21. The Archer
Mukhang kilala ni Mrs. Serena ang mama ko, at sinabi niyang mama ko ang dahilan kaya namatay ang may-ari ng Grand Cabin. Wala naman akong matandaang ginawa ni Mama noon na talagang nakakapanindig-balahibo. Seven years old ako noong matapos ni Papa ang painting sa second floor, at sinasabi nila na Marius Helderiet ang pangalan n'on. Kung sino man siya at kung ano'ng kaugnayan ng mama ko sa kanya kaya siya namatay, feeling ko naman, hindi kasalanan ng mama ko iyon. Kasi kung mama ko ang dahilan, e di sana, hindi na kami nakabalik dito sa Grand Cabin noong town declaration para gawing private itong Helderiet Woods.
Saka bakit niya ako paaalisin sa Cabin e si Mr. Phillips naman ang nagpatuloy sa akin dito? Kung may sahod na ako, lilipat na lang agad ako sa apartment na malayo rito para hindi ako nabubulahaw tuwing gabi sa kalagitnaan ng tulog ko.
Hindi na lang ako nagsalita at hinintay na lang silang umalis ng mansiyon para makaalis din ako papuntang Onyx. May deretsong sakay naman papunta roon paglabas ko ng iron gate.
Wala akong number ni Eul, at sinabi na rin niyang night to morning ang shift niya. Ibig sabihin, wala siya sa JGM nang umaga.
Nakakapaglakad naman siya sa araw gaya ni Lance kaya mukhang hindi naman sila masusunog. Siguro, sanay lang talaga siya sa night shift. Si Lance naman, morning shift.
Ang weird na puro sila mga imortal pero mukha rin silang mga tao. Wala bang nagtataka sa paligid nila kung bakit buhay pa rin sila at parang hindi tumatanda? Si Mr. Phillips, maiintindihan ko pa. Pero sina Eul?
Sampung minutong lakaran din ang palabas ng Helderiet Woods. Gusto ko sanang magsuot ng mga pinamili namin ni Mr. Phillips, kaso hindi naman ako mag-oopisina kaya nag-pullover lang ako na navy blue at denim jeans. Mahigpit ang kapit ko sa sling bag kasi nasa loob ang red phone kong pagkamahal-mahal.
Hindi ko naman kinukuwestiyon ang yaman ni Mr. Phillips, pero grabe kung makawaldas ng pera, ako na ang nahihiyang gumastos para sa kanya.
Every two weeks, matatanggap ko ang sahod ko. Ibig sabihin, sa susunod na linggo pa ulit ako magkakapera nang malaki. Pero ayos lang naman kasi sa Friday, magkaka-allowance na naman ako.
Mukhang hindi ako mamumulubi dahil kay Mr. Phillips. Ang laki ng tipid ko sa gastos. Walang gastos sa pamasahe, walang gastos sa renta sa bahay. Ang gastos ko lang, pagkain. E mabubuhay na ako sa isang araw sa two dollars lang. May one hundred dollars akong allowance for one week. 'Tapos may mga overtime pay pa pala ako kung lulutuan ko na naman ng breakfast bukas si Mr. Phillips.
Ang sarap din palang maging sekretarya ng chairman. Hindi nambuburaot ng empleyado.
Paglabas ko sa iron gate, lumiko agad ako sa kanan at nag-stay sa bus stop na ilang metro lang ang layo sa entrance ng Helderiet Woods. Pagkasakay ko sa bus na ilan lang ang pasahero, wala pang limang minuto, nakababa na ako sa Onyx.
"Hi, Johnny!" bati ko sa kakilala kong tagaroon.
"Chancey!" Humalakhak naman si Johnny kaya narinig ko na naman ang tawa niyang parang tawa ng higante.
May-edad na rin siya, nasa singkuwenta na rin mahigit, hindi ako sigurado. Puro na puti ang buhok niya, pati nga ang bigote saka balbas niyang hindi niya inaahit. Mukha nga siyang Santa Claus.
Naglahad ako ng mga braso kaya mahigpit din niya akong niyakap.
"Aah!" Napatili ako nang bigla niya akong inangat para yakapin nang mas mahigpit pa. "Hahaha! Si Johnny talaga!"
