4. Questions and Doubts
Eight years old ako nang gawing historical landmark ang The Grand Cabin. Minsan nang tumugtog si Mama para sa orchestra noong town declaration. Twenty years after maging landmark ng Cabin, binakuran na ang buong Helderiet at wala nang nakapasok na kahit sino sa loob for public viewing.
Ang ganda ng kuwarto ko sa Cabin. Amoy-malinis yung loob, malambot ang canopy bed na may white lace curtain pa. Parang kama talaga ng prinsesa. Sa kanan ng kama, sa gilid ng bintana, naroon ang vanity dresser na may malaking bilog na salamin. Sa kabila naman ng kama, yung closet na mataas. Walang laman, akala ko pa naman may Victorian dress or something sa loob na puwedeng ipang-dress up.
Wooden floorings ang kuwarto na pinatungan na lang ng round carpet sa gitna. Karugtong yung wooden flooring sa labas. Bigla ko tuloy naalala yung pulang mantsa sa kabilang kuwarto. Tuyo na iyon at medyo malansa ang amoy. Hindi naman malansa sa kabuuan ng third floor hallway, pero iba talaga ang kutob ko sa katapat kong kuwarto.
Alas-nuwebe na, ang sabi ni Mr. Phillips maliban sa huwag siyang abalahin sa pagtulog ay abangan ang mga maid sa ibaba.
Bumalik ako sa second floor ng Cabin at tinitigan ang malaking painting sa itaas ng grand staircase. Sobrang laki ng canvas frame at dalawang dipa ko ang lapad, triple naman ang taas. Sa kanang ibaba, nakita roon ang pirma ng papa ko, sa ilalim ng pangalang "F. Revamonte."
"Dalhin n'yo na sa kusina 'yan."
Mabilis akong napalingon sa ibaba nang makita kong nakapilang pumasok ang mga babaeng nakasuot ng itim na uniform. Mahaba ang mga palda nila at naka-tuck in doon ang puting button blouse na mahahaba ang manggas.
"Maglinis sa second floor, kailangang matapos tayo bago mag-alas-dose."
"Yes, Mrs. Serena."
Dali-dali akong bumaba para salubungin ang may-edad na ginang na nakapusod ang buhok at mukhang istrikta. Kumpara sa ibang maid na pumasok, may suot siyang itim na bow tie pangsara sa butones sa leeg.
"Hello po, good morning," pagbati ko pagbaba ko ng hagdanan. Sinalubong ako ng tingin ng ginang na mukhang mayordoma kaya napahinto ako agad. May katabaan siya at nakalagay ang mga kamay sa likuran. Mukha siyang principal ko noong grade school na nanghahampas ng ruler kapag matigas ang ulo ng bata.
"Ikaw ba ang bagong sekretarya ni Mr. Phillips?" tanong niya agad, at sobrang baba ng boses niya, parang galing sa sahig.
"A-Ako nga po." Inilapat ko ang kanang palad ko sa dibdib. "Ako si Chancey."
"Chancey." Tumango naman si Mrs. Serena at hinagod ako ng tingin mula ulo hanggang paa habang nakataas ang isang kilay. "Alam mo na kung nasaan ang kuwarto mo?"
"Yes, ma'am."
"Mrs. Serena."
"Yes, Mrs. Serena, ma'am." Napalunok na naman ako. Grabe, sobrang strict naman nila rito. Sana si Eul na lang ang narito para puro lang ako smile.
"Sumunod ka sa 'kin." Bigla siyang kumaliwa at una kong napansin ang diretso niyang tindig habang nananatiling nasa likuran ang mga kamay.
Medyo kuba pa naman akong maglakad kaya ginaya ko na lang siya. Inilapat ko ang balikat ko, chest out, at parang bibe kung maglakad habang sinusundan siya.
"Ito ang living room," aniya, tinuturo ang malaking silid na may mahabang pulang sofa sa kaliwa at dalawang single-seater chair sa kanan. Sa gitna naman ay may fireplace na walang sindi. "Hangga't maaari, iwasan mong magtagal dito kapag oras ng trabaho. Hindi gusto ni Mr. Phillips na may nakikita siyang tao rito."
