35. Night in the Grand Cabin
"Helene, ma'am, paano nga po ako babalik sa Cabin kung nandoon sila? Saka paanong magiging tahanan ko ang Cabin e binili nga yung lugar na 'yon ni Mr. Phillips?"
Ayaw talaga niyang makinig. Naglakad na naman kami papalabas ng mahabang hallway. Kasi nga raw hindi ako puwedeng magtagal sa labas at kailangan ko nang bumalik.
Ang lakas na talaga ng kutob kong ayaw na sa 'kin ng buong Earth kasi kahit saan ako pumunta, pinalalayas nila ako.
"Hindi ang Cabin ang tahanan mo, anak ni Quirine."
"Kaya nga po!" Napakamot ako ng ulo. "Kung akin 'yon, e di sana matagal na akong doon nakatira, di ba?"
"Kung nagagawa mong kontrolin ang lahat ng bahagi ng kakahuyan, iyo ang buong lugar."
Natigilan ako sa paglalakad habang nakangiwi. Nakatitig lang ako sa likuran niya habang naglalakad siya papalayo.
Hello? Imposible namang ako ang may-ari ng buong Helderiet Woods? Duh! Wala nga akong pambili ng lupa sa paso, buong kakahuyan pa kaya?! Saka paano ko kokontrolin ang kakahuyan? Posible ba 'yon? Ano? Palalakarin ko yung mga puno?
"Pero, ma'am, Helene, hindi ko kasi talaga nakukuha." Madali ko siyang hinabol at saka ako nagpaliwanag ulit habang hinahabol ang lakad niya. "Tao po ang parents ko. Okay? At hindi kami mayaman. May bahay kami sa gubat dati pero pinaalis kami. Nag-stay kami sa iba't ibang lugar, nagbabayad ako ng rent sa apartment bago ako magkatrabaho. Wala silang ipinamana sa akin maliban sa pension nila sa Jagermeister at itong mga susing hindi ko naman alam na para pala sa The Grand Cabin. Saka bakit tinatawag n'yong bantay ng gubat yung nanay ko, e wala naman siyang binabantayan sa gubat? Nag-vi-violin lang siya!"
"Normal sa mga gaya niya ang makihalubilo sa mga taong-bayan."
"Normal po kasi talagang makipag-usap sa mga kapitbahay, duh?"
Lumiko na naman kami sa kanan at talagang sinusulit ng bahay nila ang lakas ng baga ko. Para akong nagwo-walking marathon.
"Kung nakalabas ka ng Helderiet sa tulong ng mga hayop doon, matutulungan ka nilang makapasok sa loob."
"Ma'am, madaling-araw na. Dapat nga natutulog na lang ako ngayon! Saka delikado! Kapag ako naabutan doon ng mga shifter, ako ang papatayin ng mga monster na kalaban ni Mr. Phillips tuwing gabi!"
"Nasa iyo ang singsing ni Hecate. Nagbabago lang ang kulay ng singsing kapag sinusuot iyon ng mga nilalang na may partikular na uri. Hindi iyon kayang suotin ng simpleng tao lamang."
Napataas agad ako ng magkabilang kilay dahil sa sinabi niya. "Alam n'yo po ang tungkol sa singsing? Si Mr. Phillips kasi, hindi niya alam. Sabi niya, itatanong pa lang niya kay Eul pero parang mas alam ninyo. Hindi po ba ako papatayin nitong singsing? May sumpa raw 'to e."
"Poprotektahan ng singsing ang may-ari sa kanya."
"Pero matatanggal ko pa po ba 'to?"
"Oras na piliin ng singsing ang may-ari sa kanya, karugtong na nito ang kaluluwa ng nilalang na magmamay-ari sa kanya. Hindi maaalis iyan hangga't hindi namamatay ang may-ari."
Napatakip agad ako sa bibig.
Ang malas ko naman. Kung alam ko lang na ganito itong singsing, sana hindi ko na pinayagan si Mr. Phillips na ipasuot sa akin ito.
"E di kailangang patayin muna ako? OMG."
"Iyon ay kung hahayaan kang mamatay ng singsing. Hindi ka mamamatay hanggang hindi ka umaalis ng gubat."
"Pero imposible nga pong makabalik ako sa Cabin ngayon kasi may mga monster sa labas tapos nandoon pa yung pamilya ni Mr. Phillips."
"Kapag kinuha na ng may-ari ang bahay ang tahanan niya, hindi na sila makakapasok doon hangga't hindi sila imbitado. Naroon lang sila dahil kalahating tao si Donovan at kailangan ng buhay na tao para sa imbitasyon sa lugar na iyon. At hangga't buhay si Donovan, malaya silang makakapasok sa loob at labas ng Cabin, maging ng Helderiet."
