13. Guardian
Hindi ko naman itatangging natatakot ako. At ayoko na ring lumabas para mag-walkout kasi gabing-gabi na. Sabi ni Mr. Phillips, hindi raw ako puwedeng matulog sa kuwarto niya kasi nga naman katabi lang ng bintana niya yung bintana sa kabila.
Oo nga naman. Kung doon ako sa kuwarto niya, e di mas delikado ako. Ang tanga ko rin minsan mag-isip.
Kaya ang nangyari, pagkatapos kong maligo at magbihis ng malaking pulang T-shirt at maikling cotton shorts, kinatok ko ang pinto ni Mr. Phillips para sabihing matutulog na ako.
Alam ko namang medyo makapal ang mukha ko para utusan siyang bantayan ako samantalang ako nga yung sekretarya niya, pero siya naman kasi yung powerful sa aming dalawa physically. Saka nag-promise na siyang babantayan niya ako kaya dapat tuparin niya 'yon kasi aasa ako sa salita niya. Saka kapag hindi niya talaga ako binantayan, talagang kakalampagin ko ang kuwarto niya buong magdamag.
Madali namang kausap si Mr. Phillips at hindi na siya nagpapilit. Pagpasok niya sa kuwarto ko, nginitian ko agad siya.
"Doon na lang po kayo sa kama, dito na lang po ako sa sahig matutulog," sabi ko habang tinuturo sa kanya ang higaan kong niligpit ko pa nang bonggang-bongga saka pinabanguhan para hindi naman amoy something na aayawan niya.
"No, that's your bed, Chancey. I'll sit here." Kinuha niya ang wooden chair sa dresser at doon naupo.
"Pero, Mr. Phillips, hindi kayo puwedeng maupo buong gabi." Itinuro ko ulit yung kama. "Doon na lang kayo sa kama."
"I'm good, thank you." Nagkrus siya ng mga braso at binti.
"Mr. Phillips, kayo yung may-ari nitong Cabin, tapos mauupo lang kayo magdamag? Sa sahig naman ako hihiga! Sanay ako sa sahig!"
"I'm not even asking, Chancey." Itinuro niya ang kama gamit ang nakalahad na kanang palad. "Go to sleep, babantayan kita."
Nagpamaywang agad ako. "Mr. Phillips, bakit ba ang kulit mo?"
Nagtaas agad siya ng mga kilay at nagtatakang tiningnan ako. "Excuse me?"
Itinuro ko ulit yung kama. "Doon ka nga kasi sa kama! Ako sa sahig!"
"Are you scolding me, Chancey?"
Kumalma naman ako. "Hindi naman sa gano'n, Mr. Phillips. Ang akin lang, mangangawit kayo diyan sa upuan."
"Chancey, ikaw ang matutulog sa ating dalawa."
"Doon ka," naiinis nang utos ko at itinuro ulit ang kama.
Ang kulit-kulit ni Mr. Phillips, nakakaloka siya. Wala namang kakain sa kanya sa kama. Saka sa sahig nga ako matutulog para komportable siya sa puwesto niya tapos makikipagtalo pa sa akin.
Bumuga siya ng hininga at tumayo na.
Marunong din naman pala siyang sumunod, gusto pang—
"MR. PHILLIPS!"
Napasigaw na lang ako nang bigla niya akong buhatin gamit lang ang kanang braso.
"AAAHH—Aray!" Tumalbog agad ako sa kama nang ibato niya ako na parang manika lang.
"Stay there or I'll eat you alive," banta niya sa akin nang duruin ako. Tumalikod na agad siya at bumalik sa inupuan niya.
"Sabi mo, di ka kumakain ng tao!" sigaw ko sa kanya pagkabangon ko.
"I'll make an exemption if you didn't shut your mouth." Umupo na ulit siya at bumalik sa pagkrus ng mga braso at binti saka ako matiim na tiningnan.
Nanlaki lang ang butas ng ilong ko sa sinabi niya. Ito si Mr. Phillips, siguro allergic lang sa tao 'to kaya ganito ang ugali. O baka ayaw lang talagang mahiga kaya ayaw sa kama.