"Yes, Mrs. Serena, ma'am," sagot ko agad at sinabayan siya sa pagliko sa kanan sa panibagong hallway.
"Ayaw ni Mr. Phillips na iniistorbo siya sa pagtulog. Seven to seven ang pahinga niya, kakatok ka lang ng kuwarto niya sa third floor kapag alas-siyete na ng gabi para sa paunang hapunan. Sundin mo ang schedule kung ayaw mong magalit siya sa 'yo."
"Yes, Mrs. Serena."
Tinahak naming dalawa ang hallway na dire-diretsong bintana ang kaliwa at puro na paintings sa kanan. Loob pa rin naman iyon ng bahay pero kita sa labas ng bintana ang indoor garden na may malaking shed sa gitna. May itim na piano roon na may pulang harang sa bawat haligi. Wala namang dingding, pero may red ribbon bilang guard. Maganda talaga ang araw dahil nagsisimula nang tumirik ang init papasok sa loob ng bahay. Narinig ko na ang ugong ng air-conditioning system bago pa kami makapasok ulit sa panibagong hallway sa dulo.
Sobrang laki ng Cabin, paano kaya nila malilinis ito nang tatlong oras lang?
Tinahak namin ang hallway sa kanan at nasalubong na namin ang ilang maid na nagliligpit sa kusina.
"Nasa ref nakalagay ang scheduled meal ni Mr. Phillips," paalala ni Mrs. Serena at itinuturo ang ref sa dulo ng malaking kitchen. Sunod niyang itinuro ang malaking corkboard sa dingding na may mga naka-pin na mga papel. "Nasa board ang daily menu. Ikaw ang maghahanda niyan according sa given schedule."
Walang hinto-hinto, lumiko na naman kami sa kanan at pumasok sa panibagong pinto kung nasaan ang dining room na may mahabang wooden dining table.
"Bago ang meal time ni Mr. Phillips, dapat nakahanda na ang lahat ng pagkain niya rito. Kailangang kompletuhin mo ang ihahanda dahil ayaw niyang may kasabay sa pagkain. Kapag nagkulang ka kahit isa, ikaw ang ihahain niya sa mesa."
Ay, ako talaga?
Grabe naman sila manakot. Sige na nga, noted na.
"Yes, Mrs. Serena."
Hindi siya huminto, paikot-ikot kami sa hallways na nadadaanan namin hanggang maipakilala niya ako sa lahat ng lugar na dapat at hindi ko dapat puntahan sa Cabin.
At mas maraming lugar ang hindi ko dapat pasukin.
"Mrs. Serena, hindi po ba lilinisin ng mga maid yung third floor?" tanong ko nang mapadpad kami sa second floor sa ibaba ng hagdan paakyat.
Doon lang siya huminto at tiningnan ako nang matiim. Yung tingin pa naman niya, parang hinuhusgahan ang existence ko sa Earth.
"Walang puwedeng umakyat sa third floor nang walang permiso ni Mr. Phillips."
Nagpapikit-pikit lang ako dahil sa sinabi niya.
"P-Pero nasa taas ako . . ." Itinuro ko pa yung hagdan kasi nasa third floor yung kuwarto ko.
"Pagdating ng alas-onse, pupunta rito si Lance para sunduin ka. Kunin mo ang gamit mo sa dati mong bahay at dalhin mo rito sa Grand Cabin." Tumalikod na naman siya at sumunod na naman ako. "Alas-siyete ng gabi, dapat patay na ang lahat ng ilaw. Alas-dose, kailangang natapos na ang lahat ng trabaho dahil bawal nang lumabas ng kuwarto hanggang alas-sais ng umaga."
"Pero paano po kapag ginutom ako—"
"Walang pakialam si Mr. Phillips kung ginugutom ka. Kapag nakita ka niya sa curfew mo, siya ang magugutom. Naiintindihan mo?"
Umiling agad ako. "Hindi po."
