30. The Last Warning

Tinanong ko na si Mr. Phillips kung bakit sobrang gaan ng trabaho ko bilang personal secretary niya kahit na ang ine-expect ko ay malulunod ako sa paperworks, pero natawa na lang ako sa sinagot niyang hindi ko naman daw kasi pinili ang corporate secretary na trabaho, kaya kung ano lang ang maiiwan sa kanyang trabaho sa bahay na dadalhin ni Eul, iyon lang ang gagawin ko. At ang iba ko pang gagawing trabaho ay related na sa mga gawaing-bahay at pag-aasikaso sa kanya.

"E di sana naghanap ka na lang ng bagong asawa," sabi ko pa habang inaayos ang gamit ko sa sling bag. "Dapat yung nasa flyer: Wanted: New Wife; hindi Wanted: Secretary."

"Have you ever imagined the number of ladies falling in line just to apply if I did that?"

Ay, grabe siya. Tinawanan ko na lang siya at saglit na sumulyap sa frame ng pintuan ng kuwarto ko kung saan siya nakasandal. Nakakrus lang ang mga braso niya habang pinanonood ako.

"Ang guwapo mo naman, Mr. Phillips. Talagang confident ka na pipilahan ka ng mga babae, ha?"

"I'm rich, what's not to pursue?"

Oo nga naman. Mayaman nga naman siya, bakit ko ba kinukuwestiyon?

Natatawa pa rin ako nang isuot ang sling bag ko habang inaayos ang pullover kong itim pababa sa jogging pants.

"I like you better without clothes on."

"Hoy! Bibig mo, ha," singhal ko sa kanya habang dinuduro siya. "Matulog ka na nga! Maya-maya, nandito na sina Mrs. Serena. Hindi ko siguro siya maaabutan."

Nilakad ko na ang palabas ng kuwarto at siya na ang nagsara ng pinto.

"Ipasusundo na lang kita kay Lance."

"Huwag na, Mr. Phillips. Mamamasyal din naman ako para sa teddy bear mo kaya baka maabala ko lang si Lance." Napatingin ako sa kanya nang sabayan niya ako sa pagbaba sa third floor. "O? Saan ka pupunta?"

"Sasamahan ka sa may pinto."

"Pinapagod mo lang ang sarili mo, akyat-baba ka."

"I can go to my room within a few seconds, don't bother thinking about it."

"Hmmp!" Minata ko lang siya sa kanan ko kasi mabilis nga naman pala siya. Bakit ko nga ba pinoproblema. "Wala kang ibang iuutos?"

"None so far."

Ay, buti naman. Hindi pa naman ako naka-formal, ayokong pumunta ng Prios.

"Mr. Phillips?"

"Yes?"

"Makakagising ka ba mamaya before sunset?"

"Why?"

"Anniversary kasi ngayon ng town declaration sa Helderiet."

"And what about it?"

"Hihiramin ko sana yung piano sa indoor garden."

"Alright. And why should I wake up earlier?"

Huminto ako sa tapat ng malaking pinto paghinto namin doon. Hanggang doon lang kasi siya sa may lilim. Naka-smile ako nang harapin siya habang nakapamaywang.

"Tutugtog ako ng town's hymn!"

"Okay?" Nalilito siyang tumango. "And do you want me to listen to it?"

"Siyempre, tutugtugan din kita! Kung wala lang monster sa labas, gabi-gabi kitang tutugtugan doon e."

Kasabay ng pagtaas niya ng mukha ang paglapad ng ngiti niya.

Ang ganda rin talaga minsan makita ng smile ni Mr. Phillips, lalo na kapag kitang-kita yung buong set ng ngipin niya na lampas pa sa pangil.

"Alright. I'll set an alarm for that." Naka-smile lang din siya habang tumatango.

Itinuro ko ang likod ko. "Aalis na ako, ha!"

Imbis na sumagot, humakbang lang siya palapit sa akin at hinawakan ako sa batok. Napasinghap na lang ako sa gulat matapos niya akong halikan na naman sa labi, pero dampi lang naman. "Go home early."

Nanduduling lang ako habang nakatitig sa mga mata niyang malapit sa mukha ko. Tumayo na rin siya nang maayos at nagpamulsa.

"Take care, Chancey."

Napakagat ako agad ang labi habang nagpipigil ngumiti. Kinilig naman ako nang slight. Tumango na lang ako nang mabilis saka kumandirit palabas ng mansiyon.

