7. Black Door
Isang oras na ang nakalipas, nasa kuwarto pa rin ako ni Mr. Phillips. Kung kanina, nanginginig pa ang kamay ko habang nakaupo sa office table niya, makalipas ang isang oras, maayos na ang pakiramdam ko at hindi na kinakabahan. Ang awkward pa kasi nakaupo talaga ako sa boss chair, e puwede naman akong maupo na lang sa sahig. Nakakahiya kaya. Yung grand lady nga noon sa city library, ayaw pahawakan kahit sandalan ng upuan niya.
Pasulyap-sulyap na lang ako kay Mr. Phillips doon sa red velvet chair kung saan siya nakaupo. Ang sabi pa naman niya, babantayan niya ako sa pagtatrabaho, pero hindi na siya nakatingin sa akin. Nagbabasa na lang siya ng diyaryo na kanina pang umaga nakalapag sa center table sa living room. Sabi ni Mrs. Serena, iwan na lang daw iyon doon para kukunin na lang ni Mr. Phillips pagkatapos niyang kumain ng hapunan.
Akala ko talaga, may gagawin siyang masama sa akin kanina. Lagi niyang dala yung punyal na ibinato niya sa may pinto kanina. Sobrang haba ng talim n'on saka makitid kaysa sa kutsilyo sa kusina. Parang maliit na espada tapos gold ang handle na may ruby sa puluhan. Siguro kung isasangla ko iyon sa bayan, malaki ang bayad sa ganoong patalim. Mukha kasing mahal.
Napabuga na naman ako ng hininga. Amoy-kandila talaga sa kuwarto ni Mr. Phillips. Wala naman akong makitang nakasinding kandila sa candle holder sa itaas. Electrical lamp din kasi ang mga naroon. Amoy-bulaklak naman sa second floor, at amoy-nature naman sa ground floor. Sa kuwarto ko, amoy-luma naman, kaya nag-spray na lang ako ng cologne.
Sumulyap ako sa grandfather clock sa kabilang dulo ng kuwarto na malapit sa pinto ng banyo. Alas-diyes na ng gabi. Sabi ni Mrs. Serena, alas-dose, dapat nasa kuwarto na ako. Sabi rin naman ni Mr. Phillips, alas-dose ako magtatrabaho para sa kanya. Kailangan ko nang matapos yung pina-o-organize niyang mga folder.
Ito naman ang ikinatataka ko sa mga nasa table. Puro kasi Prios Holdings ang nakalagay. Nagtrabaho naman ako sa library kaya hindi mahirap sa akin ang intindihin ang content ng mga pina-che-check niya. Gumawa ako ng list kung saan nakasulat kung ano ang mga folder na sinasalansan ko, at isang folder lang ang para sa Jagermeister. Ang karamihan, puro na report para sa Prios.
Pagkakita ko sa isang report, nabasa ko ang "Gabriel Ross, JGM Inc., CEO" sa ibaba ng last page ng isang folder.
Gabriel Ross? Gabriel Ross ang pangalan ni Mr. Phillips?
Saan galing yung Phillips?"
"Sir—" Tatawagin ko sana si Mr. Phillips kaso bigla akong nailang. Baka batuhin ulit ako ng kutsilyo, ayoko na. Sige na nga, siya na si Gabriel Ross. Saka ko na sasabihin kapag kinausap na niya ako.
Pinagpatuloy ko na lang ang pagsasalansan ng mga folder.
Ang daming papel, babasahin niya lahat ng 'to? Hindi ba siya aantukin? Sa bagay, buong araw siyang tulog. Pero ang dami talaga. Sampu pa nga lang ang nababasa kong ten-page report, gusto ko nang matulog.
Isang quarterly report ng Prios ang ini-scan ko nang makita ko na kailangan palang pirmahan iyon. Habang kinokopya ko ang title, napansin ko ang pangalan sa ilalim.
Donovan Phillips, Prios Holdings, Chairman.
Nabitiwan ko ang hawak kong sign pen at hinayaan 'yong gumulong sa mesa paikot sa sinusulatan kong papel.
Dahan-dahan akong napanganga habang pinandidilatan ang pangalang kailangang pirmahan sa ibaba ng papel.
Mabilis kong tiningnan si Mr. Phillips na patuloy lang sa pagbabasa ng diyaryo.
Prios Holdings.
Chairman.
Shet.
Pakiramdam ko, may biglang sumuntok sa likuran ko para palabasin ang puso ko sa dibdib mula roon. Sinubukan kong damputin ang sign pen ko pero nanginginig ang kanang kamay ko. Hinigpitan ko na lang ang paghawak para hindi ko ulit mabitiwan.