"WHAT?!" Napasapo agad ako sa dibdib nang marinig ang sinabi niyang kalahating tao si Mr. Phillips. "Kapag pinatay nila si Mr. Phillips, ano'ng mangyayari sa Cabin? Hindi sila makakapasok?"
"Hihintayin ng bahay ang may-ari para papasukin sila."
"Paano kung ako yung may-ari ng buong kakahuyan? Ibig sabihin, kami ni Mr. Phillips yung may-ari ng Cabin saka ng Helderiet Woods?"
"Kung totoo ang lahat ng sinabi kong nagagawa mo, ganoon na nga."
"Hah—" Napasinghap na lang ako at biglang kuminang ang mata ko dahil sa sinabi niya.
Wow, so ibig sabihin, mayaman pala talaga ako?
ACK! OMG! Baka ito pala talaga ang pamana ng parents ko sa akin pero hindi lang nila sinabi para surprise?
Kaso grabe namang surprise, buwis-buhay.
"Dalhin mo ito, at mag-ingat ka."
Isinauli niya sa akin ang punyal ni Mr. Phillips, pero may scabbard nang gawa sa ginto na may design pang maliliit na brilyante.
Nakaka-tempt isangla. Magkano kaya ito aabutin?
"Puwede po bang bukas na lang ako bumalik? Inaantok na po kasi ako," naiilang kong paalam kasi ayoko nang maglakad ulit pabalik sa Helderiet. Buong magdamag na akong naglalakad, palalakarin na naman ako?
"Kailangan mong makabalik doon bago sumikat sumikat ang araw. Hindi kumakain ng tao si Donovan, ngunit naroon ang pamilya at pipilitan nila siyang sundin ang tradisyon ng pamilyang may pulang mga mata. Kung hindi mo sila mapipigilan, babalik ka roon na hindi na kilala ang Donovan na nakilala mong may gintong mata."
Gusto ko lang magkatrabaho.
Paulit-ulit kong sinasabi sa sarili ko na gusto ko lang namang magkatrabaho. Kahit tagakuskos ng sahig sa building ng JGM. Kahit tagapunas ng mesa sa fast-food chains. Kahit nga tagabigay ng flyers sa kanto, papatusin ko na.
Pagod na pagod ang buong katawan ko pero nilalakad ko na naman ang madilim na kalsada ng Helderiet Woods. Ang weird kasi sinalubong ako ng maraming fireflies sa entrance tapos nakasunod lang sila sa akin.
Ayokong magtanong kung bakit sila nakasunod kasi kung hindi sa kanila, hindi ko malalaman ang dinadaanan ko. Nakikita ko pa rin naman nang bahagya gawa ng ilaw ng buwan, pero kulang pa rin para maaninag ko ang eksaktong daan.
Thankful naman ako kasi considerate si Helene at pinahatid ako gamit ang kotse kahit alas-dos na ng madaling-araw. Kaso sa iron gate lang talaga ako ibinaba. Hindi man lang pinasok sa loob. Hindi rin naman kasi bumukas ang gate kaya hindi ko napinilit.
Nagugutom na nga ako kalalakad sa bahay nina Eul, inaantok pa ako. Tapos palalakarin na naman ako pabalik sa Cabin? Feeling ko talaga, gusto akong torture-in ng mundo linggo-linggo. Parang gusto ko na lang bumalik sa apartment ni Mrs. Fely. Okay na kahit kinakalampag niya ako araw-araw, at least alam kong safe ako. Hindi gaya nito na may monsters, may bampira, at hindi nga raw ako tao, pero hindi nga rin naman daw ako imortal or whatnot. Hindi nga rin daw ako purong engkantada gaya ng sinasabi ni Helene. May dugo, pero hindi puro. Half-half? So, ano ako? Anomalya ng universe?
"O? Ikaw na naman?" Sinalubong ako ng maliit na soro na palaging kumakain ng karne ng monsters tuwing umaga. Binuhat ko siya para yakapin. Ang lambot niya, naalala ko yung teddy bear na binili ko kay Mr. Phillips. "Ang bigat mo palang hayop ka." Ibinaba ko agad siya kasi para akong bumuhat ng sampung kilong sako na gawa sa malambot na balahibo.
Nararamdaman ko yung naglalarong buntot niya sa kanang kamay ko. At kapag gumigilid ako sa kanan, tinutulak ako ng katawan niya pakaliwa.
"Ito na nga, ito na nga. Bakit ka ba nanunulak?"
Itong mga hayop na 'to, ewan ko sa trip ng mga 'to. Pero nagpapasalamat naman ako kasi kahit alas-dos na ng madaling-araw, sinasamahan nila ako pabalik sa Cabin.
"Whoooh . . ." Huminga ako nang malalim habang nakatingin sa Cabin nang makatapak na ako sa dulo ng kalsada.
Unang beses kong makita mula sa malayuan ang Cabin tuwing gabi. Unang beses kong makita ang mansiyon mula sa labas nang walang araw. At unang beses kong makitang bukas ang lahat ng ilaw sa loob.