Sa bagay, tuwing umaga lang pala siya tulog at gising siya sa gabi. Pero kahit pa. Uupo lang naman siya sa kama kasi ito lang yung malambot na upuan dito sa kuwarto ko.
"Mr. Phillips, gusto n'yong dalhin ko rito yung velvet chair mo para di ka mangangalay diyan? Maliit lang 'yang upuan, saka wala kang armrest."
"It's already ten, Chancey. Hindi ka pa ba pagod?"
"Hindi pa."
"Then don't give me reasons para pagurin ka."
"HOY, MR. PHILLIPS!" Napayakap agad ako ng kumot at napaatras hanggang sa headboard habang pinandidilatan siya ng mata. "Hindi porke wala akong experience, manggaganyan ka na!"
Nagtaas lang siya ng isang kilay at itinuro ng ulo ang kaliwa. "I was thinking of throwing you out of the window para ipahabol sa mga shifter. I'm sure, enough na 'yon para mapagod ka."
"WHA—Ang sama ng ugali mo, Mr. Phillips! Bakit ka ganyan?!"
"Kapag sumigaw ka pa nang sumigaw, lalo mo lang silang tatawagin."
"HAH—" Napatakip agad ako ng bibig dahil sa sinabi niya.
"Sleep." Nag-snap siya ng daliri na ikinataka ko.
"Ha?"
"I said sleep." Nag-snap ulit siya ng daliri habang nakatitig sa akin.
"Matutulog naman ako, Mr. Phillips, sir."
Bigla siyang napayuko at matunog na nagbuntonghininga. Pag-angat niya ng tingin, mukha siyang frustrated. "Are you some kind of a witch or something? First, you could not hear me. Now, you can't be manipulated. Are you sure you're a human?"
"Ha?"
Napailing na lang siya at pabagsak na sumandal sa wooden chair. "Just . . . just sleep. Please."
Umungot lang ako at inirapan siya. Ang weirdo talaga ni Mr. Phillips. Ang sabi niya, vampire siya. Pero maliban sa itsura niya, hindi ko naman maramdamang vampire talaga siya. Akala ko, mangangagat siya ng leeg hanggang mamatay ako kaso hindi naman niya ginawa.
Hindi kaya poser siya?
Kaso may animal blood supply siya sa ref. Ay, pero sinugatan niya pala ako. Napatingin tuloy ako sa sugat kong hindi ko na tinakpan ng benda kasi hindi naman na dumudugo, pero kita pa rin ang sugat. Baka hindi lang siya sanay sa tao talaga. Mas okay na 'yon, at least alam kong safe ako kapag kasama siya.
"Mr. Phillips, matutulog na po ako."
"You better be."
Umungot na naman ako at saka nagtalukbong ng kumot. Wala naman siguro siyang gagawing masama sa akin kahit magtulog mantika ako.
Baag!
Baag!
Baag!
Malalim akong matulog, pero ayoko talaga ng klase ng gising na nakakagulat. Hindi ako agad nakakahinga.
Baag!
Baag!
Baag!
Nagising na naman ako sa kalagitnaan ng pagtulog nang marinig na naman ang mga kalabog na iyon.
"Mr. Phillips?"
Pupungas-pungas pa ako pagkabangon. Nakasimangot ako habang nililibot ng tingin ang buong kuwarto ko. Hindi ako sanay na patay ang ilaw kapag natutulog kaya kakapa-kapa ako kasi walang ilaw sa buong kuwarto.
"Mr. Phillips?"
Brownout ba? Bakit walang ilaw?
"Mr. Phillips, nasaan ka?"
Paghakbang ko, nakapa ko agad ang switch ng ilaw at napapikit agad ako dahil sa pagsabog ng liwanag sa kuwarto.
Baag!
Baag!
Baag!
Biglang bumigat ang paghinga ko at bumalik na naman yung mga tibok ng puso kong sobrang bilis. Wala si Mr. Phillips sa kuwarto. Nasa tabi ng pintuan yung wooden chair at wala siya roon.
