20. The Immortal Maidservant
Pagkatapos mag-almusal ni Mr. Phillips, bumalik na siya sa kuwarto niya kahit hindi pa tumataas ang araw. At ewan ko ba, bigla akong inatake ng konsiyensiya dahil inurirat ko pa siya tungkol sa asawa niya. Gusto ko sanang magtanong kung galit ba siya sa tanong ko kasi ang aga niyang matulog, wala pang 7 a.m., pero ako naman ang nagsabing maaga siyang matulog.
Pero kasi, hindi ako maka-move on. Ibig sabihin, nag-suicide ang asawa niya? Kung oo, bakit? Kasi nalamang vampire si Mr. Phillips? E noong nalaman ko namang vampire ang boss ko, hindi naman ako nag-self harm. Siya ang nag-harm sa self ko kaya may sugat ako sa brasong hindi pa rin gumagaling until now. Pero grabe naman. Mabait naman si Mr. Phillips a?
Nilampasuhan ko na lang ulit ang third floor, na mukhang magiging part na rin ng trabaho bilang secretary. Ang ikinatataka ko lang ay kung bakit hindi nakakaakyat ang mga maid dito sa itaas. Kahit daw si Mrs. Serena, hindi rin nakakaakyat e.
Ayoko namang magreklamo na bakit naging janitress na rin ako e hindi naman ito ang ipinasok ko bilang secretary ng chairman, pero kung ang basis ko ng work ay organizing lang ng documents, nakakahiya na 200 dollars ang sahod ko pero paupo-upo lang ako habang ang dugyot ng hallway kung saan ako nakatira.
"Bakit kaya walang ingay kagabi?"
Bumuga ako ng hangin at pinagmasdan ang duguan na namang kuwarto.
Lumapit ulit ako sa may bintana at nandilat na naman ako sa piraso ng karneng nasa ibaba. Pero hindi na galing sa malaking aso. Mahabang pakpak na nakalahad at parang kalahati ng katawan ng ibon ang natanaw ko sa ibaba. At kinakain na naman ng mga soro.
Malansa ang amoy ng dugo sa kuwarto at mas mabilis talagang linisin kapag hindi pa tuyo. Pag-mop ko, mabilis nang luminis ang wooden floor. Hindi gaya kapag tuyo, magkukuskos pa talaga ako.
Ang weird naman ng setup ko, para akong si Belle, 'tapos ang hilig-hilig ko pang kumanta. Baka fairy tale princess pala talaga ako pero hindi lang ako aware?
Pagkatapos ko sa kuwarto, bumaba na agad ako para umikot sa Cabin. Sisinupin ko pa ang parte ng nakaaway ni Mr. Phillips kagabi.
"Here comes the sun, do, dun, do, do . . . here comes the sun, and I say . . . it's all right . . ."
Lumakad na ako sa kanang gilid ng Cabin habang nakatingin sa magandang langit. Iba talaga kapag panahon ng taglagas, masarap ang hangin kasi sakto lang ang lamig, kaso nagiging makalat na sa kakahuyan. Mukhang wala pa namang naglilinis.
Kahit din naman bayaran ako nang milyones, hindi ako maglilinis kung alam kong may monsters sa lilinisan ko.
"Good morning, Mr. Swan," pagbati ko sa sisneng nakasalubong ko. Tropa nito yung gansang naglalaro parati sa pond. "Namamasyal ka?" tanong ko pa sa kanya. Sinabayan niya ako sa paglalakad papunta sa gilid ng Grand Cabin. Feeling ko, magiging daily excercise ko nang maglinis ng third floor at mag-ikot sa Cabin.
"Nandiyan na naman kayo kumakain?" masungit ko pang tanong sa mga sorong napahinto sa pagpapak doon sa malaking ibon na nasa damuhan. Yung dalawa na namang red fox ang nakita ko. Mukha namang mababait. Maliit lang nang kaunti sa rough collie sa labas ng Helderiet.
Nakatitig lang sila sa akin, parang nagpapaalam kung puwede ba ulit silang kumain. Tumalungko ako sa harapan nila para obserbahan ang malaking piraso ng karne sa madamong lupa na inaalmusal nila.
