9. Undeclared Slave
Sobrang bilis ng pagtakbo ko palabas ng Cabin. Hindi ko na nga halos maramdaman ang kaibahan ng paggalaw ng katawan ko at tibok ng puso ko kasi parehong mabilis.
Masyadong mataas ang third floor para makababa ako agad para makalabas.
Kaya pala maraming dugo sa kuwartong iyon. Dahil doon.
Kaya pala.
Halos talunin ko na ang hagdan ng second floor at papuntang pintuan. Itinulak ko na nang ubod lakas ang kahoy na pinto para makalabas agad.
Sobrang ganda ng umaga, hindi ko naman itatanggi, pero bakit may ganoon sa ibaba ng Cabin?
Lumiko agad ako sa kanan habang naghahabol ng hangin. Amoy na amoy ang puno at mga dahon sa paligid ng Helderiet. Kumpara sa amoy at polusyon ng city sa kabilang kalsada paglabas, sobrang laki ng kaibahan.
Masyadong malaki ang Grand Cabin. Para akong lumibot ng isang buong block bago ko narating ang katapat ng bintana ng third floor na ayaw ipagalaw ni Mr. Phillips. Gusto ko naman talagang mag-jogging, pero hindi naman sa ganitong dahilan.
"Shoo! Shoo!"
Isang kilometro ang layo ng bakuran ng Helderiet at masasabi kong nasa gitna talaga ng kawalan ang Grand Cabin. Walang bakod ang Cabin mula sa kakahuyan kaya hindi na ako nagtakang may mga fox kasi nature preserved ang buong Helderiet Woods. Baka nga hindi lang fox ang meron dito.
"Alis! Alis dito!"
Pinagsisipa ko ang damuhan para lang itaboy yung dalawang soro na kumakain ng kung anong piraso ng karne sa ibaba ng bintana.
Hindi sila kalakihan at mukhang hindi rin sanay sa tao kaya mabilis silang tumakbo sa direksiyon ng mga puno.
Hingal na hingal ako habang sinusundan sila ng tingin. Lumingon pa sa akin ang isa bago sumunod sa kasama niya papasok sa loob ng kakahuyan.
"Ano ba kasing nangyari dito?" Tiningnan ko yung piraso ng karne na pinagpipiyestahan ng mga soro kanina. Sinipa-sipa ko pa para ibaligtad. Mukhang karne ng mabalahibong hayop. Hindi mukhang kuneho, hindi rin mukhang aso o pusa. Parang mas malaki pa na may itim na fur. Parang malaking aso pero mas mabalahibo.
Tiningala ko ang mataas na third floor. Doon nakarugtong ang dugo sa bintana. Ibinalik ko ang tingin sa piraso ng karne at saglit na tumalungko.
Kasing-amoy nito yung dugo sa taas na nilinis ko kanina.
Kung dito galing yung lawa ng dugo sa third floor, okay, sige, kuha ko na. Posible nga.
Pero ano namang gagawin n'on sa third floor?
Napakamot na lang ako ng ulo at tinitigan ang duguang karne sa harapan ko. Naghabol muna ako ng hangin habang nakapamaywang.
Wala pang alas-otso pero oras na ng tulog ni Mr. Phillips. Wala naman na siguro siyang iuutos. Kapag hindi ko inalis ito rito, babalik na naman yung mga fox para papakin itong mga natitirang karne.
Pagbalik ng kalmadong paghinga ko, tiningala ko ulit yung third floor na bukas ang bintana. Walang kurtina roon, pero mukhang matagal nang hindi isinasara kasi nagapangan na ng kaunting baging yung frame. Bakit naman kaya hindi iyon isinasara?
Sanay naman akong naghahawak ng duguang karne sa meatshop. Sayang din kung ililibing ko lang. Dinampot ko na lang mula sa balat na walang dugo at hinatak papuntang kakahuyan. Kapag nakita ito ni Mrs. Serena, baka pagalitan pa ako. Buti na lang, hindi sila umaakyat sa third floor kasi malamang na sisisihin ako kung bakit maraming dugo roon. Sabihin pa sa akin, nakikita ko naman pero hindi ko man lang inaasikaso.
May kalakihan din ang piraso ng karneng pinapapak ng mga soro. Nasa anim na kilo rin ang binuhat ko papuntang kakahuyan.
"O, kumain na lang kayo rito," sabi ko pa sa kung anong hayop ang naroon. Ibinato ko sa likuran ng unang puno ang karne para maamoy nila.