Tinawanan lang niya ako pagkabitiw niya sa akin at marahang kinurot ang pisngi ko.
Malapit na kaibigan ni Mama si Johnny. At itong shop ng Onyx? Sobrang tagal na nitong nakatayo sa dulo ng Helderiet Woods. Dito bumibili ng gamit si Mama kapag naglalaro kami sa gubat noon. Hindi ko na masabing laro ang ginagawa namin kasi nanghuhuli talaga kami ng hapunan. Pero siyempre, bata pa ako noon kaya iniisip kong laro lang. Kahit din naman noong college ako, dito ako bumibili ng mga pana kapag may practice kami sa archery.
"Ang tagal mong hindi dumaan a," bati niya pagbalik sa counter.
"Nakailang lipat ako ng bahay," nanghihinayang na sinabi ko sa kanya habang gusot ang mukha. "Naubos ang pension nina Mama, kailangan kong mag-stay sa city."
Tumingin-tingin ako sa wall displays para maghanap ng magandang bow and arrow.
"Balik ka sa practice?" tanong pa niya kaya saglit akong napalingon para sumagot.
"Parang gano'n." Nginitian ko siya saka ako tumango. Bumalik ako sa pagtitingin-tingin ko sa mga display para maghanap ng magandang bilhin kapag sumahod na ako. "Ang dami palang bagong compound bows ngayon, Johnny. Ano ang magandang klase ngayon pero pasok sa budget? Magtatanong muna ako kasi bibili ako sa suwelduhan."
"Para sa training ba?" Pumunta siya sa gallery kung saan ako nakatingin. "Magkano ang budget?"
"One thousand? Yung hindi tataas sa one-two."
May kinuha siya sa pangatlong row na gray camouflage saka inilapag nang marahan sa glass counter.
"Bibigyan kita ng Helix. Isa sa pinakatahimik ito. 340 feet per second ang puwedeng i-break ng palaso. Vibration? Accuracy? Finish? Excellent. Pero subukuan mo muna sa grip, baka lumaki na pala ang kamay mo, malay natin hahaha!"
Sumimangot agad ako. "Grabe ka talaga sa akin!" Kinuha ko na lang ang hunting bow at tinimbang. "Aluminum ba ito? Magaan, ha." Ipinikit ko ang kaliwang mata ko saka ko itinutok ang kanan sa kable.
"Two kilos din iyan. Lightweight na para sa ganyan kalaking pana. May split-cable system na iyan para hindi na kailangan ng flexible cable guard."
Inabutan niya ako ng palaso kaya isinuot ko agad sa arrow rest saka ko buong lakas na hinatak para malaman kung hanggang saan ko kayang banatin.
"Ang tagal na noong huli kitang nakitang mag-archery, Cha."
Nginitian ko siya pagsulyap ko habang nakabanat pa rin ang cable.
"Naninibago nga ako. Sana hindi ako mangalay agad."
Pumunta na siya sa dulong pinto sa kaliwa ng gallery saka binuksan iyon. "Alam mo na."
Tinawanan ko lang siya nang mahina saka ako sumunod sa loob.
Hindi ako inclined sa music. Si Mama kasi ang pumili n'on para sa akin. Pero hindi ko rin pinagsisihang kumuha ako ng Music noong college kaysa sa mga course na alam kong pagkakaperahan ko.
Painter si Papa, musician si Mama. Arts talaga ang background ng pamilya ko. Hindi ko lang talaga ma-imagine na bigla kong malalaman na involved pala si Mama sa pamilya ng mga vampire. At malamang na alam ni Papa na vampire ang lalaking ginawan niyan ng painting.
Malay ko naman? Ang alam ko lang, mahalaga ang Grand Cabin para sa pamilya namin kasi nga landmark saka tumugtog si Mama noong town declaration at may painting si Papa sa loob. Kung ano man ang kuwento maliban doon, iyon ang gusto ko nang kalkalin ngayon.
"Libre ba itong isang pana?" biro ko pa kay Johnny pagpasok namin sa archery training room ng Onyx. Mahal kasi ang isa ng carbon arrow, 40 dollars ang isang dosena.
"Para sa iyo, libre ko na iyan." Nginitian na naman niya ako kaya tumayo na ako nang deretso sa shooting line. 25 meters ang layo ko sa target. Dalawang floors din.
