i. Cabin's New Guardian

"Papa, saan po tayo pupunta?"

"Doon tayo pupunta sa malaking bahay, anak."

Natatandaan ko pa noon habang hatak-hatak ni Papa sa wagon yung malaking painting na ilang buwan din niyang ginawa. Nakahiga iyon sa kargahan namin ng prutas at balot na balot ng brown paper. Mahigpit ang pagkakatali n'on gamit ang lubid para hindi malaglag kahit mas malaki pa sa wagon na hatak-hatak niya.

Mabagal ang lakad ni Papa dahil sa bigat ng binubuhat niya kaya nasasabayan ko siya kahit malalaki ang hakbang niya.

"Papa, pupunta tayong bayan?"

"Anak, maghahanda ang mama mo mamaya. Hindi muna tayo pupunta ng bayan."

"Pero sabi ni Teacher, dapat magse-celebrate ng birthday ako ngayon."

"Siyempre, magse-celebrate ng birthday si Chancey."

"Ayaw ko dito, Papa, e! Gusto ko sa bayan! Punta tayo sa bayan! Gusto ko ng regalo na malaki! Parang regalo kay Stephen ni Papa niya! Gusto ko mas malaki!"

"Pupunta kami ni Chancey sa malaking bahay kasi nandoon ang regalo niya."

"Talaga, Papa?"

Tumakbo pa ako sa harapan ni Papa para lang makita ang reaksiyon niya. Nakangiti lang si Papa noon kahit pinagpapawisan na siya. Sobrang layo ng bahay namin sa gubat papunta sa malaking bahay. Mahigit limang kilometro at nasa kalahati pa lang kami.

"Gaano kalaki, Papa? Ganito?" Ipinaikot ko pa sa hangin ang maliliit kong braso para gumawa ng malaking bilog-para masukat ang laking tinutukoy ko.

Tumawa lang siya sa akin at lalong nanliit ang mga mata niya habang humahalakhak.

"Mas malaki pa diyan ang gift ni Papa, 'nak."

"Mas malaki sa gift ni Stephen?"

"Mas malaki sa gift ni Stephen."

"Waahh! Mas malaki sa gift ni Stephen!"

Patakbo-takbo lang ako noon paikot sa wagon habang nakahalad ang mga braso sa hangin. Parang eroplanong lumilipad.

Umalis kami nang alas-nuwebe ng umaga at tanghalian na kami nakarating sa malaking bahay. Higit-kumulang tatlong oras din naming nilakad mula sa bahay papunta roon.

"Lancelot, nariyan ba ang ginoo?"

"Narito. Kanina ka pa niya hinihintay, Fabian."

Nakatitig lang ako sa malaking bahay noon. Para akong langgam dahil kahit ang pintuan, sobrang laki rin.

"Chancey, anak, halika na."

"Opo, Papa!" Mabilis ko siyang tinakbo at sinalubong ang kaliwang kamay niyang nakaabang para kunin ko.

Hindi ko nga alam kung paano ko sasabihin ang salitang maganda nang hindi sinasabi 'yon. Para kasing kulang.

Kahit saan ako lumingon, may kumikinang. May maliwanag. Malaki. Makinang sa ibaba. Makinang sa itaas. Hindi ko alam kung saan lilingon. Kung saan magsisimula.

"Chancey, tandaan mo itong mga pintuan."

Ang daming pintuan. Puro pintuan sa itaas.

"Chancey, naririnig mo ba 'ko? Tandaan mo itong mga pintuan."

Humarap sa akin si Papa at tinitigan ako nang seryoso.

"Papa, saan na regalo ko na malaki?"

"Doon na tayo pupunta sa regalo mo."

"Waah! Akin na, Papa! Gusto ko ipakita kay Stephen!"

Dinala ako noon ni Papa sa isang kuwarto. Hindi ko matandaan kung saang kuwarto dahil sa dami ng kuwartong napasukan ko at sinasabi niyang kabisaduhin ko.

Hindi ko nakabisado. Wala akong natandaan sa kahit alin doon. Gusto ko lang makuha ang gift ko kasi nag-promise si Papa na naroon nga raw sa malaking bahay ang regalo ko.