Napalunok ako at nakuyom nang mabuti ang punyal na nasa kamay ko. Bantay-bantay ng mga coyote ang ibaba at pagtingin ko sa kanila, nakaharap silang lahat sa direksyon ko. Kaliwa at kanan, para silang nakaabang sa akin kanina pa sa bawat puwesto nila.
Pagtingin ko sa mga balcony sa second floor, naroon nakabantay sa mga gargoyle ang mga itim at puting kuwago.
21 years pagkatapos ng town declaration na walang makakapasok na kahit sino rito sa Helderiet Woods maliban kung may permiso, 21 years . . . 21 years at hindi ko alam kung bakit ba ako laging tinatawag ng lugar na 'to.
Ipinasok ko nang bahagya ang dalawang daliri ko sa bibig saka ako sumipol nang malakas.
Sa totoo lang, natatakot ako sa puwedeng mangyari. Kaso kasi kung makapanghimok naman si Helene, parang ililigtas ko ang buong Earth sa apocalypse.
Nakita ko sa peripheral view ko ang paglapit sa akin ng mga hayop ng kakahuyan. Tumingala pa ako para makita ang mga kuwagong nagliliparan sa itaas ko.
Naglakad na ako papalapit sa entrance ng Cabin.
Kaya ko 'to.
Kailangang kayanin ko para mailigtas ko si Mr. Phillips sa kanila.
Kung hindi, baka maging monster na talaga siya.
Kailangan . . .
"Saglit, wait, kinakabahan ako!" Tumalikod pa ako at nagsilikuan din yung mga hayop para sundan ako.
Shit! Ano ba 'tong ginagawa ko? Ang dami nilang vampire kaya!
Di ba puwedeng peace talk?
"Tutuloy ba ako?" tanong ko pa sa mga coyote saka fox na nakatitig sa akin. "Hindi ba nila ako kakainin?"
Nagsisipikit-pikit lang sila sa akin.
"Naiintindihan n'yo ba 'ko?" tanong ko pa habang hawak ang dibdib ko. "May puwede bang sumilip sa inyo sa loob?"
Biglang may kumilos na fox sa kaliwa ko at sinundan ko agad siya ng tingin. Kasabay niya yung dalawang kuwago na lumapit sa mga bintana.
"So, naintindihan nila ako?" tanong ko pa sa mga kasama kong hayop.
Ilang saglit pa, lumapit sa fox yung dalawang kuwago tapos biglang, "Awoooo!"
"Awooo!"
"Awooo!"
"AY, ANAK NG—SSSHHHH!!!"
Nagsunod-sunod sila ng alulong, kaya pinatahimik ko agad sila.
Ayoko ngang makita ako! Tapos biglang aalulong? Tama ba 'yon?!
Anak ng—! Yung nerbiyos ko, abot-langit na! Kung alam ko lang na magsisiingay itong mga hayop na 'to, hindi ko na sana kinausap.
Biglang bumukas yung pintuan sa balcony sa second floor, yung itaas ng verandah, kaya tumakbo agad ako papalapit sa pintuan ng Cabin para makapagtago.
Sumandal ako sa pinto habang humihinga nang malalim.
"Okay . . . magtatago ka muna, Chancey. Tapos ililigtas mo si Mr. Phillips kapag hindi na sila nakatingin. Malaki ang mansiyon, hindi ka nila makikita agad. Kaya mo 'to . . . kakayanin mo— Ay, palaka kaaaa!"
O. M. G.
Shit.
Shit!
ACK!
Nakita ko na lang ang sarili kong nakasubsob sa malamig na marmol na sahig ng mansiyon dahil bumukas bigla ang malaking pinto.
Dahan-dahan pa akong nag-angat ng ulo kahit kalat-kalat sa mukha ko ang buhok kong magulo.
"Chancey . . . oh, dear."
Napalunok na lang ako habang mukha akong Sadako na nakatukod ang mga kamay sa sahig para lang makabangon. Nasa ibaba siya ng hagdan, sa gitna, nakaluhod. Dumudugo ang magkabilang balikat niya habang hawak pa rin siya ng dalawang malaking bampira sa magkabilang braso. Mukha siyang binugbog nilang lahat dahil sa dami ng sugat niya sa katawan. Nagkalat pa ang dugo sa labi at panga niya.
Pero ang mas nagpabigat sa buong katawan ko, maging sa ulo kong walang ibang laman kundi ang pagligtas sa kanya . . .
Kusa nang bumagsak ang luha ko nang makita kong may nakahandusay na katawan ng babae sa harapan niya.
"No . . ." Marahan siyang umiling habang nakatitig sa akin ang mga . . . pulang mata niya.
"Mr. Phillips . . . bakit? Bakit . . .?"
-----
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top