Masukal ang kakahuyan, pero pinagaganda ng sikat ng araw. Tumatagos kasi ang liwanag mula sa itaas kaya para akong nasa children's book. Maganda sa ganito maglakad-lakad kung hindi lang delikado.
Nagpagpag ako ng kamay at bumalik na sa direksiyon ng Cabin.
Napahinto lang ako nang makita ko ang mga bintana mula sa malayuan. Kitang-kita talaga ang bakas ng dugo mula sa bintana sa black door. Katabi n'on yung bintana sa kuwarto ni Mr. Phillips. Sarado iyon at may tabing na itim na kurtina. Malamang na tulog na siya kasi mataas na ang araw.
Hindi ko nakukuha yung pinanggalingan ng dugo hanggang ngayon. Kung nasa first floor, baka gawa ng hayop. Pero nasa third floor kasi.
Alam kaya ni Mr. Phillips ang dahilan?
O baka monster siya talaga at siya ang may gawa ng dugo at n'ong karne.
Pero kung monster siya, bakit hindi siya mukhang monster?
At kung siya ang may gawa ng karne, bakit pa siya may stocks ng steak sa ref?
Bumalik na lang ako sa loob ng mansiyon para maligo ulit. Ang dami ko nang dugo sa braso saka sa binti. Ang aga-aga, inalipin agad ako. Pero ayos lang naman, hindi naman kasi mahirap ang trabaho ko kagabi. Ayoko namang magreklamo, ang abusada ko naman kung sakali. Baka sipain ako ni Mrs. Serena palabas ng iron gate.
Hindi ko alam kung ano ang schedule ng housekeeping sa Grand Cabin, pero mukhang araw-araw silang pumupunta. Pinagpawisan pa rin naman ako kahit hindi ako nakapag-jogging. Ayos na rin kaya nagsuot na lang ako ng pulang V-neck, ripped jeans, at runners. Pagbaba ko sa third floor, naabutan ko na naman sina Mrs. Serena at yung mga alagad niyang naka-maid outfit.
"Good morning po," pagbati ko sa ginang saka ako matipid na ngumiti.
Pagtingin niya sa akin, napaatras pa siya ng mukha na para bang kagulat-gulat ang mukha ko. Tinaasan lang ako ng kaliwang kilay at hinagod na naman ako ng tingin. "Buhay ka pa pala."
Ay, grabe siya. Bigla akong sumimangot dahil doon. Napakasungit talaga nitong mayordomang ito. Parang bawal na bawal ako rito sa Cabin e hindi naman siya ang may-ari nito.
"Opo, buhay pa po ako," sabi ko habang iniiwasang umirap.
"Miss Chancey," pagtawag ni Lance sa may pintuan.
"Ay, saglit!" Mabilis kong nilapitan si Lance habang nakalingon kay Mrs. Serena. Kung tingnan pa naman niya ako, parang may itinago akong bagay sa kanya kahit wala naman. Kung makasukat ng tingin, parang nagnakaw ako.
Alam ko namang maraming mananakaw sa Cabin, pero hindi pa naman ako ganoon kadesperada.
Sabay na kaming lumabas ni Lance. Nakatitig lang ako sa posture niyang sobrang straight. Lahat talaga sila, ang firm ng tindig, nakakahiya makisabay. Nakasuot siya ng black suit na may black vest sa loob. Tapos nakasuot din siya ng white gloves. Seryoso ring tao si Lance, pero bagay naman sa kanya. Maamo rin ang mata niya kaya hindi siya mukhang suplado.
"Lance, matagal ka na bang nagtatrabaho kay Mr. Phillips?" tanong ko habang pasulyap-sulyap sa kanya sa kanan ko.
"Yes, Miss Chancey."
"Okay lang na tawagin mo 'kong Miss kahit di mo naman ako amo? Tatawagin na ba kitang Mr. Lance?"
Napansin kong natawa siya roon kahit mahina lang. "Ayos lang sa akin ang Lance."
"Gaano ka na katagal nagtatrabaho rito?"
"Kasabay lang ng pagkakalagay sa puwesto ni Mr. Phillips."
"Parang si Eul! Di ba, si Eul, kasabay lang din ni Mr. Phillips? Ilang taon na 'yon? Three? Five?"
"Hindi ka pa siguro ipinapanganak."
"Hahaha! Joker ka, Lance. Pero, di nga? Ilang years?"
Pumuwesto na agad siya sa pintuan ng backseat at binuksan iyon para sa akin nang nakangiti. "Kailangan na nating bumiyahe, Miss Chancey."
Nginiwian ko na lang siya. Ayaw talaga niyang sabihin kung kailan. Ang damot naman.