Parang mas malaking version ng uwak na ginutay-gutay. Isang pakpak lang ang naiwan saka ilang parte ng laman. Mas mahaba pa sa braso ko ang wingspan.
Ganito pala ang nilabanan kagabi ni Mr. Phillips. Shifter ba ang tawag niya sa ganito?
Binalingan ko ang dalawang soro na nakaupo ang puwitan habang nag-aabang sa gagawin ko. "Kumakain kayo ng ganito?" tanong ko pa roon sa medyo maliit na fox na mas matingkad ang pagkaka-orange ng balahibo. Hinimas ko ang gitna ng mataas na tainga niya at sobrang lambot ng balahibo niya. Puwede ko kayang alagaan? Araw-araw sila rito e.
"Doon n'yo na lang kainin sa loob ng gubat ito ha?" sabi ko sa mga fox. Kinamot ko naman ang ilalim ng panga ng mas malaking fox na mas matapang ang mata. Pumikit pa siya at hinayaan akong kamutin ang ilalim ng panga niya.
Kinuha ko na ang bandang mabalahibong parte ng malaking ibon saka hinatak.
"Good morning, Mr. Goose!" bati ko sa gansa nang makasalubong namin ng mga soro. Nag-qwank lang siya para sumagot bago kami lampasan. Baka pupunta na siya sa pond para tumambay. Doon din kasi pupunta si Mr. Swan.
"O, dito n'yo ito kainin," sabi ko nang ibato sa malapit na puno ang hatak-hatak kong piraso ng karne. Tiningnan ko pa ang loob ng gubat. Maganda talaga sa loob ng kakahuyan tuwing umaga, parang walang masamang nakatira doon.
Umatras na ako para bumalik saka ako humarap sa mansiyon. Nakita ko na naman ang bakas ng dugo sa bintana ng blank room. Mabuti na lang talaga at isinara nila itong Helderiet Woods sa public. Malamang na susunugin nila itong lugar kapag nalaman ng mga tao na may ganitong nangyayari dito sa gitna ng gubat.
Nalipat naman ang tingin ko sa kaliwa, doon sa bintana ng kuwarto ni Mr. Phillips. Ilang dipa lang ang pagitan sa bintana ng blank room, kaya ayaw niya akong mag-stay sa loob nang matagal na oras. Nakasara talaga iyon ng itim na kurtina. Natural na hindi niya bubuksan iyon kasi nga nasusunog siya sa araw.
Ang ganda sa Helderiet Woods, at ang ganda talaga ng Grand Cabin. Nanghinayang ako noong naging private land ito, pero mas manghihinayang ako kung masisira itong lugar kapag nalaman ng mga tao sa labas na may bampira palang nakatira dito at mga halimaw.
Natakot ako, at natatakot pa rin naman ako, pero iniisip ko kasi ang mga dahilan kung bakit hindi ako makaalis kahit medyo risky nang mag-stay rito.
Pagbalik ko sa entrance ng Cabin, nakita ko agad ang itim na sedan na lagi naming service ni Mr. Phillips na papalapit. Nakasunod sa sasakyan ang mga babaeng maid na naglalakad lang.
Shocks, alas-nuwebe na?
Huminto ang sasakyan patapat sa veranda ng entrance ng mansion.
"Good morning, Miss Chancey," nakangiting pagbati ni Lance pagbaba niya ng sasakyan.
"Good morning, Lance!" masayang bati ko rin.
Bumaba si Mrs. Serena sa kotse nang pagbuksan siya ni Lance. Pagsalubong ng mga tingin namin, nagtaas na naman siya ng kilay at hinagod na naman ako ng tingin. "Buhay ka pa rin hanggang ngayon?"
Grabe talaga itong si Mrs. Serena. Ano? Araw-araw, tatanungin niya kung buhay pa ako? Mukha ba akong mabilis mamatay?
"Opo, Mrs. Serena, buhay na buhay pa po ako," pairap kong sagot at pinauna ko na siyang pumasok sa loob ng mansiyon habang ginagaya ko ang porma ng mga maid na papalapit na sa amin.
"Sumunod ka sa akin," utos niya pagtapat sa puwesto ko.
"Opo, Mrs. Serena," sarkastikong sagot ko sa kanya saka ako parang bibeng naglakad pasunod sa kanya habang nakausli ang puwit.