Biglang tumaas na naman ang kilay niya. Akala ko, may sasabihin pa siyang nakakasakit ng damdamin pero nagbuntonghininga lang siya at tumango.
"It's okay. Hindi ka rin naman magtatagal." Tapos bigla siyang tumalikod agad.
Ay, grabe siya! Harap-harapang bastusan ba 'to?
Ang tanong ko lang, paano kapag ginutom ako sa hatinggabi? Ano 'yon, titiisin ko ang gutom ko? Bawal mangusina? Bawal kumain? Paano kung nauhaw ako? Bawal ding uminom?
Grabe naman, nasa loob na nga ng bahay, may curfew pa.
Sumunod ako sa kanya sa ground floor at naabutan doon ang ilang mga maid na nakahilera na, seryoso ang mukha, at nakalagay ang magkapatong na mga kamay sa bandang tiyan.
"Tapos nang linisin ang west alley, Mrs. Serena."
"Malinis na ang north passage, Mrs. Serena."
"Napalitan na ang mga kurtina sa second floor, Mrs. Serena."
Sunod-sunod ang pagbalita nila sa trabaho na halos ikatulala ko. Para silang mga robot.
Sobrang fast paced ng trabaho nila, parang hindi sila puwedeng tumambay kahit ilang segundo lang. Habang pinanonood ko sila, nahihiya na ako kasi nanonood lang ako. Gusto ko na lang ding tumulong kasi feeling ko, ang inutil ko e pare-parehas lang namang kaming suwelduhan dito.
Si Mrs. Serena, paikot-ikot sa Cabin, minamanduhan lahat ng maid na hindi pa tapos. Para lang hindi ako mailang, tumambay na lang ako sa labas ng Cabin, doon sa may front porch.
Wala pa akong breakfast, wala na rin akong pera pam-breakfast. Ang sabi ni Mrs. Serena, may pagkain daw sa ref. Pag-alis na lang nila ako magkakalkal. Kung alam ko lang na bawal pumuslit ng pagkain, sana habang wala pa sila, kumain na ako.
Nagkalkal ako ng wallet at bag. Meron akong barya.
Kaso kahit vendo coffee, hindi ako makakabili. Ang poor ko namang nilalang.
Nagugutom na 'ko, umagang-umaga, pinagod na 'ko sa Jagermeister. Tapos ngayon, pinag-tour pa ako sa The Grand Cabin. Napakagaling naman talaga, oo. Kahit isang burger lang pagkain, nanginginig na yung tuhod ko sa gutom. Ang kawawa ko naman talagang tao.
Sobrang ganda sa loob ng Helderiet Woods, ang lakas maka-New Zealand. Ang beberde ng mga dahon tapos ang sariwa ng hangin. Alaga rin pati yung bermuda grass na may sprinkler sa ibang parte. Iba talaga kapag pine-preserve ang lugar.
Nakarinig ako ng tunog ng sasakyan sa malayuan at napatayo na agad ako pagkakita ko sa papalapit na itim na sasakyan.
Malamang na iyan yung service ko pabalik sa apartment.
Nag-ayos ako ng skirt at ginaya yung ayos ng mga maid kanina na nakapatong ang mga kamay sa bandang tiyan. Nakakahiya, mukha silang mga cultured dito kahit maid lang, tapos ako, talo pa ang amo.
Paghinto ng kotse sa harapan ng mansion, biglang bumaba roon ang isang pamilyar na mukha.
"Eul!" sigaw ko agad saka kumaway nang malaki. Hindi naman halatang excited akong makita siya.
"Hello, Miss Chancey!" pagbati niya. Pumuwesto na naman siya sa harapan ng nakabukas na pinto ng backseat at inilahad ang palad sa loob.
"Ako?" Itinuro ko pa ang sarili ko.
Tumango na naman siya habang nakangiti.
"Okay?" Mabilis akong lumapit sa kanya at pumasok sa loob ng sasakyan kahit medyo naguguluhan.
Ang sabi ni Eul, uuwi na raw siya by seven. Tanghali na, nagtatrabaho pa rin siya. Sobrang sipag niya naman.