"Lance, hanggang anong oras ang trabaho mo?" tanong ko na lang bago ako pumasok sa loob.
"Babalik ako rito sa mansiyon bago mag-alas-dose para sunduin si Mrs. Serena."
"Paano yung ibang maid?"
Nginitian lang niya ako at itinuro lang ang loob ng sasakyan. "Kailangan na nating umalis para makahabol tayo sa tanghalian."
Nakikiusap ang tingin niya sa akin kaya pumasok na lang ako at hindi na nagtanong.
Napapansin ko lang na para siyang si Eul kung sumagot. Minsan matino, minsan hindi. Pero kahit hindi matino yung mga sagot nila, mukha pa rin silang may class.
Ganito siguro talaga kapag nagtatrabaho sa mga gaya ni Mr. Phillips na sobrang yaman. Para silang mga matatalino lahat.
Feeling ko tuloy, ang bobo kong tao. Kahit pagtayo nang maayos, hindi ko pa magawa. Buti pa yung mga maid na naglilinis lang ng sahig sa mansiyon, straight tumindig.
Tatlong avenue lang ang layo ng bangko mula sa iron gate ng Helderiet. At hindi nga talaga nagbibiro si Eul. May allowance akong 100 dollars agad-agad. Iyon lang, allowance ko na iyon for one week. Mababa pero ayos lang. Kasi yung laman ng wallet ko, wala pa ngang isang dolyar. At yung sahod ko naman, 200 dollars.
Sinubukan kong tanungin si Lance tungkol kay Mr. Phillips at sa tagal niya sa trabaho. Hindi ko kasi matanong mismo si Mr. Phillips, baka batuhin ako ng kutsilyo ulit, pero hindi talaga siya maingay. Ang tatahimik talaga nilang kausap. Kaya nga pagkakita namin ni Zephy, para akong nakakita ng tao matapos ang isang araw na pagkausap sa mga tao sa Cabin.
"Cha, sure kang paaalisin mo yung poging naka-suit?"
"Hayaan mo na si Lance."
Sinundan namin ng tingin yung itim na sedan na papaalis sa kanto ng Belorian Avenue. Malapit na lang naman yung iron gate kaya lalakarin ko na lang pagkatapos namin dito sa Belorian Kitchenette. Nakakahiya kasi gusto ko pa namang makipagtsismisan kay Zephy e magsusundo pa si Lance kay Mrs. Serena.
"Ilang taon na 'yon?" tanong pa ni Zephy pagtagpo ng mga mata namin.
Nagkibit-balikat ako. "25? 28? Hindi ako sure e. Bata pa naman siguro si Lance."
"Akala ko, boyfriend mo, bakla ka. Kung di ka pa tinawag na Miss Chancey, aasa na sana ako."
Tinawanan ko agad siya. Diyos ko, kung ikukumpara yung mukha ko sa mukha ni Lance, hindi talaga kami bagay. Ang charming na nga ni Lance para sa isang driver. E ako, mukha lang basahan.
"Sabado na, bakla ka, balita ko kay Mrs. Fely, wala ka na sa unit mo," sabi agad ni Zephy bago humigop sa strawberry shake niyang libre ko, siyempre. May pera na ako e.
"Doon na ako nakatira sa Grand Cabin," sagot ko, at humigop din ako ng mocha shake ko at kumagat sa hash brown bilang meryenda kahit wala pa akong almusal. Alas-diyes na kasi, tanghalian na rin maya-maya.
"Grand Cabin? Yung historical house sa loob ng kakahuyan?"
Tumango ako kay Zephy.
"Paano ka napunta ro'n e di ba, nag-apply ka 'ka mo sa Jagermeister?"
Tinitigan ko na lang yung pantay na linya ng kulot na buhok niyang hanggang dibdib ang haba. Napapaisip ako kung aaminin ko ba sa kanyang chairman ng Prios si Mr. Phillips.
"Zep, sabi mo, walang tumatagal na applicant sa chairman ng Prios, di ba?"
"Ay, bakla ka, may balita ako diyan! Kalat sa Constantia." Lumapit siya sa akin at ipinatong ang mga braso niya sa puting mesang nakapagitan sa aming dalawa. "Alam mo ba, wala silang hiring ngayong araw."
Lumapit din ako sa kanya at nakinig. "Bakit daw?"
"May nakapasa na raw noong Thursday."
"Talaga? Sino raw?"
"Hindi pa nila nakikita." Mabilis na umiling si Zephy. "Pero di ako naniniwalang may nakapasa. Imagine, sinabi nilang meron pero walang makapagsabi kung sino."
