala kang karapatang kuwestiyonin-"

"MAY KARAPATAN AKO!" ganti ko sa kanya habang minamata rin siya gaya ng ginagawa niya sa akin. "Nandito ka lang sa araw! Nandito ka lang kapag tahimik ang lahat! Nandito ka lang kapag walang gulo! Ako?" Paulit-ulit kong tinuro ang dibdib ko. "Ako, nandito ako tuwing gabi! Nandito ako kapag naliligo sa dugo si Mr. Phillips! Nandito ako at inaasikaso siya kapag nilalabanan niya yung mga halimaw sa labas!" Siya naman ang dinuro ko. "Kaya ikaw, huwag mong kukuwestiyonin ang karapatan ko dahil wala ka sa tabi niya kapag nahihirapan siya! Ikaw ang walang karapatan sa ating dalawa! Tagautos ka lang!"

"Wala kang galang na tampalasan ka!"

Hindi agad ako nakaatras nang bigla niyang kunin ang buhok ko. "BITIWAN MO 'KO! ANO BA?!"

Wala akong ideya na malakas pala si Mrs. Serena. Nagawa niya akong kaladkarin nang isang kamay lang.

"SABI NANG BITIWAN MO 'KOOOO!"

Kahit anong pagpalo ko sa kamay niya, hindi niya talaga ako binitiwan. Pakiramdam ko, matatanggal na sa anit ang lahat ng buhok ko.

"Hindi ka nararapat sa lugar na 'to!"

"A-ray!" Ibinalibag niya ako sa labas ng mansiyon at nasubsob agad ako sa damuhan.

"Miss Chancey!"

Mabilis akong pinuntahan ni Lance na naroon sa malayong gilid ng Cabin.

Hingal na hingal ako habang namimintig ang anit ko gawa ng pagsabunot sa akin ni Mrs. Serena. Nag-iinit ang buong ulo ko, hindi ko alam kung paano ko aalisin ang bigat gawa ng nagaganap sa pagitan naming dalawa.

"Miss Chancey, ano'ng nangyayari?" Mabilis akong itinayo ni Lance at pinagpag ang likuran ng suot kong pullover.

Ang sama ng tingin ko sa mayordomang nasa pintuan ng mansiyon.

"Wala akong pakialam kung si Mr. Phillips pa ang nagpasok sa 'yo sa mansiyong ito." Dinuro na naman niya ako mula sa puwesto niya. "Simula ngayong araw na 'to, pinalalayas na kita."

Biglang bumigat ang pakiramdam ko at nangilid agad ang luha ko habang naririnig ang mga salitang iyon sa kanya.

Ayokong marinig ang mga salitang iyon. Sa kahit na sino . . .

Sa kahit . . . na sino.

"Serena?"

Kinuyom ko agad ang kamao ko habang nanginginig ang labing nakatitig nang masama sa matandang imortal na nasa pinto ng Grand Cabin.

Ang init ng pakiramdam ko kahit lumalakas naman ang malamig na hangin.

"Serena, tigilan mo na 'to."

Nakagat ko ang labi ko para lang pigilang humagulgol ng iyak. Hinawi agad ng hangin ang tumulong luha ko sa pisngi at mabilis iyong natuyo.

Bakit ba lahat na lang, pinalalayas ako?

Bakit lahat na lang . . .?

"Miss Chancey! Kumalma ka! Miss Chancey!"

Napapaling agad ako sa kanan nang ipaharap ako ni Lance sa kanya.

"Kumalma ka. Parang awa mo na."

"Lance . . . wala akong matitirhan . . ."

Ang lalim ng buga niya ng hangin saka siya umiling. "Hindi totoo 'yan. Narito ka sa bahay mo." Lumingon siya sa gilid niya kaya napalingon din ako sa tiningnan niya.

Napalalim ang paghugot ko ng hangin nang makitang nagsilabasan ang mga hayop sa gubat at nakalibot sa amin.

Ang dami nila.

Sobrang dami nila.

Pagbalik ko ng tingin kay Lance, nakalingon na siya sa direksiyon ng pintuan ng mansiyon.

"Nagbabala na si Helene noon pa man na walang gagalaw sa kahit sinong bantay ng gubat, Serena. Binabalaan na kita. Hindi ka papanigan ng pamilya kapag kumanti ka ng mas makapangyarihan pa sa 'yo."

"Lance?"

Ibinalik ni Lance ang tingin sa akin at mas kumalma na ang mukha niya kaysa noong nakatingin siya kay Mrs. Serena. "Halina kayo sa loob, Miss Chancey."

"Pero-"

"Si Mr. Phillips lang ang may karapang magpaalis sa inyo rito. At hangga't hindi nanggagaling sa kanya ang utos, mananatili kayo rito hangga't wala siyang sinasabing kailangan mo nang umalis."

"Pero, Lance, paano si Mrs.-"

"Alam niya ang lugar niya. Kaya dapat, ngayon pa lang, alam mo na rin ang lugar mo." Hawak-hawak niya ako sa balikat na parang di ako marunong maglakad.

Kitang-kita ko ang panggigigil kay Mrs. Serena nang akayin ako ni Lance papasok ng mansiyon. Pag-iwas ko ng tingin, kuyom-kuyom niya nang mahigpit ang kamao niya. Pagtapat namin sa kanya, may sinabi pa siya.

"Huwag mong hintaying parusahan ka ng pamilya dahil sa ginagawa mong ito, Lancelot. Kumakampi ka sa isang walang kuwentang mortal!"

"Sabihin mo iyan sa buong gubat, Serena. Isang walang kuwentang mortal lang naman ang nagpalayas sa pamilya. Binawi lang ng may-ari ng gubat ang dapat na kanya kaya wala kang karapatang palayasin siya sa lugar na pagmamay-ari niya."

Iniwan ako ni Lance sa gitna ng ng entrance ng mansiyon habang pinanonood silang magtagisan ng tingin ni Mrs. Serena.

"Bumalik ka na sa silid mo, Miss Chancey," nakangiti niyang utos sa akin. "Kami na ang bahala rito."

Nakatitig lang ako sa kanilang dalawa habang tahimik lang silang nagkakainitan ng tingin.

At kung ano man ang pinag-uusapan nila tungkol sa bantay ng gubat sa may-ari nito . . . iyon ang hindi ko talaga maintindihan.



----

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top