Nagbalik na naman ako sa kotseng sinakyan namin kanina ni Mr. Phillips at nakita ko na naman si Eul na hindi pa rin pala nakakabihis sa pang-manager niyang uniform. Magkatabi kami sa backseat at nakangiti lang ako sa kanya.
"Eul, may biskuwit ka diyan?" tanong ko habang papalabas kami ng Helderiet Woods. "Di pa 'ko nagbe-breakfast kasi."
Nginitian na lang niya ako at tumango. Kinatok niya yung tinted glass at bumukas iyon. "Lance, dumaan muna tayo sa diner." Iyon lang tapos isinara na ulit yung maliit na pinto sa glass. "Kumain ka muna."
"Eul, wala akong pera, ha. Pautang muna. Promise, kapag sumahod ako, babayaran ko agad!"
Ngumiti lang siya nang mas malapad. "You don't have to. Wala ka ring makakain sa Cabin. Puro kay Mr. Phillips ang mga naroon."
Sobrang bait talaga ni Eul, tapos mukha pang gentleman. Bagay na bagay sa kanyang maging general manager. Single kaya siya? Kaso mukhang hindi.
"Eul, alam mo bang property ng Prios 'tong Cabin?" tanong ko habang nakatitig sa mukha ni Eul na ang sarap tulalaan. Nahagip kasi ng tingin ko yung board bago kami makalampas sa iron gate.
"Yes, of course."
"Di ba, naghahanap din ng secretary yung chairman ng Prios Holdings?"
"Yes, and occupied na ang position ngayon."
"Oh?" Nagulat ako kaya napaayos ako ng upo. "Di ba, walang nagtatagal na secretary yung chairman n'on?"
"Hindi lang competent ang ibang secretary na na-hire."
"Ay, paano pala yung mga applicant kagabi, nasaan na sila? Walang ibang pinto sa office ni Mr. Phillips, saan sila lumabas?"
Tumango naman si Eul na ikinalito ko. "May masarap na diner sa Belorian. Pagdating ng alas-dose, pupunta na tayo sa apartment mo. Isang oras lang ang puwede kong ibigay para sa pag-eempake mo kasi kailangan ko na ring umuwi."
"Hindi ka pa ba natutulog, Eul? May pasok ka ba mamayang gabi?"
Umiling siya. "Day off ko na. Aayusin ko lang ito."
"Oooh . . ." Tinitigan ko lang siya ulit. "Pero wala talagang ibang pinto sa office ni Mr. Phillips?"
Tinawanan lang niya ako nang mahina saka siya tumango at tiningnan ako. "Miss Chancey, malawak ang opisina ng CEO."
"Pero wala akong makitang ibang pinto."
Tumango na naman siya habang nakangiti tapos hindi na sumagot.
Bakit ayaw niyang sagutin nang diretso yung tanong ko?
Ano ba? May pinto ba ro'n na hindi ko lang napansin?
"Ay, Eul, may problema ba yung salamin sa 30th floor? Hindi ko kasi nakita si Mr. Phillips sa reflection kanina."
Tinawanan na naman niya ako nang mahina. Masayahin talaga siyang tao, nakakatuwa naman. Namomroblema kaya siya? Itinuro niya yung tinted glass sa harapan namin. "That's glass. May nakikita kang reflection?"
Tinitigan ko yung glass sa harapan saka umiling. "Wala."
"That's your answer."
"Ooohh . . ." Tumango naman ako. Parang na-gets ko na parang hindi. "Istrikto ba si Mr. Phillips? Wala pa siyang ibinibigay na paperworks sa 'kin para sa Jagermeister e."
"You'll start later this evening. Sa ngayon, bumawi ka na lang muna ng pahinga. Para kapag kinailangan ka na ni Mr. Phillips, matutulungan mo siya."