Ito si Mrs. Serena, hindi ko nakukuha kung ano ang mga trip nito sa buhay. Siguro, sanay na sanay itong may nakikitang namamatay kaya kung makapagtanong sa akin kung bakit buhay pa ako, parang super shocking ng idea.
Huminto siya sa living room, at bago pa ako makatuloy ng lakad, bigla siyang tumalikod kaya huminto agad ako. Nagtaas siya ng kamay at tumanaw sa direksyon ng pinto. Sumenyas lang siya na parang nagpapaalis 'tapos kumalat na naman ang mga maid na kasama niya.
Ano na namang problema niya sa akin? Parang araw-araw na lang niya akong minamata a.
"Naabutan ka ni Morticia kahapon?" tanong pa niya habang nakataas ang kaliwang kilay sa akin.
Hindi ako kumilos pero tumingin ako sa dulo ng mata ko sa kanan. "Opo, Mrs. Serena."
"At buhay ka pa rin."
Hindi ko naman sinasadya pero napabuga ako ng hininga dahil sa inis.
Oo, buhay na buhay pa ako! Ano ba'ng gusto niya? Mamatay na ako agad-agad?
"Mrs. Serena, mawalang-galang na po pero bakit araw-araw n'yo akong tinatanong kung bakit buhay pa ako? Mukha bang may papatay sa akin dito sa Cabin?"
Hindi siya agad sumagot, tinaasan lang ako lalo ng kilay.
Grabe na talaga siya, ibang level na. May kakabog na sa scary level ni Mrs. Fely.
"Sabi ko nga po, hindi na ako magtatanong," sabi ko na lang sabay tingin ulit sa kanan sa dulo ng mata ko.
"Saan ka nakatira bago rito sa Cabin?" tanong niya na ikinataka ko muna bago ko sinagot. Bakit niya tinatanong? Bayad naman na ang renta ko roon a?
"Sa may Aguero po, Mrs. Serena," sagot ko habang sinusundan ng tingin ang mga maid na nagliligpit na sa living room. Kung kumilos sila, parang wala kami sa gitna.
"Sino'ng mga magulang mo?"
Bakit ngayon niya lang ito tinatanong? Saka para saan?
"Sina Fabian at Quirine po," sagot ko habang sinusundan ko ng tingin ang mga maid na umiikot sa paligid namin para maglinis. Ayokong tumingin kay Mrs. Serena, baka irapan ko na naman e.
"Quirine? Dalca?"
Hala!
"Kilala n'yo po ang mama ko, Mrs. Serena?" gulat na tanong ko sa kanya. Bigla siyang nagtaas ng mukha at kunot na kunot na ang noo habang pinandidilatan ako ng mata.
"Ano'ng ginagawa mo rito?" parang may galit nang tanong niya.
Bigla akong ngumiwi sa tanong. Obvious ba?
"Sabi n'yo po, sundan ko kayo," sagot ko.
"Ano'ng ginagawa mo rito sa mansiyon?" masungit na niyang tanong.
"Uh . . . nagtatrabaho po?"
"Sino ang nagpadala sa iyo rito?"
"Si Mr. Phillips? Sabi po niya, dito na ako titira e."
"Imposibleng ipinadala ka rito ni Mr. Phillips."
"Mrs. Serena, nag-apply po ako as secretary ni Mr. Phillips. Siya po ang nagpadala sa akin dito sa Grand Cabin kasi narito nga raw po ang opisina niya."
"Imposible!" Lalo pa siyang lumapit habang pinaniningkitan ako. "Sino . . . ang . . . nagpadala sa iyo . . . rito?" marahan pero mariin niyang tanong na para bang may iba pa dapat akong sagot maliban sa sinabi ko.
E totoo naman! Si Mr. Phillips ang nagdala sa akin dito, alangan namang isagot ko si Lance?
"Mrs. Serena, nag-apply nga po ako as secretary ni Mr. Phillips," pagdiriin ko sa sagot ko kasi nga iyon naman talaga ang rason kaya ako narito! Ano ba naman siya? Makulit, ha? "Wala po akong trabaho, kailangan ko ng trabaho. Ano po ba? May kasalanan po ba ako sa inyo kaya kayo ganiyan sa akin?"