Pagkabanat ko ng cable na abot hanggang sa labi ko, binitiwan ko agad ang palaso at ibinaba ko agad ang hunting bow para obserbahan ulit iyon.
"Malinaw pa rin pala ang mata mo. Walang mintis sa bull's eye."
Tinawanan ko lang si Johnny roon. Eksakto sa gitna ng pulang marka ang palaso.
Siyempre, ako pa ba?
"Puwede bang ipa-reserve ito?" tanong ko saka ibinalik sa kanya. "Promise, kukunin ko before matapos ang October."
Pagkaabot niya ng bow sa akin, tumango agad siya. "Ikaw pa ba? Ipagtatabi na agad kita ng stock. Bakit pala, may laban ka?"
"Wala a," natatawang sagot ko. Nagsabay na kami paglabas ng training room. "May paggagamitan lang."
"At saan mo naman gagamitin? Akala ko ba, nasa Aguero ka na."
Bumalik kami sa gallery at ibinalik niya sa pagkaka-display ang ginamit ko.
"Johnny, natatandaan mo ang bahay namin sa Lone Town sa kabila?"
"Oo naman. Kaso di ba, sinara na yung dulo?"
Tumango naman ako saka nakangusong tumingin-tingin sa mga palaso sa loob ng glass counter. "Alam mo kung ano yung mga shifter?"
Ilang segundo akong naghintay ng sagot kaya napatingin na ako kay Johnny na biglang nawalan ng saya sa mukha. Kung tingnan niya ako, parang may sinabi akong masamang bagay.
Hala, bakit?
"Saan mo narinig ang tungkol diyan, Chancey?" mabigat na tanong niya. Dinamba na naman ako ng kaba kasi bihira lang sumeryoso ng usapan si Johnny.
"Narinig ko lang."
"Saan?"
"Sa . . ." Itinuro ko ang labas habang nakangiwi. Sasabihin ko bang sinabi ni Mr. Phillips?
"Saan mo ulit gagamitin ang hunting bow?" tanong na niya sa mas seryoso nang tono, at talagang kinakabahan na ako kasi hindi ko alam kung aamin ba ako or what. Ano ba? Puwede bang sabihing sa monsters ko gagamitin?
"Ano . . . maglalaro?"
"Hindi ka maglalaro, Chancey. Nakikita ko."
Napabuga ako ng hininga at nakapikit na tumango. "Okay, magha-hunt kasi ako."
"Ng ano?"
"Ng . . ." Ngumiwi na naman ako. "Ng kuneho?"
"Wala akong tiwala sa kunehong iyan, Chancey. Napahamak na si Quirine dahil diyan."
"Johnny . . ." Napakamot agad ako ng ulo. Ano? Aaminin ko bang nagtatrabaho ako sa isang bampira? "Si Mama, mahilig lang talaga siyang mangaso sa gubat para sa dinner namin noong bata ako. Gano'n lang din ang gagawin ko."
Napapailing na lang siya sa akin. "Hindi mo alam kung ano ang dahilan ng mama mo kaya siya nasa gubat noon, Chancey. At sana hindi ka pupunta sa loob ng Helderiet Woods para lang mangaso."
Napahugot ako ng hininga kasi . . .
Well, hindi ko naman gagawin iyon. Kasi doon ko naman sa loob ng Grand Cabin gagamitin. Ayoko ngang lumabas sa gabi! Baka mamatay ako nang maaga!
"Chancey . . .?" Nanenermon ang pagtawag sa akin ni Johnny. Ano ba naman iyan? Masesermunan pa ako nito a.
"Johnny, hindi ako papasok ng Helderiet Woods. Nakakatakot kaya!"
"Dapat lang. At hindi ko gustong magaya ka sa mama mong matigas ang ulo."
Nagusot agad ang mukha ko dahil doon. Ayoko talagang binabanggit si Mama kapag sinesermunan ako ni Johnny. Napapakamot talaga ako ng ulo e.
"Wala, hindi ko gagawin kung ano man iyang iniisip mo, Johnny. Natatakot ako sa monsters."
"Chancey?" Pasinghal na ang tawag niya sa akin. "Huwag na huwag kang papasok ng Helderiet, ha? Ikaw na bata ka, kapag napahamak ka sa loob n'on, walang maghahanap sa iyo."