"Papa, gift ko! Saan na gift ko!"

Hindi ko maintindihan noon kung bakit nakaluhod lang si Papa sa harapan ng pintuan ng kuwarto at nakalahad ang mga braso niya sa hangin. May sinasabi siyang mahina habang nakapikit.

"Papa, wala naman akong gift dito e!"

Umiiyak na ako dahil wala akong makitang kahit ano sa kuwartong iyon pero patuloy lang sa pagbulong si Papa.

"Papaaaa!"

Naglupasay na ako sa sahig dahil hindi talaga ako pinakikinggan ni Papa.

Iyak lang ako nang iyak kahit noong matapos na siya. Pinalo ko pa siya nang pinalo nang buhatin niya ako.

"Ssshh . . . Chancey?"

"Papa, sabi mo, may gift ako! Wala ka namang gift e!"

Imbis na sagutin ako, pinunasan lang niya ang pisngi kong basang-basa ng luha. Wala siyang sinabing wala nga talaga siyang regalo, pero wala rin siyang inamin na naroon nga talaga sa kuwartong iyon ang regalo ko.

"Fabian, pinatatawag ka ng ginoo sa ibaba."

"Pakisabi, parating na."

Iyak lang ako nang iyak habang kusot-kusot ang mata. Ang sama ng loob ko dahil umasa talaga ako ng regalo na nasa malaking bahay. Dismayado ako na matapos ang tatlong oras na paglalakad, wala pala akong mapapala sa bahay na iyon.

Iniwan ako ni Papa sa malaking lugar na maraming malambot na upuan. Sabi niya, huwag daw akong malikot doon kasi kakainin daw ako ng monster kapag naglikot ako. Nakikita ko sa puwesto ko ang makinang na ilaw para sa ibaba. Naririnig ko rin mula sa puwesto ko sa second floor ang usapan doon.

"Nakarating na raw ang pintor, Lancelot. Nakita na siya ng bagong may-ari ng bahay?"

"Si Eulbert ang kausap, Mrs. Serena."

"Bakit hindi si Donovan?"

"Ilagay na lang daw ang dapat ilagay rito sa bahay at paalisin sila pagkatapos. Ayaw niyang maabala sa pagtulog."

Hindi ko matanggap na wala akong regalo kaya binalikan ko ang kuwarto sa itaas kung sana kami galing. Inisip kong baka tinatago lang ni Papa ang regalo niya sa akin. Pero kahit anong ikot ko sa kuwarto, wala talagang kahit anong espesyal na bagay roon.

Pumunta pa ako sa kabilang pinto para hanapin ang regalo kong tinatago ni Papa. Hindi naka-lock ang pintuan kaya nakapasok pa ako.

Naabutan kong may natutulog sa loob ng kuwarto. Lumabas na lang ako noon at marahang sinara ang pinto.

"Chancey, ano'ng ginagawa mo diyan? Tara dito!"

Mabilis akong binuhat ni Papa at nagmamadali kaming bumaba.

"Lancelot, pakisabi sa ginoo, salamat sa pagtanggap ng munting regalo ng pamilya," nagmamadaling sinabi ni Papa habang karga-karga ako at pilit sinusubsob ang mukha ko sa balikat niya.

"Makararating. Salamat, Fabian."

At kahit gusto ko pang makita ang bahay sa huling pagkakataon bago umuwi, hindi ako hinayaan ni Papang lumingon o tanawin iyon mula sa malayo. Pagkatapos ng araw na iyon, hindi na ako nakabalik sa loob ng malaking bahay.

Isang taon matapos kong unang makatapak sa malaking bahay sa may kakahuyan, sinimulan nang tayuan ng sementadong bakuran ang palibot n'on.

Parang may fiesta sa bayan, masaya nga noon buong araw. Tumugtog si Mama ng violin kasama ang orchestra.

Karga-karga ako ni Papa habang nanonood kami sa stage magsalita ang town mayor.

"Isasara na ang Helderiet."

"Sigurado ka ba sa gagawin mo, Fabian?"

"Ito ang utos ni Marius, Quirine."

