17. Mortal Being
Sobrang bilis ng tibok ng puso ko habang nararamdaman kong may makirot sa leeg ko. Saglit akong lumayo kay Mr. Phillips habang pinandidilatan siya ng mata. Nagsumiksik ako sa pintuan ng backseat habang nakabalagbag ng upo paharap sa kanya. Sinasabi ng utak kong sumigaw ako ng tulong kasi kinakagat ng bampira ang leeg ko, pero hindi ko sigurado kung tinatraydor ba ako ng utak at buong katawan ko kasi lumapit ulit siya sa akin at binalikan yung leeg kong kumikirot.
Mahina akong napaungol dahil sa nangyari. Napakagat na lang ako ng labi dahil pagbalik ng labi niya sa leeg ko, yung iniinda kong sakit doon, biglang nawala at napalitan ng sobrang ginhawang pakiramdam.
At nakakabanas yung ideya na parang binanlawan ng malamig na tubig yung leeg kong masakit habang nag-iinit yung buong katawan ko.
Napalunok na lang ako at hinayaan siyang mag-stay sa leeg ko para lang hindi ko maramdaman ang sakit. Napapikit ako nang maramdaman kong parang may umaagos na mainit na bagay sa lalamunan ko pababa. Naririnig ko hanggang sentido ang tibok ng puso ko, sobrang lakas. Parang buong katawan ko ang pumipintig. Napahawak ako sa magkabilang balikat niya pang-alalay sa katawan kong nakasiksik sa sulok.
Kinagat niya ako, at kinakagat pa rin niya ako, pero yung sakit, nararamdaman ko lang kapag humihinto siya.
Ganito ba talaga ang pakiramdam? Mainit lang at . . . maginhawa?
Naramdaman kong wala na ang likod ko sa pintuan ng sasakyan at nakaupo na ako nang maayos. Pagmulat ko ng mata, bumalik na naman yung sakit sa leeg ko pagkakita ko sa mukha ni Mr. Phillips na sobrang lapit sa mukha ko. Namumungay ang mga mata niya, siguro gawa ng antok.
Saglit na bumuka ang bibig ko para sana sabihin ang pangalan niya, pero mabilis niyang sinilid ang kamay niya sa ilalim ng tainga ko at inilapit na naman ako sa kanya.
Lalo kong nahigpitan ang paghawak sa balikat niya nang maramdaman kong marahan niyang kinagat ang ibabang labi ko. Mas nadama ko ang mahabang pangil niya at imbis na matakot ako, lalo lang akong napaungol sa hindi ko malamang dahilan.
Siguro kasi masarap yung init.
Bago lang sa pakiramdam. Para bang nasa gitna ako ng ulan habang nakaupo sa harapan ng apuyan. Malamig pero maginhawa. Mainit pero masarap.
Saglit akong lumayo para sumagap ng hangin dahil kinukulang na ako sa paghinga kaso—
"Ay, palaka!" Bigla akong nasubsob sa sandalan ng backseat kasi ang lakas ng preno ng sasakyan namin.
Bigla akong nagbalik sa tamang ulirat nang mapansin kong nakayakap ako kay Mr. Phillips.
Shit.
Dahan-dahan pa akong tumingin sa kaliwa at halos tumalon na ang mga mata ko sa eyesocket pagtagpo ng tingin naming dalawa.
Napatingin ako sa ibaba, nakakandong pala ako sa kanya! Ack! Shet, ano ba'ng ginagawa ko sa buhay ko?!
"Sorry, Mr. Phillips!" Mabilis akong pumaling pakaliwa at nagsumiksik na naman sa may pintuan ng sasakyan habang hatak-hatak yung dress kong umangat dahil sa pagkakaupo ko sa kandungan niya. "Sorry po! Sorry talaga!" Paulit-ulit akong nag-bow para humingi nang tawad.
Eeeeh! Ano'ng nangyari?! Bakit gano'n?!
"Sorry po! Sorry!"
'Chancey."
Bigla akong nanigas sa kinauupuan ko habang nandidilat at nakapaling na naman sa kanya. Hindi na rin ako nakakilos nang bigla niyang hinawakan ang kanang pisngi ko at may itinapal na kung ano sa leeg kong kumikirot na naman. Kinuha niya ang kamay kanang kamay ko at pinahawak sa leeg ko. Tela ang nakapa kong inilagay niya roon.
