34. The Fae

Hindi ko masara ang bibig ko kasi sobrang gara ng bahay nina Eul. Ang kinis ng marble tiles, pati sa dingding. Sa sobrang linis, para kaming naglalakad sa loob ng mahabang hallway na gawa sa puting salamin.

Hindi nawawala yung amoy ng bulaklak ng Lilac habang naglalakad kami sa mahabang pasilyo. Para ngang sinusundan kami ng amoy, ang weird.

"Whooh . . . whooh . . ." pasimple akong humihinga kasi nakakahiya, kanina pa kami naglalakad, parang hindi nauubos yung nilalakaran namin ng mama ni Eul. Hinihingal na rin ako, akala ko, nakakapagod na yung Grand Cabin. Kinabog nang doble itong mansiyon ng mga Willis.

Siya raw Helene at huwag ko raw siyang tawaging "Mrs." gaya nina Mrs. Serena, at nanay siya ni Eul. Iniisip ko pa lang na magkaedad sina Eul at Mr. Phillips, hindi ko na ma-imagine kung ilang taon na ang sinusundan kong babaeng mukhang diyosa. Mga imortal sila so malay ko ba kung nabuhay na sila bago pa ma-extinct ang mga dinosaur?

At saka ang weird na pareho kaming naka-white dress, mukha kaming nagpuprusisyon. Diretso rin ang tindig niya tapos nakalagay ang mga palad niya sa bandang tiyan. Pero hindi siya mukhang maid gaya ng mga pumupunta sa The Grand Cabin. Hawak lang ng mga daliri niya sa kanan ang ilang daliri sa kabila. Para nga siyang may dala-dalang imaginary purse kaya ginaya ko na lang din ang ginagawa niya. At nakakangawit sa braso, mas okay pang maglakad na para akong naghahanap ng away o kaya nakakuba.

"Helene, ma'am, kilala mo si Mr. Phillips, di ba?" tanong ko habang sinisilip siya sa kaliwang gilid ko. Ang tangkad din niya, kasintaas ni Lance na hanggang leeg lang ako.

"At ano'ng kailangan mong malaman sa kanya?"

Nanlaki ang butas ng ilong ko kasi para siyang kumakanta kapag nagsasalita. Ang baba sa unang linya at biglang tataas ang tono pagdating sa dulo. Parang nakikipag-usap sa bata.

"Kasi pinuntahan siya ng pamilya niya. Alam ko namang pupunta sila, pero hindi ko naman alam na ngayon. Tapos gusto nila akong mamatay. Wala namang problema kasi nakatakas naman ako sa kanila kanina. Kaso tumakas nga ako sa Cabin kaya naiwan siya. E sinaksak kasi siya sa balikat. Hindi ba siya mamamatay? Hindi ba siya papatayin ng pamilya niya? Hindi ba siya mapapahamak kapag hindi agad ako nakabalik? Paano ko siya matutulungan doon?"

Imbis na sumagot, lumiko lang kami sa kaliwa, at sa wakas, nakakita na rin ako ng dead end! Ack! Hinihingal na ako, gusto ko nang matulog!

"Hindi nila maaaring patayin si Donovan. Siya lang ang dahilan kaya nakakapasok sila sa loob ng mansiyon."

"Po?" Pasalubong kami sa malaking double door na gawa sa magandang klase ng kahoy. Ang daming detalyeng naka-engrave sa pinto, parang may sinasabing kuwento sa bawat detalye kasi may mga tao na naka-pose. Parang painting pero naka-engrave.

"Bakit wala ka sa kakahuyan?" tanong niya habang binubuksan ang malaking pinto na may gintong door handle.

"Kasi . . . wala po akong bahay roon?"

"Imposibleng wala. Tahanan iyon ng bantay ng gubat."

"Sino pong bantay ng gubat?" Napaangat agad ako ng tingin nang makitang parang umuulan ng ginto at brilyante sa loob ng kuwartong napasukan namin. "Wow . . ." May mga nakasabit—o lumilipad—na grain of gold sa itaas namin. Tapos nagkikinangan ang mga glass box sa paligid na may lamang maraming magagandang bagay na makinang. Para kaming nasa museum na mas magical tingnan, ewan ko ba? Kung ibebenta siguro nila itong kuwarto, ang mahal nito. Lumilipad yung mga ginto sa hangin.

"Bantay ng gubat ang mga Dalca. Kung anak ka ni Quirine, dapat manatili ka lang sa gubat kundi hahabulin ka ng gubat para bumalik sa kanya."

"Pero wala na po kaming bahay sa gubat."

"At bakit naman?"

"Sinunog po nila yung bahay namin doon."

"Imposibleng sunugin ang bahay ng ada, anak ni Quirine. Walang ibang makasusunog sa lupain nila kundi sila lamang."

"Pero sinunog po talaga ng mga tao yung bahay namin, promise! Pagbalik ko roon, pinalayas ako ng town!"

Huminto siya sa harapan ng isang mahabang glass counter kaya huminto rin ako sa likuran niya. Tumalikod siya at humarap sa akin nang may seryoso pero kalmadong tingin.

"Nasusunog lang ang tahanan ng mga ada kung wala na ang may-ari niyon."

Natulala ako sa sinabi niya. "Nasunog po ang bahay . . . pagkamatay nila five years ago."