"Yung JGM, may hiring ba?"
"Wala rin. Oo nga pala, nakapasa ka ba ro'n?"
Tumango naman ako. "Oo."
Bigla niya akong binato ng tissue sa mukha. "Bakla ka! Bakit di mo sinabi agad?!"
Napakamot na lang ako ng pisngi. Ano ba naman 'tong si Zephy? Ang hirap namang pagkuwentuhan.
"Kumusta? Bakit wala ka sa Jagermeister?" tanong agad niya.
"Feeling ko, hindi para sa JGM yung hiring."
"Bakit?"
"Kasi . . ." Ako naman ang lumapit sa mesa para bumulong. "Nagtatrabaho ako sa chairman ng Prios bilang secretary."
"HUWA-MMM!" Bago pa siya makasigaw, sinubuan ko agad siya ng kinakain niyang cheesecake.
"'Wag ka ngang maingay! Sshh!"
Napatingin-tingin tuloy ako sa paligid namin kung may nakarinig. Malalayo naman yung ibang mesa kung saan kami nakaupo. Saka nasa kanto kami kaya hindi naman siguro malakas ang boses namin para marinig ng lahat.
"Mabait naman yung chairman," sabi ko. "Doon ako nakatira sa Cabin kasi nandoon yung bahay niya."
"Cha, ano'ng ginagawa mo sa buhay mo?" pabulong niyang singhal at kunot na kunot ang noo niya habang nakasubsob kaming dalawa sa mesa. "Nababaliw ka na ba? Paano kung mawala ka rin gaya ng iba? Walang maghahanap sa 'yo!"
"Okay lang ako, Zep. Alam mo, yung ginawa ko lang kagabi, nag-organize lang ako ng documents. E gano'n din yung trabaho ko sa library dati."
"'Yon lang? Di ka ba ginapos? Di ka nilatigo? Di ka kinulong sa madilim na dungeon habang minomolestiya ka? Nasa 'yo pa ba yung kidney mo?"
"Adik ka," sabi ko at binato agad siya ng tissue sa mukha. "Mabait si Mr. Phillips. Medyo weird pero mabait."
"Mr. Phillips yung pangalan ng boss mo?"
Tumango naman ako habang nakatitig pa rin sa mata ni Zephy. Mukhang hindi siya kakalma sa usapan namin.
"Ano'ng itsura? Matanda? Nakakatakot? Mataba? Matagal nang chairman yung chairman ng Prios. Di pa nga ako pinapanganak, chairman na 'yon. Bakla ka, baka maging sugar daddy mo 'yon, ha. Sabihan mo lang ako, kailangan ko rin ng ka-ching."
"Siraulo." Humigop na lang ulit ako sa mocha shake ko at napatingin sa labas ng glass wall. "Hindi matanda yung chairman ng Prios. Feeling ko nga, nasa 30 plus lang siya."
"Eh?" Mabilis siyang lumayo sabay taas ng kilay sa akin. "Sure ka, chairman siya? Baka scam 'yan, ha."
"Siya talaga. Baka pinamanahan, gano'n."
"Ano'ng itsura nga kasi! Paulit-ulit ka, ha."
"Hmm . . ." Inalala ko yung mukha ni Mr. Phillips. "Medyo wavy yung buhok na brownish. Saktong haba lang na lampas sa tainga. Tapos malago ang mga kilay, medyo malalim ang mga mata. Ay! Natural na gold yung mga mata niya, Zep! Ang ganda titigan. Tapos matangos ang ilong saka rosy lips. At saka ang haba ng pangil niya, natural din daw. Yung panga niya, ang ganda ng pagkaka-square. Ang sexy niya tingnan. Matangkad din siya, tapos ang daming muscle saka may abs—"
"HOY, CHANCEY REVAMONTE, BAKLA KA!" Bigla niya na naman akong binato ng ibinato kong tissue kanina. "At paano naman tayo napunta sa abs, aber?!" Nanduro agad siya. "Binobosohan mo yung boss mo?! HOW DARE YOU DO THAT?"
"Lagi siyang topless sa bahay niya! Alangang utusan kong magdamit?"
Akmang may sasabihin si Zephy pero hindi niya itinuloy. Tumayo lang siya tapos nagpaikot-ikot sa likuran ng upuan niya bago bumalik sa pagkakaupo.
"Magkano yung sahod mo?" tanong agad niya.
"200 dollars, with benefits and car incentives. May allowance din akong 100 dollars per week."