"Pero doon ako nagtatrabaho," dismayado kong sinabi sa kanya habang nakasimangot.
"Trabaho ng alin? Maidservant ka na ba ng Historical Commission?"
"Doon sa chairman ng Prios," nakanguso kong sagot. "Doon ako sa Grand Cabin nakatira ngayon. Wala na rin ako sa Aguero."
Lalo pang dumilim ang mukha niya dahil sa sagot ko.
Ano na naman? Kanina, si Mrs. Serena ang kaaway ko. Ngayon, si Johnny naman. Ano bang problema ng mga matatanda sa akin ngayong araw?
"Chancey, alam mo ba ang pinapasok mo?"
"Johnny, safe ako roon! Promise! Saka malaki ang sahod!"
"Hindi importante ang sahod. Walang ligtas na lugar sa loob ng Helderiet Woods. Hindi mo alam kung ano ang nakatira sa Grand Cabin."
Puwedeng amining alam ko?
"Mabait ang boss ko! Promise, Johnny, sobrang bait niya, 'tapos—"
Hindi agad ako nakakilos nang bigla niyang hawiin ang buhok ko sa bandang leeg.
Shocks!
Pagtagpo ng tingin naming dalawa, pinandidilatan ko na siya dahil sa gulat. Siya, salubong lang ang kilay at parang galit na.
Mabilis siyang tumalikod at kinuha ulit ang hunting bow na gusto kong bilhin saka inilapag sa counter. Yumuko siya sa ibaba ng glass counter at naglabas agad ng isang set ng carbon arrow.
"Pareho kayo ng mama mong matigas ang ulo," mahina niyang sinabi habang padabog na naglalapag ng accessories sa glass counter.
Hala, galit ba siya? Nakita ba niya ang kagat ni Mr. Phillips sa leeg ko? Hindi pa kasi magaling, pero hindi naman masakit.
"Kung alam ko lang na ganito ang aabutin mo, kinuha na lang kita rito sa shop pagka-graduate mo." Bigla niyang inurong ang lahat ng inilabas niyang gamit palapit sa akin kahit nakasimangot siya.
Wait, ibibigay niya sa akin lahat? Hala! Wala pa akong pambayad!
"Johnny, kulang pa ang pera ko . . ."
"Dalhin mo iyan. Kapag may nangyaring masama, gamitin mo iyan sa nakatira doon."
"Johnny—"
"Alam ko kung ano iyang nasa leeg mo, Chancey," pagturo niya sa kinagatan ni Mr. Phillips.
Whoah, kilala niya ang boss ko? O alam niya kung ano ba talaga si Mr. Phillips?
OMG.
Si Johnny, aware na bampira si Mr. Phillips? OMG talaga!
"Hindi ko alam kung paano ka nakabalik sa Grand Cabin, pero masamang balita iyang kagat sa leeg mo."
"Johnny, kilala mo ba kung sino ang nakatira sa Grand Cabin?"
"Dinala ka sa city ng mama mo para ilayo ka sa Helderiet Woods, at ngayon, bumalik ka na naman."
"Hindi ko alam! Nag-apply lang ako bilang secretary sa Jagermeister! Promise, Johnny, hindi ko talaga alam!"
"Mag-ingat ka na lang."
Napangiwi agad ako. "Hindi mo ba ako pipigilang huwag bumalik sa loob ng Helderiet?"
Nagbuntonghininga lang si Johnny at umiling na para bang hopeless case na ako. Ano ba? May problema ba maliban sa may monsters doon at nagtatrabaho ako sa isang bampira?
"Chancey, hindi kita puwedeng kunin sa kanila kung nakilala mo na ang nakatira sa mansiyong iyon."
Lumapit pa ako sa glass counter para bumulong. "Alam mong bampira ang nakatira sa loob ng Cabin, Johnny?"
Lumapit din siya sa glass counter para sumagot. "At namatay ang isa sa kanila dahil sa mama mo, kaya mas mabuting mag-ingat ka dahil walang ibang gagawa n'on para sa iyo kundi ikaw lang. Sana malinaw sa iyo ang bagay na iyan ngayon pa lang."
♦♦♦
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top