Parang may nagbabara sa lalamunan ko habang unti-unting hinihingal kahit nakaupo ako.
Chairman. Ng. Prios. Holdings. Shet.
Naalala ko pa yung sinabi ni Zephy sa akin noong sinubukan kong mag-apply sa Prios as secretary.
"Cha, sa iba na lang."
"Bakit naman? Sayang! 200 dollars, o! Saka kompleto pa sa benefits!"
"Cha, ano ka ba? Gusto mong mawala sa balat ng Earth?"
"Bakit naman?"
"Walang tumatagal na secretary diyan sa chairman ng Prios. Araw-araw na lang silang may hiring. Yung mga applicant nga diyan, mga di na nakakalabas. Tingnan mo, wala nang nag-a-apply ngayon kasi natatakot sila."
"Ang OA. Malay mo, nangibang-bayan lang."
"Eh? Lahat sila sabay-sabay nangibang-bayan sa iisang araw lang? At saka wala ka ngang secretarial experience, di ba? Tingin mo, papasa ka sa initial interview niyan?"
"Ang nega! Taas kaya ng sahod o!"
"Bahala ka, Cha. Kahit gawin pa nilang isang milyon 'yan, di ako mag-a-attempt. Doon ako mag-a-apply sa Constantia. Aanhin ko naman ang pera kung bigla na lang akong mawawala one day?"
Tinitigan ko nang maigi si Mr. Phillips na papaubos na ang page ng binabasang diyaryo.
Ibig bang sabihin, hindi talaga ako nagtatrabaho sa CEO ng Jagermeister?
Ibig bang sabihin, siya yung chairman ng Prios Holdings na sinasabi ni Zephy?
Bakit walang tumatagal sa kanyang sekretarya? Dahil ba hilig niyang mambato ng punyal out of nowhere?
Sige, pwede na rin kaya walang nagtatagal sa kanya. Ayoko rin namang batuhin ng patalim kung kailan niya gustuhin.
Pero hindi naman ako natamaan sa mukha. Humihinga pa naman ako. Nakakatakot lang din talaga si Mr. Phillips, pero parang hindi naman siya pumapatay ng tao.
"Are you done?"
Napadiretso ako nang upo nang magulat sa boses niya. "N-Not yet, Mr. Phillips, sir."
Mabilis kong binalikan ang ginagawa ko para matapos na agad. May apat na papers na lang na natitira, gusto ko nang matapos para makabalik na ako sa kuwarto ko.
Inaantok na rin ako. Hindi ko na alam ang gagawin ko pagkatapos nito. Siguro, puwede na akong matulog. Ang sabi pa naman ni Eul, magkakapera na ako bukas. Kailangan ko na ring tapusin ito nang mabilis. Kapag siguro maganda ang performance ko, baka dagdagan nila ang bayad sa akin.
Hindi na rin naman masama kasi wala na akong bahay na matutuluyan. Kapag natapos ako rito, makakaipon na ako ng pera para makalipat ng ibang apartment. Maganda naman dito sa Cabin, pero ang weird pa rin talaga na dito ako nakatira. Ang layo pa naman ng city, mahigit isang kilometro. Alangan namang araw-araw akong maglakad nang ganoon kalayo para lang bumili ng pagkain.
"Mr. Phillips, ito po yung mga for review ng monthly reports," sabi ko sa dulong hanay ng folders, kasunod yung nasa katabi n'on. "Ito naman po yung mga business proposal." Hinuli ko ang nasa pangatlo. "Ito po yung mga kailangang pirmahang documents."
Tumayo na ako at pumuwesto sa kaliwang gilid ng mesa saka ko ginaya ulit yung porma ng mga maid na nakapatong ang mga palad sa may bandang tiyan. Nakayuko lang ako nang bahagya kasi ang awkward talagang titigan sa mata si Mr. Phillips. Mamaya, makikipagtitigan na naman siya tapos tatanungin niya ako kung may naririnig na naman akong hindi ko nga naririnig. Kung batuhin niya ulit ako ng dagger niya, baka sumapul na talaga sa mukha ko, e di patay naman ako n'on.
"Do you already know my name?"
Sumulyap ako sa kanya sa inuupuan niya at ibinalik ko sa wooden floor ang tingin ko. "Mr. Donovan Phillips, sir."
"Good." Tumayo na siya, at paunti-unti akong umurong patago sa gilid ng mesa kasi lalapit na naman siya sa akin.
Ayoko talagang lumalapit siya. Parang may magnet yung katawan niya na pinatitindig ang mga balahibo ko para sundan ang presensiya niya. Nakakatakot na parang hindi. Ewan ko ba? Nanlalamig ako na naiinitan. Parang tanga.