"Fuck shit." Ibinagsak niya ang kamao niya sa mesa na nakapagpataas agad ng kilay ko. "Bakit di mo sinabi sa 'king mag-a-apply ka sa chairman ng Prios?"
"Ikaw yung nagbigay ng flyer ng JGM, Zep!"
"SA JGM 'YON! HINDI SA PRIOS!"
"E sabi mo, di ba, ayaw mo sa Prios?"
"E nakapasa ka naman e!"
"Sabi mo, wala nang hiring sa Prios e."
Bigla siyang napahinto at napatingin sa taas. "Oo nga, 'no?" Bumalik siya sa maayos na pagkakaupo habang nakangiwi. "Pero mabait talaga yung chairman?"
Tumango naman ako nang mabilis. "Alam mo, kanina, tinanong niya ako kung nag-breakfast na ako."
"Ashuuush!" Ngumisi agad siya nang may malisya. "Harot naman! Sampalin kita diyan e. Iniinggit mo lang ako."
"Feeling ko, tatagal naman ako hanggang six months sa kanya. Sobrang dali lang kasi ng trabaho. Yung organizer nga, ginawa ko lang nang two hours. Tapos magluluto lang ng dinner niya na three minutes lang. Mas matagal pang lutuin yung hapunan ko."
"E bakit sinasabi nila na walang tumatagal sa kanya kung madali lang pala yung trabaho?"
Nagkibit-balikat ako. "Hindi ko nga alam e."
"Tanungin mo kaya?"
"Ayoko. Natatakot ako. Baka batuhin ako ng kutsilyo e."
"BAKA ANO?!"
Napakamot ako ng ulo. "May ugali kasi siya na nambabato ng kutsilyo."
"BINA—" Imbis na sumigaw, sumubsob lang ulit siya sa mesa saka bumulong. "Binabato ka niya ng kutsilyo?"
Nagtaas ako ng isang daliri. "Once."
"Ipapulis na kaya natin 'yang boss mo?"
"Di naman ako tinamaan. Saka mayaman kasi siya. Baka kapag pinapulis natin, ako naman ang mawala sa balat ng lupa."
"Oo nga, 'no? Ang bright mo diyan sa part na 'yan." Bumalik na naman siya sa maayos na pag-upo. "Paano na nito? Babalik ka na sa Cabin? Di ba, private land yung Helderiet?"
Tumango ako. "Pero kay Mr. Phillips naman yung Cabin e."
"Cha, happy naman ako na may natitirhan ka na ngayon saka may trabaho ka. Pero duda talaga ako diyan sa chairman ng Prios e. Tapos binabato ka pa ng kutsilyo."
"Isang beses lang naman niyang ginawa."
"Ganito na lang, Cha. May number naman ako sa 'yo. Kapag may problema sa Cabin, tawag ka agad. Dederetso agad ako sa pulis kapag may ginawa sa 'yo yung Mr. Phillips na 'yon."
"Hindi naman siguro."
"Ilan kayo sa Cabin? Kasama n'yo yung mga caretaker?"
Umiling ako habang nakatitig sa kanya na umiinom ng shake. "Kami lang dalawa ang nandoon. Magkaiba naman kami ng kuwarto, pero nag-usap na kami na sa kuwarto niya ako tuwing gabi."
"Ugh! Ugh! Ugh!"
"Zep!"
Bigla siyang nasamid kaya sinampal ko agad siya ng tissue sa bibig.
"Chancey, bakla ka! Topless palagi yung boss mo tapos naroon ka sa kuwarto niya tuwing gabi?! Ano ba? Sex slave ka na ba ngayon?!"
"YUCK! Zephy, bibig mo, pasmado, ha!"
Mas naging masinsin na ang mukha ni Zephy nang titigan ako nang mabuti. "Doon ka nakatira sa bahay ng boss mo. Ang laki ng sahod pero sabi mo, hindi ka nahihirapan sa trabaho, may sarili kang driver para sa service. Guwapo yung boss mong palaging topless tapos hinahayaan ka lang na makita siyang ganoon. Cha, umamin ka nga. Sigurado ka ba sa pinapasok mo?"
"Zephy, kailangan ko ng trabaho."
"Okay, sige, ganito na lang . . . tatanungin kita. Gaano mo kakilala 'yang boss mo? Hindi ka ba nagtataka kung bakit ganoon lang kadali ang trabaho mo?"
Sa tanong na iyon ni Zephy, napaisip tuloy ako.
Oo nga. Sino nga ba talaga at anong klaseng tao ang boss ko?
----
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top