"Uuwi ako nang maaga, Mr. Phillips!" sabi ko habang kumakaway at nakaharap sa direksiyon ng Cabin.

Matipid lang siyang kumaway sa akin habang nakangiti nang sarado ang labi.

Go home early.

Lalo akong napangiti habang paulit-ulit na umiikot sa utak ko ang sinabi ni Mr. Phillips.

Siguro malaking bagay lang sa akin yung salitang "home" kasi ilang taon na rin akong walang "home" sa lugar na dapat tahanan ko.

Nilakad ko na naman ang palabas ng Helderiet Woods na maganda ang bagsak ng araw. Wala pang alas-nuwebe kaya hindi ko maaabutan si Mrs. Serena at ang pangmamata niya.

Dalawang street din ang layo ng bangko kung saan puwede akong mag-withdraw kaya higit pa sa sampung minuto bago ako nakarating.

"What?" tanong ko pa sa machine kasi umaasa ako ng 100 dollars para sa allowance pero pagtingin ko sa balance ng account ko, 1,130 ang laman kasama na ang remaining balance ko noong nakaraang allowance ko. "Wow. Bakit lumaki? Suweldo na ba?"

Kinuha ko agad ang phone kong bili ni Mr. Phillips at dali-daling tinawagan si Eul.

"Good day, this is Eulbert, how may I help you?"

"Hi, Eul! Si Chancey 'to."

"Hello, Miss Chancey. May maitutulong ba ako?"

"About kasi sa sahod ko. Suwelduhan na ba?"

"It's supposed to be by end of the month."

"Next week pa? Pero ang dami nang laman ng bank account ko aside pa sa 100 dollars."

"Probably Mr. Phillips sent you your allowance. Tinanong niya sa akin ang bank account mo kagabi."

"Oh. Wow. Okay." Tumango naman ako kahit hindi niya ako nakikita.

Kagabi ako nagpaalam kay Mr. Phillips na aalis ako ngayon, talagang nagbigay siya ng budget?

Ack! OMG, ang dami kong peraaaa!

"Sige, 'yon lang, Eul, salamat!" Pinatay ko na agad ang tawag at napatingin ako sa kalsadang maraming sasakyan.

Ang dami kong pera, wow. Kahit ngayon pala ako maghanap ng apartment, makakapaghanap agad ako.

At dahil mabilis lang kumuha ng pera, wala pang limang minuto, kumikinang na ang mata ko habang nakatitig sa tumataginting na isang libo.

Ang laki nito, sa totoo lang. 5 days ko nang labor ito kay Mr. Phillips. Kung hindi pa kasama rito ang sahod ko, makakaipon talaga ako nang malaki.

Grabe, feeling rich talaga ako habang lumalakad sa sidewalk. Busog na busog yung wallet ko ngayong umaga. Ang yaman ni Mr. Phillips kaya hindi na kataka-taka na maglimos siya ng one thousand dollars sa account ko. Pero ang bait naman niya kasi talagang binigyan niya ako ng budget. Baka naramdaman na nagpaparinig ako kasi ako yung gagastos ng teddy bear niya.

At dahil maaga pa, pinuntahan ko agad yung apartment ni Mrs. Fely para tawagan si Zephy. Sakto, Wednesday, day off niya.

At kapag sinusuwerte ka nga naman, nakasalubong ko pa sa harapan ng apartment building niya si Mrs. Fely.

"O, nandito ka na naman? Akala ko ba, patay ka na!"

Ay, grabe sa morning greetings! Magsama nga sila ni Mrs. Serena, mga kontrabida sa buhay ko e! Araw-araw na lang akong pinapatay.

"Buhay pa po ako, Mrs. Fely," sarcastic kong sagot sa kanya. "Saka si Zephy po yung pinunta ko rito." Kuyom-kuyom ko ang strap ng sling bag ko. Baka gusto niyang ipakita ko yung isang libo ko sa kanya, makita niya. Hindi kaya ako poor today, duh!

"Si Zephy? Lumipat na 'yon sa Regina no'ng Lunes! Kinuha na ng nanay niya!"

Biglang bumagsak ang mukha ko sa sinabi niya. "Sa . . . Regina?"

"Wala nang Zephy rito! May bago nang tenant sa unit niya." Nagladlad lang siya ng pamaypay at inirapan ko.