Imbes na sumagot, bigla niyang hinatak ang kaliwang kamay ko at bigla niyang pinadaan sa palad ko ang hinlalaki niya.
"Aray!" Mabilis kong binawi ang kamay ko sa kanya.
Diyos ko naman, hindi pa nga magaling ang sugat ko sa kanang braso, nagdagdag pa siya sa kamay ko!
"Mrs. Serena, ano na namang problema ko sa iyo?" naiinis ko nang reklamo sa kanya. "Ginagawa ko naman ang trabaho ko a!"
Titig na titig siya sa daliri niya bago ibalik ang tingin sa akin.
"Natutulog ka sa blangkong kuwarto sa itaas?" tanong niya habang salubong pa rin ang kilay. "Ilang araw ka nang natutulog doon?"
"Doon po ako natutulog sa kabila," sagot ko habang nakatuon na ang tingin sa palad kong kinalmot niya. Maliit lang ang kalmot, hindi naman nagdugo nang marami, pero naipunan pa rin ng dugo sa pinakahiwa.
"Selyado ang silid na iyon. Walang nakapapasok doon na kahit na sino maliban sa may-ari ng bahay."
"E doon nga po sinabi ni Mr. Phillips na mag-stay ako! Saka yung blangkong kuwarto, parating may dugo!"
"Hindi ka niya pinatulog sa blangkong kuwarto?" nagulat niyang tanong.
"Bakit nga po ako patutulugin doon ni Mr. Phillips e parating may—" Bigla ko siyang pinandilatan nang may maisip ako.
Oooh, kaya ba araw-araw niyang tinatanong kung bakit buhay pa ako? Kasi alam niyang kakainin ako ng mga monster?
OMG.
Ang sama ng ugali ni Mrs. Serena, OMG.
Ah! Baka siguro walang nagtatagal na secretary ni Mr. Phillips kasi hinahayaan niyang kainin ng mga monster doon sa blank room.
Pero bakit sa blank room?
"Wala pong nakakapasok doon sa kuwarto, kahit kayo, sabi rin po ni Morticia—"
"Madame . . . Morticia," mariin niyang pag-ulit sa pangalan ng pinsan ni Mr. Phillips.
"Sabi ko nga po, ni Madame Morticia." Pasimple akong nag-ikot ng mata. Malay ko ba?
"Alam mo ba kung ano'ng klaseng nilalang ang pinaglilingkuran mo, hmm?" mataray niyang tanong.
Napalunok na lang ako habang dahan-dahang tumatango. "Opo. Bampira po si Mr. Phillips."
"At hindi ka pa rin umaalis dito?"
"Wala na nga po akong bahay. Pinalayas na po ako sa apartment unit ko sa Aguero." Ito si Mrs. Serena, napakakulit kausap.
"Apartment? Bakit hindi ka bumalik sa tahanan ng mga Dalca? Hindi iyang nagkakalat na naman ang pamilya mo ng problema rito sa mansiyon."
Nag-angat agad ako ng tingin at ako na ang sumimangot kay Mrs. Serena. Masyado na siyang namemersonal, ha. "Sinunog nga ng mga tao roon ang bahay ng mga magulang ko, Mrs. Serena. Kung may bahay akong mababalikan, hindi rin naman ako magtatagal dito sa lugar na 'to! Ang dami kayang halimaw rito!"
"Ha!" Natawa pa siya nang sobrang sarkastiko sabay pamaywang. "Sinunog? Mainam! Kasalanan ng ina mo kaya namatay ang may-ari ng bahay na ito! Huwag ka ngang magsalita na parang hindi ka isa sa mga halimaw na sinasabi mo." Bigla niya akong tinabig sa kaliwang balikat nang maglakad siya palampas sa akin.
Saglit, ano ang sinabi niya? Pakiulit nga ng sinabi niya?
"Magpasalamat ang pamilya mo't binuhay pa sila." Tumalikod ako para makita lang ang mukha niyang parang diring-diri sa akin. "Kakausapin ko si Mr. Phillips ukol dito. Hindi ako papayag na magtagal ka sa bahay na ito kasama siya."
♦♦♦
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top