Nakatitig lang ako sa mga mata niyang pula na naman imbis na ginto.
"Hold it still. Put a pressure on it." Iyon lang ang sinabi niya at bumalik siya sa maayos na pagkakaupo.
Pero kahit kalmado at gising na siya, hindi pa rin mawala ang panlalaki ng mga mata ko habang nakikita kong sinisimot ng dila niya ang ibabang labi niyang nabasa—kung ano man ang basa roon, ayoko nang alamin pa.
Huminto na naman ang sasakyan, bumukas ang pinto, nakahanda na sa labas si Lance, at doon lang ako nakahinga nang sobrang lalim dahil hindi ko na alam ang nangyayari sa Earth!
Banas! Ano yung ginawa ko?! Ano yung ginawa niya?! Ano yung ginawa naming dalawa?!
"Chancey, where are you?"
Shit.
"Saglit po, Mr. Phillips!"
Nagmadali akong bumaba at hinabol sila ni Lance papasok sa Cabin.
Sinilip ko yung tela sa leeg ko. Puting panyo pala na may mantsa ng dugo. Hinawakan ko pa yung kinagatan ni Mr. Phillips. Makirot pa rin naman, pero hindi na gaya ng kirot na sobrang sakit. Mas masakit pa yung sugat sa wrist ko kaysa sa leeg.
Ang init pa rin ng pakiramdam ko, tapos ang init pa ng araw sa hapon. Kaya pagtapak na pagtapak ko sa loob ng mansiyon, para akong lumublob sa malamig na tubig dahil sa lakas ng air-con. Napahinga agad ako nang maluwag.
"And you went out without an appointment, Donovan?"
Napatayo agad ako nang diretso nang makarinig ako ng boses ng babae. Maganda ang boses, mas mababa lang nang isang key sa boses kong soprano. Hinanap ko kung saan galing iyon at napasinghap ako nang makita ko ang isang matangkad na babaeng kasintaas ni Mr. Phillips at nakasuot ng black V-neckline dress na mahaba ang mga manggas at hanggang sahig ang laylayan. Hindi ko masasabing kaedad ko siya kasi mukha rin siyang bampira, pero yung itsura niya, parang nasa 25-29 years old lang. Kung nasa 100 na rin siya, hindi na ako magugulat.
Nagtagpo ang tingin naming dalawa mula sa may pintuan kung saan ako nakatayo at siya sa di-kalayuan sa kanan papuntang dining area.
"So . . . you're that human." Naglakad siya papalapit sa akin kaya napahakbang ako nang isa paatras.
"Uhm . . . hello po, a-ako po si—si Chancey."
Ibinaba niya nang bahagya ang mukha niya para titigan ako nang maigi. Saglit na naningkit ang mga mata niya at para siyang may sinasabing hindi ko ma-gets.
Tinitigan ko rin siya habang nag-aabang ng sasabihin niya.
Lumapit pa siya nang kaunti at lalo pa akong tinitigang mabuti.
Kumunot naman ang noo ko kasi wala talaga siyang sinasabing kahit ano.
Napansin ko agad na pula ang mata niya, gaya ng pagkapula kapag nakakainom ng dugo ng tao si Mr. Phillips. Magkasimputi rin sila, at mahaba rin ang pangil niya. Pero angat na angat ang tulis ng kilay niya at sobrang pula ng labi na hindi gawa ng lipstick. Hindi siya mukhang nakakatakot, pero nakaka-intimidate. Maganda siya—klase ng ganda na parang ang sarap i-paint.
"Donovan!" sigaw niya harap-harapan sa mukha ko. "What is this thing in front of me?!"
Ay, wow, grabe siya!
Ako ba yung tinawag niyang thing?
"She's Chancey, my secretary."
Lumingon siya kay Mr. Phillips na kagagaling lang sa direksyon ng kusina at may tangay-tangay nang carton ng Red Water. "What is she?" pagduro pa niya sa akin.
"She's . . ." Nagkibit-balikat naman si Mr. Phillips. "She's Chancey."
"You don't know what is she? She's not a human."