"May iniwang number, Mrs. Fely?"

"At bakit naman ako iiwanan ng number n'on, aber?"

"Sabi ko nga po."

Nagbuntonghininga ako.

Sa Regina? Pero limang city pa 'yon mula rito sa Belorian, sobrang layo. Anim na oras ang biyahe sa bus.

Sinubukan ko siyang tawagan.

"Sorry, the number you have dialed is out of coverage area—"

Natulala ako sa kalsada pagkababa ko ng tawag. Lumipat na pala si Zephy ng bahay. Noong Monday.

Noong Monday, nasa Prios ako kasama si Mr. Phillips.

Lumong-lumo akong naglakad habang iniisip kung bakit hindi siya tumawag sa akin. Kaso naalala ko, may luma pala akong phone na naiwan kong nakatago sa sling bag.

"Ang tanga ko rin talaga minsan." Pagtingin ko sa luma kong phone, ang daming missed call saka text kay Zephy. "Shit!"

"Cha, balita? Buhay ka pa?"

"Bakla ka, walang reply-an?"

"Kung patay ka na, ipagpe-pray ko na lang soul mo."

"Chancey, ako lang ang nakakaalam na nagtatrabaho ka sa chairman ng Prios. Kapag wala na akong narinig na balita sa 'yo, ire-report na kitang missing."

"Bakla ka, nami-miss kita. Aalis na ako sa Belorian, naglipat ng campaign sa Constantia. Malapit sa bahay ni Mami sa Regina. Di na ako gagastos sa rent saka sa transpo! Di ko na makikita yung nakakairitang face ni Mrs. Fely bwahaha! Hindi ka na nakatawag. Kung patay ka na talaga for real, ipagtitirik na lang kita ng kandila sa sementeryo."

"Chancey, kung nasaan ka man ngayon, sana happy ka na diyan. Mami-miss talaga kita nang sobra. 'Wag kang mag-alala, at least namatay ka namang nakakita ng abs ng guwapong lalaki."

Gusto ko sanang malungkot kasi two days ago na bago ko pa nabasa ito pero natatawa ako sa mga text ni Zephy. Hindi ko siya matawagan, bakit kaya? Wala bang signal sa Regina?

Naglakad na agad ako papuntang city bazaar na tatlong kalye rin ang layo mula sa Aguero. Pagdating ko roon, kulang na lang, maglaway ako sa hilera ng mga stall.

Ack! Ang dami kong pera, OMG, marami akong mabibili!

Inuna ko nang tingnan yung stall ng mga stuff toy. Nag-promise ako kay Mr. Phillips na bibilhin ko siya ng teddy bear kaya tumingin agad ako ng pinakamura. At nakita ko nga yung brown bear na may red ribbon sa leeg at naka-smile. Kasinlaki lang iyon ng upper body ko kaya hindi rin naman sobrang liit. 30 dollars lang, pasok sa original budget ko.

Siyempre, mura lang. Ayokong gumastos nang malaki, baka maubusan naman ako ng pera. May pera lang ako nang kaunti pero hindi pa rin ako mayaman.

"Bibilhin ko na po!"

Pagkatapos kong bumili ng teddy bear, niyakap-yakap ko pa iyon para malaman kung magugustuhan ba iyon ni Mr. Phillips kapag niyakap niya.

Ako, nagustuhan ko. Ang fluffy e. Kapag hindi niya nagustuhan, ako na lang ang gagamit, bahala siya.

Bumili na rin ako ng pagkain para sa tatlong araw pagkatapos saka bumalik sa Helderiet Woods.

Umaasa pa naman akong hahapunin ako kasi nga ililibre ko sana si Zephy at uubusin ko ang oras ko sa pakikipagdaldalan sa kanya. Kung bakit naman kasi hindi ko naisipang i-check yung luma kong phone. Kaya pala walang tawag mula sa kanya, hintay pa naman ako nang hintay sa phone na bili ni Mr. Phillips.

Tanghaling-tapat nang makabalik ako sa Cabin. Karga-karga ko sa kanang braso yung teddy bear at bitbit naman sa kaliwa ang mga plastic bag na may lamang pagkain ko.

Malayo pa lang, nakikita ko na yung itim na sedan at si Lance na nakatayo sa entrance ng Cabin.

Nag-iipon na sa labas yung mga maid na nakatapos ng gawain sa loob. Hindi pa sila kompleto kaya malamang na naglilinis pa yung iba sa loob.