Huminto siya sa harapan ng table at dinampot doon ang clipboard kung saan nakaipit yung listahan ko ng pangalan ng documents na kailangan niyang basahin at pirmahan.
Kontrol na kontrol ko ang paghinga ko kasi parang kahit pagbuga ko ng hininga, puwede niyang sermunan. Namamawis ang palad ko, sumisimple na ako ng punas sa di pa nabibihisang uniform ko mula pa kaninang alas-sais ng umaga. Buong araw ko nang suot ang damit ko, amoy pawis at ulam na ako. Kaya siguro ako inamoy kanina ni Mr. Phillips sa leeg. Ang baho ko na siguro.
Gusto ko siyang tanungin kung saan ba talaga ako nagtatrabaho. Sa Jagermeister ba o sa Prios, kaso baka batuhin talaga niya ako ng patalim. Natatakot ako, hindi pa naman ako marunong umilag.
"You're faster than expected." Pagsulyap ko sa kanya, nakalingon siya sa orasan sa dulo ng kuwarto. "Hindi ka nalito?"
Bumalik ako sa pagtitig sa sahig. "No, Mr. Phillips. Nag-o-organize din po ako ng card catalogs sa library kaya basic lang yung organizer."
"Good."
Sinulyapan ko na naman siya at nanlaki agad ang mga mata ko kasi nakatitig na naman siya sa akin kaya ibinalik ko ang tingin sa sahig.
"Are you scared of me?"
Napalunok ako sa tanong niya. Hindi ako nakasagot agad. Natatakot ako, pero hindi na gaya kanina na para niya akong papatayin. Kinakabahan na lang ako kasi baka batuhin na naman niya ako ng dagger niyang masarap isangla.
"Chancey."
Umiling na lang ako kaysa sumagot. Hindi ko kasi alam kung paano sasagutin iyon.
"Aalis ka bukas?"
Tumango lang ako sa tanong niya. Pupunta kasi ako sa bangko, titingnan ko kung may allowance na ako. Sabi kasi ni Eul, magkakalaman na raw ang bank account ko kahit paano para makabili ako ng pagkain ko. Kung hindi man 200 dollars iyon, at least, enough naman siguro ang ibibigay nilang allowance pangkain ko para sa isang araw.
"Sasabihan ko si Lance na ipag-drive ka."
Biglang angat ng mukha ko para makita ang mukha niya.
Ako? May driver? Talaga? Waah! Ang taray!
"Libre po, Mr. Phillips?" tanong ko agad habang malawak ang ngiti.
"Of course."
"WAH—!" Pinigil ko agad ang tili ko saka ako paulit-ulit na nag-bow. "Thank you po! Thank you!"
"You can take your rest now. I'll see you tomorrow evening."
"Thank you, Mr. Phillips, sir!"
Mabilis akong lumabas ng kuwarto niya nang may malapad na ngiti. Patalon-talon pa ako pabalik sa kuwarto ko.
Feeling ko talaga, mabait si Mr. Phillips. Baka may trust issue lang siya kaya siya nambabato ng punyal. Hindi naman niya ako binato ulit kaya baka okay na kaming dalawa.
Ang suwerte ko naman, may magda-drive para sa akin bukas. Hindi ako maglalakad papuntang bangko. Hindi na rin pala masamang maging secretary ni Mr. Phillips. Malaki na ang sahod, may bahay na, may free transporation service pa.
***
Alas-onse, nakatulog na ako. Alas-singko ng umaga, nakaligo na ako bago pa sumikat ang araw. Sobrang ganda sa banyo ng kuwarto ko. May porcelain tub, feeling princess. Tapos naka-shower pa na may white and gold silk curtain.
Bakit kaya walang tumatagal na secretary ni Mr. Phillips? Kung ganito lang kadali ang trabaho, makaka-survive ako hanggang six months.
Gabi yata ang trabaho ko kaya mamayang gabi na lang ako mag-u-uniform kahit wala naman akong uniform. Nagsuot na lang ako ng gray hoodie at jogging pants. Hindi ko alam kung anong oras dadating si Lance kaya maglalakad-lakad muna ako sa Cabin.
Sumilip muna ako sa bintana nang makitang maliwanag na kahit wala pang alas-sais ng umaga. Sobrang ganda ng backyard ng Cabin, para talaga akong haciendera. Ang ganda rin ng maliit na lake sa likod ng mansiyon. Nakatambay na naman doon sa tubigan yung puting gansa na naglalakad kahapon sa gilid ng Cabin.
Ang payapa sa Helderiet Woods, sobrang tahimik.
Lumabas ako ng kuwarto at nakangiting sinulyapan ang kuwarto ni Mr. Phillips.