Gumapang ang kilabot sa akin mula sa braso paakyat sa anit.

Sinasabi ba niyang hindi ang town mayor at ang mga tao roon ang sumunog sa bahay namin? Na sina Mama ang dahilan kaya nasunog din ang bahay sa dulo ng lone town?

"Pero . . . wala na po akong bahay . . ." naluluhang paliwanag ko sa kanya. "Puwede po ba akong makitira dito?"

Umiling siya. "Hindi nawawalan ng tahanan ang mga ada, anak ni Quirine. Isipin mong mabuti ang lugar na paulit-ulit mong binabalikan dahil iyon ang tahanang tatawag at tatawag sa iyo dahil doon ka nararapat umuwi."

Napahimas ako ng noo. Yung Grand Cabin saka Helderiet Woods lang naman ang palagi kong dinadalaw mula pa noong dalhin namin ni Papa ang painting ni Marius Helderiet doon. Pero imposibleng doon ako titira at iyon ang bahay ko kasi hindi naman ako ang may-ari n'on kundi si Mr. Phillips.

"Pamilyar ba sa iyo ang mga susing ito, anak ni Quirine?"

"Po?" Sinundan ko siya ng tingin, itinuturo niya yung laman ng mahabang glass counter. "Shi—" Napatakip ako ng bibig kasi naroon yung mga gintong susing ibinigay sa akin ni Mama bago siya mamatay. "P-Paano po . . . na-napunta rito itong lahat?" nag-aalalang tanong ko kay Helene.

"Nakuha iyan ni Eulbert sa isang sanglaan sa siyudad."

Napayuko agad ako para mag-iwas ng tingin. Mabilis akong nakangiwi at napapikit kasi sinangla ko nga kasi yung mga gintong susi! Wala akong pera, hindi ko alam kung paano ako mabubuhay!

"Ganito po kasi 'yon," panimula ko sa paliwanag kung bakit ko nga ba sinangla yung mga susi. "Wala po kasi akong pera. Ang hirap mabuhay sa city. Hindi ako makahanap ng trabaho. Siguro, hindi n'yo maiintindihan ang side ko kasi mayaman kayo, pero ang hirap pong mag-apply kapag walang pera."

Hindi siya sumagot. Tinitigan lang niya ako na parang nakakaawa ako.

Alam ko namang nakakaawa ako, pero huwag na lang niya akong tingnan nang ganoon. Lalo tuloy akong naaawa sa sarili ko.

"Helene, ma'am, gusto ko lang pong malaman kung safe ba si Mr. Phillips sa Cabin. Saka kung hindi na talaga ako puwede roon, kahit hindi na po ako bumalik, basta ligtas si Mr. Phillips, lalayo na lang ako para di na siya napag-iinitan ng pamilya niya."

Matipid siyang ngumiti sa akin. At lalo lang niya akong tiningnan na parang naiintindihan niya ang kalagayan ko.

"Parurusahan si Donovan. Hindi babaguhin ng pamilya ang batas nila sa mga nagkakamaling miyembro. Ngunit hindi siya mamamatay. Sa kanya lang iniwan ni Marius ang buong Helderiet. At hindi makakapasok ang kahit sino sa loob oras na patayin nila ang may-ari ng bahay. Hindi mo kailangang mag-alala sa kanya."

Ewan ko ba pero may kung ano sa dibdib ko ang biglang gumaan pagkarinig ko n'on. Hindi nila papatayin si Mr. Phillips. Napangiti ako kahit mapait.

Ang mahalaga, hindi nila siya papatayin.

"Yung mga susi po . . . hindi ko po alam kung paano babawiin . . ." sabi ko kahit nanghihinayang. Pero hindi naman ako nagsisisi kasi hindi ako mabubuhay kung hindi ko binenta ang mga 'yon.

"Susi ito ng mga kuwarto sa loob ng The Grand Cabin. Mga imortal lang ang nakakakita ng presensya ng mga selyo. Paniguradong nakita ni Eulbert na naselyuhan ang susi ng isang bantay."

Napailing ako. Hindi ko kasi siya naiintindihan kahit anong isip ko. Si Mr. Phillips lang at ang titirhan ko ang iniisip ko ngayon, hindi ang mga susi, ang tungkol sa mga magulang ko, o sa kung saan pa man.

Itinuro niya ang kamay kong may singsing na bigay ni Mr. Phillips. Yung singsing na ayaw mahubad. "Hindi mo man nakikita, ngunit kanina pa may linyang nakakonekta sa singsing mo at sa mga susing ito, anak ni Quirine. Kung ipinasa sa iyo ang tahanan ng bantay sa gubat, hindi iyon dapat masusunog. Ngunit kung binigyan ka ng bagong tahanan ng bantay, tatawagin at tatawagin ka ng tahanan mo. Isipin mong mabuti ngayon kung saan ang tahanang paulit-ulit kang tinatawag."

"Pero, Helene, hindi ako puwedeng bumalik sa Cabin! Nandoon pa ang pamilya ni Mr. Phillips!"

"May-ari ng bahay ang magdedesisyon kung sino ang papapasukin sa tahanan niya. Hindi nakakapasok ang mga bampira sa tahanang hindi sila pinahihintulutang makapasok. Pakaisipin mong mabuti iyan, hija." Inilahad niya ang palad niya sa mga susi. "Oras na para umuwi."

-----

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top