"Excuse me, tao po ako," depensa ko agad.
"She smells like human. She tastes like human," sabi ni Mr. Phillips na nagpasinghap sa akin.
Tama ba yung narinig ko?! I tastes like human?! HUWAT?
"And if she really is, she's supposed to be dead by now!" galit na sigaw ng babaeng kaharap ko.
"She was supposed to be dead since last week, Morticia. Can't control her." Tumungga na naman si Mr. Phillips sa inumin niya at itinuro ng hintuturong may hawak din sa carton yung tinawag niyang Morticia. "You can go now. Thank you for guarding the house."
"Does Eulbert know about her?"
"Willis found her."
Uh . . . nabanggit si Eul. Ano na'ng meron? Hindi ako nakaka-relate.
"And Eulbert must know what she is!" tili ng kaharap ko.
"Willis didn't tell me anything about that. And I don't even care. She didn't kill her herself, and I'm good with that. I'll go upstairs. I need to sleep."
"Donovan! You can't just bring any unknown being here inside this mansion!" sigaw ni Morticia habang pinanonood naming umakyat si Mr. Phillips sa grandstairs. "What if she's just a shifter?!"
"Her room is upstairs beside mine."
"She sleeps in that blank room?"
"She sleeps across that."
"But that's sealed! Even Serena can't step inside that room!"
"Chancey can." Huminto si Mr. Phillips sa hallway ng second floor at itinuro ang malaking painting na naroon. "Her father painted Marius."
Pagkatapos n'on, lumiko na pakaliwa si Mr. Phillips at hindi na namin siya nakita.
Mabilis na tumalikod si Morticia paharap sa akin at kunot na kunot ang noo niya. Yung kilay niyang maganda ang pagkakaguhit, lalo lang umarko. Minata niya ako gaya ng pangmamata sa akin ni Mrs. Serena na humahagod mula ulo hanggang paa.
"You're Quirine's child," mabigat niyang sinabi.
Dumamba na naman ang malalakas na tibok sa dibdib ko pagkabanggit ng pangalan ni Mama.
Kilala niya ba ang nanay ko?
"I see. You are a mortal." Naglakad na lang siya palampas agad sa akin kaya tumalikod ako para sundan siya ng tingin. Lumingon pa siya sa akin at tinaasan ako ng kilay. "But you're not a human."
"Hah—!" Napasinghap na lang ako nang bigla siyang naging naging itim na usok at natunaw sa hangin.
What the heck?!
Noong nalaman kong dugo pala ang mga mantsang nasa third floor, tinanggap ko nang walang normal sa The Grand Cabin. Natakot ako kay Mr. Phillips, natakot ako sa mga monster tuwing madaling-araw, tapos bigla akong malalamang hindi pala mga tao ang pumupunta roon.
Sabi n'ong Morticia, hindi raw ako tao pero mortal ako.
Ano naman kaya'ng pinagkaiba n'on e pareho lang namang tao 'yon?
Tulog na si Mr. Phillips, alas-tres na rin naman na kasi ng hapon. Napuyat pa tuloy siya kasi labas nang labas kahit hindi naman kailangang lumabas.
Iniwan ni Lance lahat ng paper bags sa may living room kaya inakyat ko na lang lahat ng pinamili namin sa kuwarto ko.
Naalala kong nabanggit ni Morticia na kahit daw si Mrs. Serena, hindi nakakapasok dito sa loob. Hindi ko lang sigurado kung ano ba ang ibig sabihin nila sa "sealed" kasi medyo nalilito pa ako. Sealed kasi dapat naka-lock? Pero hindi wala nga kahit susi yung pinto. Wala ring lock. Ano'ng sealed ba ang sinasabi nila?
Humarap ako sa salamin nang makapagbihis ako ng pambahay na T-shirt at cotton shorts. Tiningnan ko agad yung labi kong may maliit na sugat sa dulo.
Napahugot ako ng hininga nang maalala yung nangyari sa kotse. Sasabihin ko sanang hindi ko naman ginusto yung nangyari, pero bakit naman kasi . . .
Okay, sige, ginusto ko yung nangyari kasi masarap sa pakiramdam. Pero ang weird! Kailan ginusto ng isang victim ng isang vampire na maging victim, aber?