Kakatukin ko ba?
Sige na nga. Baka sabihin niya, wala akong pakialam sa kanya.
"Mr. Phillips, gising na po ako. Magbe-breakfast po ba kayo?"
Walang sagot kaya kumatok ako. Wala ring sagot. Binuksan ko ang pinto para sumilip sa loob. Tulog kaya siya?
"Mr. Phillips?" Tingin sa kanan, tingin sa kaliwa. Walang tao sa kuwarto niya. "Saan kaya siya pumunta?"
Baka nag-exercise siguro. Umaga na e.
Bumaba na lang ako ng third floor, baka makasalubong ko siya sa labas.
Siguro, sa labas na lang ako kakain kapag sinundo na ako ni Lance. Nag-noodles na ako kagabi, may pera naman na ako mamaya.
"Ay, towel!" Napahinto ako sa paglapit sa hagdan nang maalala kong wala pala akong face towel. Mabilis akong tumalikod at babalik sana sa third floor nang mapahinto. "Whoah." Mabilis kong tiningnan ang suwelas ng suot kong running shoes. "Shet! Ano 'to?"
Sinundan ko ng tingin ang mga yabag ng paa ko sa hallway. Puro bakas ng pulang bagay yung wooden flooring. At galing lahat sa sapatos ko.
"Shet talaga, ano ba 'tong natapakan ko?" Nandidiri pa akong inobserbahan ang sahig. Hinubad ko agad ang sapatos ko para amuyin kung nakatapak ba ako ng pintura. "Anak ng—" Kinunutan ko ng noo yung sapatos dahil hindi amoy pintura yung naamoy ko. Amoy hasang ng isda. "Dugo ba 'to?" Mabilis kong hinubad ang sapatos ko at bumaba agad ako sa ground floor nang nakamedyas.
Saan naman kaya ako nakatapak ng dugo?
Binanlawan ko sa banyo sa ground floor na katabi ng kusina ang suwelas ng running shoes ko saka ako kumuha ng floor mop saka baldeng may tubig para linisin yung second floor.
Kapag talaga nakita iyon ni Mrs. Serena, ako ang pagagalitan niya kasi wala namang ibang naka-stay sa Cabin kundi kami lang ni Mr. Phillips. E alangan namang pagalitan niya si Mr. Phillips e siya nga yung may-ari ng bahay.
Naghubad ako ng medyas at nagtupi ng jogging pants hanggang tuhod saka manggas hanggang siko.
"Ano ba naman 'yan?" reklamo ko habang mina-mop ang nadumihang sahig. Ang aga-aga, napapalinis ako.
Saan ako nakatapak ng dugo? At bakit may dugo?
"Hala!" Napahinto ako sa pagma-mop at napatakip ng bibig. "Di kaya may patay na daga sa third floor?"
Shet! Hindi pa naman sila naglilinis sa taas! Naku, yari ako nito kay Mr. Phillips kapag may patay na daga sa taas.
Binilisan ko ang pagma-mop. Mula sa hagdan, kalat na kalat yung dugo.
Ang aga-aga, pinagpapawisan na ako, hindi pa man ako nakakalabas para makapag-jogging.
"Ang hassle naman this life, nakakaloka." Nagpunas ako ng noo habang paakyat sa third floor. At dahil madilim, malamang na bubuksan ko pa ang pinto ng kuwarto ko may ilaw ako sa paglilinis.
Sinilip ko ang pinto ng kuwarto ni Mr. Phillips. Wala siya roon, malamang nasa labas pa siya. Kailangan kong magmadali bago siya makabalik. Kapag naabutan niya akong nagkakalat ng dugo sa hallway, baka mapalayas niya ako. Wala na akong bahay, pinalayas na ako sa apartment ni Mrs. Fely.
"What the . . ." Pagbukas ko ng pintuan ko, nasa tapat pala ng kuwarto ko yung lawa ng dugo. Napalunok ako.
Bukas nang bahagya yung pinto sa tapat.
At doon . . . galing yung lawa ng dugo.
Dahan-dahan akong lumapit doon at itinulak nang paunti-unti ang pinto.
"Shit."
Bigla akong inatake ng kaba pagkakita ko sa loob.
Ibig bang sabihin nito . . . kaya ba ayaw niyang paakyatin dito sina Mrs. Serena . . .
"Chancey."
Parang huminto ang mundo ko nang marinig ko ang boses na iyon sa gilid ko.
"M-Mr. Phillips . . . sir?"
------
May nagtatanong kung ano raw yung boses ni Mr. Phillips. Binase ko yung boses niya kay Valentin Stuff, nasa video link. ^__^
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top