"Alam mong hindi tayo makakapasok sa loob."

"Gagawa ako ng paraan."

"Papa, nagugutom na 'ko." Hinawakan ko pa si Papa sa pisngi habang pinahaharapan sa akin kahit nag-uusap pa sila ni Mama pagbaba sa stage. "Papa, gusto kong pumunta sa bayan."

"Oo, kakain na si Chancey. Doon kami kakain sa bayan."

"Yey! Papa, gusto ko ng matamis!"

Tawa lang nang tawa si Papa habang pinanggigigilan akong yakapin.

Mabait ang mga magulang ko. Wala silang inagrabyado. Wala silang sinaktan na kahit sino o pinatay o niloko.

Naniniwala akong inosente silang dalawa.

"Mama, okay lang. Kung hindi na kaya, magpahinga ka na, hmm?"

Nasa ospital ako noon, sinusuko ko na ang pag-asang magtatagal pa si Mama. Habang nakikita ko siya, lalo lang akong nahihirapang tingnan siya.

"H-Hana . . . pin mo . . . siya."

"Ma?"

"Ha . . . na . . . pin mo . . . si . . ."

Namatay si Mama na hindi ko alam kung sino ang hahanapin ko. Tinanong ko si Papa kung sino ang sinasabi ni Mama, ang sinabi lang niya ay:

"Pumunta ka sa lugar na ito at hanapin mo ang ginoo, anak."

Ibinigay nila sa akin ang isang kahon ng biskuwit na naglalaman ng maraming susi at yung pension nila sa Jagermeister.

Pumunta ako sa JGM at hinahanap ko ang sinasabi nilang ginoo.

Ang humarap sa akin ay yung manager at ibinigay ang pension ng mga magulang ko. Kung siya man ang sinasabi nilang ginoo, hindi ko na alam. Kung iyon lang ang perang iniwan nila sa akin, wala akong magagawa. Hindi kami mayaman, hindi ako umaasa ng malaking pera.

Hindi ko alam kung bakit ko ba naaalala ang mga iyan. Parang kinakalkal ng kung ano ang loob ng utak ko at hinahanap silang dalawa.

Nang makita ko na naman sila, bago pa bumuka ang bibig ni Papa para magsalita, dumilat agad ako para mahinto iyon.

Pagtitig ko sa harapan, pamilyar ang canopy na nakita ko. Tumingin ako sa kanan at unang nakita ang mukha ni Eul na nakangiti sa akin.

"Eul . . .?" Sinubukan kong bumangon. Akala ko, mamimilipit ako sa sakit pero maayos na ang pakiramdam ko. Inalalayan pa niya ako para makasandal sa malambot na headboard ng kama. "Bakit . . . nandito ka?" Tiningnan ko pa ang paligid. Nasa kuwarto ako ni Mr. Phillips, at unang beses kong makitang bukas ang kurtina ng mga bintana niya.

Nakakapanibago ang itsura dahil hindi nga nasasayaran ng araw ang kuwarto niya dahil bawal nga siya sa araw.

"Si Mr. Phillips?"

"Naroon siya sa kuwarto sa second floor, Miss Chancey. Walang makakaabala sa kanya roon dahil walang makakapasok sa kuwarto na kahit sino maliban sa mga maiiwan dito."

Napapikit ako nang mapahinga nang maluwag.

Ligtas si Mr. Phillips.

Dumilat ulit ako para makita ang liwanag sa kuwarto. Masyado nang nangungulay kahel ang paligid.

"Hapon na ba?"

Matipid na ngumiti si Eul sa akin saka nag-isang tango. "Papalubog na ang araw, sa katunayan."

"Yung . . ." Tiningnan ko ang katawan ko. Nakasuot na ako ng malaking damit-yung damit na kasya kay Mr. Phillips-habang kumot-kumot ako ng mabango niyang comforter. "Ginamot mo 'ko?"

Matipid na namang ngumiti si Eul saka tumango.

"Yung pamilya ni Mr. Phillips . . ."

"Bawat desisyon ay may kapalit na aksyon, Miss Chancey. Hindi sila maaaring magalit kay Mr. Phillips kung sa kanila nanggaling ang utos na naglagay sa kanila sa alanganing sitwasyon."