"Ano ba naman 'yan?" naiinis kong sinabi habang kakamot-kamot ng ulo. Saan na naman kaya nagsuot 'yong boss kong matigas ang ulo? Dahan-dahan kong binuksan ang pinto at gumuhit ang liwanag sa kabilang pintong kumakalabog na naman.
Sinilip ko ang sahig.
"Ano ba naman—aaay!" Binuksan ko agad nang malaki ang pinto kasi baha na naman ng dugo sa sahig. "Mr. Phillips, nasa kuwarto ka ba?!" sigaw ko sa dulong pinto ng kuwarto niya.
Wala namang sagot. Ano na namang— Don't tell me, nasa loob na naman siya ng black door?
"Mr. Phillips?" pagtawag ko sa tapat na pinto. Bumalik ako sa loob ng kuwarto at dumampot ng metal hanger sa closet saka bumalik sa may pintuan. "Mr. Phillips, nandiyan ka ba sa loob?"
Baag!
Baag!
Baag!
Napahawak agad ako sa dibdib kong parang tanga, sumasabay sa kalabog sa kabila. "Mr. Phillips?"
Humakbang ako sa madugong sahig at pinihit ang door knob sa kabila.
"Aaaahh!" sigaw ko para manakot sa kung ano mang nilalang ang naroon.
Bigla na namang bumagsak ang katawan ni Mr. Phillips sa madugong sahig. "Mr. Phillips!"
Pagtingin ko sa bintana ng kabilang kuwarto, may malaking ibong lumilipad sa labas. Nanlaki ang mga mata ko nang pasugod siya sa loob ng kuwarto kaya pabagsak ko na namang isinara ang pinto at hinatak na naman si Mr. Phillips papasok sa kuwarto ko.
Mabigat na naman ang paghinga niya kaya nadadamay na naman ako habang nakatingin sa kanya.
"Bakit ka na naman lumabas ng kuwarto?!" singhal ko sa kanya nang ilapag ko na naman siya wooden chair. "Ano ka ba naman?!"
Hingal na hingal siya habang pinupunasan ang duguang pisngi ng duguan ding kamay.
Nanginginig ang kamay kong ibinato ang hanger sa sahig at mabilis akong kumuha ng malinis na face towel sa closet para punasan siya.
"Mr. Phillips, akala ko ba, babantayan mo 'ko? Gabing-gabi, lumalabas ka ng bahay?!" Ibinagsak ko sa balikat niya ang face towel saka ako kumuha ng panibago bago pumunta ng banyo.
Ang tigas-tigas ng ulo! Siya na ang nagsabi, delikado sa labas, tapos lalabas pa siya ng bahay? Ano ba? Gusto ba niyang nasasaktan araw-araw?
Pagkakuha ko ng bowl, inilapag ko agad iyon sa sahig at lumuhod sa harapan niya para punasan siya.
"Kita mo, puro ka na naman sugat! Gangster ka ba, ha? Masokista ka?" sermon ko sa kanya kahit na nanginginig ang kamay ko habang tinitingnan siya.
Hindi ba siya nasasaktan, gabi-gabi na lang siyang nakikipag-away sa kung ano mang mga monster yung sinasabi niya?
Wala na naman siyang damit. Kaya lalong nasusugatan e.
"Ano ka ba naman, Mr. Phillips? Bukas na bukas nga, isasara ko na yung bintana sa kabila. Hindi ka makali rito sa loob?"
"N-Nauuhaw ako . . ."
Natigilan ako at napatingin sa kanya. Nakapikit lang siya habang nakatingala at hinihingal.
Nauuhaw siya. Yung mga inumin niya, nasa ref sa baba. Sakalin na lang niya ako, hindi ako lalabas doon, baka nasa baba yung mga humahabol sa kanya. Mahal ko pa yung buhay ko.
"O, eto." Nakasimangot kong inabot ang kanang braso kong may sugat na.
Sinugatan na niya ako noong nakaraang gabi, hindi naman niya ako kakainin, nauuhaw lang naman daw siya.