Kinagat ako ni Mr. Phillips sa leeg, at may dalawang pulang tuldok doon na malamang gawa ng pangil niya. Tiningnan ko ang ngipin ko kung hahaba ba pero normal naman lahat. Yung mata ko, brown pa rin. Hindi pa ako maputla.
Hindi ba ako magiging vampire din kasi kinagat niya ako?
Nawala na yung kirot sa leeg ko gawa ng kagat niya, pero yung kirot sa braso kong sinugatan niya, masakit pa rin. Kung alam ko lang na mas mabilis mawala ng kirot sa leeg, e di sana sa leeg na lang ako nagpapakagat. Napagastos pa ako sa benda saka sa alcohol at iodine panlinis ng sugat.
Napabuga na lang ako ng hininga at tinungo na ang black door. Maglilinis pa ako ng kabilang kuwartong puro dugo. Iniwan ko na sa banyo roon ang balde at floor mop kaya pagkatapos kong magsahod ng tubig, naglampaso na agad ako.
Natuyo na yung dugo. Malamang na naghalo na yung dugo ni Mr. Phillips saka ng mga monster dito. Kahit sa bintana, may mantsa na naman ng mga dugo.
Wala akong ideya kung paano sila nilalabanang mag-isa ni Mr. Phillips, pero hindi puwedeng gabi-gabi na lang na mag-isa siyang nakikipag-away sa mga monster sa labas. Tumanaw ako sa bintanang nakabukas. Nabuo na ang baging doon, ibig sabihin, matagal nang bukas at hindi isinasara kahit minsan.
Lumapit ako sa bintana at tinanaw ang buong kakahuyan ng Helderiet. Hindi ko itatangging sobrang ganda ng Woods kapag nasisinagan ng araw, pero malay ko namang may mga masasamang monster pala sa loob ng kakahuyan tuwing gabi.
Naalala ko tuloy si Mama. Noong nakatira pa kami sa dulo nitong lone town, kapag nasa gubat kami, tinuturuan niya akong gumamit ng pana. Sumisipol pa siya ng magandang music tapos maglalapitan lahat ng hayop sa amin. Kung ano yung mahuli, iyon ang magiging hapunan. Nakapag-archery naman ako noong college, pero wala naman kasing papanain sa city kaya ang tagal ko na ring hindi gumagamit ng pana at palaso. For sports naman kasi 'yon, saka hobby lang namin kapag nanghuhuli ng kuneho. At dahil isinara na ang Helderiet Woods, hanggang libot na lang ako sa labas. Wala namang kuneho sa city kaya useless din ang hobby. Ang mahal pa naman ng bow and arrow kahit sa training lang. Sayang kaya ang pera.
Naalala ko yung sipol ni Mama kaya sumipol din ako.
Ang sarap sa tainga ng palagi niyang sinisipol noon. Palaging lumalamig sa paligid.
Parang ang lakas ng sipol ko, nag-echo sa buong kakahuyan. Iba talaga kapag tahimik, ang lakas ng reflection ng sound.
Pahahabain ko pa sana ang sipol ko kaso napahinto ako kasi sumayaw bigla ang mga dahon ng puno sa harapan ko gawa ng malakas na hangin. Pagtingin ko sa ibaba, nagsiipunan sa labas ng kakahuyan yung mga hayop na noon ko lang nakitang nakatira pala roon. Lahat sila, tumapat sa bintana na parang nag-aabang ng pagkain sa akin. E wala naman akong ibibigay.
Kahit yung mga fox na pumapapak ng karne, nakita ko na naman. Naipon yung mga ibon sa tapat ng bintana kung saan ako nakatanaw at parang pinanonood ako.
"Shoo! Shoo! Alis!" Pinaalis ko na lang silang lahat. "'Wag kayo rito! Baka pagalitan ako ng may-ari ng bahay!"
Bumalik na lang ako sa paglalampaso ng duguang sahig. Maya-maya lang, magdidilim na naman. Magluluto pa ako ng hapunan ni Mr. Phillips. Sana lang, hindi maging awkward kasi may nangyaring ayoko naman talagang mangyari doon sa loob ng kotse.
Nakakahiya talaga.
----
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top