"Hi, Lance!"

Nagulat siya nang makita ako. "Miss Chancey."

Napahinto ako sa paglapit sa pintuan nang maglabasan na ang ibang maid at humilera doon habang diretso ang tayo at nakapatong ang mga kamay sa bandang tiyan.

Parang monster sa horror movie Mrs. Serena nang dahan-dahang naglakad papalabas ng pinto. Ang taas na naman ng isang kilay niya habang sinusukat ako ng tingin.

"Aba, aba, aba. At buhay ka pa rin pala hanggang ngayon?"

Nagtaas agad ako ng mukha habang nakangiwi. "Buhay pa po ako, Mrs. Serena. Sorry ka."

"Huh!" Tumawa pa siya nang sobrang sarcastic pagkapaling niya sa kabilang direksyon. "Kung nagawa ng ina mong ipahamak si Marius, hindi ako papayag na gawin mo rin iyon kay Donovan." Hinagod niya ako ng tingin mula ulo hanggang paa. "Bilangin mo na ang oras mo sa bahay na ito dahil oras na malaman ng pamilya ang tungkol sa 'yo, pagsisisihan mong nagtagal ka pa nang higit isang araw." Humakbang siya papalapit sa akin pero mabilis na humarang si Lance sa harapan ko.

"Lancelot!" nanggagalaiting sigaw ni Mrs. Serena. Napasilip tuloy ako sa gilid ni Lance para makita yung matanda.

"Binalaan ka na ni Mr. Phillips," seryosong sinabi ni Lance. "Huwag gagalawin si Miss Chancey."

"Alam mo ang ginagawa sa mga gaya niya, Lancelot!" Ang talim ng tingin sa akin ni Mrs. Serena nang igilid niya ang tingin sa akin. "Isipin mo na lang na binibigyan ko siya ng pabor habang hindi pa siya nakikita ng pamilya."

"Huwag gagalawin si Miss Chancey. Malinaw ang panuto ni Mr. Phillips."

Gigil na gigil si Mrs. Serena nang duruin si Lance. Mabilis niya akong tiningnan at ibinalik din ang tingin sa inaaway niya maliban sa akin.

"Hihintayin ko ang pamilya na mismo ang magpaalis sa babaeng 'yan dito. At pagsisisihan mong pinipigilan mo ako ngayon, Lancelot. Tandaan mo iyan."

Dali-dali siyang bumaba ang hindi na nahintay si Lance na pagbuksan siya ng pintuan ng kotse.

Grabe, sobrang maldita ni Mrs. Serena, ibang level na. Napangiwi ako sa sobrang sungit niya. Sinilip ko si Lance na hindi man lang natinag. Nginitian lang niya ako at inilahad ang palad sa loob ng Cabin.

"Pumasok na kayo, Miss Chancey."

"Lance, okay ka lang ba?"

Nakangiti naman siyang tumango. "Nag-usap na sila kahapon ni Mr. Phillips, at dapat ay nirespeto niya ang salita ng pinaglilingkuran namin."

"Pinagalitan ba niya si Mr. Phillips kahapon? Para kasing hindi okay 'yon kagabi e."

"Sinabi lang ni Mrs. Serena ang dapat malaman ni Mr. Phillips." Inilahad ulit niya ang palad sa kaliwa niya paturo sa loob. "Pumasok na kayo sa loob, Miss Chancey."

Tumango na lang ako kahit hindi ko na-gets yung sinabi niya. "Sure, ha?"

Nakangiti lang siyang tumango at tumalikod na para pumunta sa sa sasakyan.

Binanggit na ni Mr. Phillips na baka raw palayasin ako ng pamilya niya. At inulit ni Mrs. Serena yung tungkol doon.

Hindi ko alam kung gaano ka-worst ang pamilyang tinutukoy ni Mr. Phillips, pero kung si Morticia ang pagbabasehan ko, mukha na silang nakakatakot. Nagiging usok si Morticia e, malay ko? Tapos sila rin ang dahilan kaya namatay ang asawa ni Mr. Phillips. Pero hindi ko naman papatayin ang sarili ko para sa kanila, hello?

Siguro tatanungin ko na lang si Mr. Phillips kung ano ang gagawin ko kapag dumating ang pamilya niya rito sa Cabin, para habang wala pa, makakapag-ready na ako.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top