iii. The Last Helderiet
"Mr. Phillips, 7:30 na. Anong plano? Itong steak mo, uubusin ko talaga lahat ng stock mo rito sa Cabin kapag di ka pa bumangon."
Sinabi naman na ni Eul na hindi magigising si Mr. Phillips hangga't hindi siya pinakakawalan ng pamilya niya, pero sobrang naninibago talaga ako kasi ganitong oras, kumakain na dapat siya ng hapunan.
"Mr. Phillips, masarap pala 'tong steak mo kapag nilutong maigi." Nginuya kong mabuti yung steak na lagi niyang kinakain pero tinimplahan ko ng seasonings saka niluto ko nang matagal para luto hanggang loob. Di ko maiwasang malungkot. Kaharap ko kasi si Mr. Phillips sa kama kung saan siya nakahiga. Sanay akong kumakain siya habang nanonood lang ako. Pero ngayon, ako na lang yung kumakaing mag-isa.
"Alam mo, Mr. Phillips, di pa 'ko nakakatikim ng ganitong karne. Noong bata ako, lagi naming kinakain yung hinuhuli namin ng mama ko na mga kuneho sa gubat. Masarap naman kahit medyo malansa kaysa sa rito sa karne ng baka. Pero at least, libre naman."
Sinulyapan ko siya habang tulog pa rin. Hindi talaga siya umiimik kahit kaunting kibot lang. Napahinto tuloy ako sa pagnguya habang nakatitig sa kanya.
"Mr. Phillips, kasalanan ko ba kaya binu-bully ka ng family mo? Gusto mo, resbakan natin?" Dinuro ko siya ng tinidor kong di ko naman halos ginagamit kasi kinakamay ko rin yung karne gaya ng ginagawa niya. "Kukuha ako ng maraming holy water sa simbahan bukas, tapos papaligo ko sa kanila kapag dumaan ulit sila rito."
Pinagpatuloy ko agad ang pagkain. Babalik pa ako sa taas para maligo. Di ko pa nahuhubad yung damit niyang sinuot sa akin kanina paggising ko.
"Mr. Phillips, sana di ka magalit, ha. Kasi lalabas ako mamayang gabi. Sabi ni Eul, kailangan kong bantayan yung Cabin habang di ka pa okay. Wala ka rin namang magagawa kasi kung di ka lupaypay diyan sa kama, e di sana ikaw yung lalabas mamayang gabi, di ba?"
Inubos ko na ang pagkain ko saka tumayo at harap-harapan kong dinilaan ang mga daliri ko. "Uhm! Favorite part of the meal mo 'to, di ba? Kapag di ka gumising, aaraw-arawin ko talagang inggitin ka hanggang gumising ka. Bahala ka diyan."
Lumabas na rin ako ng kuwarto at dumiretso sa kusina.
Naka-ready na sa blank room sa taas yung bow and arrow kong ayaw na ipagamit ni Mr. Phillips. At kung gusto niya akong pigilan, bumangon siya. Kaso sabi ni Eul, di na raw siya makakapasok sa taas unless welcome siya. Grabe, para pala siyang pinalayas sa sarili niyang bahay.
Sino naman kaya ang bagong may-ari? Walang nabanggit si Eul e. Baka sila?
OMG, baka si Mrs. Serena?! ACK! NOOOOO!
Kailangan ko talagang siguruhin kung sino ang bagong owner ng Cabin. Kapag kami ni Mr. Phillips, pinalayas. Talagang sa kalsada kami pupulutin, wala rin akong matitirhan!
Ang malas ko naman, oo. Buti sana kung di takot sa araw itong bampirang kasama ko. Ibalot ko kaya si Mr. Phillips sa garbage bag para di siya masayaran ng araw? Tutal black din naman 'yon e.
Binalikan ko agad si Mr. Phillips pagkatapos kong linisin ang kusina at pagkatapos kong maligo. Gusto ko sanang magpantulog kaso lalaban ako sa mga monster. Nag-jogging pants na lang ako saka pullover na green.
"Mr. Phillips, di ko maaayos yung table mo ngayong gabi, ha? Bukas ng umaga, kapag hindi ako pinalayas ni Mrs. Serena, ibababa ko lahat ng folders dito sa kuwarto mo ngayon. Dito ko na lang gagawin habang binabantayan ka."
Kinumutan ko siya nang maigi saka sinuklay nang kaunti yung buhok niyang bumabagsak sa noo.