"Oh . . . kay." Tumango na lang ako. Sa dami ng sinabi ko, wala na akong matandaang detalye. Saglit na bumaba ang tingin ko sa name tag niyang may nakalagay na EUL. Eulbert daw ang buong pangalan niya, sabi ni Mr. Phillips. Mr. Willis naman ang ang tawag sa kanya ng babae kanina sa front desk.
Sobrang bait ni Eul para sa isang general manager. Akala ko puro sila masusungit sa executives.
Dumaan kami sa isang diner at nag-drive thru order na lang. Hinayaan ako ni Eul na kumain sa sasakyan ng take-out meal habang pabalik sa apartment building kung saan ako nakatira.
Laking pasasalamat ko talaga na nilibre ako ni Eul ng breakfast. Buti hindi siya nagagalit kasi medyo sinasamantala ko ang kabaitan niya. Kung ibang tao lang siya, baka magtanong pa siya kung bakit ang kapal ng mukha ko na nangungutang ako samantalang hindi naman niya ako lubusang kilala.
Ilang minuto na lang at alas-dose na. Nakarating na kami sa apartment building at nasalubong na agad namin si Mrs. Fely na nagpapaypay ng mukha doon sa entrance.
"Buti naman may bago ka nang malilipatan bago pa kita palayasin," masungit niyang sinabi habang minamata ako.
Peke akong ngumiti at pinandilatan ang sahig. "Aakyat na po ako, Mrs. Fely."
Iniwan ko si Eul sa ibaba at nauna na ako sa floor kung nasaan ako nakatira. May kadiliman ang hallway kasi walang nakabukas na ilaw. Nakaasa na lang ako sa malaking bintana sa dulo ng floor. Nasa trabaho si Zephy, hindi ko masasabi sa kanyang may trabaho na ako ngayon. Siya pa naman ang nagbigay sa akin ng brochure ng JGM para makapag-apply.
Nagbuntonghininga agad ako pagtapak ko sa apartment unit ko. Sa wakas, malaya na akong buksan ang ilaw kasi alam na ni Mrs. Fely na narito ako. Kaso mukhang huling araw ko nang bubuksan ito kasi aalis din ako agad.
Wala akong closet kaya lahat ng naka-hanger na damit sa clothes rack, pinagkukuha ko na at isiniksik sa iba pang laman ng malaking maleta.
Matagal naman nang nakahanda ang mga gamit ko dahil sanay na akong palipat-lipat ng bahay. Matapos akong palayasin sa bahay ng mga magulang ko, kailangan ko nang mamuhay nang mag-isa.
Maliban sa mga damit, maliit na airpot lang ang mababaon kong appliances na meron ako sa apartment. Yung kumot ko, kay Zephy naman. Yung mattress, kay Mrs. Fely. Yung Mickey Mouse bolster pillow ko lang ang madadala ko kasama ng mga gamit ko. Marami namang plato sa Cabin kaya hindi ko na dinala ang kaunting laman ng kusina ko.
Sobrang kaunti lang ng laman ng apartment ko, puwedeng-puwedeng itapon sa kalsada kung gugustuhin ni Mrs. Fely.
Pagbaba ko sa apartment building, tiningala ko agad ang minsang tahanan ko kahit parati naman akong pinalalayas nitong mga nakaraang linggo.
Nagbuntonghininga na naman ako.
"Miss Chancey."
Nilingon ko si Eul na naghihintay sa akin.
"Six months yung contract ko, Eul, di ba?" tanong ko habang inililipat ang mga gamit ko sa trunk ng kotse.
"Yes, it is."
"Tingin mo, tatagal ako nang six months?" Sinulyapan ko siya para malaman ang opinyon niya.
Matipid lang siyang ngumiti at tumango. "Mr. Phillips asked you to kill yourself last night, right?"
"Uhm-hmm." Tumango naman ako.
"You already told him about yourself."
"Wala pa nga akong sinasabi, hired na 'ko. Di ko nakuha 'yon. Paano pala kung pinatay ko ang sarili ko?"
Tumawa na naman siya nang mahina. "We need to hurry, Miss Chancey. Babalik ka pa sa Cabin."
"Ay, oo nga! Tara na!"
----
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top