"Aray—" Nakagat ko agad ang labi ko at nag-iwas ng tingin nang hawakan niya iyon at ilapat na naman ang labi niya sa galang-galangan ko.
Napalunok na lang ako nang maramdaman kong gumagapang na naman ang init sa buong braso ko papunta sa balikat.
Ewan ko ba kung gawa ng OA na pagtili ko noong nakaraan kaya hindi ko naramdamang biglang uminit din ang pakiramdam ng buong katawan ko. Para akong nilalagnat. Ilang saglit pa, nawalan na rin ang init na iyon at napalitan ng kirot gawa ng sariwa na namang sugat sa balat ko.
Ang lalim ng buntonghininga ko nang tingnan ang braso kong buka na naman ang sugat. Bumalik ako sa loob ng banyo para balutin ng natitirang benda sa medikit ang panibagong sariwang sugat sa puno ng kamay ko.
Mukhang isasama ko na yata sa budget ko ang benda dahil sa ginagawa sa akin ni Mr. Phillips. Kung hindi man, magdadala na ako sa mini ref ko rito sa kuwarto ng stock niya ng Red Water para hindi ako ang ginagawa niyang refreshments tuwing nakikipag-away siya sa mga monster sa labas.
Binalikan ko na agad siya para ipagpatuloy ang paglilinis. Lumuhod na lang ako sa harapan niya at binalikan ang duguang metal bowl. Kumalma na siya at hindi na mabigat ang paghinga. Piniga ko na lang ang towel na pinanlilinis ko sa kanya.
"Mr. Phillips, puwede naman sigurong hindi ka lumabas tuwing gabi, di ba?" tanong ko sa kanya habang pinupunasan ang matigas niyang dibdib na may mga kalmot na naman pero tatlong hiwa lang na magkakatabi ang naroon. Angat na angat pa naman ang sugat dahil sobrang putla ng balat niya.
"I . . . I hope . . . I can do that," mabagal at mahina niyang sinabi. Napaangat tuloy ako ng tingin kasi mukhang nahihirapan pa siyang sumagap ng hangin gawa siguro ng pagod.
Pula na naman ang mga mata niya habang nakatitig sa akin. Kitang-kita ko sa namumungay na mga mata niya ang pagod.
Gusto kong makaramdaman ng takot dahil sa mga mata niya, pero mas nangingibabaw sa akin ang awa.
Sige, sabihin na nating malakas nga si Mr. Phillips kasi gabi-gabi niya itong ginagawa, pero gabi-gabi na ganito?
Nagbuntonghininga ako at pinagpatuloy ang paglilinis sa kanya.
"Mr. Phillips, doon ka magpahinga sa kama. Please lang, 'wag ka nang makipagtalo," sermon ko sa kanya kasi mukha na talaga siyang pagod at sobrang dami pa ng sugat niya.
"I'm okay."
"Okay? Puro ka sugat, okay? Gusto mong dagdagan ko 'tong mga sugat mo?"
Napansin kong natawa siya nang mahina at biglang tumaas nang bahagya ang pitch ng mababa niyang boses. Kahit naiirita ako, tiningnan ko na naman ang mukha niya. Nakangisi lang siya habang kinakapa na naman ng dila ang pangil niya.
"'Wag mo 'kong tawanan. Di ako nakikipagbiruan sa 'yo," pairap kong sinabi sa kanya saka tinapos ang pagpunas sa katawan niyang puro dugo.
Baag!
Baag!
Baag!
Sinimangutan ko agad yung ingay sa pinto. Imbis na matakot, lalo lang akong nairita.
"Bahala ka, magdabog ka mag-isa mo diyan," bulong ko sa pinto. Tumayo na ako at kunot-noong tiningnan si Mr. Phillips na nakangisi pa rin habang sinusundan ako ng tingin. "Dumoon ka," masungit na utos ko at itinuro ng ulo yung higaan ko. "Gabing-gabi, labas nang labas para makipag-away. Ewan ko sa 'yo, Mr. Phillips." Pumunta agad ako sa banyo para magligpit ng mga duguang gamit. "Doon ka sa kama, ako'ng magbabantay sa 'yo ngayon. "
---
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top