"Kapag bigla kang nagising, puntahan mo agad ako sa taas, ha? O kapag di ka makaakyat, diretso ka na lang sa labas. Gawin mo yung lagi mong ginagawa. Tapos pag-pray mo na rin na sana di ako makain ng monster." Tumayo na ako. "Nagpe-pray ka ba? Di ka masusunog kapag nag-pray ka? Di ba half-human ka? Paano 'yon? Kalahati sa 'yo, masusunog; kalahati, hindi?"
Ang weird. Saka paano kaya siya naging half? Yung mama niya, vampire. So, ibig sabihin, yung papa niya, tao?
Puwede naman pala 'yon. A, baka kaya di siya nagiging usok. Ah! Kaya pala sinabi niyang pureblood si Morticia!
"Mr. Phillips, aalis na 'ko, ha? Kapag di mo na 'ko nakita bukas, ibig sabihin kinain na 'ko ng monster. Pero di ako papayag, siyempre. Wala akong insurance." Kumaway na lang ako sa kanya pagbukas ng pinto. "Bye, Mr. Phillips! Kapag binugbog ako ng mga monster, maniningil na ako ng medical benefits kahit nagagamot ako ni Eul, bahala ka diyan."
Pinatay ko na ang ilaw sa kuwarto niya at binuksan ko na lang ang flashlight ng phone ko para ipang-ilaw sa hallway.
Patay ang lahat ng ilaw sa Cabin kapag ganitong oras na tapos na kaming maghapunan. At hindi na rin naman ako bumababa nang ganitong oras kasi nga, may monster sa labas.
Kaso, no choice naman ako kundi harapin yung mga monster kasi nga di available si Mr. Phillips.
Paano ko kaya sila lalabanan lahat? Ilang beses na nga akong nabugbog dahil sa kanila, tapos may backup pa ako that time. Paano na ngayon? Baka di lang bugbog ang abutin ko. Baka lapain na ako ng mga 'yon.
"Would you know my name . . ." mahinang pagkanta ko dahil kinakabahan na talaga ako sa katahimikan ng Cabin. ". . . if I saw you in heaven."
Para akong niyayakap ng multo sa sobrang lamig. Gusto ko rin naman sanang magkaroon ng standing ovation kapag kumakanta ako, pero huwag naman sanang mga balahibo ko sa katawan ang magtayuan. Self-support?
"Would it be that same . . . if I saw you in heaven?"
Ang scary sa Grand Cabin kapag mag-isa ka lang tuwing gabi. Grabe, kung ako lang ang mag-isa rito sa ganitong lugar, baka ibinenta ko na lang 'to kaysa tumira dito mag-isa. Hindi ko kayang magtagal sa ganitong lugar.
"I must be strong . . . and carry on. 'Cause I know I don't belong . . . here in heaven."
Ang lalim ng buga ko ng hangin bago ko buksan yung black door.
Wala akong dugong nilinis ngayong araw. O kahit siguro si Eul, walang naabutang dugo sa hallway.
Pagpasok ko roon, inilapag ko sa sulok yung phone ko at sumilip ako sa gilid ng bintana.
"Shit." Nanlaki agad ang mga mata ko kasi wala pang alas-dose! Ang dami na nila sa ibaba!
"Isa, dalawa, tatlo, apat, lima, anim . . . shocks, ang dami nila, OMG."
Paikot-ikot ang mga taong putik sa ibaba. Hindi sila nagiging aso, hindi sila nagiging ibon, mga ganoon lang ang ayos nila.
Bakit hindi pa sila sumusugod?
Kasi alam nilang walang malay si Mr. Phillips?
Mabilis kong kinuha sa tabi ng pinto yung compund bow saka naghatak agad ng isang carbon arrow para sana mabawasan sila kahit isa lang.
"Ay, palaka!"
Napatalon agad ako sa gulat at naitutok ko agad out of impulse ang pana ko sa taong putik na nasa bintana pagtalikod ko.
"Shit. Shit. Shit. Shit."
"Aaarrcckk . . ."
"Huwag kang lalapit."
"Aaarrcckk . . ."
"Huwag kang lalapit, sinasabi ko na, papanain talaga kita!"
Shit, di ko mapitik yung pana, nanginginig ang kamay ko.
"Oh my God . . . oh my God . . . oh my God . . ."