"Hindi ba sila magagalit sa kanya?"

"Hindi kasalanan ni Mr. Phillips ang maging mahina sa paningin nila, Miss Chancey. Nagkataon lang na minaliit nila ang may-ari ng bahay."

"Nakakapasok ka pa rin dito?"

"Dahil hindi ako bampira. Kahit si Lance, o maging si Mrs. Serena, makakapasok pa rin sa Cabin maliban dito sa itaas."

"Eul, napanaginipan ko yung Mama saka Papa ko."

Tumango naman si Eul at matipid nang ngumiti. "Alam ko."

"Ha?"

"Nakarating na sa 'min na hindi na nga makakapasok dito ang pamilya ni Mr. Phillips pagkatapos ng nangyari kagabi. Hindi na sila makakapasok sa Cabin hangga't wala silang imbitasyon. Nalipat na ang pagmamay-ari ng bahay mula pa kanina bago sumikat ang araw kaya lahat ng bampirang walang pahintulot ay mananatili lamang sa labas."

"Ha? Kanino nalipat? Paano?"

"Magiging mahaba ang proseso ng ginawa at gagawing paglilipat. Isinuko na ni Mr. Phillips ang karapatan niya bilang may-ari ng bahay na ito."

"Pero paano siya? Bakit narito pa rin siya?"

"Dahil anak din siya ng isang tao, at may bahagi pa rin sa kanya ang kayang manatili sa bahay na 'to."

"Tinawagan ka niya?" tanong ko pa, kasi hapon na. Dapat kanina pa siya nakauwi kasi papasok pa siya nang gabi.

"Pinapunta ako rito ng Mamá para tingnan ang kalagayan ninyo."

"Alam ba ni Helene na mangyayari 'to?"

Tumango naman siya at tumayo na. "Inaasahan na ito ng pamilya."

"Pamilya ng mga bampira?"

"Pamilya kung saan kabilang din ang mga Dalca at ang ina ko."

"Ha?"

Lumapit siya sa akin at hinawakan ako sa kanang kamay. Kitang-kita ko sa mukha niya ang pakikiusap.

"Miss Chancey, alam kong wala akong karapatan para makiusap, pero pakinggan mong mabuti ang sasabihin ko."

Kagigising ko lang pero bigla akong kinabahan sa timpla ng mukha ni Eul, damay pa ng mga sinasabi niya.

Ang sakit naman sa bangs, kagigising ko lang, pakakabahin ako agad. Sana natulog pala ako whole day.

"Alam kong delikado ang ipapakiusap ko, pero maaari mo bang bantayan ang Cabin para kay Mr. Phillips?"

"Ha? Bakit?"

"Kontrolado siya ng pamilya. At hindi siya magigising hangga't hawak nila ang natitirang bahagi niya."

"Ano?!"

Hinimas na naman ni Eul ang kamay ko kaya napatingin ako roon.

OMG, hindi ko alam kung mate-tense ako o kikiligin. Ang lambot ng kamay ni Eul, ha. In all fairness.

"Miss Chancey, kinontrol nila si Mr. Phillips gaya ng pagkontrol nila sa mga taong walang malayang isip."

"Ha?"

Hala! Hindi ko nage-gets si Eul, ano'ng isasagot ko? Kinokontrol? Gaya ba kagabi?

"Eul, paanong kinokontrol? Hindi ko naiintindihan."

"Babalik kami rito ni Mama bukas nang umaga. Nasa second floor, pangalawang pintuan sa hagdan ang kuwarto kung nasaan si Mr. Phillips."

"Teka, ba't naroon? Ba't hindi rito sa kuwarto niya?"

"Dahil hindi na siya ang may-ari nitong bahay. Hindi na siya makakaakyat dito maliban sa may mga permiso."

"WHAT?!"

"Basta, mag-iingat ka. Kung ano man ang nakikita mo rito tuwing gabi, iwasan mo sila. Protektahan mo ang Cabin, Miss Chancey. Para kay Marius at para kay Mr. Phillips. Nakikiusap ako."



------

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top