Napaatras ako hanggang madikit ang likod ko sa dingding. Hinihingal ako sa kaba habang nakikitang dahan-dahang natutunaw ang putik sa ulo ng monster sa harapan ko.
OMG. OMG. OMG. Nagta-transform siya, OMG!
"I-I-Ik . . . aw . . ."
O. M. G.
Bigla akong natuluan nang luha kahit di ko naman ginustong maluha matapos niyang magpalit ng anyo sa bandang ulo lang.
"Mama . . .?"
Napapikit-pikit ako habang nakikita siya sa liwanag ng bintana. Para niyang ginaya ang mukha ng mama ko kahit parang natutunaw ang pisngi niya.
"A-A-A . . . da."
Nanginginig ang labi ko habang nakatitig sa halimaw na naglalakad papalapit sa akin. Ayaw tumigil ng pagtulo ng luha ko habang nakatitig sa kanya-kung ano man siya.
"A-A-A . . . da."
Nakatutok pa rin sa kanya ang pana ko pero nagawa niyang lumapit at hawakan ako sa noo.
Pagdampi ng malamig na bagay sa noo ko, para akong hinatak ng paligid sa damuhan-sa ibaba ng Cabin, gaya ng eksena kagabi.
"Tumakbo ka na."
"Hindi, Marius!"
"Quirine, tumakbo ka na! Iligtas mo ang sarili mo!"
"A . . .da."
"Hindi ko siya iiwan dito!"
Mula sa puwesto ko kagabi, nakikita ko na naman ang pamilya ni Mr. Phillips.
Yung matandang bampira na tinawag nilang ama. Si Edric. Si Theo. Wala si Morticia, puro sila lalaki.
Hawak-hawak nila si . . . si Marius Helderiet-yung lalaki sa painting ni Papa. Nakaluhod sa damuhan, sa ibaba ng bintana sa blank room Tinututukan siya ng punyal sa leeg ng isa sa kanila. Yung punyal na ilang beses nilang inalok sa akin na gamitin ko raw para patayin ang sarili ko.
"You should kill yourself, mortal. It doesn't have to be like this."
"Quirine, huwag mo silang susundin! Tumakbo ka na!"
"A . . . da."
"HINDI! MARIUS!"
Napasinghap ako nang makitang pinalilibutan si Mama ng mga taong putik.
Pero hindi nila siya sinasaktan.
Pinipigilan nila siya.
"MARIUS!"
Naging itim na usok ang isa sa mga bampira at pasugod na sana kay Mama, pero biglang naging ibon ang dalawa sa mga taong putik at pumagaspas sila sa hangin para lang huwag palapitin kay Mama ang usok na iyon. Bumalik sa pagiging bampira ang itim na usok at lumapag sa damuhan.
Naging malalaking itim na aso naman ang tatlong taong putik at sinugod ang bampirang nakalapit sa kanila.
"HINDI! BITIWAN N'YO 'KO! MARIUUUS!"
Sinundan ko ng tingin si Mama na tinatakas ng mga taong putik sa kakahuyan ng Helderiet.
"MARIUS, BABALIKAN KITA! PANGAKO, BABALIKAN KITA!"
Huling ingay na narinig ko sa gubat ay ang palahaw ni Mama na tinatawag ang pangalan ni Marius.
"I guess, we don't have a choice." May hinugot na espada si Edric mula sa baywang ng isa sa mga bampirang kasama nila at hindi ko alam kung paano tatakpan ang bibig ko nang bigla niyang pugutan ng ulo si Marius Helderiet gawa lang ng isang unday ng espada.
"Hah-!" Bigla akong naghabol ng hininga nang hatakin na naman ako pabalik sa puwesto ko sa loob ng blank room.
"A . . . da."
Naibagsak ko ang pana at palaso ko sa sahig matapos ang lahat ng nakita ko.
Lumuluha lang akong nakatitig sa taong putik na bumaling sa direksyon ng pintuan sa tabi ko.
Baag!
Baag!
Baag!
Naroon na naman ang mga kalabog.
Mas malakas kumpara sa naririnig ko sa kabilang kuwarto.
Pero akala ko, narito sila sa loob para sirain ang pinto at sumugod sa loob.
Hindi sila narito sa loob ng kuwarto para patayin ako.
Lumuluha kong tiningnan ang taong putik na may mukha ni Mama na kumakatok sa pinto sa tabi ko.
Baag!
Baag!
Baag!
"Ma . . . ri . . . us."
----
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top